Share

Sheltered Memory
Sheltered Memory
Author: SweetCaroline

Prologue

Kung ang puso’y umibig at naghangad na ibigin pabalik,

At ang inaasahang matangap kahit sa kalahati’y hindi humigit.

Susuko nalang ba dahil masakit?

O patuloy na magmamahal kahit walang kapalit.

Sa pagsintang tinakpan ng pait ang tamis,

At ang galak ay natabunan ng hapis.

Mga luhang sa pagtulo’y walang mintis,

Sa tahimik na gabing puno ng pagtangis.

Sa mga larawang kasama bawat araw,

Daan sa mga alaalang pilit tinatanaw.

Kahit sa bawat buklat dulot ay pamamanglaw,

Sa minsang pagdaan ng ligaya’y hindi kayang bumitaw.

Sa pagpuno ng maraming bagay sa isipan,

At pag’ikot ng mga tagpong kay hirap kalimutan.

Mga tanong na hindi mahanap ang kasagutan,

Hanggang kailan, hanggang saan?

Isang tipid na ngiti ang dumaan sa aking mga labi nang isara ko ang libro pagkatapos kong basahin ang huling pahina. Hindi lang sa sampung beses ko na itong binasa ngunit tila kahapon ko lang ito isinulat. Ang pakiramdam ng magkahalong sakit at saya ay malinaw pa. 

Limang dekada na ang lumipas ngunit ang mga alaala ay tila kababahaw lang. Sa pag-ihip ng pang-umagang hangin ay humaplos sa aking balat ang lamig. Ngunit hindi katulad nitong saglit lang ay lilipas, ang lamig sa puso ko ay patuloy na humahaplos kahit ikulong ko ang aking sarili sa apat na dingding ng aking silid. Napakatagal na ngunit ang paglimot ay sadyang kay hirap matutunan.

“Ma! Let’s go!”

Tipid muli akong nangiti sa narinig. Kasabay ng pagpapakawala ko ng buntong hininga ay ang maingat na pagsisilid ko sa libritong hawak ko sa bulsa ng aking pantalon. Nang sunod-sunod na bumusina ang aking anak ay binigyan ko ng huling sulyap ang kabuuhan ng lugar na kailan man ay hindi ko magagawang iwan. 

Mula sa kinalalagyan ko ay tanaw ang mga taong mabilis na labas pasok sa pinto. Ang pawis ay halos bumakat sa purong putting kasuotan na sumisimbolo sa kanilang sinumpaang tungkulin na magdugtong ng buhay. Ang maging isa sa kanila ay maituturing kong pinakamasaya at pinakamalungkot na bahagi ng aking pagkatao. Dahil sa hindi ko pagtatagumpay na iligtas ang buhay na bumuo ng aking mundo, ay ang pagpili kong bigyang buhay ang iniwan niyang regalo. Muli akong pumikit at humalik sa hangin. Kasabay ng panalangin na ang nangyari sa akin ay huwag niyang danasin. Dahil katulad ko, ang babaeng kanina pa naghihintay sa akin ay piniling magdugtong ng buhay, at umibig.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status