Share

Kabanata 2: Katapangan

Kaagad na lumuhod si Sophia pagkalapit sa taong biktima ng krimen, lalaki pala ito.

Hindi niya gaanong makita ang buong mukha nito bagamat natatamaan na ito ng ilaw ng kanilang sasakyan sapagkat halos mapuno ng dugo ang mukha nito. At kita niya na mayroon itong sugat sa itaas na kanang bahagi ng noo nito. Mukhang malalim ang sugat doon kaya naman maraming dugo ang lumabas mula rito.

Nanginginig man ang buong katawan ng dalaga ngunit kailangan niyang maging matapang, sa itsura ng dugo na nasa mukha nito ay bago pa lang ito at hindi pa nagtatagal ang pangyayari. Kaagad niyang hinagilap ang kamay nito at pinulsuhan, ngunit hindi niya agad maramdaman ang pagpintig ng pulso nito sapagkat nanginginig ang kaniyang mga kamay. Humugot siya ng malalim na paghinga tsaka niya ito dahan-dahang ibinuga.

"Relaks, Sophia. Kailangan mong kumalma, kailangan ka ng taong ito," usal nito sa sarili.

Nakatulong naman sa kaniya ang kaniyang ginawa sapagkat onti-onting nawala ang panginginig ng kaniyang katawan.

Kinuha niyang muli ang kamay nito at muling dinama ang pulso nito. Ilang segundo rin bago niya tuluyang maramdaman na may pulso pa ito, bagamat mahina lang. Pero nakatanaw siya ng pag-asa, maaari pa nilang mailigtas ang taong ito. Dahil doon ang luha ng kaligayahan ay tumulo sa kaniyang pisngi. "Salamat po," usal nito at tumingala sabay pikit ng mariin sa kaniyang mata.

"Naku po! Diyos ko! S-sino ba yang tao na yan? Anong nangyari sa kaniya at duguan?" wika ni Aling Tisay na bakas na rin sa tinig nito ang matinding nerbiyos na nararamdaman.

"Napakatindi naman ng sinapit ng lalaking 'yan. Ano kaya ang atraso niya para gawin sa kaniya 'yan?" ani Mang Nato na kasunod na rin ni Aling Tisay. " Oh, baka naman biktima ng hold-up? Mukha kasing mayaman at edukado ang taong 'yan," dugtong pa nito.

Tama ang kaniyang itay. Nang pagmasdan niya ang kabuuang itsura ng lalaki, nakasuot ito ng puting polo na long sleeve at slack na kulay abo. Sa klase ng tela ng damit nito ay hindi ito mabibili sa palengke lang, de klase ito at branded. Napagmasdan din niya ang kutis nito, nakatupi kasi hanggang braso ang long sleeve nito kaya kita ang maputi at makinis nitong balat. "Marahil nga ay biktima ng hold-up ang lalaking ito," aniya sa kaniyang isipan.

"Itay, inay, may pulso pa po siya! Bilisan po natin, dalhin po natin siya sa ospital! Maililigtas po natin siya kung madadala natin siya kaagad sa ospital!" putol ni Sophia sa mga sinasabi ng kaniyang mga magulang.

"Oh, siya sige pagtulungan natin siyang maisakay sa sasakyan," wika ni Mang Nato na pumwesto na at hinawakan na ang magkabilang kamay ang lalaki.

Si Aling Tisay naman at Sophia ay tig-isa nilang hinawakan ang mga paa nito.

"Dahan-dahan po inay, itay, dahil hindi po natin alam kung may bali rin ba siya sa kaniyang mga buto, baka lalong makasama po sa kaniyang kalagayan,"

Maingat ang ginawa nilang pagsasakay sa lalaki sa loob ng kanilang sasakyan. Bagamat nahihirapan sila dahil may kataasan ito na tantiya ni Sophia ay nasa anim na talampakan ito at higit pa, bukod pa sa may kabigatan ito. Pero sinikap nila at ginawa ang buong pag-iingat na maipasok ito sa loob ng sasakyan.

Usal ni Sophia ang panalangin na sana mailigtas nila at makaligtas ang lalaking ito sa tiyak na kamatayan. Lalo alam niya na agaw buhay na ito dahil kita niya ang maraming dugong nawala na dito.. Pero nananalig siya na kakayanin ng lalaking ito na makaligtas dahil may pulso pa ito at dahil don may pag-asa pa.

" Lumaban ka po," usal ni Sophia habang hinahaplos ang buhok ng lalaki, nakaunan ang ulo nito sa kaniyang kandungan.

Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman, pero wala na sa kaniya ang takot na hawakan ito kahit napapaliguan na ito ng dugo. Ang pumupuno sa kaniyang puso at isipan ay ang paghahangad at pag-asang makaligtas ito.

Pagdating nila ng ospital masuwerte silang walang ibang emergency doon na inaasikaso ang mga duktor na naka-duty ng mga oras na 'yon. Mabilis na naisakay sa stretcher na de gulong ang lalaki at naipasok agad sa operating room.

Nakaupo si Sophia at ang kaniyang inay at itay sa stainless na upuan sa labas ng operating room. Usal pa rin niya ang taimtim na panalangin para sa kaligtasan ng lalaking iyon.

Ang kaniyang itay at inay naman ay hindi pa rin makapaniwala sa pangyayari. Ngayon lang kasi ang unang beses na may nangyaring gano'n sa lugar na 'yon na kanilang dinaraanan.

Mga kalahating oras pa ang ipinaghintay nila nang bumukas ang pintuan ng operating room, lumabas doon ang isang lalaking nakasuot ng kulay berdeng mahabang damit at nakasuot ng asul na surgical mask. Marahil ito ang duktor na nag-aasikaso sa lalaki.

"Kaano-ano po kayo ng lalaking 'yon?" Kayo po ba ang kamag-anak niya?" magalang na tanong ng duktor.

Sa tantiya ni Sophia ay nasa kalagitnaan ng singkuwenta ang edad nito.

"N-naku hindi po Dok, kami lang po ang nakakita sa kaniya sa gilid ng kalsada na dinaraanan namin," sagot ni Mang Nato.

"Kung ganoon po marahil ay biktima ang lalaking 'yon ng krimen, o hold-up. Wala rin kasi kaming nakitang gamit sa kaniya tulad ng pitaka ng palitan po ito ng damit. Yamang kayo po ang nakakita sa kaniya, kayo nalang po ang hihingan namin ng tulong para sa mga kakailanganin namin para sa pasyente. Yan po e, kung papayag po kayo na makipagtulungan sa amin, alang-alang po sa ikaliligtas ng lalaking 'yon," mahinahong sabi ng duktor

"Ay opo, Dok. Wala pong problema, makikipagtulungan po kami sa inyo. Kung ano po ang kakailanganing bilhin at gawin para sa pasyente ay kami na po ang bahala. Lulubusin na po namin ang pagtulong sa kaniya," ani Mang Nato.

"Salamat po sa inyo. Mas'werte ang lalaking 'yon at natagpuan niyo siya agad at kayo po ang nakatagpo sa kaniya,"

"Walang anuman po Dok, kami na po muna ang tatayong pamilya niya. Para po kasing dayo lang at hindi tagarito ang lalaking iyon," wika naman ni Aling Tisay.

"Sige po, Misis. Ang una pong kailangang gawin para sa pasyente ay dapat masalinan siya agad ng dugo dahil marami pong nawalang dugo sa kaniya. Kaya lang po wala pong stock na dugo ang ospital para sa type ng dugo na kailangan ng pasyente. Kailangan niyo pong magpunta pa sa kalapit nating mas malaking ospital para doon makabili ng dugong isasalin, kaya lang malayo pa ang kasunod na ospital dito. Baka hindi na kayanin nang kalagayan ng pasyente ang maghintay pa ng matagal. Pero kung meron po kayong kakilala na maaaring mag-donate agad ng type A.b na dugo, 'yon po ang pinakamabilis na paraan upang mailigtas natin ang buhay ng pasyente." anito

"Ako po!" buo ang loob at walang pag-aalinlangang sagot ni Sophia.

Sabay-sabay namang napalingon sa kaniya ang tatlo.

"Okay, sige iha, mabuti kung ganoon at wala na palang problema. Tingin ko naman nasa tamang edad ka na at maaari ka ng mag-donate ng dugo. Pero kailangan ka pa rin naming tanungin sa mga ilang bagay at i-test din ang dugo mo kung nararapat ka ngang makuhanan ng dugo at puwede bang makapag-donate,"

"Sige po Dok,"

"Sumunod ka sa akin, iha. Maiwan ko na po kayo,," tinanguan nito ang mag-asawa at pagdaka'y tumalikod na at tinahak nito ang daan pabalik sa operating room.

"A-anak, sigurado ka ba sa pasiya mo?" may pag-aalalang tanong ni Aling Tisay.

"Opo inay, buo na po ang pasiya ko.

Mahalaga po ang bawat sandali, agaw buhay po ang lalaking'yon, oras ang gugugulin para magpunta pa sa susunod na ospital dito.

At kung maghahanap pa po ng maaaring mag-donate, eh malabo pong makahanap agad dahil bihira po ang ganoong tipo ng dugo.

Ang sabi rin naman po ni dok, ite-test pa po ako kung pupwede ba akong makuhanan ng dugo. At kung sakali po ay iyong takot lang naman sa karayom ang makakalaban ko. Pero may mas nakakatakot pa po ba sa mawalan ng buhay?" anito sa ina.

"Siya nga naman Tisay, tama ang anak mo. Wala kang dapat ipag-alala. Ang isipin mo na lang, buhay ang maisasalba ng anak mo kapalit ng dugo niya," paliwanag ni Mang Nato sa asawa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status