Share

My Drop-Dead, Gorgeous Rebound
My Drop-Dead, Gorgeous Rebound
Author: Elena Parks

Chapter One

“Congratulations!”

Iilang sandali bago nag-react si Carl sa pagbati ni Fae. Pumihit ito at humarap sa kanya. Matagal iyon para sa dalaga na nangangatal ang mga tuhod sa paghihintay na pansinin siya nito, lalo’t maraming mga matang nanonood sa kanila sa bulwagan ng hotel na iyon kung saan ginaganap ang reception ng kasal nito.

Noong nakikita na niya ang pamilyar nitong mukha ay muntik na siyang mapaluha. Pero hindi maaari. Napapalibutan sila ng mga bisita, mga taong kilala nilang dalawa. Mga taong alam ang kanilang kuwento.

Napakatikas nito sa suot nitong three-piece suit, ang lalaking ito na ninais niya at minahal sa halos buong buhay niya. Ni walang pagsisisi sa mukha nito habang possessive nitong hawak ang maliit na beywang ni Sarah. Nagmamalaki namang suot ng babae ang traje de boda nito para sa okasyon. 

At ang sumasambang ngiti ni Carl sa bride nito—na kanyang best friend—ang sa wakas ay nagsara ng pinto sa pagitan ng nakaraan ni Fae at kanyang hinaharap. 

Hindi na niya ito pwedeng mahalin. 

Kahit mamanglaw para rito ay hindi na rin pwede. May mahal na itong iba at pinakasalan na nito ang babaeng iyon.

Ni hindi nagpahinga kahit sandali ang damdamin niya para sa kinakapatid niyang si Carl sa mga taon ng kanilang paglaki kahit hindi siya nito binigyan ng pag-asa. Kahit isang araw ay hindi siya tumigil mangarap na makita siya nito nang higit pa sa kinakapatid o childhood friend. And he had been kind. He was loving and caring as a friend kaya kahit papaano, umasa siyang pagdating ng araw… 

Paano na siya ngayong wala na ito?

Asiwang asiwa si Carl habang nakatingin sa kanya. Halatang pilit nitong tinatago anuman ang tunay nitong nararamdaman sa mukha nito. Kailangan ba nitong umaktong parang gusto nitong sana ay hindi na lamang siya dumalo sa okasyong ito? 

Si Carl, na sa lahat ng nagdaang mga taong magkaibigan sila, ay pasensyosong tiniis ang kanyang atensyon—ngayon ay biglang hindi makapaghintay na itulak siya palayo. 

Ano bang ginawa ni Sarah para umakto ito ngayon nang ganito? iyak niya sa kanyang isip.

“Thank you for coming, Fae,” marahan nitong sabi. Sa mga mata nito ay magkahalo ang parehong awa at pag-aalala. Siguro, iyon na nga ang dahilan kung bakit ayaw nitong narito siya. Para hindi na ito ma-inconvenience ng mga damdaming hindi nito maiiwasang maramdaman kapag nakitang nasasaktan siya. 

Awa at pag-aalala. Tama na ang mga iyon para sa kanya. Kahit hanggang ngayon na lang ay mapatunayan niya ritong kaya niyang mahirapan, maipakita lamang dito kung gaano niya ito kamahal. Na kahit imposible na ang gusto niya ay naririto pa rin siya, nakasuporta rito.

Umiiyak ang puso niya kahit ibang mga salita ang umalpas sa bibig niya. “I’m so happy for you.” Iyon lang naman ang dahilan kung bakit siya narito. Kahit masakit, gusto rin niyang ipagbunyi ang kaligayahan nito. He must be happy, right? He just married the woman he was in love with.

“I know,” tugon nito, kahit ang mga mata ay ibang mensahe ang sinasabi—na naaasiwa ito sa sakripisyo niya. Na kung ito ang masusunod, sana ay hindi na niya ginawa ito. 

Isang mabigat na patlang ang sumunod.

“Fae…”

Ilang sandali pa bago tumingin si Fae sa may-ari ng tinig. Kay Sarah, sa kanyang dating kaibigan, dahil hindi na niya ito maituturing pang kaibigan mula ngayon. 

Nahihirapan pa rin siyang maniwala na ang babaeng ito ay asawa na ngayon ni Carl. Ito, sa lahat ng mga babae, ang nakakaalam kung gaano siya ka-devoted sa lalaki. Hindi lihim sa lahat na crush na niya ang kinakapatid maliit pa sila. Pero dalawang taon silang magkasama ni Sarah sa iisang tirahan, at araw-araw nitong naririnig ang pangalan ni Carl sa kanyang bibig… 

Pero iba na ito sa kilala niyang Sarah. Hindi na ito kimi, o nakakaawa.

May babala sa mga mata nito, at teritoryal ang tayo nito sa tabi ng groom, at mapag-angkin ang pagpulupot ng mga kamay nito sa isang braso ng asawa. 

Sinasabi nito sa kanyang pag-aari na nito si Carl.

Gusto niyang matawa. Hindi siya mang-aagaw. Wala itong kailangang ipag-alala. Mas totoo pang isa siyang tanga. 

Bakit hindi niya nakita ang totoong Sarah?  Paano nito naitago sa kanya ang totoo nitong pagkatao? Pero mali. Marami nang clues, pinili lamang niyang mas maniwala sa pinakikita nito sa kanya kaysa sa mga naririnig niya. Pinili niyang maniwalang mabuti itong tao.  

Paano mo nagawa sa akin ito?! ang kanyang tahimik na sigaw sa dating kaibigan. Pero muli ay ibang salita ang sinabi niya. 

“Congratulations,” aniya rito. May pait doon. Doble-kara.

“Thanks, Fae. Please stay and have a toast with us.”

Hindi natimpi ni Fae ang dampi ng panunuya sa kanyang mga labi noong napangiti siya. What a hypocrite. Gusto niya itong sigawan. Peke! Pero hindi niya kayang sirain ang araw ni Carl. Para lang kay Carl ang pagtitiis niya—not for this bitch. “Don’t worry. I will.”

Bahagyang lumaki ang mga mata ni Sarah, nagulat sa palaban niyang tono. Maikli na ang kanyang pagtitimpi pagdating sa babae. Gusto niya sanang maghintay kanina nang mas pribadong sandali bago lapitan ang mga bagong kasal pero naging imposible iyon dahil hindi nagagawi kung saan siya naroroon ang mga ito sa paglilibot sa mga dumalo. Paano kasi ay hinihila ni Sarah si Carl palagi palayo.

At ito ang resulta. Nakapalibot ang mga bisita, nasa kanila ang mga mata. Hindi na maitago ni Carl ang matinding pagkabalisa sa atensyon.

Ilang mga kaibigan nila at mas lalong kaunting mga kamag-anak nito ang naroon—mga taong sa kanilang paglaki ay nanudyo at naniwalang darating ang araw na magiging sila. Mga taong lubhang mga nagulat nang bigla na lamang mabalitaang ikakasal na ito, at na hindi kanyang pangalan ang nasa wedding invitation na dumating sa mga ito limang araw lamang bago ang kasal. At hindi pa sa Manila iyon gaganapin kundi sa isla ng mga Myrick at sa resort hotel doon ng matalik nitong kaibigang si Jigo, ang Majarlika Royale. 

Walang nakadalo sa malapit na mga kamag-anak ni Carl sa ibang bansa. Dahil daw sa bilis ng preparasyon, maging ang grandparents nito ay wala rito. 

Na imposible. Kung gugustuhin, kahit dalawang araw lang ay makakauwi agad ang mag-asawa. Hindi suportado ng mga Eastons ang kasalang ito, iyon ang totoo. Kaya nga siya narito. Last-minute ay dumalo siya dahil walang familial support si Carl. Inisip niyang kahit papaano, pamilya siya. 

Pero sa mga sandaling iyon, sa nakikita niya, hindi welcome ang suporta niya.

Wala siyang pakialam, naisip niya pagkatapos tigasan ang loob niya. Magiging tapat siya hanggang sa huling sandali. Kahit iyon na ang pinakahuling magagawa niya para kay Carl. Pagkatapos nito ay aalis na sana siya, magpapaalam na nang tuluyan kay Carl sa pinakahuling pagkakataon. 

Pero habang nakatitig siya kay Sarah, lalong nagiging mahirap hawakan ang kanyang kontrol sa kanyang galit. Pinilit niyang hindi mamuhi rito pero patuloy ito sa pagngiti na parang pusang nagtakas ng paborito niyang ulam sa sandali niyang pagkalingat. Kinupkop niya ito sa kanyang condo sa halos dalawang taon at tinulungan itong makatapos sa kolehiyo. Ni wala siyang kamalay-malay na isa itong kompetisyon sa atensyon ni Carl hanggang sa huli na ang lahat.

Isa itong ahas. At mula ngayon, ituturing niya itong ganoon. Sa kanyang titig ay muli itong naasiwa. Alam ni Sarah na sa pagitan nito at ni Fae, ang makakukuha ng simpatya ng mga narito sa mga sandaling iyon ay siya.  

Hindi na siya nagtaka noong nilabas nito ang alas—victim card. “Fae, please. Kung may respeto ka pa sa pagkakaibigan natin at kay Carl—“

“Shut the fuck up,” anas niya. Iyong silang tatlo lang ang makakarinig. “I’ll toast and drink the damn champagne for Carl,” sabad niyang paanas. “Don’t worry, Sarah. I will behave, but only for him.”

Napatingin siya kay Carl hindi pa man siya tapos magsalita. He looked shocked and stricken. “Fae, please… why did you come? Why are you even here? Mag-eeskandalo ka ba? Can’t you just… let this happen without a hitch? Fae, kasal ko ito.”

Napatitig siya rito. Narinig niya ang mga sinabi nito at bigla, na-realize niyang hindi alam ni Carl na dadalo siya. Na hindi ito ang nagpadala ng imbitasyon. 

She should have known! 

Muli niyang sinulyapan si Sarah. Namumutla na rin ito habang iniiwas sa kanya ang malikot na mga mata. Ngumiti siya nang matamis sa kinakapatid. Ano pa bang mawawala sa kanya? Habang nakatingin dito, ang mga salita niya ay para kay Sarah. 

“Thanks for the wedding invitation, Sarah. The card was crass, as you are. Bright pink. Seriously? And did someone who actually reads checked your grammar? Hanggang ngayon kapag nagmamadali ka nakakalimutan mo ang… hindi ko alam kung paano ka nakapasa sa…” Huminga siya ng malalim at tumingin muli sa babae. “Did you make a different card just for me kasi wala ako sa listahan?”

Nang muli niyang tiningnan si Carl, he looked shocked. And that was confirmation enough. Tumingin din ito sa asawa. “You sent her an invite?”

Hindi siya nakadama ng saya noong napipi ang babae na parang nakalulon ng oyster pero kasama iyong shell. She expected her to deny it. Pero maraming mga matang nakatutok. There was no way she would create a scene right in her own wedding.

Galit pa rin siya. Hindi siya invited. They could have avoided all this. “You think marrying into money entitles you to manipulate us like this, bitch?!” anas pa niya. 

“Fae!” pabulong na sita ni Carl sa kanya. “Please…!”

Nanliit siya sa tingin nito. Nanliit siya dahil hindi ito ang ie-expect na behavior sa kanya ng kanyang namayapang ama. Napahiya siya dahil nawala siya sa sarili dahil sa pangmamanipula ni Sarah. Kahit pa sumabog iyon sa mukha nito, namanipula pa rin siya.

Na-disappoint sa kanya si Carl dahil kay Sarah.

Napatitig na lang siya rito, nag-iinit ang mga mata. Pinanood niya noong tumingin si Sarah kay Carl na akala mo inapi at tinaboy niyon ang luha niya. Ginawa na nito iyon sa kanya. Nagpaawa sa tuwing kailangan nito ng tulong o kaya ay sasalo kapag walang wala ito. Hindi ba iyon nahahalata ni Carl?

Obviously not.

Para siyang nahaplit ng latigo noong nagbaling ng naninising tingin sa kanya ang lalaki bago niyakap si Sarah sa tabi nito para protektahan laban sa kanya.

Hindi niya kinaya. Tinalikuran niya ang dalawa at naglakad nang mabilis palayo. Sa kabila nang patuloy na pagtugtog ng banda sa isang sulok ng bulwagan, sober ang mga bisitang nagbigay sa kanya ng daan habang nakayuko siyang tumatakbo. Hindi niya kayang tumingin sa mga mukha. Hindi niya kayang makita ang awa na siguradong nasa tingin ng mga ito. Ni hindi niya nilingon ang nag-aalalang tawag ng mga pinsan ni Carl sa kanyang pangalan. 

Tumakas siya. 

Pansamantala. 

Iinumin niya ang letseng champagne dahil nangako siya. Ito-toast niya ang kaligayahan ng mga ito. 

Pero sa mga sandaling iyon ay kailangan muna niyang magtago bago tuluyang sumabog ang kanyang mga luha at lalo siyang magmukhang tanga at kawawa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status