Share

Chapter 6

Mariin niyang hinawakan ang palapulsuhan ko at hinaplos ang buhok ko. Nanghihina nalang akong napahakbang papaatras at humiling na sana ay may makakita sa 'kin, kahit si Ytang man lang o si Lowelyn.

"'Di ko alam kung bakit mo 'yan tinatago," sabi niya sa nagtatakang boses, habang ako naman ay nag-iwas nalang ng tingin. "Kasi maganda naman, at marami ang humihiling na ganiyan ang buhok, pero itatago mo lang, bakit?"

Salamat nalang at hindi niya na 'ko tinanong pa. Nakahinga na rin ako nang maluwag nang tumalikod na 'to at iniwan akong may kaunti pa ring kaba sa dibdib. Napahawak ako sa buhok ko. Bakit niya nalaman?

'Patuloy lang ako sa pagsusuri sa sariling buhok nang mapansin ko ang dulo na nawawala na ang peke na kulay. Ito pala... Kaya pala nalaman niya. Bumuntong-hininga nalang ako at napatingala sa langit at balik na naman sa buhok. At least, siya lang ang nakapansin nito.

Pagkabalik ko sa mansyon, wala na si ate, at sabi ni lola ay pumunta ito sa isang resort. Patakbo kong tinahak ang sariling kwarto at hinanap ang bagay na parati kong dala-dala sa kung saan man ako magpunta.

Hershly. Sa lahat ng tao, siya lang ang 'di ko akalaing makakapansin sa pagkatao ko, na sa ilang taon kong pagtatago ay siya lang talaga. Siguro ay magaling lang talaga siyang kumilatis. Base sa color ng buhok niya, masasabi kong baka nga, na baka expert siya sa mga ganito.

Lutang kong tinitigan ang isang box. Sa bagay na 'to, hindi nila malalaman na isa akong blonde, sa bagay na 'to, matatakpan nito ang tunay kong pagkatao. Inayusan ko ang sarili at naging madali lang naman kasi 'yung dulo lang ng buhok ko ang nilagyan ko. Sinigurado ko rin siyempre na naka-lock talaga ang pinto at baka may biglang pumasok -- nasa sala pa naman si lola.

Hanggang lumipas ang ilang minuto ay kinakabahan pa rin ako. Wala naman akong nagawang masama pero natatakot ako, pakiramdam ko mayamaya'y maaaring malaman na rin ni Ytang ang tungkol sa 'kin. Alam ko namang 'di naman siya magagalit sa 'kin, batid kong tatanggapin niya pa rin ako, sadyang mas nangingibabaw lang ang takot ko. 'Yung ganoong pakiramdam.

Naligo nalang muna ako saglit para kahit papaano'y magkasigla naman ang walang lakas na katawan. Isang dress na hanggang tuhod nalang ang sinuot ko at ang isang flat sandal tutal ay may plano rin akong puntahan mamaya. Wala pa nga lang akong plano kung saan ako pupunta, siguro'y depende nalang kina Ytang, Joyce at Lowelyn. Kung saan sila ay doon nalang din ako.

Paglabas ko ng kwarto, kaagad kong tinahak ang sala. Noong una ay plano kong magpatuloy nalang sa paglalakad, pero nang makita ang piano ay natigilan ako sandali. Gusto kong tumugtog, pero mali, mali kasi 'di ko na dapat binabalikan ang nakaraan. Marami pa naman 'atang ibang bakante na mapagkakaabalahan, 'no? Baka may iba pang para sa 'kin, baka may mas mainam pa kaysa sa pagpa-piano.

Tuluyan na nga akong bumalik sa kwarto at kaagad nag-lock. Napasandal ako sa pinto at napapikit. Papaano ko makakalimutan ang bagay na 'yun kung paulit-ulit ko namang nakikita kapag nasa sala ako? Nakakainis naman.

Humiga nalang ako sa kama at hinintay si Ytang, nag-text kasi 'to at sinabing ngayon na lang siya babalik dito dahil may inasikaso 'to bahay nila kagabi. Niligpit ko na nga lang ang mga gamit na ginamit ko kanina at baka maabutan pa 'to ni Ytang.

"Omoo! Frency, may blessing, isang blessing galing sa langit!" boses ni Ytang ang nagpaupo sa 'kin. Mabuti nalang din at masigla na talaga siya ngayon, hindi kagaya kahapon na medyo matamlay pa. "May tao sa sala, hulaan mo kung sino!'

Inalog niya ko nang pagkalakas-lakas, kaya natawa nalang ako sa inakto niya. Tumango na lang ako at mayamaya'y sinenyasan siyang magpahinga na muna. Mukha kasi siyang sumabak sa marathon. Hinihingal 'to at nakalimutan na 'atang huminga nang malalim para mapakalma ang sarili. Iritado lang 'tong nagkibit ng balikat nang makita na 'di ako interesado.

"Labas tayo, makikita mo siya, tara!" sigaw niya na naman at hinila ang isa kong kamay kaya puwersahan akong napatayo. "Nasa sala si Spencer!"

At doon ako natigilan. Bagaman matagal nang sinabi ni lola na mahilig pumarito ang lalaki na 'yun ay 'di pa rin ako nasasanay. Ang kinalilituhan ko nalang talaga ay kung bakit siya nandito, I mean halata naman sa itsura niya na mayaman sila, at sigurado rin akong afford nila kahit sampung piano pa, kaya bakit siya nandito? Baka ay only child lang siya. Ayst, nakakalungkot ang ganoon.

"Crush mo pa rin siya?" tanong ko sa kaniya at sinuri ang mukha nito. Tumango naman 'to bilang sagot at tumalun-talon. "'Di ka na nasasaktan, sure ka?" Naninigurado lang naman. Baka ay pinipinilit niya lang ang sarili na makalimot. Ang sakit no'n.

"Kahapon lang naman," masaya niyang sagot at uupo pagtapos ay tatayo na naman. Nakakahilo siya. Halata talagang excited na makita muli ang lalaki na 'yun. "Okay na ako ngayon, kaya nga naka-smile na 'ko, o'!"

Ngumiti ito nang todo-todo, kaya pabuntong-hininga akong napatawa. Sabay kaming lumabas sa kwarto at bumaba na sa sala, pero pagdating namin sa pwesto ng piano, wala namang tao. Hindi kaya nag-iimagine lang 'to si Ytang? Kasi sobra na siyang nasaktan kaya kung anu-ano nalang ang naiisip niya?

"Wala naman, a'?" Nagkamot ako ng ulo at sinilip pa nga ang ilalim ng sofa para mas lalong makompirma kung may tao ba talaga o wala. "Baka imagination mo lang, Ytang."

Dumaan ang lungkot sa mga mata niya, pero kita ko pa rin naman 'yung ebidensiya na nagsasabi siya ng totoo.

"O', nasaan na ang bata na 'yun?" tanong ni lola nang magkaharap kami. Kumunot saglit ang noo ko at mayamaya'y naintindihan na rin sa wakas ang nangyayari. "Umalis na? Biglaan 'ata?"

Napabaling naman ako kay Ytang. Mukha 'tong masaya kasi napag-alaman niyang 'di lang basta-basta imagination ang nakita niya kanina, na talagang nandito si Spencer. Ang problema ay umalis nga lang. Pero sa kabilang banda, gusto ko siyang marinig na mag-play, 'yung talagang pipindutin niya na ang keys, 'di 'yung titigan niya lang ang piano.

"Anyway, have you had breakfast?" pag-iiba nalang ng usapan ni lola at tiningnan niya si Ytang, at masaya silang nagtanguan. Close kasi sila. At pareho ring palabiro. "Tara, pinagluto ko kayo!"

Tumalikod na 'to at dahan-dahang naglakad patungong kusina, aalalayan pa nga sana siya ng private nurse niya nang sinenyasan lang niya ito na okay na. "Lola, delikado po ang ganoon! Ikaw lang po ang nagluto?" kaagad kong tanong, habang si Ytang naman ay napatango-tango sa sinabi ko. Hala, delikado talaga 'yun!

Okay lang sana kung may kasama siya sa pagluluto, papaano kung wala? Nakakahiya naman. Feeling ko ay kain lang ang pinunta ko rito.

"May kasama ako kanina, apo. Si Spencer."

Nagkatinginan kami ni Ytang, at napagmasdan ko na naman ang 'di masukat na paghanga sa mga mata niya. Gustong-gusto niya talaga ang lalaki. Sinsero akong napangiti at tinapik siya sa balikat, saka'y parang nandidiri lang niya 'tong inalis at binigyan ako ng sapak.

"Magaling ba siyang magluto, lola?" rinig kong tanong ni Ytang. Nagsimula nalang ako sa pagkain at nalito pa nga kung gagamit pa ba ako ng tinidor, e', 'di naman ako sanay, kaya tanging kutsara nalang ang ginamit ko. Ganoon din naman si Ytang, 'di pareha ni Isbelle na ang dami pang gulo sa buhay. "Magaling po ba siya, lola?"

"Magaling. Magaling. Napakagaling, Arianne," sabi ni lola. Natatawa kaming nagkatinginan. Batid kong alam niya nang may something 'tong si Ytang. Panay kasi ang tanong. Imposibleng walang makakahalata sa mga salita niya. "He has been helping me a lot. Bakit, Arianne, magaling ka rin bang magluto?"

"Opo!" sagot ng kaibigan ko at pumalakpak sa sobrang saya. "Ako po ang cook sa bahay namin!"

Nakakapanibago rin siya, kasi ang galang niya ngayon, madalas kasi ay parati lang 'to barumbado kagaya ni Lowelyn. Well, ayaw kasi ni lola sa mga 'di siya ginagalang, gusto niya 'yung kapag kinakausap siya ay may kasamang 'po' at 'opo'. Ganiyan talaga siguro ang matatanda.

Ang ibang mga kabataan kasi ngayo'y nakakalimutan na 'ata ang mga ganiyang salita. Kahit ako rin naman, 'di rin kasi maiwasan minsan, lalo na nga kapag kasama mo ang makukulit mong kaibigan, talagang makakalimutan mo nang maging magalang.

Matapos kumain ay nagpaalam kami ni Ytang na mamasyal muna. Siyempre ay nag-volunteer muna ako na maghugas ng plato para may maitulong naman kahit papaano -- nagtulungan din naman kami ni Ytang. Mukhang wala rin pala si mama ngayon, 'di ko kasi siya nakita.

Malapit na kami sa bahay namin nang muling nagpaalam si Ytang sa 'kin. Nag-text daw kasi ang tita niya na ipapaalaga muna ang pamangkin niya sa kaniya. Siya na lang kasi ang mapagkakatiwalaan sa bahay nila, kaya siya nalang din ang pinapaalaga sa mga bata.

"Sorry, Frency!" nagmamakaawa niyang sabi. "Hindi na kita masasamahan! Sorry talaga!" Malapit na 'ata 'tong maiyak. Ang OA naman. Hindi niya naman kailangang mag-sorry.

"Hoy, Ytang, 'wag mo na 'yang uulitin!" Sinapak ko siya sa balikat. "Hindi mo naman kasalanan na naging mabait kang pamangkin at pinsan, 'no! Sige na, okay lang ako!"

Tinaas ko pa ang kanang kamay sa ere. Ano ba 'to, 'di naman ako bata para alalahanin pa, at isa pa malapit na ako sa bahay namin. Wala naman 'atang kakain sa 'kin.

"Bukas nalang talaga!" sigaw niya pabalik at nagmamadaling tumalikod. "Babawi nalang ako!"

"Sige. Sige, bahala ka," natatawang nasabi ko. Pinagmasdan ko nalang ang likod niya na papalayo. Masipag kasi si Ytang... 'Di man halata minsan pero napaka-responsable niya. Sa bahay nila'y  marami naman sila roon, pero siya lang talaga ang inaasahan. "Ang OA, wala namang kakain sa 'kin dito," muli kong naibulong.

Isang hakbang ay kaagad akong napatigil nang may maramdaman na tao sa likod. Kalmado ko 'tong nilingon at nakita ang babaeng may pink na buhok. Wala naman siyang kasamang iba hindi kagaya kanina kaya 'di na 'ko kinabahan pa. Medyo naiinis na nga lang ako. Ewan ko kung bakit pero naiirita ako sa kaniya. Marahil ay dahil sa siya lang ang lubos na nakakakilala sa 'kin.

"May nagawa ba 'ko?" inosente niyang tanong. Kunot-noo nalang akong umiling at nagkibit ng balikat. "'Wag kang ganiyan, 'di bagay sa 'yo. Dapat ay nakangiti ka lang palagi," nang-aasar niyang sabi at muling binalingan ang buhok ko, kaya muli na naman akong nakaramdam ng kaba. Bakit panay ang lapit niya sa 'kin? Bakit niya 'ko pinapakealaman? E, 'di ko nga inano ang pink niyang buhok.

Sa ikalawang pagkakataon ay muli niya na namang hinawakan ang buhok ko, basta'y 'di ko na napigilan ang sarili at naitulak ko siya, pero 'di ko naman inaasahan na sa kanal siya mahuhulog. Nanlaki na tuloy ang mga mata ko sa gulat at akma na sana siyang tutulungan nang may isang lalaki ang biglang dumating at parang galit at diskompiyado.

"Marla," sabi ng lalaki sa nagpipigil na boses at saka tinulungan si Hershly na makaahon sa kanal. Nang magkaharap kami ng babae ay mas lalong kumalaro ang napakabahong amoy. Gusto ko nang umiyak. 'Di ko naman 'yun sinasadya, siya lang kasi 'tong lapit nang lapit sa 'kin.

Nanatili na nga lang ako na nakatayo sa kanilang dalawa. Ano'ng relasyon nila sa isa't isa? Bakit nandito si Spencer?

"Sorry, 'di ko po 'yun sinasadya," mahina kong bulong habang nakayuko pa rin. Nakaka-guilty, at 'di ko 'ata kayang tingnan silang dalawa nang mata-sa-mata. Ang problema na nga lang ay 'di naman sila umiimik, kaya mas lalo akong nalilito kung galit ba sila o galit na galit na.

Makalipas naman ang ilang sandali ay naramdaman ko silang umalis na. Para naman akong napako sa kinatatayuan. Ano 'yun? Okay lang sa kanila? Galit ba sila? At bakit parang 'di na ako kilala ni Spencer? Nakalimutan niya na ba 'ko?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status