Share

Chapter 6: Kabutihan

Pagdating ni Sophia sa kanilang hardin kung saan naroon si Jamir ayon na rin sa kaniyang inay na dito raw ito nagtungo pagkatapos nilang kumain ng hapunan.

Naudlot ang muli niyang paghakbang nang makita niyang tila ay napakalalim ng iniisip nito na nakatingin sa malawak nilang bakuran.

Nakaupo si Jamir sa isa upuang nakapaikot sa mesang tablang parisukat na nasa gitna ng kanilang hardin. Mayroong iba't-ibang nakatanim na halamang namumulaklak dito, tulad ng orchids, rosal, bonsai na kalachuchi at bougainvillea. Sa araw napakaganda nito tingnan sapagkat kita ang iba't-ibang kulay ng mga bulaklak dito. Ngunit sa gabi ang amoy ng mga bulaklak ang pumupuno sa buong paligid kaya masarap ang magpalipas ng oras at magmuni-muni rito.

Pipihit na sana si Sophia pabalik sa loob ng kanilang bahay upang huwag ng maabala pa si Jamir sa tila ay malalim nitong pag-iisip, nang bigla itong magsalita.

"Halika rito Sophia, samahan mo muna ako. Maaga pa naman upang matulog,"

"Hmm, okay. Parang ang lalim kasi ng iniisip mo kanina, kaya inisip ko na lang na bumalik na sa loob para hindi na kita maabala pa,"

"Hindi naman, dinadama ko lang ang katahimikan ng paligid na ang maririnig lang ay ang manaka-nakang huni ng kuliglig. At ang masarap na hanging panggabi, lalo na sa ganitong panahon. Napakasariwa ng simoy ng hangin. Sa Maynila wala nito," anito na inilibot ang paningin sa kanilang bakuran.

Maliwanag ang buwan kaya naman sa pamamagitan nito natatnglawan ang kabuuan ng kanilang bakuran sa mga oras na iyon.

Umupo naman si Sophia sa upuang nakatapat kay Jamir. "Kaya namnamin mo na," tumatawang biro nito. " Na para kang kumakain ng paborito mong kare-kare," dugtong pa niya.

"Hahaha! Ikaw talaga pinatatawa mo na naman ako,"

"Sa makalawa hindi mo na mararamdaman yan o kahit ang makapagmuni-muni man lang dahil babalik ka na sa napaka-abala mong buhay," nakangiti niyang wika.

"Ilang taon ka na Sophia? Ilang araw na tayong magkasama at marami na tayong napag-kuwentuhan pero kung ilang taon ka na ay hindi ko pa alam," pag-iiba nito.

"Kailangan ko bang sagutin 'yan? Hindi ba puwedeng next question?" tumatawa niyang wika.

" Okay, madali naman akong kausap. How old are you?" anitong tumatawa na rin.

"Hahaha! Madaya ka! Okay sige na, magla-labingwalo na ako sa susunod na buwan,"

Tumango-tango si Jamir. Ilang taon ka na ngang nakahinto sa pag-aaral?"

" Magdadalawang taon na. Sandali hindi ako nakapaghanda, question and answer pala tayo ngayon," tumatawa niyang sabi.

"Sagutin mo na lang ang mga tanong ko," seryoso nitong wika. "Anong kurso ang plano mong kuhanin kapag nagpatuloy ka na sa pag-aaral?"

"Nursing,"

"Uh-huh. Magandang kurso, akma at bagay sa iyo. Matapang ka at matibay ang loob mo. Katunayan lang noong tinulungan mo ako, "

" Kaya lang magastos na kurso. Kaya naman inisip ko na mag-ipon muna. Tulungan sila Itay at Inay para makapag-ipon. Pero nag-alok ng tulong ang ninong kong nasa Amerika nang malaman niyang tumigil ako sa pag-aaral. Siya 'yong may-ari at nagbigay ng owner type jeep na service namin,"

"Magpatuloy ka na sa pag-aaral Sophia. Ako nang bahala sa lahat ng kakailanganin at gagastusin mo,"

Napaangat ng ulo si Sophia mula sa pagkakayuko dahil sa narinig. Tiningnan nito ang mukha ni Jamir kung nagbibiro ba ito sa binitawang salita. Ngunit kita niya na seryoso at may sinseridad sa mukha nito. "Totoo ba Jamir hindi ka nagbibiro?" paglilinaw pa rin niya rito.

"Tingin mo ba nagbibiro ako?" seryoso na ganting tanong nito.

Namilog ang mga mata niya. Sabay noon ang pagtulo ng luha ng kaligayahan. "Maraming salamat, Jamir. Maitutuloy ko na ang pag-aaral ko. Matutupad na ang pangarap ko at ng mga magulang ko para sa akin," wika nito at pinahid ng palad ang nabasang mata dahil sa luhang pumatak. "Pero sandali, bakit? pagdaka ay tanong niya. Ang mukha niyang kanina ay kababakasan ng saya ay biglang napalitan ng tanong at pagtataka.

"Mabuti ka at ang pamilya mo, Sophia. Nararapat lang sa iyo at sa mga magulang mo ang gagawin ko,"

" Salamat Jamir, mabuti ka rin na tao. Pero tatanungin ko muna ang Itay at Inay kung papayag sila sa alok mo para sa akin,"

" Ikaw ang bahala. Mabaiti ka at may paggalang na anak dahil isinasangkot mo ang mga magulang mo sa magiging pasya mo sa buhay," wika nitong tinapik ang magkasalikop niyang kamay na nasa ibabaw ng mesa.

Napakislot naman si Sophia dahil sa pagdaiti ng palad ni Jamir sa kaniyang balat. Inalis niya itong bigla at inilipat sa kaniyang kandungan. Hindi na siya nasanay sa damdaming iyon sa tuwing madidikit ang palad nito sa kaniyang balat.

Pagtataka ang rumihistro sa guwapong mukha ni Jamir. "Bakit may problema ba?"

"May dumaang daga sa paanan ko kaya ako nagulat," aniya at alanganing ngumiti.

"Ganoon ba. Sabihin mo kay Mang Nato para makapagpain ng pamatay daga, delikado at nakamamatay ang leptospirosis," nag-aalala nitong wika.

"O-Oo, mamaya pagpasok ko, sasabihin ko kaagad kay Itay para malipol at hindi na dumami pa ang daga rito," pinanindigan na niya ang binuong dahilan.

"Daga? Nasaan ang daga? Kailan pa nagkaroon ng daga rito sa atin eh napakasinop at malinis itong bakuran natin?" sabad ni Mang Nato na papalapit na sa kinaroroonan nila.

"O-Opo Itay, kanina po may dumaan nga po sa paanan ko," aniya na sa isipan ay hinihiling na sumang-ayon na lang sana ang kaniyang itay upang hindi na siya pagdudahan ni Jamir sa sinabi niyang dahilan kanina.

"Ikaw naman Nato, ano naman ang nakapagtataka roon? Malapit tayo sa bukirin kaya hindi kataka-takang may maligaw dito na dagang bukid, kahit na malinis ang bakuran natin," wika ni Aling Tisay na kasunod ni Mang Nato. May hawak itong tray na naglalaman ng apat na tasa ng kape. Inilapag nito iyon sa mesang nasa harapan nila.

"Hay, salamat po, Inay! Saved by the bell," usal nito sa sarili.

"Napakabango naman po niyan Aling Tisay,"

"Ay! hindi lang iyan mabango, iho. Napakasarap din niyan. Kapeng mais 'yan. Marami niyan dito sa lugar namin. Kapag nagustuhan mo, pauuwian kita," wika ni Aling Tisay na kinuha ang isang tasa ng kape at inilagay sa harapan nl Jamir. "Tikman mo iho, masarap 'yan. Malilimutan mo ang pangalan mo," dagdag biro pa nito.

"Si Inay naman, kung si Jamir lang po iyong naghahanap ng model ng kape, kinuha ka na niya sa galing niyo pong mag-promote ng kape natin dito," tatawa-tawang biro ni Sophia.

"Nagsasabi ng totoo si Aling Tisay. Masarap nga itong kapeng mais. Kakaiba ang lasa kesa karaniwang kape, iba ang aroma," wika nito pagkatapos humigop sa kapeng mais na ibinigay sa kaniya ni Aling Tisay.

"Nagsasabi ako ng totoo 'di ba? Hayaan mo at pauuwian kita ng ganiyan para matikman din sa inyo 'yan," natutuwang wika ni Aling Tisay.

"Salamat po," kumuha ng isa pang tasa ng kapeng mais si Jamir at iniabot iyon kay Sophia. "Inumin mo na iyang para sa iyo. Ikaw ha hindi mo ipinagmamalaki ang kung anong meron kayo rito sa probinsiya niyo,"

"Hayaan mo Jamir, bukas maghahanap ako ng megaphone, ipagsisigawan kong masarap ang kapeng mais. Ipo-post ko pa sa social media," biro nitong sabi.

"Puro ka biro," ani Jamir sabay pisil sa tungki ng ilong ni Sophia.

"Aray!" Kunwa'y wika ni Sophia kahit hindi naman talaga siya nasaktan. "Itay, Inay oh, inaapi ako ni Jamir,"

"Nararapat lang sa iyo yan anak, masyado kang mabiro," tatawa-tawa namang wika ni Mang Nato.

"At nagkampihan ang dalawang lalaki. Inay oh," baling naman nito kay Aling Tisay na tanging pag-asa niyang kakampi sa kaniya.

"Wala akong papanigan sa inyo, pareho ko na kayong anak," tugon naman ni Aling Tisay na

tatawa-tawa rin. Itinaas pa nito ang kamay sa ere at ikinukumpas-kumpas pa ito.

"Hmpt! 'Di welcome sa pamilya, kuya Jamir! inilahad pa nito ang dalawang kamay sa binata. Sabay tawa nito.

Sabay-sabay silang nagkatawanan

"Tutal po sinabi niyong anak niyo na rin po ako, okay lang po ba na tawagin ko na rin po kayong Itay Nato at Inay Tisay? magalang na hingi nito ng permiso.

"Oo naman anak, puwedeng-puwede," ani Mang Nato.

"Okay lang Jamir nang may anak na rin kaming lalaki na tumatawag samin ng Inay at Itay," dagdag rin ni Aling Tisay.

"Ako ba hindi mo tatanungin kung okay lang na maging kuya kita?" birong sabad ni Sophia.

Akma siyang pipisilin sana muli sa ilong ni Jamir, ngunit bigla niyang itinaas ang kanang kamay at nag-peace sign. "Hindi ka na mabiro," aniya at pagkatapos ay tumawa ng malakas.

"Itay Nato, Inay Tisay, may nabanggit po ako kanina kay Sophia, pumayag po siya. Pero ang kabuuan po ng pasya niya ay nasa inyo. Sana pumayag po kayo,"

Pagtataka ang lumarawan sa mukha ng mag-asawa.

"Tungkol saan 'yon, anak? si Mang Nato.

"Kung papayag po sana kayo Itay Nato, Inay Tisay, pag-aaralin ko po si Sophia. Sasagutin ko po ang lahat ng gagastusin hanggang sa makapagtapos siya ng pag-aaral,"

"Ha? Bakit naman anak?" Hindi makapaniwalang tanong ni Aling Tisay.

"Pagtanaw ko rin po sana ng utang na loob sa ginawa niyo sa akin,"

"Hindi mo naman kailangang gawin 'yan anak. Hindi naman kami naghahangad ng kapalit sa ginawa naming pangtulong sa iyo," mahinahong wika ni Mang Nato.

"Huwag niyo pong masamain ang pagtulong ko. Hindi naman po ako nagbabayad sa ginawa niyo sa akin kasi walang katumbas na halaga ang pangalawang buhay ko po dahil sa inyo. Ang sa akin po nararapat po kayong tulungan sapagkat mabubuti po kayong pamilya. At nakatagpo po ako ng pangalawang pamilya sa piling niyo," sinsero nitong wika.

"Hindi ba kalabisan at napakalaking bagay ang gagawin mong pagpapaaral kay Sophia, anak?" wika muli ni Mang Nato.

"Hindi po Itay Nato. Kaya tanggapin niyo na po,"

"Ano Tisay? Anong pasya mo? Tatanggapin ba natin ang oportunidad na iniaalok ni Jamir kay Sophia?" sangguni nito sa asawa.

"Kung ano ang pasya ng anak natin, doon ako. Susuportahan ko ang pasya niya," wika naman ni Aling Tisay na bumaling naman kay Sophia.

"Ano, anak?" untag ni Mang Nato kay Sophia na tahimik lang na nakamasid sa pag-uusap nila.

"Gusto ko po sanang tanggapin, Itay,Inay. Magandang pagkakataon po ito para sa akin. Para matupad ang pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral. Nang maiangat ko po ang buhay natin at maipaaranas ko po sa inyo ang maginhawang buhay," nangingilid ang luhang wika ni Sophia.

"Oh, eh, bakit ka umiiyak? Nagtatanong lang naman kami ng Inay mo," biro ni Mang Nato upang hindi na ito maging ma-emosyon pa. Kilala kasi nito ang anak. Palabiro at matapang ngunit napakababaw ng luha.

"Sino po ang nagsabing umiiyak ako? Napuwing lang po kaya ako," tatawa-tawang wika niya upang maikalma ang sarili sa emosyong nararamdaman. Ngayon pa lang nararamdaman na niya ang kalungkutan sa isiping magkakalayo sila pansamantala ng mga magulang upang matupad ang kaniyang pangarap at ang pangarap niya sa mga ito.

Pisil sa tungki ng ilong ang pumutol sa kalungkutang bumalot kay Sophia. "Jamir! Ang sakit!" tinis ng boses niya ang umalingawngaw sa buong paligid ng gabing 'yon...

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Maligaya
Kuya-kuyahan muna, Sophia. Hehehe. Thank you sa update, author.
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status