Share

PALAZZO DEI POTENTEI

"Ayoko, ate," matigas na sabi ng kapatid ko saka lumabas sa kusina. Mabilis ko naman siyang sinundan.

Agad kaming umuwi ni Alaric sa bahay pagkatapos kong banggitin sa kaniya ang tungkol sa imbitasyon na pinadala ng Älteste. Nasiguro ko namang sinabi na ni Mathilde ang bagay na iyon kay Cassius kaya't pumayag agad ito. Nakapagtataka ang gulat sa mga mukha nila ng malamang iniimbitahan ako. Na para bang ayaw nilang makaharap ko ang mga iyon. Bigla kong naaalala ang sinabi ni Kieran tungkol sa loyalty ng mga Cayman. 

Ang Kieran na iyon. Nagpupuyos ang kalooban ko sa tuwing naaalala ko ang lalaking iyon. Parang gusto ko siyang bugbugin kapag nakita ko siya. Matapos niya akong halikan ay hindi na siya muling nagpakita. Ano iyon? Kiss and run?

Napabuntong-hininga ako. Nauwi na naman kay Kieran ang isip ko. Namimiss ko na kasi siya. Pero kailangan ko muna iyong isantabi dahil mayroong mas kailangang pagtuunan ang atensyon ko. At kailangang pilitin.

"Saglit lang naman iyon, Kir." pangungulit ko dito. 

"Hindi maganda ang kutob ko doon, ate. At isa pa, it's a place full of bloodsuckers," anitong dumiretcho ng upo sa sofa. Nailang naman ako sa sinabi niya dahil naroon din sa sala si Alaric kausap si Mama. Nilingon naman agad ni Kirius si Alaric ng mapansing nakatingin ito. "No offense meant."

Umiling lang naman ang huli. Binalingan kong muli si Kirius. "Kir, we have to go. Ang Älteste ang pinakamataas na bampira sa mundo. We couldn't take the risk of trying to defy them." 

Mukha namang natauhan doon ang kapatid ko. At nag-isip ng malalim. "Kung ako man ang tatanungin ay ayoko ring magpunta roon pero tingin ko ay kailangan."

Ilang oras na ang lumilipas at hindi pa rin sumasagot si Kirius. Marahil ay pinag-iisipan niyang mabuti kung ano ang magiging resulta ng pagpunta namin doon. Hindi ko na rin muna siya kinulit at hinayaang mag-isip. Kung sa akin kasi ay ayos lang dahil tila sanay na akong napapaligiran ng mga bampira na siyang salungat naman kay Kirius. Hindi siya kailanman nakasalamuha ng mga bampira at lalong hindi pa siya nagawang atakihin ng mga ito kung kaya naiintindihan ko ang takot niya. Kung talaga namang hindi siya mapipilit ay hindi ko na rin pipilitin pa. 

"Okay," biglang sabi ni Kirius. Agad naman akong napalingon dito.

"Payag ka na?" nagtatakang tanong ko. Kung makahindi kasi siya kanina ay parang malabong mapapayag ko siya. 

"Hindi tayo magtatagal doon," pinal na sagot nito.

Napagkasunduan naming kinabukasan nalang pumunta sa Palazzo. Ang Palazzo dei Potenti. Sabi sa ni Alaric ay sa Palazzo daw na iyon namamalagi ang mga Älteste. Isang tagong lugar iyon kung saan hindi maaaring makapasok ang mga tao. Nang tanungin ko naman siya kung saan iyon ay hindi na niya sinabi. Basta ang sabi lamang niya ay malayo daw iyon. At lalong matatagalan daw ang biyahe namin dahil mga tao kami.

Tahimik lang sa loob ng sasakyan habang nagbibiyahe kami. May limang oras na rin kaming nagbibiyahe sakay ng ford ni Alaric. Maaga kasi kaming umalis dahil nga sa sinabi ni Alaric na malayo ang bibyahehin namin. Kaya madaling araw pa lamang ay nanggigising na ito. Hindi naman maipinta ang mukha ni Kirius ng malaman iyon. Hindi ko na kasi binanggit sa kanya. Mukha kasing hindi mangyayari ang plano niyang saglit lang kami doon. 

Malapit na rin akong mapanisan ng laway sa dalawang ito. Mukha kasing mga wala silang balak magsalita. Isa pa ay masyado ring mabigat ang atmosphere dito sa loob. At dahil iyon kay Kirius na nakabusangot pa rin ang mukha hanggang ngayon. 

"Pwede ka pa namang bumalik, Kir, kung gusto mo?" pang-iinis ko lalo dito. Mas maganda ng magbwisitan kaming dalawa kaysa naman mapanisan kami ng laway. 

"Seriously?" Kulang nalang ay sumigaw ito. 

Napangisi naman ako ng makita kong lalong nalukot ang mukha niya mula sa rearview mirror. Namiss kong bwisitin ang kapatid ko. Sa shotgun seat kasi ako naupo dahil ayaw din ni Kirius makatabi si Alaric. Hindi naman iyon inintindi ng huli. Mukha namang hindi pinapansin ni Alaric si Kirius. 

"Bumaba ka lang dyan, saka ka mag-abang ng magsasakay sayo," gatong ko na sinabayan ko pa ng pagtawa. 

Nasa kalagitnaan kasi kami ng highway sa kung saang hindi ko malaman. Madadalang din ang dumadaang sasakyan at kung mayron man ay mga pribadong sasakyan lang. Mukhang hindi ito daanan ng mga pampasaherong sasakyan. Sa paligid naman noon ay puro puno at walang matatanaw na kabahayan. Para kaming nasa probinsya. 

Napalingon ako sa katabi kong tahimik lang na nagdadrive. Hindi kaya siya naiinip? Balak ko sanang itanong kung nasaan na kami pero hindi ako nakakasigurong sasabihin niya iyon. Masyado niyang nililihim ito. Kanina pa ako naghahanap ng kahit na anong signage na pwedeng magsabi kung nasaan na kami pero wala akong nakita. Sa susunod na stop over namin ay susubukan kong magtanong.

"Yue."

"Yue."

Pupungas-pungas na idinilat ko ang mga mata. Una kong nabungaran si Alaric na nakaupo sa harap ko. Nakabukas na ang pinto sa gilid ko at mukhang kanina pa niya ako ginigising. Napatingin naman ako sa nakaputing unipormadong lalaki na nasa likod niya. Mukha siyang royal guard sa mga napapanood kong movies. 

Nang ilingap ko ang mga mata ay saka ko lang napansin ay kulay puti at gintong kapaligiran. Sa harap namin ay isang malawak na driveway at sa kaliwa naman ay makukulay na halamang nakapalamuti sa lugar. Napaka-aliwalas noong tignan. 

"Gising ka na ba?" tanong ng katabi kong tila tuwang-tuwa sa nagiging reaksyon ko. 

"Hindi pa yata."

Doon na ito bumunghalit ng tawa. Iningusan ko muna siya bago ko tinignan si Kirius sa likod ko. Wala na doon ito. 

"He's there. Probably calling someone," anito na nakalingon sa direksyon ni Kirius. Sinundan ko na lamang iyon. Nakatayo ito hindi kalayuan sa amin at may dina-dial sa cellphone. Mukha na naman siyang hindi matae sa itsura niya. 

Ibinaling kong muli kay Alaric ang tingin ng mabalik sa lalaking nasa likod nito ang pansin ko. 

"Sino siya?" usisa ko. Lumingon naman si Alaric sa akin.

"Oh! He's the valet. He's waiting for the car."

"Ay sorry!" Dali-dali naman akong lumabas ng sasakyan.

Yumuko lamang ang valet bago umikot sa driver's seat. Nang ilibot ko ang tingin ay hindi ko maiwasang mamangha. Napapaligiran ang lugar ng mga hedges na ang ilang ay hugis ibon, kuneho at kung ano-ano pa. Hindi nagtagal ay may lumapit naman sa amin na hindi katandaang lalaki. Mukha itong nasa kuwarenta lang. Kung titignan ay tila naka-uniporme din ito ngunit hindi katulad ng sa valet. Nakasuot ito ng itim na coat at pulang bow. Mukha tuloy itong butler sa ayos ng pananamit nito. 

Tulad ng valet ay yumuko din ito kay Alaric bilang pagbibigay galang. Kailangan yata sa lugar na ito ay palaging pormal. Nakakailang tuloy. 

"Shall we?" nakangiting turan nito saka nanguna na sa paglalakad. 

Agad na binuksan ng mga nakatayong guardya, na sumblero nalang ang kulang ay mukha nang mga nutcracker, ang malaking pinto na kung hindi ako nagkakamali ay mahogany. 

Bumungad sa amin ang isang mahabang at napakalawak na pasilyong napapalamutian ng iba't ibang muebles na kulay ginto. Dire-diretcho lang naman ang lakad ng butler kung kaya't sumunod lang kami. 

Napaka-elegante ng lugar. Kung magarbo na ang sa mga Cayman, ay walang sinabi iyon sa kung gaano naghuhumiyaw sa karangyaan ang may-ari ng palasyo na ito. Halos lumuwa ang mga mata habang naglalakad sa kahabaan noon. Parang gusto ko tuloy huminto sa paglalakad at tignan kung totoo ngang ginto ang mga iyon. 

Ang mga bintana ay nasasabitan ng puting mga kurtina na nagbibigay liwanag sa lugar. Masyadong maliwanag para sa inaasahan kong tirahan ng mga bampira. Sa dingding naman ay puro naglalakihang mga paintings ng magagandang scenery ang nakasabit. Ang ilan naman ay mga painting ng mga taong kahit sa history books ay hindi ko pa nakikita. May hinala akong ang Älteste ang mga iyon. At hindi lang iyon isa kundi apat sila.

Kung titingala ka naman ay mapapanganga ka nalang sa napakalaking mural sa mataas na kisame. Pakiramdam ko tuloy ay para kaming nasa western country. Sabagay ay halata naman nga dito na western style ang disenyo ng palasyo, kung bakit nagtataka pa ako. Kung tutuusin ay hindi ito mukhang palasyo ng mga bampira sa sobrang aliwalas ng lugar.

Papaliko na kami sa dulo ng pasilyo ng may isang magandang babae bigla nalang sumulpot sa harap namin. Napakaganda ng mukha nito. Kung ihahalintulad kila Lenora, masasabi kong mas maganda ang babaeng ito. Mukha itong manika. Itim na itim ang buhok na binagayan naman ng asul nitong mga mata. Malalantik ng mga pilik nuon. Maliit na matangos ang ilong at mapupula ang mga labi. Balingkinitan ang katawan nito at medyo may katangkaran. Nakasuot ito ng flowy dress na kulay pula na umabot lang bago magtuhod at tinernohan ng black heeled boots na lagpas lamang sa bukong-bukong nito. Pasimple ko namang sinipat ang sariling damit. Simpleng pantalon at blouse lamang ang napili kong suotin kanina. Bigla tuloy akong nahiyang lumapit dito. 

"Mas maganda siya sayo," bulong ni Kirius na agad kong sinuklian ng mabilis na siko sa tiyan. Mahina naman itong napadaing.

"Alaric," magiliw na tawag nito sa binata.

Agad itong lumapit dito saka yumakap. Sinuklian din naman nito iyon. 

"It's been so long," masaya pa rin turan ng magandang babae. "I heard you came with the Dovanas."

"Yes," tipid na sagot ni Alaric saka iminuestra kami. 

Una itong tumingin kay Kirius pero hindi naman nito binati ang babae. At nang mabaling ang tingin nito sa akin ay tila ba nag-iba ang gawi ng pang-ngiti nito. Ngingiti pa sana ako ngunit nauwi iyon sa ngiwi ng makita ang pagguhit ng disgusto sa mga mata nito ng hagurin ako ng tingin mula ulo hanggang paa. 

"So, you are Yueno. The Dovana," anitong tila may halong panunuya sa tinig. Ang kaninang paghanga ko dito ay biglang napalitang ng pagkairita sa hindi ko malamang dahilan. 

"I'm Thana," pakilala nito saka inabot ang kamay. "Thana Sullivan, daughter of Baldik Sullivan. One of the Älteste."

Nagtatalo ang isip ko kung aabutin ang kamay nito pero ayoko namang magkaroon ng masamang impresyon dito. Pinili ko na lamang na abutin ang kamay nito. 

"Nice to meet you," pormal na sagot ko dito. Hindi ko na siguro kailangan pang magpakilala dahil sa ako ang Dovana. 

"No," agap nito. "Nice to meet you." Tila sinadya nitong bigyan ng diin ang bawat salitang binitiwan. Parang may nais itong ipahiwatig sa akin na hindi ko maintindihan.

Natigil ang pag-iisip ko ng maramdaman ko ang unti-unti nitong paghigpit sa magkahugpong naming kamay. Sinubukan ko iyong hilahin pero mahigpit ang pagkakahawak nito. Mahina akong napadaing ng mas humigpit pa iyon. Parang balak nitong baliin ang buto ko doon. 

"Thana, let go," babala ni Alaric na agad hinawakan ang braso ng babae nang marahil ay marinig ang pagdaing ko. 

Nakita ko ang pagdaan ng galit sa mga mata ni Thana bago tuluyang bitawan iyon. Agad kong nahimas ang nasaktang kamay. 

"Ow, I'm so sorry," nang-uuyam na anito. 

"You--," angil ni Kirius na agad kong pinigilan. Walang mapapala ang pagkikipag-away ni Kirius dito. Isa pa ay wala rin itong laban kung sakali. 

Ngumisi lang ang babae bago bumaling muli kay Alaric. Tinignan lang niya ito bago tuluyang nawala sa harap namin. Ano kaya ang ikinagagalit ng babaeng iyon sa akin? Mukha kasing matindi ang pinaghuhugutan nito.

"You alright?" nag-aalalang tanong kapatid ko. Tumango lang naman ako saka ngumiti. Ayokong mag-alala ang kapatid ko. Hindi ko hahayaang makita ni Kirius kung ano ang mga pinagdadaanan ko sa mundo ng mga bampira.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status