Share

Chapter 6

Pinakalma ko muna ang sarili bago siya hinarap. Dala ang kanyang gym bag ay tumatakbo siya patungo sa akin. Napalunok ako nang husto siyang makalapit.

"May susundo sa 'yo?" pauna niyang tanong na hindi maipirmi ang mga mata sa akin.

Umihip ang hangin at nalanghap ko ang kanyang bango. Halatang bagong ligo lang siya at basa basa pa ang kanyang buhok. Kailangan ko na namang kurutin ang aking kamay para mawala sa pagkakahipnotismo sa kanyang kagwapuhan. Dumapo ang mga mata niya sa kamay ko.

"Ah, oo, susunduin ako ni Papa..." Kinalas ko ang mga kamay mula sa isa't isa.

Tumango siya at napatiim labi, dahilan ng paglitaw ng kanyang dimple sa kaliwang pisngi. Lumakas lalo ang tibok ng puso ko at pakiramdam ko'y nagiging jelly ang mga tuhod ko.

"Samahan na kitang maghintay sa labas." Hindi ito tanong!

Nauna na siyang maglakad sa akin palabas ng campus, nakapamulsa. Hindi ko napigilan ang ngiting kumawala sa aking mga labi. Mabilis na akong sumunod sa kanya.

Naupo kami sa waiting shed kagaya noong nakaraan. Iyon nga lang ay 'di tulad noon ay kaunting distansya lang itong pagitan namin ngayon. Hindi umuulan ngunit 'yong pakiramdam noong unang beses na nagkaganito kami ay ganoon parin. Dumoble pa nga 'ata 'yong saya at kiliting nararamdaman ko ngayon.

"Hmm, papasundo ka ulit sa driver niyo?" basag ko sa katahimikan.

Bumaling siya sa akin at umiling. "I have my car with me."

Tumango ako't pinasadahan ng tingin ang kanyang kamay. Wala na ang benda doon. Mukhang magaling narin talaga ito. "Hindi ka pa uuwi?" tanong ko.

Umiling siya. "Hihintayin ko muna 'yong sundo mo."

Tumango muli ako't nagtiim labi. Pinipigilan ang sariling mangiti. May kung ano sa tiyan ko ang hindi mapakali at nangingiliti.

Nanghinayang ako nang maya maya ay dumating na ang driver namin, katabi si Papa. Gusto ko pa siyang makausap. Gusto ko pa siya lalong makilala...

Tumayo siya at siya pa mismo ang nagbukas ng pinto para sa akin. "Um, bye. See you tomorrow?" may pag-aalilangan kong sabi.

Ngumiti siya. Iyong ngiti na nagustuhan ko sa kanya. 'Yong bahagyang nalabas ang mapuputi at magandang set niya ngipin. "See you tomorrow."

Lumawak ang ngiti ko at tuluyan ng pumasok sa kotse. Tiningnan ko ang repleksyon ni Rameses sa side mirror ng sasakyan. Nanatili siyang nakatayo doon at nakatingin sa palayo ng palayo naming sasakyan.

Bumuntong hininga ako't nangingiti paring bumaling sa kalsada.

Narinig ko ang pagtikhim ni Papa. "Si Rameses?" seryoso niyang tanong.

Natigil ako sa kakangiti at bumaling kay Papa. "Opo..."

Tumango siya at napabuntong hininga. Nanatili ang mga mata sa daan.

"Nanliligaw na ba 'yon, anak?"

"P-Po?" gulantang kong baling kay Papa.

Bahagya naman siyang napatawa. "Ayos lang naman sa akin kung nagkakaroon ka man nang crush. Normal lang 'yon anak. Pero sana hanggang doon lang muna at masyado ka pang bata... At si Rameses... natural talaga ang pagiging mabait niyan. Huwag mo sana bigyan ng kahulugan, anak."

Napabuntong hininga ako't unti-until nawala ang mga ngiti sa tinuran ni Papa. "Opo. Tingin ko naman ay nakikipag-kaibigan lang si Rameses..." at mukhang may girlfriend na siya. Napanguso ako sa naalala.

"Sa pagkakaibigan naman talaga nagsisimula 'yan..." iling ni Papa.

Hindi ko na halos matandaan kung paano at kailan ako nagsimulang magkagusto kay Rameses. Basta ang alam ko ni minsan ay hindi ako nahumaling sa kahit na ano o sino bukod sa kanya.

"Malapit na pala ang birthday mo, anak." Nakangiting puna ni Mama isang araw habang kumakain kami ng almusal.

Tumango tango si Papa. "Oo nga pala, paano, iimbitahan mo ba ang mga kaibigan mo?"

Agad akong umiling. "Wala naman po akong mga kaibigan," bahagya akong napangiwi.

Kumunot ang noo ni Papa. "Mga kaklase?"

Bahagya napatawa si Mama. "Alam mo naman 'yang anak mo at hindi marunong makipagkaibigan."

Nangingiting napailing si Papa sa sinabi ni Mama.

"Ayos lang po ipagluto niyo 'ko ng mga paborito kong pagkain Mama, gaya noon." Bumaling ako kay Papa. " 'tsaka ibili niyo po ako ng cake," paglalambing ko pa.

Mula pagkabata ay nasanay na akong kaming tatlo lang. Ang alam ko ay solong anak si Papa at maagang nawala ang lolo't lola ko. Wala naman akong kilala sa pamilya ni Mama. Wala rin akong nakilalang kahit malayong kamag-anak.

Tumango si Mama bilang pagsang-ayon. Ngumiti siya at nilagay sa likod ng aking tenga ang ilang takas na buhok. "Imbitahan mo si Rameses!"

Napalawak ang ngiti ko sa sinabi ni Mama. Kahit pa hindi ko sigurado kung pwede ba siya sa araw na 'yon.

Kumunot ang noo ni Papa kay Mama. Natawa naman ito. "Ano?"

Umiling iling si Papa.

"Baka nauumay na itong anak natin na tayo lang laging tatlo ang nagse-celebrate tuwing birthday niya." Bumaling sa akin si Mama. "Tanungin mo narin siya kung ano ang paborito niya nang maluto ko."

Malakas na napabuntong hininga na lamang si Papa na ikinatawa naming ni Mama.

"Rameses!" tawag ko sa kanya isang hapon.

Halos kakababa niya lang sa kanilang college building. Sinadya ko talaga siya rito. Pinagtinginan ako ng mga taong naroon, lalo na ng mga babae, maging ng mga kaibigan niya. Nag-init ang mga pisngi ko sa kahihiyan. Siguro ay iniisip nila kung bakit may napadpad ritong taga-high school department. Halata pa suot kong school uniform.

Lumapit sa akin si Rameses.

"Um," tumingin ako sa paligid.

May sinenyas si Rameses sa mga kaibigan niya bago ako iginiya paalis.

Tahimik kaming naglakad palabas ng campus. "Ah, Rameses..."

"Hmm?" maagap niyang baling sa akin.

"Birthday ko nga pala sa Saturday. Hmm, kung may oras ka lang naman, iimbitahan sana kita..."

Pinagmasdan ko ang kanyang reaksiyon at may kung anong liwanag akong nakita doon. "Sure." ngumiti siya. "Saan ba?"

Bahagya akong nailing. "Sa bahay lang. Simpleng dinner lang naman."

Tumango siya at kagaya noong huli ay sinamahan niya muli akong mag-antay sa pagsundo sa akin ni Papa.

Isang pulang tube dress na above the knee ang binili ni Mama para isuot ko sa aking birthday. Hinayaan lamang nakalugay ang aking mahaba at umaalong buhok. Sinuotan pa ako ni Mama ng kanyang kuwintas na regalo raw ni Papa noong mag-boyfriend/girlfriend pa lamang sila. Simpleng white gold necklace lang ito na may maliit na diamond pendant. Ang kuwento pa ni Mama ay pinag-ipunan raw ito ng husto ni Papa.

"Ang Papa mo kasi, akala niya'y mahilig ako sa materyal at mamahaling bagay.

Dahil narin siguro sa estado ng pamilya ko..." Bahgyang natigil si Mama sa pagsusuklay sa buhok ko at parang may naalala.

"Mama?"

Maagap naman siyang bumaling sa akin at ngumiti. "Halika na."

Nang bumaba kami ni Mama ay saktong pinagbubuksan naman ng pinto ni Papa si Rameses.

"Good evening po..." Bati niya kay Papa bago nag-angat ng tingin sa akin.

Naramdaman ko ang pag-init ng mukha sa pagkakatulala niya sa akin. Iniisip niya kayang hindi bagay sa akin itong suot ko ngayon? Si Mama kasi nilagyan pa ako ng kaunting lipgloss.

Narinig naming ang tikhim ni Papa. "Lalamig na ang pagkain."

Bahagyang napatawa si Mama. Bumaling sa kanya si Rameses, at doon lang yata naalis ang tingin niya sa akin. "Good evening po."

Tumango si Mama at nginitian si Rameses.

Naupo kami sa hapag at nagsimulang sindihan ni Papa ang kandila ng biniling kulay pink na cake para sa akin. Medyo nahiya pa ako nang nagsimula silang kantahan ako ng "Happy birthday..." kung saan nangingiting nakisabay si Rameses. Nag-wish ako at hinipan na ang labing anim na birthday candles nito.

"Sinabi sa akin ni Ivana na simpleng chicken adobo lang raw ang paborito mo..." si Mama habang nilalagyan ng ulam ang pinggan ni Rameses.

Ito ang sinabi niya sa akin noong tinanong ko siya. Naalala ko pa ang ngiti sa labi niya nang sinabi kong ipagluluto siya ni Mama.

"Naku, sana ay magustuhan mo, Rameses. Maaring hindi 'yan ang nakasanayan mong luto ng Mommy mo." Dagdag pa ni Mama.

Kita ko ang pagkawala ng ngiti sa mga labi ni Rameses. Bahagya siyang natulala sa mga pagkain sa hapag. Nagkatinginan kami ni Mama. Umiling si Rameses at nagpakawala ng isang tipid na ngiti. "My Mom passed away when I was nine."

Mahinang napasinghap si Mama. Hindi ko naman napigilan ang awa at lungkot na bumalot sa aking puso. Nagkatinginan kami ni Rameses. Nag-iwas siya ng tingin.

"Ikaw ang panganay na anak, hindi ba, Rameses?" si Papa.

Tumango si Rameses. "Yes po."

Nagsalin si Mama ng juice sa mga baso namin. Mahinang nagpasalamat si Rameses doon. Napangiti ako. Hindi ko akalaing kaya niyang maging ganito kagalang. Hindi naman sa sinasabi kong hindi siya magalang ngunit marami ang nakakaalam kung gaano siya ka-bad boy.

"Nagkakilala na kami noon ng Papa mo. Ako ang nagdisenyo ng isa sa mga towers niyo," patuloy ni Papa. Isang architect si Papa at part-time instructor sa University. Madalas ay malalaking projects ang napupunta sa kanya. Kaya kahit papano'y nakakapag-aral ako sa magandang eskwelahan at may maayos kaming tirahan.

Tumango lamang si Rameses doon at hindi na dinugtungan pa ang kuwento ni Papa. Para bang ayaw niyang pag-usapan ang kanyang Daddy. Muli kaming nagkatinginan. Siguro'y napansin niya ang kanina ko pang paninitig sa kanya.

Ngumiti siya sa akin. Nakaramdam naman naman ako ng hiya at tipid na ngiti lang ang naiganti ko sa kanya bago nag-iwas ng tingin.

He's so cute!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status