Share

Chapter 9

ANGELICA POV


          Taas noo akong naglalakad papasok ng palasyo habang binabalelwala ang higpit ng posas na nakapulupot sa mga kamay ko. Sa paraan ng pagtitig ng mga nilalang na aking nadadaanan, mukhang nakarating na sa kanila ang mainit na balita na nagpapalisik sa kanilang mga mata. Napangiwi na lamang ako sa kanilang reaksyon, sinong mag-aakala na ganito kabilis kumalat ang isang balita kahit walang teknolohiya, kamangha-mangha.

"Bigay pugay!" dinig kong sigaw ng isang kawal nang marating ko ang napakalaking pintuan na dahan-dahang bumubukas kung kaya't taas noo akong tumindig saka maawtoridad na naglakad papunta sa gitna ng bulwagan. Hindi ko itinungo ang aking ulo simula noong marating ko ang palasyo. Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili, paparusahan at linabag ko ang sinasamba nilang batas ngunit may mukha pa rin akong ihinaharap sa mga nakapaligid sa akin na walang pahid ng takot at pagsisisi. Nang marating ko ang gitna ay marahang tinanggal ni Lucas ang posas sa aking mga kamay saka taas noong tiningala ang hara na ngayon ay diretso ang titig sa akin.

"Anong nangyari?" makapangyarihang tanong nito ngunit nanatili akong tahimik kung kaya't kay Lucas na humingi ng impormasyon ang hara. Habang nagsasalaysay si Lucas wala akong ibang ginawa kung hindi ang panatilihin ang maayos kong tindig habang binabalewala ang nga matatalim na titig ng mga konsilyo. Batid kong nag-aalab na ang galit ng mga ito dahil sa mga sinasalaysay ni Lucas. Kamangha-manghang wala itong sinayang na kahit isang detalye, simula sa naging sagutan namin hanggang sa pinakahuling nangyari ay isinalaysay nito, masasabi kong sa maikling panahon na nakasama ko si Lucas ngayon ko lang nakita ang katangian kung bakit siya ang naging pinuno ng mga kawal.

"Devashtaji!" dinig kong mura ng isang konsilyo ngunit hindi ko na iyon pinagtuunan pa ng pansin.

"Totoo ba ito Angelica?" seryosong tanong ng hara kung kaya't dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya na naging dahilan upang magtama ang aming mga mata. Nanatili akong tahimik, nakipagtitigan sa kanyang mga mata ngunit agad kong iniwas at idiniretso lamang iyon sa kawalan.

"Bakit tila lalo tayong binibigo ng haleya mahal na hara? Hindi ito ang ipinangako mo sa Xeria!" galit at seryosong sermon ni Sandi na isa sa mga konsilyo.

"Nasaan ang magnanakaw?" makapangyarihang tanong ng hara bago taas noong tumayo sa kanyang trono. Naramdaman ko ang mga titig ni Lucas ngunit hindi ko na iyon pinagtuunan pa ng attensyon sapagkat batid kong sasabihin niya rin naman ang totoo.

"Paumanhin mahal na hara ngunit hindi namin nakuha ang batang magnanakaw" dinig kong sagot ni Lucas na ikinakunot ng noo ng karamihan.

"Napakarami ninyo Lucas! Papaano nangyari iyon?" dismayadong tanong ng hara na naging dahilan ng paglunok ko.

"Dahil sa utos ng haleya, mahal na hara" nakatungog sagot ni Lucas na ikinakunot ng noo ng karamihan.

"Patawad mahal na hara pero nang mga sandaling iyon wala kaming karapatang suwayin ang utos ng haleya" nakatungong dagdag pa nito na naging dahilan upang mapunta ulit sa akin ang attensiyon ng lahat. Nararamdaman ko ang galit ng mga titig ng hara lalo na ng mga konsilyo, simula pagkabata alam ko na sagrado ang batas ng planetang ito. Walang pinipiling edad, kasarian, at estado ng buhay kung kaya't batid kong mapaparusahan ako kahit ipagtanggol ko ang sarili ko.

"Kung gano'n simula sa araw na ito tinatanggalan ko ng kapangyarihan ang haleya at binibigyan ko ng karapatan ang lahat upang suwayin ang maling kilos at utos ng aking anak!" Makapangyarihang anunsyo ng hara habang ang namamasa at galit nitong mga mata ay diretsong nakatitig sa aking mga mata saka suminghap ng hangin at itinaas lalo ang kanyang noo.

"Ang haleya ng Xeria ay nagkasala dahil sa pagtulong at pagpatakas sa isang magnanakaw kung kaya't bilang hara ng Xeria at punong tagapangasiwa ng Sedus, napagdesisyonan ko at ng mga konsilyo na ang haleya ay mapaparusahan ng 50 hampas at pagkakakulong sa loob ng 100 na araw!" Makapangyarihang anunsyo ng hara at halos tumindig ang aking balahibo nang umugong ang tunog ng trupeta tanda na hindi na magbabago ang hatol. Muli kong tinitigan ang hara na ngayon ay diretso sa kawalan ang tingin na tila ba iniiwasan ang aking mga mata ngunit natigil ako sa pagtitig nang lumapit sa akin si Lucas na ngayon ay nakatungo habang hawak hawak ang latigo. Magalang nitong hinawakan ang aking braso kung kaya't taas noo akong umiwas ng tingin at saktong dumapo iyon sa isang konsilyo na madalas kong makausap ngunit tinunguan niya lamang ako.

"Mahal na haleya" pabulong na tawag sa akin ni Lucas tila ba sinasabi nito na oras na para lumuhod ako ngunit hindi ko sinusunod ang nais nitong ipahatid. Nanatili akong nakatayo at tinitigasan ang sarili upang hindi lumuhod sa harapan nilang lahat.

"Angelica" saway ng hara ngunit nanatili akong matigas habang nilalabanan ang nag-aapoy nitong mga titig. Ilang segundo kami nagpalitan ng titig ng hara at hindi ko inaasahan na mabilis itong naglakad palapit sa akin at walang sabing pinadapo ang mainit niyang palad sa kaliwa kong pisngi na naging dahilan ng aking pagkagulat. Ang buong akala ko ay doon na magtatapos iyon ngunit nagkamali ako sapagkat apat na magkakasunod-sunod na sampal ang pinakawalan ng hara para sa akin. Binalot ng tensyon ang paligid, nararamdaman ko na ang hapdi ng aking mukha ngunit binalewala ko ito saka dahan-dahang inayos ang aking ulo na naging dahilan upang makita ko ang galit na titig ng hara.

"Kaya kong tiisin lahat ng trato mo sa akin dahil anak kita! Pero ang suwayin at bastusin ang batas ko dito mismo sa nasasakupan ko! Hindi ko na kaya! Sumusobra ka na!" Mariin at gigil nitong sigaw habang pilit na pinipigilan ang mga luha na namumuo dahil sa galit.

"Kahit sampalin mo ako ng ilang libong beses! Hinding hindi ako luluhod dahil wala akong ginawang masama!" Mariin kong usal kung kuya't nagsalubong ang kilay nito at tumindi ang panginginig dahil sa pagpipigil.

"Lucas!" Nagpipigil na tawag ng hara na tila ba may ipinahiwatig ito sa kawal saka taas noong bumalik sa kanyang trono at napakuyom ako ng kamao nang maramdaman ko ang matinding init at hapdi sa aking likod.

"Isa!" Pagbibilang ni Lucas saka sinundan ng ilang magkasunod-sunod na palo kung kaya't taas noo akong napapikit kasabay ng pagkagat sa labi bilang pagpipigil. Hindi ko magawang bilangin ang hampas na pinapakawalan ni Lucas dahil sa sobrang sakit na tila ba unti-unting binibiak ang likod ko.

"Labing isa!"

"Ahh!" Impit kong sigaw. Gusto kong harapin ngayon si Lucas dahil sa bagal ng paghampas nito. Nanghihina na ako pero hindi pa rin nangangalahati ang bilang nito. Mariin akong napapikit nang sinundan pa ito ng magkasunod-sunod na hampas, sa mga sandaling ito nanginginig na ang aking mga paa at anumang oras ay bibigay na ito. Hinayaan ko ng umagos ang aking mga luha sa aking mukha habang pinapanatili ang pagtaas ng noo at pagbalanse sa nanghihina kong mga paa.

"Ahhh!" Sigaw ko dahil sa napakalakas na hampas sa likod ko saka lumanghap ng hangin at mahigpit na pagkuyom ng kamao. Hindi ko na naiintindihan ang bilang na sinasambit ni Lucas, nanghihina na ako at gusto ko ng matapos ito. Nararamdaman ko ang pwersa sa mga hampas ni Lucas na nagpapahina sa akin. Sa pagkuyom ng kamao na lamang ako kumukuha ng lakas upang panatilihing nakatayo ang aking katawan. Malalim akong napasinghap nang hangin bago dahan-dahang iminulat ang aking mga mata at doon nagtama ang paningin namin ng hara na agad niyang iniwas. Nakita ko ang mga luhang pilit niyang pinipigilan, kung kanina ay namamasa ang kanyang mga mata dahil sa galit, ngayon ay namamasa ang kanyang nga mata dahil sa awa.

"Apatnapu't walo!"

"Apatnapu't siyam!"

"Ahhh!" Lumuluha kong sigaw.

"Limangpo!" Pagbibilang ni Lucas at doon lumabas ang aking matinding panghihina na naging dahilan upang mawalan ako ng balense ngunit mabilis akong nasalo ni Lucas kung kaya't akong nagawa kung hindi ang hawakan ito sa braso upang kumuha ng suporta.

"Ahh" umiiyak kong sigaw habang kuyom na kamaong tinitiis ang hapdi sa aking likod. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata, naramdaman ko ang matinding pagkahilo at panlalabo ng aking paningin. Nanghihina kong kinalas anh pagkakahawak ni Lucas na naging dahilan upang bumagsak ako sa sahig ngunit pilit kong ibinabangon ang aking sarili hanggang sa itinaas ko ang aking paningin at inilibot sa mga kataas taasang nilalang ng kahariang ito.

"A-ang ba.. b-batang iyon ay ako" nanghihina kong usal kung kaya't natigilan ito.

"Wa-walang karamay, ka..kailangang maging malakas, responsable, at matibay! Ka-kailangan niyang kalimutan a-ang buhay kung paano maging isang bata! Ka-kailangan niyang ka-kalimutan kung paano maging inosente para mabuhay! P-p-prutas! Prutas ang ninakaw ng batang iyon! Ginto ba ang katumbas ng prutas para ipagkait ninyo sa isang bata na nais mabuhay!" Nanghihina kong sumbat upang matahimik ang lahat. Dahan-dahan kong tinanggal ang pag-alalay ni Lucas at buong pwersang inayos ang aking tindig at pilit na pinipigilan ang mga luha galing sa aking mga mata. Dahan-dahan kong pinagmasdan ang kunot-noong nakapaligid sa akin hanggang sa dumapo iyon sa hara na ngayon ay nakatitig sa akin.

"Ang ba-batang iyon ay kailangan ng ga-gabay! Hindi ng hampas! Pagkakakulong! At parusa! Ka-kapag hinayaan ko ang batang iyon sa ka-kamay ng batas, ma-malaki ang posibilidad na lalaki siyang katulad ko" nanghihina kong dagdag habang ang mga mata ay nanatili sa hara.

"Lalaki siyang may mga tanong at galit sa mundo! Ma-mahirap so-sobrang hirap mabuhay ng may ki-kirot di-dito" pabulong kong usal habang tinuturo ang dibdib ko.

"S-sa sobrang sakit hi-hinihiling ko na sana ma-matapos na 'to! Sa-sana mawala na ako ng tuluyan pa..para matapos na ang paghihirap ko! Hi-hinihiling ko na sana mapatawad ko na ang lahat ng nanakit sa akin! Hinihiling ko na sa..sana matapos na ang bakit! At mapatawad ko na ang mundo! Pe-pero hindi ko kaya! Hi-hindi ko kaya! At ayokong maranasan ng batang iyon ang hirap ko! Dahil ang batang iyon ay ako!"

"Angelica" dinig kong usal ng hara ngunit tinitigan ko lamang ito habang nilalabanan ang matinding pagkahilo.

"I-ito ang tatandaan mo! Kahit ilang libong hampas ng latigo ang ipataw niyo sa akin! Hi-hinding hindi ko hahayaan na diktahan ng papel! kapangyarihan! At batas ang buhay ko! Pinalaki ako ng aking ama na hindi sumasamba sa kahit na sino! At kahit na ano!" Taas noo kong dagdag bago tuluyang nagdilim ang paningin ko.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status