Share

Chapter 3.1

PARANG HINOG NA kamatis na namula ang buong mukha ni Bethany. Dala ng biglang pagkagulat sa sinabi ni Gavin ay bigla na lang niyang itinaas ang bitbit na paper bag, kung saan nakalagay ang jacket. Dinala niya ito para kung sakaling magkagipitan ay maaari niya itong gawing alibi sa pagpunta.

“P-Pumunta ako dito para isauli itong jacket mo. Nakalimutan mo kagabi.”

Biglang sumeryoso ang mukha ni Gavin. Ang buong akala niya ay iba ang sadya ng pagpunta ng babae rito.  Umaasa siyang mas malalim ang dahilan ng babaeng kaharap. Mabilis pa sa alas-kwatrong tinanggap niya ang paper bag. 

“Okay, salamat sa pagsauli. Hindi ka na sana nag-abala pang dalhin dito.”

Pagkasabi noon ay mabilis na siyang humakbang patungo ng elevator. Iniwan na si Bethany doon. Dala ng pagkataranta ay mabilis siyang hinabol at sinundan ng babae. Kailangan niya itong makausap. Hindi naman hinarang ng mga receptionist si Bethany sa pag-aakala na kilala siya ng abugado dahil kinausap siya kanina.

“Attorney Dankworth, pwede ba kitang makausap sandali? May gusto lang sana akong sabihin…”

Pumasok na sa elevator si Gavin, sumunod pa rin sa kanya si Bethany. Pinindot na ng lalake ang floor na pupuntahan niya. Nasa labas pa rin ng pintuan ang kanyang mga mata. Ilang sandali pa ay sinulyapan na ni Gavin si Bethany sa kanyang tabi.

“Hindi ko hahawakan ang kaso ng ama mo, kung iyon ang dahilan kung bakit ka narito at kinakausap ako.”

Parang binuhusan ng malamig na tubig ang buong katawan ni Bethany. Hindi na rin niya maramdaman ang mga paa na parang dumikit na roon. Mukhang nahuli na siya, naunahan na siyang sabihin ni Albert sa abugado ang problemang dala n’ya.

“Dahil ba ang kalaban dito ay ang magiging future brother-in-law mo?”

Sa pagkakataong iyon ay hinarap na ni Gavin si Bethany na bahagyang umatras dahil natakot siya sa lalake. 

“Walang kinalaman sa kanya ang pagtanggi ko sa kaso ng Papa mo. Kahit kapamilya ko pa ‘yan kung nagkasala sa batas, hindi ko sila kukunsintihin. Marami lang talaga akong mas malaki at mabigat na kasong hawak sa ngayon. Hindi ko mapagtutuonan ng pansin ang kaso ng Papa mo kaya ko tinatanggihan na hawakan ko ito. Walang ibang dahilan kung iyon ang iniisip mo, Miss, basta ayoko lang. Tapos.”

Napahiya na doon si Bethany. Hindi niya iyon itinago sa abugadong kaharap. Para sa kanya ay napakababaw naman ng dahilan nito. Handa naman silang magbayad, hindi naman niya hinihingi iyon gawin nito ng libre eh. Ang emosyong iyon ni Bethany ay hindi nakatakas sa mata ni Gavin.

“Pasensya na Attorney Dankworth, akala ko kasi mapapakiusapan ka.” may bakas ng lungkot sa boses ni Bethany pero hindi iyon pinansin ni Gavin, kailangang magmatigas siya. 

Hindi na sila muling nag-usap. Binalot ng nakakabinging katahimikan ang loob ng lift. Pagdating sa tamang palapag na pinindot ni Gavin ay nakita niyang naghihintay na sa pintuan pa lang ng elevator ang kanyang secretary. Napamulagat ang mga mata nito nang makitang kasama ng abugado ang babae sa loob ng elevator. Naisin man nitong magtanong ay pinigilan na lang niya ang sarili niya.

“Attorney Dankworth, kanina ka pa hinihintay ni Mr. Lopeña.”

Pahagis na ini-abot ni Gavin ang paper bag na kanyang dala na agad namang nasalo ng secretary niya. 

“Padala sa laundry shop ngayon na, kailangan ko iyan mamayang gabi.”

“Sige po, Attorney Dankworth.” tugon ng secretary, agad na umalis.

Lumabas na ng elevator si Gavin, bumuntot pa rin sa kanya si Bethany. Nang tumigil sa paghakbang si Gavin ay tumigil din ang babae. Dinukot na ng lalake ang cellphone sa bulsa at nag-scroll na ito doon.

“Uulitin ko, Miss, hindi ko hahawakan ang kaso ng Papa mo. Ang mabuti pa ay humanap ka na lang ng ibang abugado na hahawak ng kaso. Hindi na magbabago ang desisyon ko, pasensya na. Busy ako at walang katiting na panahon.”

Bagsak ang magkabilang balikat na tumalikod si Bethany. Muling lumulan ng elevator pababa. Batid niya na kahit anong pilit ang gawin niya, never siyang papakinggan at pagbibigyan ni Gavin. Naisip niya ay marahil nang dahil iyon sa paghalik na ginawa niya. Pangit agad ang first impression na ipininta niya sa isipan ng abugado. Sayang, pagkakataon na sana niya iyon nawala pang bigla.

“Kumusta ang lakad mo, Bethany?”

“Hindi po siya pumayag, Tita. Subalit huwag po kayong mag-alala, Tita. Susubukan ko pong kausapin ulit bukas. Baka kailangan ko lang palagpasin ang init ng kanyang ulo.”

Nang mga sumunod na araw ay bigo pa rin si Bethany na makausap ang abugado. Kahit anong gawin niya ay hindi niya ito masumpungan kagaya ng una niyang pagpunta sa law firm. Ni anino nga nito ay hindi nasilayan. Ilang araw na tuloy siyang naririndi sa madrasta niyang hindi na natigil ang bibig sa pagsasabi na kalingan niyang gumawa ng iba pang paraan.

“Tita, gumagawa naman po ako ng paraan. Hindi naman ako nagpapabaya kaya bakit ganyan po kayo kung magsalita? Hindi ko naman po nakakalimutan ang responsibilidad ko kay Papa, huwag mo naman po sanang i-pressure ako nang sobra dahil sa totoo lang ay hindi ko na rin alam ang gagawin ko!” hindi na napigilang maglabas ng sama ng loob sa madrasta ni Bethany, napupundi na siya dito eh.

“Sinabi ko bang nagpapabaya ka? Ang sabi ko ay bilis-bilisan mo! Huwag kang kukupad-kupad, hindi ka na naawa sa Papa mong matanda na? Hindi mo man lang maisip na nagtitiis siyang manatili sa detention center? Makonsensiya ka naman, Bethany. Malambot ang higaan mo kada gabi tapos siya nagtitiis sa manipis lang na karton?”

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status