Share

Chapter 2

Humihikab akong nagmulat ng mata kinabukasan. Hindi ako sigurado kung anong oras kami natulog kagabi. Basta’t ang malinaw ay ang walang humpay na pangungulit sa akin ni Criza. Dito na rin siya natulog at kumain. Wala namang masama dahil bukod sa bakla iyon ay matagal ko nang subok ang pagiging magalang at mabait niya. Kaya panatag akong safe ako sa kaniya. 

Papaanong hindi, eh mas maarte pa iyon sa akin! Sa aming dalawa ay siya pa ang mas babaeng kumilos. Pero dito lang iyon sa loob ng bahay ko nakapaglalabas ng tunay niyang anyo. Masyado kasing mahigpit ang kaniyang mga magulang. Nag-iisa siyang anak ng mag-asawang sundalo. Kaya’t kahit anong kagustuhan niyang lumantad ay hindi puwede. Bukod sa pagtatago ng kaniyang sikreto ay wala na siyang problema sa mga magulang. Mapagmahal ang mga iyon bagay na isa sa kinaiinggitan ko sa kaniya. 

Saglit pa akong nag-inat bago tuluyang tumayo. Ayaw ko man ay kailangan ko nang kumilos. Ang isang buong day off ko ay hindi ko puwedeng gugulin lang sa paghiga. Dahil ang mga gawaing bahay ay ayon at kumakaway na. 

Basta ko nalang itinali ang mahaba kong buhok at saka diretso nang nagtungo sa banyo upang maghilamos. Nang igala ko ang paningin sa buong bahay ay inaasahan ko nang wala akong madadatnang tao bukod sa akin. Ngunit mukhang nagkamali ako.

“Oh? Problema mo? Umagang umaga ang pangit mo!” kunwaring pagtataray ko sa ngayon ay nakabusangot nang bakla.

“Hindi mo ba ako aaluking kumain?” tanong niyang inilingan ko agad. Isa pa sa ipinagtataka ko sa taong ito ay kung bakit nag-uumapaw naman ng makakain sa bahay nila ay mas pinipili niyang sa akin pa makikain, eh halos kulang pa sa kaniya ang dalawang beses ng pagkain ko.

“Ayokong kumain sa bahay! Kakauwi lang nina mommy e…" Halos matawa ako sa hitsura niya nang sabihin iyon.

“Bakit kasi hindi mo pa sabihin ang totoo? Kung tangapin ka nila ay maganda! Kung hindi naman eh di tiisin mo. Ginusto mo iyan, eh," sabi ko habang sinisimulan ang pagpapainit ng tubig at nang makapagkape manlang bago kumilos dito sa bahay. Pabuntong hininga naman siyang tumayo galing sa kinauupuang maliit na sofa at saka kumuha ng dalawang tasa. Habang binubuksan niya ang dalawang sachet ng kape ay kumuha naman ako ng walis para mabawasan na ang gagawin ko. Tutal naman ay hindi pa kumukulo ang tubig.

“Alam mo namang hindi puwede e… Bet mo bang ma-jombag ang beauty ko?” Bagama’t nagbibiro ay mahahalata ang lungkot sa kaniyang tinig. 

Sa totoo lang ay guwapo siya. Ang bilugan niyang mukha ay talagang agaw pansin. Singkit ang kaniyang mata na may mahahabang pilik. Ang ilong niya ay hindi katangusan ngunit sadyang bumagay sa kaniya. Maging ang makakapal niyang kilay na bagama’t magulo ang pagkakakorte ay dumagdag sa lakas ng kaniyang dating. Kung sa katawan naman ay talagang may sinasabi ang sa kaniya. Palibhasa’y palaging babad sa gym dahil na rin sa kagustuhan ng mga magulang. Sa tuwing magkasama nga kami ay madalas na mapagkamalan siyang boyfriend o hindi kaya’y manliligaw ko. 

Maliit lang ang espasyo ng bahay ko. Kaya’t ilang saglit lang ay nakaupo na ako kaharap si Criza. Sumimsim muna ako sa umuusok pang kape bago ko siya sinagot.

“Sa totoo lang kasi ay ako ang nahihirapan sa sitwasyon mo. Papaano kung sa iba pa nila nalaman?” Bago pa niya sagutin ang sinabi ko ay napapitlag kaming pareho dahil sa pagtunog ng cellphone ko! Magrereklamo pa sana siya nang tumayo na ako para sagutin ang tumatawag. At mas lalo pa akong naalarma nang makitang ang katrabaho ko iyon!

“Rita. Napatawag ka?” bungad ko agad pagkatapos kong pindutin ang answer button.

“Kent. P pasensya ka na, ah? Alam kong off mo at wala ka pang pahinga. K kaya lang kasi…” Hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay humagulhol na siya sa pag-iyak.

“Anong nangyari, Rita?” nag-aalala talagang tanong ko.

“S-si tatay kasi… W-wala na siya… Kaya hindi ako m-makakapasok ngayon. K-kung okay lang s-sanang ikaw muna?” Mabilis naman akong tumango sa kaniya. Bagama’t alam kong hindi niya iyon nakikita ay ginawa ko parin.

“Sige, sige. Kumalma ka, ha?”

“Salamat talaga, Kent!” Kahit umiiyak ay hindi maitago ang sensiridad sa kaniyang tono. Nang ibaba na niya ang cellphone ay dali-dali na akong nag-ayos. Alas-kuwatro ang shift ni Rita. At nang sulyapan ko ang wall clock ay alas dyes na ng umaga. Napaka dami ko pang gagawin. At paniguradong kukulangin ako sa oras pero bahala na.

“Ano, wonder woman? May nangangailangan nanaman ng tulong mo?” pang-aasar ni Criza sa akin. Tumango lang ako sa kaniya dahil sa pagmamadali kong matapos ang kahit kalahati lang ng nakatambak kong gawain. Hindi na rin naman siya nangulit pa at sa halip ay tinulungan nalang niya akong matapos ang pagliligpit ng mga ilang damit na noong isang lingo ko pa nilabhan, ngunit ngayon lang matutupi dahil sa kawalan ng oras. 

Ang ibang mabibigat na gawain ay napagpasyahan kong sa susunod na day off ko na. Kulang na kulang kasi kami sa tao kaya’t hindi talaga maiwasan ang ganitong pagkakataon na kailangang mag-duty ng isa kung wala ang isa. Sa trabaho namin, sapat na ang may apat na oras na tulog. At sa tantiya ko naman ay labis pa roon ang sa akin kagabi. Pagkatapos ng ilang gawain na pinagtulungan namin ay nagpaalam na rin si Criza na babalik na sa kanila. Ang hindi niya pag-uwi kagabi ay magagawan pa niya ng lusot. Ngunit ang hindi niya pagsabay sa hapunan sa mga magulang ngayon ang malamang ay hindi. 

Alas dos y media na ng makaalis siya. Ako naman ay wala nang sinayang na sandali at agad nang naghanda para sa pagpasok. Limang minuto bago mag alas kuwatro ng hapon ay nasa pasilyo na ako papasok ng ospital. Nang mabungaran ang madalas na kabiruang guwardya ay mabilis lang akong nakipag-kumustahan at saka ay nag log in. Patakbo kong tinungo ang elevator dahil hindi na ako puwedeng maghagdan pa sa loob ng tatlong minuto. Sa OB department kami naka assign ni Rita. Kaya walang problema dahil kabisado ko naman ang trabaho niya. Nang makapasok ay agad kong pinindot ang close button. Ngunit ang tuluyang pagsasara ng elevator ay nahinto nang swabeng pumasok ang isang lalaking kahit nagmamadali ay hindi mo kakitaan ng pagka haggard sa hitsura. Guwapong-guwapo parin ito sa suot na uniform na parang palaging bagong plantsa sa pagkakalapat sa kaniya.

“Hindi aakyat ang lift kung tititig ka lang sa akin, mis.” Parang gusto kong lumubog sa kinatatayuan ko dahil sa pagkapahiya! Kung bakit nga ba naman kasi tumitig pa ako? 

Nagkunwari akong walang narinig at patay malisyang pinindot ang third floor. Saglit lang ang inilagi namin sa loob niyon, ngunit iyon na yata ang pinaka-mahabang byahe ng buhay ko. Papaano kasi ay napaka-tahimik sa loob at gustuhin ko mang sulyapan ang katabi ko ay hindi ko magawa dahil sa ilang. 

Nahahapo akong umupo pagpasok ko ng nurse quarter. Inilabas ko ang bote na may lamang tubig at saka dire-diretso iyong ininom. Kakaunting oras palang ang ipinagpapahinga ko ay agad na nilang kinailangan ang aking tulong. Masyadong maraming pasyenteng buntis ngayon. Ang iba ay manganganak ngayong lingo at ang iba naman ay halos kabuwanan na. Kaya naman sa bawat isang nurse ay tatlo o apat na pasyente ang hinahawakan.

“Kent!” humahangos na tawag sa akin ng head nurse namin na si ma’am Gladis. Agad ko namang sinenyasan ang kasama kong katatapos lang sa isang pasyente na lumapit. Ipinasa ko sa kaniya ang hawak na steril gloves. Katatangal ko lang no'n sa plastic at hindi ko pa naisusuot.

“Ikaw na muna ang magtuloy ng pag-IE kay ma’am, ah?” sabi ko sabay turo sa isang cubicle sa kaniya kung nasaan ang pasyenteng tinutukoy ko. Nang tumango siya sa akin ay mabilis naman akong naglakad papuntang nurse quarter para kausapin si ma’am Gladis. Pagkatapos kasi niya akong tawagin ay dali-dali siyang pumasok dito.

“Bakit po, ma’am?” tanong ko sa kaniya habang naglalagay ng alcohol sa kamay pataas sa braso.

“Magpalit ka muna ng department ngayon. Kailangan ka sa surgery building.” 

Kinakabahan man ay hindi ko puwedeng ipahalata iyon. Wala kaming magagawa kung dumating ang mga pagkakataong tatawagin kami para tumulong sa ibang department. Kasama naman iyon sa training namin ngunit hindi ko parin maiwasang matakot. Sa lahat ng department ay sa surgery ko ipinagdarasal na huwag mapunta. Dahil sa lahat ay iyon ang may pinaka-mabigat at kumplikadong trabaho. Hindi lang sa aming mga nurse kung hindi lalo’t higit sa mga doctor doon. 

Marahan akong tumango at nakinig sa ilang mga bilin ni ma’am. Pagkatapos ay walang dalawang salita akong nagtungo sa ika-apat na palapag para simulan ang trabaho. Pero ang kabang nararamdaman ko kanina pa ay mas lalong nadagdagan nang madatnan ko ang doctor na siyang may hawak ng chart ng pasyente at masusi iyong sinusuri. Gustuhin ko mang humakbang papasok ay parang nag-ugat na ako sa aking kinatatayuan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status