Share

Stranded With A Hot CEO
Stranded With A Hot CEO
Author: Elena Parks

Chapter One

Napansin ni Lola Kora ang naiinis na pagbuntong-hininga ng apong si Joey na noon ay nakaupo sa swivel chair nito sa parte ng maluwang na salas kung saan naroroon ang maluwag nitong writing space. 

May tatlong floor-to-ceiling bookshelves doon na puno ng libro at mga paraphernalia na nakolekta sa iilang taon pa lamang nitong writing career, at iyong malaki nitong desk na nabili noon pang twelve years old ito ang nasa gitna. Iyon din ang mismong pwesto kung saan ito nag-aaral noong estudyante pa na ngayong manunulat na ay hindi na nabago. 

Estudyante pa lamang si Josefina Marionne Ledesma ay nananalo na ito ng mga patimpalak sa pagsusulat. Maliit pa lamang ito ay magaling nang mag-imbento ng mga kwentong noong una’y kinukwento nito sa kanila impromptu anumang oras na sumpungin ito, hanggang sa nagtagal ay sinusulat na ng kamay sa mga notebooks nito. Natuto ito ng sarili sa pagtipa sa keyboard ng computer desktop na binili nila para rito at noong highschool naman ay nagsimula itong sumali sa mga pa-contest sa internet, kung saan lagi itong may napapanalunang kung hindi materyal na bagay ay virtual gift o kaya naman ay dolyar.

Noon pa man, alam nilang magiging isa itong propesyonal na manunulat pagdating ng araw, at naselyuhan iyon nang bukod sa ilang mga librong nalimbag sa traditional publishing mula nang maging sikat ito sa W*****d, dalawa sa mga iyon ay naisapelikula bago pa man ito grumadweyt.

Hindi rin biro ang pressure na dinanas ng dalaga sa karera nito. Isang likas na introvert at pribadong tao, bihirang bihira itong makipag-usap sa mga fans nito online o kaya ay makipagtagpo sa mga ito gaya nang ibang mga bata pang writers na nakasabayan nito. 

Mas ginugugol nito ang libre nitong mga oras sa pagbabasa dahil isa pa iyon sa kinahihiligan nitong masyado mula pa pagkabata. Madalas itong mag-post nang kung anong binabasa nito o kaya ay proyektong sinusulat, pero generally ay hindi ito nakikipag-connect. 

Mistula namang nasanay na roon ang mga tagasubaybay nito, iyon nga lamang ay sa mga iilang book signing events na dinaluhan ng dalaga ay lumulutang ito dahil maganda. Sa mga events na iyon ay walang palya silang nilalapitan ng scouts kung papayagan nilang mag-artista o magmodelo ang dalaga. Wala iyon sa personalidad nito at ni hindi nito iyon inisip ni pinangarap. Sadya namang ayaw ng apo nila at para lang hindi na ito kulitin, sila na ang paulit-ulit na tumatanggi para rito. 

Pero sa mga ganoon ding pagkakataon ay hindi nila ito nakikitaan ng kawalan ng pasenya sa pagtrato sa mga followers. Hindi nga lang ito madaldal, at hindi dahil suplada ito.

“Imposibleng makalapit ko sila sa sandaling daldalan, Lola Kora. Ayokong umarteng kaya kong palagi silang kausap kasi hindi ‘yon totoo, at alam ko ring hindi ako makakapag-commit ng friendship. Nag-iisa lang akong tao at ang dami nila. I will just disappoint them. ‘Yung mga books ko lang ang kaya kong ibigay sa kanila na galing sa puso ko. Sa pagsusulat ko na lang ilalagay iyong hindi ko maibibigay sa kanilang atensyon.”

Mas dinidibdib ni Joey ang pressure ng pagsusulat. Mas dinadamdam nito kapag hindi ito makatapos ng kwento. May mga pagkakataong ni hindi na nito tinatapos ang isang librong matagal nitong binigyan ng panahon dahil nagdududa itong magugustuhan iyon ng mga kabataang tagasubaybay nito. At may mga libro itong sinulat na ni hindi nasilayan ng sikat ng araw dahil tinuturing nito iyong pribado at para sa sarili lang nito. Iyong mga hindi pa ito handang mabasa nang iba. 

May mga manuscript din itong binabalikan kapag tingin nito ay kaya na nitong tapusin iyon. Dahil bata pa sa karanasan sa edad beinte-kuwatro, karamihan syempre ng alam nito tungkol sa mga mature na bagay ay nagmula lamang sa libro. Madali sa dalaga ang horror, ang suspense, ang pantasya. Pero hirap ito sa romansa. 

May mga araw na maayos lang dito ang takbo ng kwento.

May mga araw namang gaya ng araw na ito. 

Hindi na mabilang ang buntonghiningang iyon sa nagdaang tatlong oras na nakaupo ito sa harapan ng kompyuter nito, na noong sinilip ni Lola Kora nang pasimple sa gilid ng balikat nito ay blangko pa rin maliban sa titulo sa itaas ng pahina sa loob ng parang telebisyon na monitor na wala nga lang istasyon. 

Napatingin ang matanda sa pinsan na si Tinay na naggagantsilyo ng striped na pula at puti na sweater para sa isa sa mga magiging bago nilang apo sa isa pang pinsan. 

Napatingin din si Tinay sa kanya, saka nakangiwing umiling-iling. Nag-aalala rin ito, at maaaring iyon din ang dahilan kung bakit ito nakatambay din sa salas, kunwari ay abala. Siya ay may hawak na libro pero hindi naman niya binabasa dahil sa pagmamasid sa problemadong apo.

“Wala na naman yatang maisulat si Joey ngayon,” paanas niyang sabi rito. 

“Ilang beses nang nagsimula pero binubura. Kahapon pa ‘yan sa bagong title na ‘yan. Pinalitan na naman,” anito.

Nagbuntonghininga siya. “Baka, Tinay. Puro romance yata ang hiling ng mga fans ngayon. Paulit-ulit sa kanyang watpad, aba. Gusto ay iyong may mga nakakaeskandalong eksena pa. Alalahanin mo, hindi pa ‘yan kailanman nagkaka-boyprens. Saan ba siya kukuha ng ekspiryens?”

Kumunot agad ang noo ni Tinay. “O, e, bata pa naman siya. Hayaan mo munang mag-enjoy sa buhay niyang single.”

“Paanong hindi magiging single, walang napupuntahan? Hindi na nakakakilala nang ibang mga kaibigan.”

“Tingin ko naman ay hindi naghahanap. Noong isang linggo lang, may nagpasabi kay Hazel na gusto siyang makilala at crush daw, ay hindi man lang pinansin.” Si Hazel ay ang kaibigang matalik ng kanilang apo. May iba pa itong mga kaibigan pero ang dalaga ay nanatiling pinakamalapit kahit noong panahon nang mahigpitang mga lockdowns sa loob at labas ng bansa nang dahil sa pandemic. “Saka… kung sakali pwede siyang magpahinga habang hibang pa sa mga ganyan ang mga mambabasa niya. Hindi niya kailangang kumita. Mabuti pa sigurong unahin muna niyang makipagkaibigan, hane?”

“Maraming may kras sa kanya kaso hindi niya type.”

“Ay paano?”

“Maaari ring naiinip na siya rito sa bahay. Matagal na siyang hindi nakakalayo. Tayo na lang lagi ang kanyang kasama. Eh ako nga nagsasawa na sa mga mukha natin, ang apo pa natin?”

Pinanlaliman ng tingin ni Tinay si Kora. “Sabagay, ako nga ay sawa na rin sa mukha mo.”

“O, ‘kita mo?” sambit ni Lola Kora na hindi man lang nainsulto. “Kung makakapamasyal siya uli, trabel-trabel ba? Baka may makilala siyang gwapong lalaki at ‘yong nga sinusulat niya, magkaroon ng basehan. Lalo na ‘yang mga romansahang iyan.” Napangiti siya. Palihim siyang nagbabasa ng mga sinusulat ng kanyang apo nitong huli. Panay romansa. Kahit papaano naman ay nakakapag-imbento ito ng mga nakakakilig na eksena kahit ni hindi man lang nakaranas makipag-holding hands sa mga boys.

“Utang na loob, Kora, baka marinig ka at kung anong pumasok sa isip ng apo mo. Baka kung anong kakirehan ang masulat.”

Umismid si Kora. Kung mababasa lamang nito ang mga nabasa niya, ewan niya kung hindi ito lalong humanga sa apo. Pero paano mangyayari iyon, noong nagsusulat pa ng horror at tungkol sa mga aswang si Josefina, binangungot ito at hindi na umulit magbasa? 

Pagkahinang nilalang.

Pero hindi niya ito paliligtasin sa sinabi nitong iyon.

“O, eh, ano naman? Ikaw, parang hindi nagdaan sa pagkabata. O hindi ba’t ilang beses kang tumatakas noon at nakikipag-date, kaso ay ka pili mo. Si Roberto, kamo ay parang s**o kung humalik. Si Manuel, mas kilitiin pa sa ‘yo. At si Orlando, maliit ang—”

“Naririnig ko kayooo…” biglang sambit ni Joey mula sa desk nito. 

“Braso. Maliit ang braso. Pero si Bienvenido na pandak ang malaki ang—”

“Koraaaa!” saway ni Tinay habang pinanlalakihan siya ng mga mata.

Hindi pinansin ni Kora ang pinsan dahil ang nakikita niya ay ang pag-uga ng mga balikat ng apo sa tahimik na pagtawa.

Noong narinig niyang tumatagatak na ang keyboard nito matapos ang ilang sandali ay tumingin siya kay Tinay, na nangingiti na rin. 

Saka siya bumalik sa kanyang libro at tunay na nga ngayong nagbasa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status