Share

My Idol Is My Prince Charming
My Idol Is My Prince Charming
Author: Marcez Javier

Kabanata 1: Unforgettable Morning

Pilit na inaaninag ni Sophia ang screen ng kaniyang cellphone upang i-off ang pag-a-alarm nito. Alas kuwatro na ng umaga, bagamat mahapdi pa ang kaniyang mga mata at ibig pa sanang matulog ngunit kailangan na niyang bumangon.

Ganito nagsisimula ang bawat umaga niya, ang gumising ng maaga. Nagtitinda kasi sila ng sari-saring prutas sa bayan. May maliit silang puwesto doon na inuupahan nila.

Pansamantala siyang tumigil sa pag-aaral upang makapag-ipon muna ng gagastusin niya para sa kaniyang tuition fee at sa iba pang kakailanganin niya sa kan'yang pag-aaral.

Kaya naman narito siya at kailangang gumising ng maaga upang matulungan ang kaniyang inay at itay sa pagtitinda.

Kaagad siyang tumayo at iniligpit na ang kan'yang hinigaan. Hihikab-hikab pa siya sa sobrang antok, ngunit bago pa siya makarating sa pintuan ng kaniyang kuwarto upang lumabas, napaskil sa kan'yang labi ang ngiti ng makita ang poster ng kaniyang iniidolong korean aktor na nakadikit sa pintuan ng kaniyang kuwarto.

"Good morning, idol!" anito na hinalikan pa ang litrato ng iniidolong si Go Yun. Parang literal na nagliwanag ang kan'yang paligid ng magawa niya 'yon. Biglang gumaan ang kaniyang pakiramdam lalo kagabi lang ay napuyat siya sa panonood ng K-drama na si Go Yun ang bida.

Habang naglalakad siya patungong kusina ay nakapaskil pa rin ang ngiti sa kan'yang labi, kaygaan ng pakiramdam niya. Kinakanta-kanta pa niya ang theme song ng napanood kagabi.

Ngunit bago pa man siya tuluyang makapasok sa kusina, mula sa kung saan ay sumulpot ang kan'yang itay at ginulat siya nito. Napalundag si Sophia sa sobrang gulat.

"A-ay! Anak ng pitong puting tupang pilay!" napasapo pa ang kamay niya sa kan'yang dibdib sa sobrang gulat. "H-hmpt! Ang Itay naman oh! Ang aga-aga ako na naman ang naharap." yamot na wika nito.

Likas sa kan'ya ang pagiging magugulatin, kaya naman madalas siyang mapagkatuwaan nito.

"Kasi naman anak, punit na naman ang labi mo sa pagkakangiti, pakanta-kanta ka pa at parang walang ibang nakikita, na parang nasa ibang planeta ka na naman," natatawang biro ni Mang Nato.

"N-naku! Kayong dalawa talaga, kay aga-aga eh nagkaharap na naman kayo, mabuti pa dumulog na kayo dito sa mesa at ng makakain na at baka tanghaliin na naman tayo," wika ni Aling Tisay na ibinaba sa mesa ang hawak na isang bandehadong sinangag at isang plato na may lamang pritong d***g na bangus. Pumuno sa buong kusina ang mabangong amoy ng bagong lutong sinangag at d***g na bangus.

"W-wow napakasarap naman n'yan Inay! Ang bango, mapaparami na naman ako ng kain niyan!" wika nitong namimilog pa ang mga mata.

"Aba! Anak, hinay-hinay sa pagkain at baka magmukha ka ng balyena," hirit uli ni Mang Nato.

"Inay oh, ang Itay! Hindi na ako tinigilan,"

alam naman niya na binibiro lang siya ng kan'yang itay. Balangkinitan lang kasi ang katawan niya. Sa taas niyang limang talampakan at limang pulgada, para narin siyang isang modelo kung titingnan, bagamat morena siya at simple lang. Ngunit may taglay siyang nakakaakit na ganda lalo na sa mga kalalakihan.

Sakay sila ng owner type jeep na ibinigay sa kanila ng kaniyang ninong na nag-migrate na sa Amerika. Dama ni Sophia ang lamig ng hangin na dumadapyo sa kan'yang balat. Nanunuot ito hangang sa kan'yang kalamnan. Buwan ng Enero kaya naman ganito ang panahon, malamig pa rin kahit hindi na ber months. Ngunit gusto niya ang ganitong panahon, masarap sa pakiramdam niya ang pagdampi ng malamig na hangin sa kan'yang mukha.

Sa unahang upuan nakaupo si Sophia, nasa kanang gilid siya at napapagitnaan nila ng itay niya na siyang nagmamaneho ang kaniyang inay. Kita niya ang nadaraanang malawak na sabana patungo sa bayan ng San Luis, kung saan sila nagtitinda ng sari-saring prutas. Kailangan nilang maging maaga sa pagtungo sa bayan upang makauna sila sa pagpili ng magagandang klase ng prutas, kapag nahuli kasi sila ay mga napagpilian na ang kanilang makukuha at maititinda.

Abala ang dalaga sa pagmamasid sa kanilang dinaraanan, nasa gitna ng bukid ang mabatong kalsadang binabaybay nila kaya naman manaka-naka ay nakakaldag sila at hindi maiwasang nauuntog siya sa gilid ng sasakyan.

Sa gilid ng daan ay makikita ang matataas na talahib at ang ilang mga puno ng saging at aratilis .Mahigit limang kilometro din ang haba ng kalsada bago makarating sa mismong bayan ng San Luis.

Kung iisipin at titingnan ay nakakatakot ang dumaan dito lalo na sa ganitong oras sapagkat wala namang poste na may ilaw sa kanilang dinaraanan. Ngunit ligtas naman ang daan na ito dahil wala pang naikukwento ang kaniyang inay at itay na hindi magandang nangyari sa lugar na ito tulad ng krimen o pinatay.

Nasa kalagitnaan na ang kanilang biyahe ng sa 'di kalayuan ay may mamataan siya na tinatamaan ng ilaw ng kanilang sasakyan.

Sa kanang bahagi ito ng daan kung saan siya nakapuwesto kaya kita niya agad ng matamaan ito ng ilaw. Medyo inilabas pa niya ang kan'yang ulo upang aninagin at makita kung ano ba ang bagay na 'yon.

Biglang kumabog ang kan'yang dib-dib, may naiisip siya kung ano ang bagay na 'yon ngunit ayaw tanggapin ng isipan niya. Na marahil ay dinadaya lamang siya o imahinasyon lamang niya 'yon. Pero hindi, dahil habang papalapit sila doon ay lumilinaw ang itsura ng kung anong bagay na 'yon. Mga sampung metro na lang siguro ang layo nila nang mas makita pa ni Sophia ang kabuuang itsura nito.

Mas lumakas pa ang pagkabog ng kaniyang dib-dib na halos parang nabibingi na siya sa sobrang lakas ng kabog nito. Nag-iinit na rin ang kan'yang mga mata at nais ng maiyak dahil sa takot na nararamdaman, lalo na nang may ilang metro na lang ay nakakita siya ng kulay pula sa damit at mukha ng kung sinumang taong nakahandusay sa gilid ng daan.

"I-itay! I-ihinto n'yo po! M-may patay!" nauutal at garalgal na ang boses na wika ni Sophia. Nanginginig na rin ang buo niyang katawan.

"H-ha, anong patay anak?" nagtatakang tanong ni Mang Nato, sabay tapak sa preno na halos ikaumpog na nila sa unahan ng sasakyan ng bigla itong huminto.

Kaagad na bumaba si Sophia at hindi na nagawang sagutin pa ang kaniyang itay. Bagamat nanginginig siya sa reyalidad na may natagpuan silang patay, ngunit hindi siya natakot na lumapit dito kaagad. My nag-uudyok sa puso niya na kailangan niyang malapitan ang sinumang taong ito na duguan at nakahandusay sa gilid ng daan

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status