Share

Second Trip: FoxyLuscious Group

Lutang akong bumaba sa Jeep nang tumigil ito sa harapan ng paaralang pinapasukan ko. Hindi pa rin ako makapaniwala, siya talaga 'yong lalaking anghel na sumagip sa akin sa panaginip ko kagabi. Nanghihinayang ako ngayon, hindi ko man lang siya nakuhanan ng litrato nang may remembrance sana ako. Bigla na lang kasi itong pumara nang mapadaan ang Jeep sa harap ng Mall.

Napatigil ako bigla sa pag-iisip nang may bumangga sa aking balikat. Huli ko lang napansin, nasa harap na pala ako ng tarangkahan ng paaralang pinapasukan ko. Maraming estudyante ang naglalakad papasok sa loob. Mula sa aking tinatayuan, kitang-kita ang malaking logo ng paaralan na nakalagay sa parteng gilid ng tarangkahan. Nakaukit doon ang malaking pangalan ng paaralan, ang Mantrell High University. 

Kinuha ko ang cellphone ko mula sa bulsa ng kulay berde kong unipormeng palda. "Good morning mga bestfriend ko! Kararating ko lang sa MHU," ani ko sa mensaheng pinadala ko sa mga kaibigan ko.

Tuluyan na akong pumasok sa loob at mahabang pasilyo ang bumungad sa akin. Nagtataasang gusali ang aking nadadaanan. Maraming makukulay na bulaklak ang aking nakikita sa paligid. Maraming estudyante naman ang aking nakita sa iba't ibang sulok ng paaralan. Mga abala sa pakikipag-usap sa mga kaibigan nila— na akala mo'y parang ilang buwan silang hindi nagkita. Ngunit isang linggo lamang iyon dahil sa semestral break namin.

Napatingin ako sa suot kong relo at tiningnan kung anong oras na. Nanlaki na lamang ang aking mga mata nang makitang 7:20 AM na. Sampung minutos na lang at oras na ng klase. Dali-dali akong naglakad patungo sa gusali ng Technical Vocational Livelihood para pumasok na sa silid ng Strand kong Information Computer Technology.

Nang makarating ako sa bukana ng gusaling pinapasukan ko, napatigil ako nang may bumuhos sa akin ng tubig. Maduming tubig ito sanhi upang maging kulay-kape ang kulay puting blusa ng suot kong uniporme. Umalingasaw ang baho sa buong paligid mula sa tubig na ibinuhos sa akin.

Napatingala ako sa itaas ng gusali para tingnan kung sino ang bumuhos sa akin ng tubig. Nakita kong may grupo ng mga estudyante roon. Isa sa kanila may dalang timba at may suot pa itong mask sa mukha. Napayuko ako nang umalingawngaw sa buong paligid ang tawanan ng mga kaiskuwela kong nakakita sa sitwasyon ko. Pumalibot sila sa kinaroroonan ko at sabay tapon ng masasamang salita. 

"Ang baho-baho niya naman!"

"Mukhang basahan na talaga ang pagmumukha niya!"

"ANG PANGIT MO!"

Mas lalo akong napayuko dahil sa mga narinig. Hindi na bago ang mga masasamang salitang binabato nila sa 'kin. Ngunit ang sakit-sakit lang dahil sarili kong kapwang estudyante, ginaganito ako.

 

Nakayuko akong umalis sa mga estudyanteng nagkukumpulang sa harap ko. Patuloy pa rin sila sa  pagtawa at pagbato ng masasamang salita. Napatigil ako sa paglalakad nang may magsalita mula sa likuran ko.

"OH MY GOD! What's that smell? Ang baho naman, ba't kasi may basurang pakalat-kalat dito sa MHU?" malakas na pagkakasabi ng taong iyon. 

"ANG FOXYLUSCIOUS GROUP!"

Napalingon ako sa aking likuran nang magsigawan ang mga kaiskuwela ko sa paligid. Nagitla ako nang makasalubong ko ang tingin ni Kira Lim sa akin, ang lider ng grupong FoxyLuscious Group. Kasama nito ang mga kagrupo niya. Suot nilang lima ang uniporme ngunit sobrang iksi ng kulay berdeng palda. Ang kapal naman ng mga kolorete nila sa mukha at umaapaw ang karangyaan dahil sa mga suot nilang mamahaling alahas.

"Hey Blackie Girl! Nariyan ka pala? O my God! What happened to you? Wala bang tubig sa bahay niyo at pumunta ka pa rito sa school na ganyan ang itsura? Look at yourself, you're so dirty and... disgusting," nasusukang wika niya sabay nakakasuya niya akong tiningnan.

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa sinabi niya. Alam ko sa sarili ko, siya ang may pakana sa nangyaring ‘to sa ‘kin. Sa laki ba naman ng galit niya sa akin, hindi na ako magtataka kung ba’t ganito na lang ang nangyari sa akin ngayon.

"My God! May bulok bang basura rito? Sobrang baho naman!" nakangiwing wika ni Camille— isa sa kasama ni Kira.

Hindi nakaligtas sa paningin ko ang tinginan nila Kira at ng mga kasama niya sabay ngisi sa isa’t isa. Pabuntong-hininga na lamang akong napayuko, wala naman akong kalaban-laban sa kanila. Mayaman sila, habang ako, parang langaw lang sa paningin nila. Mas gugustuhin ko na lang magpalamon sa lupa ngayon nang mas dumami pa ang mga estudyanteng pumalibot sa akin. Samo’t saring bulungan ang aking narinig at nangunguna roon ang bulungan ng tagahanga nina Kira. 

"Pangit na nga siya no'ng wala pang semestral break. Mas lalo pa siyang pumangit ngayon."

"Maitim at bruha pa."

"May lahi rin sigurong mangkukulam 'yan. Tingnan niyo ang pagmumukha niya, pangit na nga, buhaghag pa ang makapal niyang buhok."

"Nakakadiri pa siya, ang baho-baho niya. Ganyan talaga siguro ang mga taong nagmula sa bundok. Amoy basura."

Kaliwa't kanang bato ng mga kaiskuwela ko sa ‘kin. Mahigpit akong napakapit sa laylayan ng aking palda. Sobrang sakit ng dibdib ko, parang mga kutsilyong bumabaon sa puso ko ang mga salitang sinabi nila. Napakagat ako ng ibabang labi nang mapigilan ang sariling mapaluha.

Naramdaman kong may lumapit sa akin. Nangibabaw ang munting pag-asa sa sistema ko nang maisip kong isang guro iyon. Ganoon na lamang ang pagkabigo ko nang marinig ko ang boses ng lumapit sa akin. 

"Hey Blackie Girl! Nakaligo ka ba ng maayos? Marami pa kasing dumi 'yang mukha mo. Oh, I forgot! Inborn mo na palang madumi. Kahit ano kasing ligo mo, hindi makuha-kuha 'yang maitim na kulay ng balat mo."

Umalingawngaw ang tawanan ng mga kaiskuwela ko dahil sa sinabing 'yon ni Vanessa, isa sa grupo ng FoxyLuscious Group. Hindi ko mapigilang mapaluha ng tuluyan dahil sa ginagawa nila. Hindi man pisikalan ang ginagawa nila, pero tagos sa puso ang mga insultong sinasabi nila.

"Try mo kayang maligo ng Zonrox, Blackie Girl. Ang damit nga na maitim ay pumuputi, no doubt na pati ikaw ay pumuti rin."

Muling umalingawngaw ang tawanan ng mga kaiskuwela ko, pagkatapos dagdagan ng isang grupo ng FoxyLuscious Group, si Jessie Hulleza. Napakuyom ako ng sariling kamao, hindi ko na kayang matagalan ang mga sinasabi nila. Gusto ko nang makaalis dito sa gitna ng mga nagkukumpulan kong mga kaiskuwela. Nang sa ganoon, makalayo na ako sa mga masasakit na mga salitang binibitawan nila.

Naramdaman ko na rin ang pangangati ng buo kong katawan dahil sa maduming tubig na ibinuhos sa akin. Biglang pumasok sa isip ko ang klase ko ngayong umaga. Siguradong nagsisimula na ‘yon dahil kanina pa nag-7:30. 

"E kung ikaw kaya ang paliguan ko ng Muriatic Acid, Jessie? Kasama 'yang tempura mong mga kaibigan?" 

Napaangat ako ng aking ulo nang marinig ko ang matigas na pagkakasabi ng isang lalaking 'yon. Napatahimik ang mga buong kaiskuwela kong nagkukumpulang sa akin. Napahawi silang lahat nang dumaan sa gitna ang dalawang estudyante. 

Isang babaeng porselana ang kutis at hanggang baywang ang umaalon niyang buhok. Kasama nito ang isang lalaki na ang tangkad, maayos ang pagkakasuklay ng buhok, at parang itong KPop Star dahil sa umaapaw nitong kagwapuhan dahil sa singkit nitong mga mata at sobrang puti ng kanyang balat. Parehong matalim ang pagkakatingin nila sa FoxyLuscious Group. Nasaksihan kong matigilan ang grupo nang makalapit ang dalawang estudyante sa harap nila. Nakita ko naman kung paano magningning ang mga mata ni Kira Lim habang nakatingala sa lalaking estudyante na nagsalita kanina.

"Ipainom ko na rin sa inyo, nang luminis 'yang maitim niyong budhi sa katawan," galit na dugtong ng lalaki at agad tumalikod ito sa kanila saka lumapit ito sa kinaroroonan ko kasama ang babaeng kasama niya.

"Oh my God!” Napasinghap ang babae nang makita ang itsura ko. “Are you okay, Almhera girl?” nag-alala niyang tanong sa ‘kin.

"Mga walangya sila,” umiigting ang pangang sabi ng lalaki pagkatapos makita ang kabuuan ko.

Tatalikod na sana ito para sumugod ulit doon sa Foxyluscious Group ngunit mabilis ko itong pinigilan sa paghawak sa kaniyang palapulsuhan. Matalim niya akong binalingan, sinasabing bitiwan ko siya. Umiling-iling ako sa kaniya at buong pwersa ko silang hinatak ng kasama niyang babae papalayo sa gitna ng nagkukumpulang mga kaiskuwela namin. 

"Napaka-gold digger talaga niyang Almhera na 'yan."

"Ang kapal pa ng mukhang humawak sa kamay nina Giovanni Oppa at Christine Ritz."

"Ambisosya kasi, sa bundok naman nagmula 'yan." 

Samo't saring bulungan pa ang aking narinig mula sa mga kaiskuwela kong nadaanan namin. Hindi ko nalang ‘yon pinansin at mabilis nilayo ang dalawa kong kasama.

"Ano ka ba naman, Almhera girl?!” Napayuko ako nang pabagsak inilagay ni Christine sa mesa ang dalang tray na may inumin namin. “Ba't mo sila hinahayaan na gawin 'to sa 'yo, ha? Look at yourself, binully ka na naman nila. Dapat hinayaan mo na lang kami ni Giovanni kanina nang makabawi ka naman sa ginagawa nila," galit na dugtong niya. 

Napakagat ako ng sariling labi, hindi alam kung anong sasabihin kapag ganito ang timpla ni Christine. Kasalukuyan kaming tatlo sa isang Coffee Shop na sa harap lamang ng MHU. Pagkatapos naming lumayo kanina, agad akong naligo sa Shower Room bago kami pumunta rito.

Napaangat ako ng aking ulo nang maramdaman kong may humawak sa kamay ko. Nag-alalang mga mata ni Giovanni ang sumalubong sa akin nang siya ang makita kong nakahawak sa kamay ko. Kanina ko pa  siya napapansin, simula nang makaalis kami sa MHU ang tahimik niya. 

“May problema ka ba, Giovanni?” tanong ko sa kaniya.

Nahagip naman ng mga mata ko ang pagbaling ni Christine kay Giovanni. Umiling-iling naman si Giovanni sa akin at pilit itong ngumiti.

“Wala naman akong problema. Nag-alala lang ako sa ‘yo Almhera, nang dahil sa ‘kin, nangyari ‘to sa ‘yo,” ani Giovanni.

“Vanni, problema rin naman kaya ang pag-aalala mo kay Almhera,” nakairap na wika ni Christine. “Ba’t kasi ang gwapo mo? Pati ‘yong mga bruhang Foxyluscious Group, patay na patay sa ‘yo. ‘Yan tuloy, pati si Almhera napapahamak dahil sa obsession ng mga babaeng ‘yon,” dugtong niya pa bago ito uminom ng ice tea niyang inumin.

 “Tsk. Nakakainis na nga sila, pati inosenteng tao dinadamay nila,” nakahawak sa noong ani Giovanni.

Sabay kaming napatingin ni Giovanni kay Christine nang bigla itong umusog ng upuan papalapit sa upuan ni Giovanni. Napangiwi na lang ito nang bigla na lang siya niyakap ni Christine. Mabuti na lang malayo ang ibang tao sa kinaroroonan namin, hindi nila makikita ang ginagawa nila.

 

“Ba’t hindi ka na lang pumayag sa fixed marriage na ginawa ng parents natin for us? Ayaw mo no’n, your future wife is Christine Ritz Fontana, the most gorgeous girl here in La Deś Stefano.” Christine flipped her hair and show her beautiful smile.

Nakangiwi namang tinulak ni Giovanni ang mukha ni Christine papalayo sa kaniya. “ In your dreams, Christine. You’re not my type and I will never marry you. Tingnan mo ‘yong nasa labas, ganyang tao ang ideal type ko.”

Sabay kaming  napatingin ni Christine sa labas at napangiwi  na lang ako nang makitang may lalaking naka-topless doon. Napatingin ako kay Giovanni at nakita kong naglalaway itong nakatingin sa lalaki na nasa labas. Natatawa ko na lang kinuha ang sariling ice tea at ininom ito.

Sana ganito na lang katahimik ang buhay ko katulad sa Coffee Shop kung saan kami ngayon. Napatingin ako bigla kina Giovanni at Christine nang muli silang magbangayan. Hindi ko mapigilang mapangiti nang maalala ang ginawa nilang dalawa sa akin kanina. Napatigil sila sa pagbabangayan nang mapansin nilang nakatingin ako sa kanila.

“What’s wrong, Almhera girl?” tanong sa akin ni Christine.

Napailing-iling naman ako. “Wala naman, Christine. Sobrang saya ko lang dahil kasama ko kayo ngayon. Pati kayo, napa-absent para lang samahan ako. Nagpapasalamat talaga ako sa Panginoon dahil may mga best friend ako katulad niyong dalawa.” Napatingala ako bigla nang maramdamdaman kong naluluha ang mga mata ko.

"Ano ka ba naman Almhera, ‘di ba nangako tayong tatlo na walang iwanan? Kaya huwag ka ng umiyak diyan, papangit ka niyan," biro sa ‘kin ni Giovanni at agad akong inakbayan. Lumapit naman si Christine at niyakap ako.

 

“Naku, baka mabaho pa ako. Kaya lumayo muna kayo sa ‘kin-“

“No you’re not, Almhera girl. Your smell was the same with mine now. Chanel Coco Mademoiselle perfume is the best!” malawak ang ngiting sabi ni Christine.

Hindi ko naman mapigilang sumang-ayon sa kaniya. Sobrang bango naman talaga ng  pabango niya.

“Mga bruha, tayo na’t bumalik sa MHU at baka ma late tayo sa klase,” mahinang sabi ni Giovanni sa amin ni Christine.

Napatingin naman kami ni Christine sa sariling mga relo. Agad kaming napaligpit ng mga gamit nang makitang beinte minutos na lang bago ang oras ng third period naming klase.

“Kumusta ang pakiramdam mo, Almhera girl?” tanong sa akin ni Christine nang makalabas kami sa Coffee Shop.

“Ayos lang ako, Christine. Maraming salamat talaga sa pagpahiram mo ng uniporme mo sa ‘kin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko ‘pag wala akong pamalit kanina. Ayaw ko namang umuwi ng bahay ng ganoon ang itsura at baka ano pa ang sabihin ni Mama.” Pilit akong ngumiti sa kaniya.

“Ano ka ba naman, Almhera  girl. Okay lang ‘yon sa akin. Sabihin mo lang talaga sa akin kung sinaktan ka ng mga ‘yon kanina. Makikita talaga nila ang impyerno,” may galit sa tonong sabi ni Christine.

 "Ano ka ba, hindi ako sinaktan nga mga 'yon. Nabuhusan lang ng maruming tubig—"

“Ano pang ginagawa niyo riyan? Mali-late na tayo sa mga klase natin."

Napatigil ako sa pagsasalita nang magsalita si Giovanni sa unahan namin ni Christine.

Nagkatinginan kami ni Christine at sabay kaming natawa bago sumunod kay Giovanni na nauuna nang maglakad.  Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko, bigla akong napatigil nang tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko iyon mula sa bag ko. Nakita kong may mensahe akong natanggap at hindi nakarehistrong numero ang nakalagay. Agad kong binuksan ito, biglang dumagundong ang kaba sa dibdib ko nang tuluyan kong mabasa ito.

"Hindi pa tayo tapos, Blackie Girl." — From: FLG

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status