Share

First Trip: Dream

Nakahawak ako sa magkabila kong pisngi, pinipigilang kiligin. Kasalukuyan akong nakadapa sa aking kama habang ang mga siko ko’y nakapatong sa isa kong unan.

“Saranghaeyo.” ( I love you)

Napahawak ako sa aking bibig nang sambitin niya ang salitang iyon. Malalim siyang nakatingin sa aking mga mata, hinihintay ang maaari kong tugon. Napabuka ako ng sariling labi at sinambit ang katagang “Nado saranghae,” sa kaniya. ( I love you too)

Sumilay ang maganda niyang ngiti na umaabot sa kanyang singkit na mga mata. Uminit ang magkabila kong pisngi nang marahan niyang hawakan ito. Hindi ko mapigilang mapapikit nang unti-unti niyang ilapit ang mukha sa ‘kin.

Nainguso ko ang sariling labi upang maidampi ito sa labi niya. Imbes na saya ang aking maramdaman, isang malakas na batok ang aking natamo. Impit akong napaaray at napasapo sa parteng binatukan at asar kong binalingan ang taong bumatok sa akin. Patalon akong napatayo mula sa pagkakadapa sa aking kama nang makita si Mama.

“M-Ma! K-Kayo pala.” Dumagundong ang kaba sa dibdib ko nang makita ang matalim niyang tingin sa akin.

"Sinasabi ko na nga ba't gising ka pa, e.” Malakas niyang hinampas ang balikat ko. “Alas onse na ng gabi pero gising ka pa. Hala't matulog ka na riyan. Maaga pa ang pasok mo bukas pero heto't nagpupuyat ka na naman diyan sa KDrama mong 'yan. May itutulong ba 'yan sa 'yo, ha Almhera?" nakahawak sa magkabilang baywang singhal ni Mama.

Himas-himas ang balikat akong napanguso. "Matutulog na rin naman po ako Mama..." mahina kong wika. "Pero tatapusin ko lang po sana ang isang episode,” pakamot-kamot sa ulong dugtong ko.

Napatakbo ako pabalik sa aking higaan saka kinuha ang aking cellphone doon nang makita ang galit pa ring mukha ni Mama. Kinakabahan kong pinakita sa kanya na sampung minuto na lang at matatapos na ang pinapanood kong KDrama.

"'Di ba po Mama, malapit na siyang matapos? Kaya sige na po, tatapusin ko lang po itong episode na ito at matutulog na po ako. Hmm?" matamis akong ngumiti sabay pinadikit ang dalawa kong palad sa harap niya, nagbabakasakaling madala ito at payagan ako.

Lumawak ang pagkakangiti ko nang pabuntong-hininga siyang tumango. "Basta iyan lang na episode ang tatapusin mo, ha? Humanda ka talaga bukas ‘pag tanghali ka magigising. Hindi talaga kita gigisingin," mataray na wika ni Mama.

Sunod-sunod naman akong tumango sa kanya. "Opo naman po, Mama. Ito na nga po't mag-a-alarm ako ng alas singko, nang siguradong hindi po ako mahuhuli bukas sa klase," nakangiti kong tugon habang inaayos ang alarm clock ko.

Ilang sermon pa ang aking narinig mula sa kaniya bago ito tuluyang lumabas ng aking kuwarto. ”Ba’t kasi hindi ko na-lock ang pintuan kanina?” bulong ko sa sarili saka padapa akong bumalik sa kama. Ibinalik ko na lamang ang pagtutok sa naudlot kong panonood.

Nang matapos ako sa pinapanood, sandali kong inayos ang aking higaan bago ulit humiga. Maaga dapat ako bukas dahil ngayon ang huling araw ng aming semestral break. Sandali akong nagdasal bago tuluyang natulog.

Napamulat ako bigla nang maramdaman kong umaalog ang aking higaan. Laking gulat ko na lang hindi na ako sa loob ng aking kuwarto, kun'di nasa loob na ako ng isang sasakyan.

Ang ipinagtataka ko na lamang, anong ginagawa ko rito? Mabilis tumatakbo itong sasakyan pero hindi ko alam kong paano ito umaandar. Wala ang susi nito na dapat ay nasa starter. Inilibot ko ang aking paningin sa labas ng kotse. Nakita kong sobrang dilim ng paligid, ang ilaw lamang ng kotseng sinasakyan ko ang nagbibigay liwanag sa akin.

Ano ba kasing ginagawa ko rito? Paulit-ulit kong tanong sa aking isipan. Tumibok nang mabilis ang puso ko at pinagpawisan na ako ng malamig. Nanlaki ang mga mata ko nang namataan ko 'di kalayuan ang isang bangin. Patungo roon ang kotseng sinasakyan ko.

"TULONG!" malakas kong pagkakasigaw.

Nanginginig ang buo kong katawan dahil sa nakita. Namamalikmata lang sana ako, ngunit dumagundong ang kaba sa dibdib ko nang papalapit na ako roon. Buong pwersa kong pinagsisipa ang bintana't pintuan ng kotse, nagbabakasakaling masira ito. Subalit sumakit lang ang mga paa ko't nanghina ang buo kong katawan dahil sa pagod. Walang hinto sa pagdaloy ang aking mga luha nang halo-halong emosyon ang aking naramdaman.

Taimtim akong nanalangin sa isipan sa kabila ng mga hikbing lumalabas sa aking bibig. Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng kotse, nagbabakasakaling may makita akong gamit na puwede kong gamitin para makalabas dito. Ganoon na lamang ang panghihina ng katawan ko nang makitang malinis ito. Kahit ang cellphone ko'y wala rito. Iyon sana ang maaari kong gamitin upang matawagan ko sina Mama at makahingi ng tulong para iligtas ako rito.

Nanginginig ang mga kamay kong nakahawak sa manibela ng sasakyan. Sumakit ang lalamunan ko sa kakasigaw ng tulong, nagbabakasakaling mayroong makarinig sa akin. Malakas kong hinahampas ang busina ng kotse, ngunit sumakit lamang ang kamay ko dahil hindi iyon tumutunog. Napapikit ako nang mariin dahil sa pagkabigo.

“Diyos ko po, maawa po kayo sa akin. Alam kong hindi ako masunuring anak kina Mama’t Papa dahil sa pagkakaadik kong manuod ng Kdrama. Pero marami pa po akong pangarap sa buhay. Ayoko pa pong mamatay, please po, maawa po kayo sa akin. Bigyan niyo naman po ako ng isang taong makakatulong sa akin para iligtas ako rito.”

pagbigkas ko sa aking panalangin habang patuloy pa ring dumadaloy ang mga luha sa aking pisngi.

Mas lalo akong nawalan ng pag-asa nang makitang sobrang lapit ko na sa bangin. Humagulgol ako saba'y napapikit nang mariin, hinihintay na lang ang paghulog ng kotse sa bangin. Napasigaw ako nang may malakas bumangga sa sinasakyan kong kotse. Nauntog ng malakas ang ulo ko sa manibela at kasabay no’n ng malakas na pagsabog.

Nahihilo man ay pilit kong iminulat ang aking mga mata at nakitang mayroong makapal na usok ang nasa harap ng kotseng sinasakyan ko. Napahawak ako sa aking ulo sa sobrang hilo, ngunit bigla akong napabitaw nang maramdaman ko ang sakit at hapdi mula roon. Nawalan ng dugo ang mukha ko nang makita ang pulang likido na nasa kamay ko.

'Patay na ba ako? Bakit may sugat ako sa ulo? Ang mga usok sa labas ng kotse, iyon na ba ang senyales na sinusundo na ako ni Kamatayan?'

Sunod-sunod kong tanong sa aking isipan. Napatigil lamang ako sa pag-iisip nang biglang bumukas ang pinto kung saan ako nakaupo. Nagulat ako nang mayroong kamay ang nakalahad sa nakabukas na pinto. Sinilip ko sa labas kung sino, ngunit hindi ko ito klarong makita dahil sa nanlalabo kong paningin kasabay pa ang makapal na usok sa paligid.

"Puwede ka nang lumabas diyan. Hawakan mo ang aking kamay, tutulungan kitang makalabas."

“Isang lalaki?” wika ko sa isipan at biglang tumibok nang mabilis ang puso ko. Huwag naman sanang si Kamatayan itong lalaki.

Nag-aalinlangan man no'ng una kung aabutin ko ba ang kamay ng lalaking ito. Ngunit sa huli, nanginginig ko iyon tinanggap nang maisip baka sumabog itong kotseng sinasakyan ko. Maingat niya akong tinulungan papalabas at nang makalabas ako, nagulat ako nang makita ang isa pang kotseng umuusok ito nang makapal habang basag ang parteng harapan nito.

Iyon ba ang nabangga ng kotseng sinasakyan ko kanina? Ba’t hindi ko man lang ‘yon napansin. Saan siya nanggaling?

Hindi ko mapigilang mapaluha nang mapagtanto kong patay na ako ngayon.

"Are you ok?"

Napatigil ako sa pag-iisip nang may magsalita sa gilid ko. Muntikan ko ng makalimutan may kasama pala ako. Napabaling ako bigla sa lalaki, ganoon na lamang ang paghulog ng panga ko nang makita ko ang kabuuan niya. Mula sa tulong ng ilaw ng mga kotse, nakita ko siya ng klaro.

Ang gwapo niya! Hindi ko mapigilang mapuri ang ayos niya. Nakasuot ito ng kulay puting damit mula sa pantaas hanggang sa kaniyang sapatos. Doon ko lang napagtanto, ito siguro ang anghel na ipinadala ng Diyos para iligtas ako mula sa peligro. Kung si Kamatayan man siya, 'di sana nakakulay itim ang lahat niyang damit.

'Diyos ko po, maraming salamat po dahil pinadalhan niyo ako ng anghel na sobrang gwapo para iligtas ako mula sa peligro.'

Malawak ang ngiting panalangin ko habang patuloy nakatingin sa lalaking anghel na nasa harapan ko. Ang perpekto ng kaniyang mukha, kung hindi lamang siya anghel ay baka napagkamalan ko siyang Hollywood Star.

Hanggang balikat ang maalon niyang buhok. Bumabagay ang makapal niyang kilay sa gwapo niyang mukha. Ang mga mata niyang mapupungay na ang lalim kung tumingin. Ang tangos din ng kaniyang ilong, at mapupula niyang mga labi na ka'y nipis at nagpadagdag ito sa kaniyang kagwapuhan.

Grabe, hindi ako makapaniwala, isang katulad niya ang nagligtas sa akin mula sa peligro. Nawala ang ngiti sa labi ko at hindi ko mapigilang mapaluha. Akala ko, talagang mamamatay na ako kanina at ‘yon na ang huli kong sandali rito sa mundo. Hindi pa naman ako nakapagbayad sa mga sakripisyo ng mga magulang ko. Kailangan ko pang makapagtapos ng pag-aaral nang mabayaran ko ‘yon lahat. Napatigil ako sa pag-iisip nang biglang hilahin ng lalaking anghel ang kanang kamay ko at niyakap sa kanyang mga bisig.

"Tahan na... nandito na ako. You’re safe now and I'm always here to protect you no matter what," bulong niya sa aking tainga.

Marahan niyang hinaplos ang aking buhok sanhi upang huminahanon ako. Nawala ang halo-halong emosyon na aking naramdaman kanina at napalitan iyon ng kaginhawaan sa aking sistema.

"ARAY!" impit kong sigaw nang mahulog ako sa aking kama.

Kinapa ko bigla ang ulo ko, tiningnan kung may sugat ba akong natamo roon. Pabagsak kong inilagay ang kamay ko sa aking gilid nang basang-basa ng pawis ang noo ko.

"Panaginip lang pala ang lahat ng 'yon? Bakit parang totoo? Sino 'yong lalaking tumulong sa akin? Anong ibig sabihin ng panaginip kong 'yon?" sunod-sunod kong tanong sa aking sarili na nakatihaya rito sa sahig ng aking kuwarto.

Napatingin ako sa orasan, ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang 6:15 na ng umaga at 7:30 ang pasok ko ngayon. Napatayo ako mula sa pagkakahiga at agad kumaripas ng takbo patungo sa banyo para maligo.

Ba't hindi ko narinig ang pag-alarm ng alarm clock ko? Napanguso ako nang hindi man lang ako ginising ni Mama. Tinotoo niya nga talaga ang sinabi niya sa akin kagabi, hindi niya nga ako ginising. 6:50 na ang oras pagkatapos kong mag-ayos. Kumuha na lang ako ng sandwich sa mesa pagkatapos kong bumaba mula sa kuwarto ko.

"'Yan na nga ang sinasabi ko sa 'yo, Almhera. Puro KDrama na lang parati ang inaatupag mo. Ayan tuloy, tanghali ka na naman sa klase mo ngayon," sermon sa akin ni Mama nang lumapit ako sa kanya para humalik sa pisngi niya.

Hindi ko na lang 'yon pinansin at agad lumapit kay Papa at sa kapatid kong lalaki na si Brayson, para halikan din sila sa pisngi.

"Hintayin mo na lang ako, anak. Ihahatid kita sa paaralan mo," ani Papa.

"Huwag na po Pa, magko-commute na lang po ako," tugon ko sa kaniya.

Nagpaalam ako sa kanila bago tuluyang umalis ng bahay. Agad akong nag-abang ng Jeep patungo sa pinapasukan kong paaralan. Ilang minuto lang ang hinintay ko bago ito tuluyang dumating. Pagkaupo ko sa Jeep, nakinig ako ng musika gamit ang isang earphone sa kanang tainga ko. Habang nakikinig, biglang may kumalabit sa aking balikat.

"Paabot po ng bayad," rinig kong sabi ng lalaking nasa tabi ko.

Napatingin ako sa kamay niyang nakalahad sa harap ko. Patango-tango kong kinuha ang kaniyang bayad na hindi tinitingnan ang mukha nito at agad inabot ‘yon sa aleng katabi ko.

Napapikit ako nang tumugtug ang theme song ng Kdramang pinapanood ko kagabi. Napamulat ako ng aking mga mata nang maramdaman ang kalabit sa balikat ko. Napatingin ako sa aleng katabi ko nang ilahad niya sa akin ang barya. “Paabot ng sukli niya.” Agad kong kinuha ang barya sa kamay niya at inabot sa lalaking katabi ko.

"Salamat," dinig kong sabi niya nang tumigil ang kanta sa earphone ko.

Habang kinukuha niya ang barya mula sa kamay ko, nahawakan niya pati ang hinliliit ng daliri ko. Napatingin ako sa kaniya at biglang bumagal ang paggalaw ng paligid ko nang makita ang mukha ng lalaking nasa tabi ko. Nanlaki ang mga mata ko nang tumingin ito sa akin. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko nang magpagtanto kong pamilyar ang mukha niya. Ilang ulit kong kinurap-kurap ang aking mga mata pero hindi talaga ako nagkakamali.

Siya ang lalaki na nasa panaginip ko.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status