Share

I'm inlove with a PRIEST

I'M IN LOVE WITH A PRIEST

[General Fiction/Romance]

A/N: Must read the PROLOGUE first before this chapter. Thanks.

-----

[CHAPTER 1]

“Hi.” Bati ko sa guwardiya. Kasalukuyan akong nasa kumpanyang pinagta-trabahuan ng papa ko ng mga sandaling iyon. “Kay Engr. Kandelario Rodriguez ako.”

“May appointment po kayo sa kanya ngayon, Ma’am?”

“Oo, meron.”

“Complete name n’yo, Ma’am?” Tanong nito habang pinapasadahan nito nang tingin ang listahan ng mga possible visitors. Sa tingin ko’y baguhan ito kaya hindi ako nito kilala.

“Myanda Kandice Vasquez Rodriguez.”

“Ano po kayo ni Engineer Kandelario?”

“Anak sa labas.” Seryosong tugon ko rito na bahagya nitong ikinatawa. “May nakakatawa ba sa sinabi ko?”

“Wala naman po, Ma’am. Napansin ko lang po kasi na mas maganda pa po kayo kaysa sa mga tunay na anak ni Engineer.”

“Yeah, of course. Diyosa kasi ang mama ko eh, ang mommy kasi nila’y bruha.” Tugon ko na mas lalo nitong ikinatawa. “Masayahin ka ano?”

“Nakakatawa po kasi kayo, Ma’am eh.” Tugon nitong patuloy pa rin sa pagtawa. “Tila ang sarap n’yo pong kausap.”

“Sa tingin ko’y masarap ka rin...” I said grinning as I winked at him, he instantly blushed. “Kaya kapag hindi mo pa ako pinapasok ay baka makain na kita.”

“Sorry po, Ma’am.” Namumula pa ring turan nito. “Sige po, pasok na po kayo.”

“Salamat.” Nakangiting tugon ko rito bago ko ito muling kinindatan. Nangingiti pa itong sumaludo sa akin.

Agad akong nagtungo sa Engineering Department kung saan naroroon ang papa ko. Bahagya akong sumilip sa pintuan ng opisina niya at sakto namang pag-angat nang kanyang paningin kaya agad niya akong nakita.

“Myanda!” Nakangiting bati sa akin ni papa. Feel na feel niya talagang tinatawag ako sa pangalang ‘Myanda’, samantalang ako’y yamot na yamot. Pakiramdam ko kasi’y pang-sinaunang panahon pa ang pangalang ito. Kung p’wede ko lang pabinyagang muli ang sarili ko para papalitan ang pangalan ko ay ginawa ko na sana.

“Hi, papa.” Nakangiting bati ko rin sa kanya pagkapasok ko sa opisina niya. Agad s’yang tumayo mula sa pagkakaupo para salubungin ako.

“Kumusta? Mukhang bising-busy ang bunso ko, ah.” Turan nitong inakbayan ako. Sabay kaming naglakad patungo sa sofa. “Halos isang buwan ka ring hindi nagpakita sa akin.”

“Sorry, papa. Kinailangan ko kasing maghabol sa deadline, eh. Tinapos ko ‘yong novel ko.” Tugon ko nang maupo na kami sa sofa. “Alam mo naman ‘yong boss ko, tila ba pinaglihi sa sama ng loob. Lagi na lang galit. Ma-late lang kami sa pag-submit ng manuscript, eh tatadtarin na kami ng sermon.”

“Sinabi ko naman kasi sa’yong itigil mo na ‘yang pagsusulat. Hindi mo ‘yan kailangang gawin para kumita ng pera.”

“Papa, hindi ko naman ginagawa ang pagsusulat para lang kumita ng pera. Yes, this is my job, pero passion ko rin ‘to.”

“Passion mo, pero nai-stress ka.”

“Nai-stress lang po ako sa boss ko dahil sa pressure, pero hindi naman sa pagsusulat.” Giit ko. “Don’t worry, papa, ayos lang naman ako at saka, maganda pa rin naman ako, ‘diba? Hindi pa naman ako mukhang haggard.”

“Sobrang ganda.” Tumatawang tugon ni papa.

“Kaya love kita, eh.” Nakangising turan ko kay papa bago ako sumubsob sa dibdib niya para maglambing. “I missed you, ‘Pa.”

“Missed you, too, ‘Nak.” Turan n’yang hinaplos ang mahaba kong buhok. “Kumusta pala ang mama mo?”

“She’s good, but still mad at you.” Pabiro kong tugon kay papa bago ako tumayo mula sa pagkakaupo. Lumapit ako sa personal refrigerator ni papa at kumuha ng isang bottled water mula rito at isang Snickers candy bar.

“Tell her that I missed her so much.” Nakangiting sabi ni papa. “And I love her.”

“Lagi ko namang sinasabi ‘yon sa kanya, papa, pero hindi naman siya naniniwala na.” Tugon ko bago ako bumalik sa sofa.

“Naintindihan ko naman ang mama mo.” Seryosong tugon ni papa.

“But don’t worry, papa, I know that she’s still in love with you.” Nakangiting sabi ko kay papa habang binubuksan ko ‘yong Snickers.

Ikalawang pamilya lang kami ni papa. May tunay kasi s’yang pamilya. Totoong anak ako sa labas, pero hindi naman ‘yon ipinaparamdam sa akin ni papa. Ang totoo nga n’yan ay proud na proud pa s’yang ipakilala ako sa ibang tao bilang bunsong anak niya.

Siguro’y kay mama ako nagmana. Madaling utuin ng isang lalaki, ang pagkakaiba nga lang namin ni mama ay tanging si papa lamang ang nang-uto sa kanya. Pinaniwala siya nito na binata ito nang magkakilala sila hanggang sa nagsama sila at nagbunga ang kanilang pagmamahalan at ako nga iyon.

Pagkalipas ng ilang taong pagsasama’y saka lang natuklasan ni mama ang katotohanang may asawa’t mga anak na pala si papa. Sobrang nagalit siya sa huli. Halos isumpa niya nga ito, mabuti na lamang ang nag-exist ako sa mundo dahil kundi’y tiyak na napatay na niya si papa.

Sobrang bata ko pa ng mga panahong iyon kaya hindi ko pa lubos na naiintindihan ang mga nangyayari, nakikiiyak lang ako kay mama kapag nakikita kong umiiyak siya noon lalo na kapag sinusugod siya para awayin ng asawa ni papa.

Nang magkaisip ako’y nakaramdam ako ng sama ng loob kay papa, pero hindi nagtagal ay naglaho rin iyon dahil hindi naman siya nagkulang sa amin ni mama. Sinusuportahan niya pa rin kami, pilit niya pa ring ipinapadama sa amin ang kanyang pagmamahal, ‘yon nga lang, hindi buo ang oras niya para sa amin ni mama dahil kahit na baliktarin mo man ang mundo’y alam naman nating lahat na mas may karapatan pa rin ang tunay n’yang pamilya sa kanya kaya nga ang lakas ng loob ng mga ito na awayin kami ni mama.

“Nga pala, Myanda, gusto kong ikaw na ang mag-manage no’ng restaurant.” Turan ni papa habang feel na feel ko ‘yong pagkain ng Snickers. Mahilig talaga ako sa chocolates at isa ito sa mga kahinaan ko.

“Bakit ako, Papa?”

“Kasi hindi ko na ito maasikaso, ikaw lang ang nakikita kong p’wede kong pagkatiwalaan.”

“Wala naman akong alam sa pagpapatakbo ng negosyo, Papa? Besides, natatakot ako sa bruha mong asawa at mga anak n’yong impakta. Mayayari na naman ako sa mga iyon kapag nalaman nilang sa akin mo ipagkakatiwala ‘yong restaurant n’yo.”

Totoo ang sinabi ko. Hanggat maaari ay ayaw kong magkaroon ng connection sa tunay na pamilya ni papa, hindi naman sa totally natatakot ako sa mga ito kaya lang ayaw ko nang magkaroon pa ng gulo sa pagitan namin kasi alam kong sa bandang huli’y si papa ang naiipit kasi kahit sabihin at ramdam ko naman talaga na mas matimbang kami ni mama sa puso ni papa ay pamilya niya pa rin ang mga ito.

Minsan na akong sinaktan ng asawa ni papa, ilang beses na rin akong pinagsalitaan at kinutya ng kanyang mga anak at ayaw ko nang maulit pa ang mga pangyayaring iyon dahil baka hindi na ako makapagtimpi, baka magdilim ang paningin ko at mapatay ko lamang sila.

The way na itrato nila ako ay tila ba isa akong salot. Kunsabagay, may makakahati kasi sila sa mamanahin nila kay papa kaya gano’n na lamang ang galit nila sa akin, pero hindi ko naman ginustong maging anak ako sa labas. Hindi ko naman inutos sa papa ko na lokohin niya ang mama ko, at hindi ko rin inutos sa mama ko na magpaloko siya sa papa ko para mabuo ako at isilang sa mundo.

Kasi kung ako ang masusunod, mas gugustuhin ko pa ‘yong simple lang ang buhay namin. Kahit mahirap lang, basta buo ang pamilya. ‘Yong walang nangungutya, ‘yong kahit wala kang gadgets na mamahalin, pero tahimik naman at panatag ang buhay mo. ‘Yong wala kang aalalahanin na baka isang araw ay bigla na lang may sumabunot sa’yo.

“Anak, binata pa lang ako ay pag-aari ko na ang Kandi Seafoods Restaurant kaya wala silang karapatang makialam kung kanino ko ito ipagkakatiwala.” Seryosong turan ni papa. “Matanda na ako, Myanda, hindi ko na kayang asikasuhin pa lahat kaya sana nama’y mapagbigyan mo ako. Mas makakatulong din ito sa inyo ng mama mo.”

“Sige po, Papa.” Tugon kong napipilitan.

“Thank you, ‘Nak.” Nakangiting sabi ni papa. “Kilala ka naman na ng mga crew do’n kaya no need na i-introduce pa kita.”

“Okay, ‘Pa, pero mahaharap ko ‘yan pagbalik pa namin ni mama.”

“Pagbalik, galing saan?” Agad nangunot ang kanyang noo.

“Magtutungo po kami sa probinsiya ni mama. Ikakasal kasi ‘yong pinsan ko. Alam mo naman si mama, sobrang ipinagmamalaki sa mga kamag-anak niya na magaling akong magluto kaya ayon, gusto nila akong makilala para gawing kusinera.” Natatawang tugon ko na ikinatawa rin ni papa.

“Totoo naman iyon. Nagmana ka sa akin, eh.”

Masarap talagang magluto si papa ng kahit anong dishes, pero ako hindi ko alam kung totoo bang may talent ako sa pagluluto o inuuto lang ako nang mga taong nakakatikim ng luto ko at sinasabing masarap ito.

“Kaya sa’yo ko rin talaga gustong ipagkatiwala ‘yong restaurant kasi alam kong nababagay ito sa’yo.”

“Sige, ‘Pa, ita-try ko. Feeling ko naman ay mage-enjoy ako.” Turan kong nangingiti nang tumayo si papa mula sa pagkakaupo at lumakad patungo sa mesa niya para kunin ang phone niya. Tumunog kasi ito. “Daming guwapong crew sa restaurant mo, eh.”

“Ano ‘yon?” Seryosong tanong ni papa nang lingunin niya ako.

“Wala po, ‘Pa.” Natatawang tugon ko bago ko tuluyang inubos ‘yong kinakain ko.

-----

“Kandice...” Mahinang tawag sa akin ni mama. Bahagya niya pang tinapik ang pisngi ko kaya agad akong napadilat. I cleared my throat nang umayos ako ng upo. Nakatulog na pala ako. Kasalukuyan kaming nasa loob ng bus ni mama, biyahe papuntang probinsiya nila. “Huwag ka nang matulog ulit at malapit na tayo.”

“Okay po.” Tugon ko, pero muli kong inihilig ‘yong ulo ko sa bintana at ipinikit ang aking mga mata.

“Tingnan mo ‘to, okay po raw, pero matutulog pa rin naman.” Mahinang sita ni mama. “Kandice?”

“Mama, naman. Pumikit lang, matutulog na agad? Hindi ba p’wedeng mangangarap lang?” Natatawa kong sabi.

“Ikaw, Kandice, tigilan mo ‘yang mga kalokohan mo ha.”

“Oo na po.” Muli akong umayos ng upo dahil tiyak akong kapag hindi ako nagtino ng mga sandaling iyon ay tiyak na makukurot na naman ako ni mama. Ang tanda ko na, pero kinukurot niya pa rin ako, minsan nga parang gusto ko rin s’yang kurutin eh, kaya lang baka lalo lang akong masaktan.

Dinukot ko mula sa bulsa ng backpack ko ang tumbler ko at bahagya akong uminom ng tubig habang nakatingin ako sa labas ng bintana. Bahagya akong napangiti kasi napakapayapa ng kapaligiran. Mangilan-ngilang bahay lamang ang makikita mo sa paanan ng mataas na bundok na napalilibutan ng mga punong-kahoy. Tila ba ang sarap-sarap tumira rito. Malayo sa magulo at mapang-husgang kabihasnan.

Actually, first time kong pumunta sa probinsiyang iyon nila mama. First time ko ring ma-meet ang mga kamag-anak niya maliban na lang sa pinsan kong ikakasal na si Nicole. Minsan na kasi itong nakitira sa amin ni mama no’ng nagtrabaho ito sa Manila.

Ilang minuto pa ang lumipas hanggang sa huminto na ang bus na sinasakyan namin sa isang terminal. Nang tumayo na si mama mula sa pagkakaupo ay agad na akong sumunod sa kanya. Eksaktong pababa na ako ng bus nang biglang may tumawag sa pangalan ko kaya agad akong napatingin dito.

“Myks!” Nakangiting tili ni Nicole bago ako nito agad na sinalubong.

“Nics!” Excited ko ring bati rito. Agad kaming nagyakap nito. Matagal din itong tumira sa amin kaya napalapit na ito sa akin. Para ko na rin itong kapatid. Dalawang taon lang yata ang tanda nito sa akin. “Kumusta? Kaya naman pala hindi ka na nakabalik sa Manila kasi nahanap mo na pala ang true love mo.”

“Oo nga, eh. Actually, pabalik na ako dapat sa inyo kaya lang ayon, natuklasan kong buntis na pala ako, no’ng nalaman ng boyfriend ko’y hindi na ako pinayagang bumalik at ito nga, gusto niya talagang panagutan ‘yong bata kaya nag-aya ng kasal.”

“Kasi naman, eh. Ang sabi mo uuwi ka rito para magbakasyon lang, ‘yon pala’y may kasama ng ‘keme’ kaya ayan tuloy may nabuo.” Pabirong turan ko sa kanya na ikinagalpak niya ng tawa. “Pero, andiyan na ‘yan, eh. Blessings daw ang mga bata. At least, handa kang panagutan.”

“Totoo, Myks. Kaya thankful din ako sa boyfriend ko.” Turan n’yang luminga sa paligid na tila ba may hinahanap. “Si tita Minda?”

Sabay naming nilapitan si mama nang makita namin itong pinapalabas sa kundoktor ang mga gamit namin sa loob ng bus compartment.

“Tita Minda.” Bati ni Nicole kay mama bago siya nag-mano rito.

“Congrats ha.” Nakangiting sabi ni mama kay Nicole.

“Salamat, tita. Si Myka po, kailan ikakasal?” Natatawang turan ni Nicole bago siya sumulyap sa akin.

“Ewan ko ba diyan sa pinsan mo, never naman ‘yang nagseryoso sa lalaki.”

Natawa na lang kami ni Nicole dahil sa sinabi ni mama. Iyon talaga ang gusto ko kay mama, hindi niya ako pinakikialaman at pinangungunahan sa mga trip ko sa buhay, pero ramdam ko naman na palagi lang s’yang nasa tabi ko kapag kailangan ko ng karamay. Ang katuwiran niya kasi ay nasa tamang edad na raw ako at alam ko na kung ano ang tama at mali.

Ayon kina Mama at Nicole ay sasakay pa raw kami ng bangka bago kami makararating sa lugar talaga nila. Ilang oras pa raw ang gugugilin namin sa biyahe kaya minabuti muna naming magpahinga ng kahit ilang oras lang sa pinaka-bayan bago kami tutungo ng barrio.

Pasado alas-diyes ng umaga ng mag-aya si Nicole na pumunta ng palengke para bumili ng malulutong ulam para sa tanghalian. Napagdesisyunan kasi namin na after lunch na lang kaming magbibiyahe patungo sa naturang barrio.

“Sinigang na baboy o isda ang gusto mo, Myks?”

“Isda na lang siguro, Nics. Para maiba naman.” Tugon ko bago ako luminga at na-focus ang tingin ko sa isang grocery store. “Saglit lang, Nics ha, may bibilhin lang ako.”

“Okay.” Tugon niya habang may pinagkakaabalahan din siya.

Lumakad ako patungo sa loob ng naturang grocery store. Hinanap ko ang Chocolate Section at nakita kong isang piraso na lang ang Snickers candy bar na naroroon. Akmang dadamputin ko ito, pero may isang taong lapastangan na tumabig sa kamay ko at inunahan ako sa pagdampot.

Anak nang pusang gala naman, oh. Naiinis kong sabi sa isip bago ko sinundan ang lalaki nang walang sabi-sabing naglakad na siya palayo sa akin.

“Mister, ako ang naunang makakita riyan kaya p’wede bang ibigay mo na ‘yan sa akin?” Turan ko kaya huminto siya sa paglakad at nilingon ako.

Gosh! Ang guwapo. Hindi lang basta guwapo kundi sobrang guwapo. P’wedeng-p’wede s’yang ihanay sa Alejandro brothers na asawa ng mga kaibigan ko. Halos magningning ‘yong mga mata ko nang magtama ang aming mga paningin. Ang ganda nang kanyang mga mata. ‘Yong tila ba napaka-inosente ng datingan. Ang tangos ng kanyang ilong, ang ganda ng kanyang mga labi na tila ba nilagyan ng lipstick sa pula. Isa s’yang Fil-Am sa tingin ko. Ang tangkad niya at ang lapad ng kanyang pangangatawan. Halatang alaga sa gym. Mapapansin mo iyon base sa muscles niya at sa pagkakalapat ng manipis n’yang T-shirt sa kanyang dibdib.

“Ako ba ‘yong kinakausap mo, Miss?” Tanong niya sa baritonong tinig. Sh*t! Pati boses niya ang guwapo, lalaking-lalaki.

“Malamang. Eh, tayong dalawa lang naman ang tao rito.” Pagkuwa’y pagtataray ko para hindi naman obvious na pinagpapantasyahan ko na siya sa isip ko. “Wala naman akong third eye para makakita ako ng ibang nilalang na hindi mo nakikita.”

“This Snickers is mine.”

“Bakit? May pangalan mo ba ‘yan?” I asked arching my well-trimmed eyebrow at him.

“Wala, pero ako ang naunang nakakuha.”

“Dahil tinabig mo ‘yong kamay ko kaya ikaw ang nauna, pero kung hindi mo ginawa iyon ay ako dapat.” Kahit gaano pa siya kaguwapo ay aawayin ko pa rin siya. Agawin n’yo na ang lahat sa akin, huwag lang ang Snickers.

“Ang bagal mo kasi.” Turan n’yang muli akong tinalikuran. Naiiling ako nang sundan ko siya bago ko mabilis na inagaw sa kamay niya ‘yong naturang chocolate. Halatang nagulat siya sa ginawa ko. Dali-dali akong nagtungo sa cashier at binayaran ito. Kasalukuyan kong ibinabalik sa coin purse ko ‘yong sukli ko nang walang sabi-sabing lumapit sa likuran ko ‘yong lalaki at dinampot niya ‘yong Snickers.

“Hey! Bayad ko na ‘yan, ano ka ba!?” Iritableng sigaw ko sa kanya habang sinusundan ko siya palabas ng grocery store.

“Well, thank you.” Turan niya bago niya binuksan ‘yong Snickers at kinagatan ito sa harapan ko kaya napalunok na lang ako sa sobrang asar habang nakakuyom ang magkabila kong kamao. Hindi na lang ako napaimik nang muli s’yang tumalikod hanggang sa tuluyan na s’yang naglakad palayo.

Narinig ko ang pagtawa ni Nicole sa likuran ko kaya agad ko itong nilingon.

“Nakita mo ‘yong lalaking ‘yon, guwapo sana pero grabe, sobrang kapal ng mukha. Bastos.”

“Pagbigyan mo na. Bawal awayin ‘yon, ano ka ba?” Sabi ni Nicole na patuloy sa pagtawa.

“At bakit naman bawal awayin? Palibhasa’y guwapo, bawal na?”

“G*ga, hindi. Pari kasi siya.”

“Ha?” Bahagya akong napakunot-noo dahil sa tinuran nito. “Priest ‘yong lalaking ‘yon?” Paniniyak ko.

“Yup kaya bawal mo s’yang awayin at higit sa lahat ay bawal mo s’yang landiin.” Nakangising tugon nito sa akin.

-----

To be continued.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status