Share

Chapter 3.2

“Eh bakit hindi mo dalhan ng foam?” pabalang na sagot na ni Bethany. 

Hindi na niya napigilan ang sarili dahil sobrang rinding-rindi na siya sa madrasta. Bakit siya ang sinisisi nito? Ginagawan naman niya ng paraan. Hindi siya nagpapabaya.

“Sa tingin mo ba Tita ay hindi ako nasasaktan kada maiisip ko siya?” pumiyok na doon ang tinig ni Bethany, naiiyak na. “Ama ko siya. Dugo at laman niya ang nananalaytay sa katawan ko. Huwag mo po naman sanang iparamdam sa akin na wala akong kwentang anak, Tita. Ginagawa ko po ang lahat para makakuha ng magaling na abugado at nang matapos na ito. Please lang po, dahan-dahan ka naman po sa mga akusasyon mong pabaya ako!”

Bunga ng matinding pressure at stress sa loob ng bahay nila ay umisip ng paraan si Bethany kung ano pa ang nararapat niyang gawin. Hindi na siya mapakali sa pagbubunganga ng madrasta niya. Minabuti niyang makipagkita sa isa sa mga kaibigan niya noong college, kay Rina. Pagkatapos nila ng college ay nagpakasal na ang kaibigan niya sa isang mayaman na malawak ang sakop ng connection at saka impluwensiya. Nagbabakasakali siya na matulungan siya nito kapag nasabi niya rito ang mga suliranin niya. Nagkasundo ang dalawa na magkita sila sa isang coffee shop. Doon ay nabanggit na ni Bethany ang lahat ng kanyang problema.

“Napaka-walang kwenta talaga niyang ex-boyfriend mo, Bethany! Pagkatapos ng lahat? Bibigyan ka pa niya ng problema?” iling nitong hindi makapaniwala, ilang sandali ay nagbago ang hilatsa ng mukha nito. “Pero infairness ha, seryoso ka ba talaga na nagsanga ang landas niyong dalawa ni Gavin Dankworth ng gabing ‘yun?” tanong nitong may nanunukso ng mga mata sa kanya.

Namula na roon ang mukha ni Bethany, hinalo-halo muna niya ang tasa ng kaharap niyang kape bago marahang tumango bilang sagot.

“Lumapit ka na sa kanya. Malay mo naman tulungan ka niya. Masyadong mataas ang standard ng abugadong iyon at ni minsan ay hindi rin nasangkot sa anumang uri ng eskandalo.”

Mapaklang ngumiti si Bethany.

“Ginawa ko na pero hindi effective. Kung nagtagumpay ako sa tingin mo ay narito ako at nakikipagkita sa’yo upang humingi ng tulong? Syempre wala ako dito, Rina. Kaya please, favor naman oh. Help me…”

“Ano bang gusto mong gawin ko?” tanong ng kaibigan na sumimsim muna sa kanyang kape bago siya hinarap, matamang tingnan sa mata.

Batid ni Bethany na may malawak na connection si Rina na maaari nitong gamitin anuman ang hilingin. At kapag si Rina ang gagawa noon, walang sinuman ang maghihinala na may masama itong pina-plano doon. 

“Tulungan mo akong makuha ang schedule niya. Kailangan ko siyang makausap habang di pa huli ang lahat. Susubukan kong makipaglapit sa kanya. Baka sakaling lang eh...”

“O siya sige, ako na ang bahala, Bethany. Huwag ka ng mag-alala.” sagot ng kaibigan niyang naiiling.

“Maraming salamat, Rina!”

Mahigpit na niyakap na ni Bethany ang kaibigan bilang pasasalamat. 

“Babawi ako sa’yo, Rina. Matapos lang talaga ang problemang ito kay Papa, hindi na ako rito mai-stress.”

“Oo na, para ka namang ibang tao.”

SABADO NG TANGHALI ng mag-book ng oras si Gavin upang maglaro ng golf. Naging palipasan niya ng oras ang paglalaro noon na para sa kanya ay pangtanggal na din niya ng stress. Nang mga sandaling iyon ay napilitang sumama si Bethany sa kaibigang si Rina at sa asawa nito patungo sa kaparehong golf course. Mula sa malayo ay natigilan panandalian at nagulat si Bethany nang makita niyang naroon ang ex-boyfriend niyang si Albert.

“Kapag minamalas nga naman, oh!” malakas na bulalas ni Bethany.

Nilingon ni Rina ang kaibigan at nang sundan niya ng tingin ang sinisipat nito ay nakita niya ang dahilan ng biglaan nitong pagtigil doon. Natutop na niya rito ang bibig. 

“Hayaan mo na Bethany, huwag mo ng pansinin. Lalo lang matutuwa ang damuhong iyan oras na makita niyang apektado ka sa presensiya niya. Huwag mo siyang bigyan ng chance na maramdaman iyon. Ikaw din ang talo at hindi naman siya.” bulong ni Rina sa kaibigan na hinaklit pa ang brasong hawak niya.

Binalingan na ni Rina ang asawa na nagulat din kung bakit naroon ang ex-boyfriend ng kanyang kaibigan.

“Ano ‘to? Bakit hindi mo naman sinabi na narito pala si Albert ha?” bulong nito na narinig pa ni Bethany. 

Hindi niya tuloy mapigilang makaramdam ng hiya sa mag-asawa. Parang ang daming abala na ang nagagawa sa kanila.

“Hindi ko rin alam, Rina kung bakit narito siya.” sagot ng asawa ng kaibigan ni Bethany na humarap pa sa kanya, mas nahiya pa dito si Bethany. “Pasensiya ka na ha? Hindi ko talaga napansin. Nasa amin ang pagkakamali dito. Nagkita tuloy kayong dalawa ng hindi sinasadya.”

Bago pa muling makapagsalita si Bethany ay nasumpungan na sila ng mga mata ni Gavin na nagmamasid. Nakasuot ang matikas na binatang abugado ng casual white suit, na mas nagpadepina ng angking gandang lalake niya sa lahat. Iyon ang naging dahilan para umangat pa at mapuna ang hitsura niya sa area. Kagaya noong nakita ni Gavin sa opisina si Bethany, nagkunwari siyang hindi niya kilala ang babae. Ang binati lang nito ay ang kilala niyang asawa ni Rina sa grupo nila.

Tumikwas na ang kilay ni Gavin nang mapadako iyon kay Bethany na tahimik lang na nakatayo sa tabi. 

Lihim na napangiti na si Bethany nang makita niya sa gilid ng mata ang ilang segundong pahapyaw na pagtingin ni Gavin sa postura niya. Sinadya niyang magsuot ng medyo revealing na damit. Malaking damit at sport shorts iyon na hapit sa bilugan niyang mga binti. Nagpalitaw ito ng magandang kutis ni Bethany. Ang mahaba at alon-alon na kulay brown buhok ay naka-ikot sa tuktok ng ulo ni Bethany, nakadagdag pa ‘yun sa fresh na fresh nitong itsura. 

Dumapo na ang mga mata ni Gavin sa payat at makinis na mga hita ni Bethany. Binasa na niya ang labi sabay harap sa asawa ni Rina.

“Sino siya? Kasama niyo? Mukhang ngayon ko lang din siya nakita dito.” 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status