Share

CHAPTER FIVE: MEETING THE CHEATER AGAIN

KINABUKASAN, maaga akong nagising dahil sa biglaang pagbaliktad ng sikmura ko. Nanakbo ‘ko papasok ng banyo at kaagad na dumuwal sa lababo. Napahawak ako sa aking tiyan at kulang na lang ay bumagsak ako sa panghihina dala ng pagsusuka.

‘T*ngina, ang sakit.’

Kaagad akong nagmumog at nanlalamyang bumalik sa kama. Naupo ako at saka sinapo ang aking sentido. Bigla na naman akong nakaramdam ng pagkahilo kaya napahiga akong muli at saka mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Napaiyak na naman ako dahil sa panghihina.

Nang mahimasmasan ay nagbihis ako para bumili ng gamot sa parmasya. Baka umabot pa ito sa kung saan kung hindi ko iinuman ng gamot. Hindi ko gustong maging pahirap at alagain sa kanila. Nag-jacket ako dahil madilim pa at baka malamigan na naman ang sikmura ko at masuka na naman ako. Gising na sina Mama at Papa pero hindi ko na lang sila pinansin at dire-diretso kong lumabas sa aming bahay.

Naglakad lang ako patungo sa pharmacy. Medyo mahaba ang pila kahit madaling araw pa lang kaya naghintay pa ‘ko ng ilang minuto bago ako nakabili ng gamot. Nilagay ko ‘yon sa ‘king bulsa at saka naglakad pabalik sa bahay. Nakakita ‘ko ng bench at nakaramdam ako ng katamaran kaya nama’y naupo muna ‘ko ro’n. Mabuti na lang ay dala ko ang earphones at cellphone ko. Ipinikit ko ang aking mga mata habang dinadama ang awiting pinakikinggan ko. Sobrang sarap sa pakiramdam ang ganito na nakaupo lang habang malamig pa ang hanging tumatama sa ‘kin. Naisandal ko na lang ang aking likod sa bench para makapag-relax.

Tumayo na ‘ko makalipas ang sampung minuto dahil naalala kong may pasok pa pala ‘ko sa trabaho. Napako ang tingin ko sa isang eskinita nang makita ko ang isang babae at lalaki. Tinanggal ko ang earphones ko at nanlaki ang mga mata ko nang malamang humihingi pala ng tulong ang babae.

"Tulungan niyo ko! Bitawan mo ko! Tulong!" sigaw ng babae kaya nagmamadali naman akong tumakbo papunta sa eskinita para saklolohan ang babae.

"Hoy! Anong ginagawa mo?!” tawag pansin ko na ikinatigil ng dalawa. Mas bumilis ang paglapit ko sa kanila nang mahagip ng aking paningin ang kumikislap na bagay na hawak-hawak ng lalaking kawatan.

"Sino ka ba? Bakit nangingialam ka rito?! Gusto mo rin bang masaktan?!" Napahinto ako sa harapan ng lalaki dahil itinutok naman nito sa ‘kin ang kutsilyo. Doon ko lamang din naisip ang ginawa ko. Inihahain ko ba talaga ang sarili ko sa kapahamakan? Lately, hindi ko talaga ginagamit ang utak ko! Ito na naman yung ugali kong feeling bayani. Nawa'y hindi magkaroon ng butas ang kahit anong parte ng katawan ko ngayong umaga. Umagang kay ganda talaga.

"T*nga! Sinong gustong masaktan?! Alam mo namang mali 'yang ginagawa mo, ah! Kutusan ko kaya ngala-ngala mo diyaan? Bitawan mo na ‘yang bag niya, makukulong ka sa ginagawa mo!” Hindi ako pinansin nito at hinarap na naman ang babae kaya dali-dali kong hinila ang bag na hawak nito. Ninanakawan niya pala yung babae na mukhang naligaw lang sa lugar na ‘to.

"Ano ba?! Bitawan mo!” Sigaw ng lalaki sa ‘kin habang nakikipag-agawan sa bag. Ginamit ko ang isang kamay ko para pigilan ang kutsilyo niyang malapit na tumarak sa akin.

‘Bahala na si Lord sa akin. Gabayan niyo na lang po ako.’

Napatingin ako sa babaeng ninanakawan nitong kawatan. Nanginginig ito at nakatulala lang sa amin at mukhang walang balak tumulong sa akin para maibalik ang bag niya. Mukhang anak mayaman na walang alam.

‘Kapag talaga nasaksak ako rito at namatay, dadalawin ko siya.’

"Hindi mo talaga bibitawan?!" Sigaw ko sa lalaki at napaiwas dahil nakawala ito sa pagkakahawak ko sa kutsilyo. Tinabig ko ang kamay nito at masuwerteng nahulog ang kutsilyo sa kamay nito. Malakas kong hinila ang bag pero ayaw pa rin nitong magpaawat. Pinapalo ko na nga ang kamay nito ngunit ayaw pa rin.

‘Gipit na gipit yata si kuya.’

"Bitawan mo na sabi!"

"Kapag hindi mo ko pinaalis dito, makakatikim ka sa ‘kin!"

"Sa'yo ba 'yan?! Kukutusan na kita, kuya! Magnanakaw ka!" Napapikit ako nang makitang nasagad ko na ang pasensiya niya at ambahan na ko nito ng suntok.

‘Mukhang mabubugbog pa ko ngayong umaga, malas naman.’

"What the hell are you doing?!" Sigaw ng isang pamilyar na boses. Sa sobrang taranta ng magnanakaw ay nabitawan nito ang bag kaya napaupo ako sa sahig dahil panay hila pa rin ako. Tumakbo ang magnanakaw sa kabilang kanto at hindi ko na nakita pa. Napatingin ako sa babae at pinilit kong makatayo habang paika-ika para lang makalapit dito. Tulala pa rin hanggang ngayon.

"Okay ka lang ba, miss?" Tawag pansin ko rito at naluluhang tumingin ito sa akin.

"T-thank you...you saved me." Naiiyak na sabi nito at ngumiti lang ako.

"Ito na yung bag mo, sa susunod maging maingat ka dahil maraming kawatan dito—"

"Honey!" Natigilan ako sa pagsasalita dahil itinulak ako sa tabi ng nagmamadaling lalaki at saka sinapo nito ang pisngi ng babae. Alalang-alala ito habang sinusuri ang kalagayan ng babae kung may galos o nasaktan ba ito. Napatulala naman ako nang mapagtanto kung sino ang lalaking dumating.

"Are you okay? nasaktan ka ba?" Hindi 'to puwede, pinaglalaruan na naman ba ‘ko ng tadhana? Umaapaw naman ang kamalasan ko ngayong araw simula kahapon.

"I'm okay, salamat at tinulungan niya ko..." Nakangiti sa aking sabi ng babae bago yumapos sa lalaki. Kaagad akong nilingon nito at nanlaki ang mga mata niya nang mapagtanto niya rin kung sino ako.

"T-taji...."

"Jared." Sa lahat ng puwede kong makita ngayon, bakit siya pa? Nakakainis talaga ang tadhana.

‘Teka nga, bakit ibang babae na naman ang kasama niya? Hindi ba't si Sandra ang bagong kinakasama nito?’

"Magkakilala kayo?" Gulat na sabi ng babae kaya ngumiti na lang ako rito dahil hindi ko na gustong magtagal pa.

"Alis na ‘ko, mas maging maingat ka na lang sana sa susunod at maging alerto kapag mag-isa ka, Miss.." Nakangiting payo ko at tumango naman ito. “Thank you very much for saving me…”

"T-taji, let me explain. Let's talk—" Balak pang magpaliwanag ni Jared ngunit tumalikod na ‘ko at namulsa sa jacket na suot ko.

"Babaero talaga, g*go.....”

Si Sandra pa ang kasama niya nang huli kaming magkita tapos ngayon naman, ibang babae na?! Honey pa ang tawagan. Pero ano nga bang pake ko? Buhay niya 'yon at dapat wala na kong pake roon. Labas na ako at problema na lang nila 'yong mahaharot sila.

Hanggang bahay ay hindi ko maiwasang mainis. Kahit na galit na galit ako sa ginawa nila ni Sandra sa ‘kin, hindi ko rin naman maaatim na matuwa na niloloko na rin siya ng hayop na si Jared dahil alam ko ang pakiramdam ng niloloko.

"Totoo pala yung once a cheater, always a cheater. Ang lakas manloko, mukha naman siyang tsonggo.." Dumiretso ko sa kusina para kumuha ng tubig sa ref. Pagkabukas ko ng ref ay tubig lang sana ang kukunin ko pero natakam ako sa namataan kong black forest cake na nakalagay doon.

Inilabas ko 'yon dahil kagabi pa ko natatakam sa cake. Kumuha ako ng isang platito at tinidor at saka kumuha ng isang slice.

‘Yummy!’

Habang sumusubo ako ng cake, napaisip ako sa mga bagay-bagay. Mabuti na lang at hindi ko sinunod ang gustong ipagawa sa akin ni mama. Kahit anong mangyari ay hindi ako magmamakaawang balikan ako ni Jared dahil isang malaking sampal sa akin ‘yon at sa napakataas kong pride. It's a no for me.

Dahil naalala ko na naman ang mga pangyayari kanina, hindi ko na tinapos ang pagkain dahil nawalan na ako ng gana at kaagad umakyat sa kuwarto para maligo at mag-ayos para sa pagpasok ko sa trabaho. Nakakawalang gana talaga pagmumukha ni Jared.

Matapos mag-ayos ng sarili, bumaba na ako para umalis at pumasok sa trabaho. Natigilan lang ako sa paglabas dahil bigla akong tinawag ni ate Lhayzel.

"Tajiana!” Lumingon ako rito. Nasa kusina pala ito kasama ang mga magulang namin. Malungkot ang mga mata nito habang nakatingin sa akin. Nakonsensya naman ako.

"Ate?"

"Mag-almusal ka muna bago ka pumasok sa trabaho." Nakangiting aya nito pero umiling na lang ako. Napatingin ako sa relos ko at kahit maaga pa, hindi ko na ginustong sumabay pa sa kanila.

"Hindi na po ate, salamat na lang..." Tumayo ito sa pagkakaupo at lumapit sa akin. Tipid itong ngumiti bago bumulong sa aking tenga.

"Pag-uwi mo, pasok ka muna sa kuwarto ko. Marami akong pasalubong sa'yo, hindi ko na naibigay kagabi...." Nakangusong sabi nito at natatawang tumango ako. Nagpaalam na ko rito maging kila mama't papa kahit na may tampuhan kami.

Matapos kong i-park nang maayos ang sasakyan ko, sumakay ako ng elevator para makapasok sa loob ng gusali. Akala ko tahimik na ang araw ko ngunit pagkabukas pa lamang ng elevator ay nakita ko na agad sa dulo ng hallway si Sandra.

‘What a good day talaga!’

Binalewala ko na lang at naglakad ako pasalubong dito dahil ito lamang ang daan. Nilagpasan ko na ito ngunit hinila pa rin nito pabalik ang braso ko kaya lihim na lang akong napamura.

Tumingin ako rito at tinaasan ako nito ng kilay kaya napatawa ko at hinila pabalik ang braso ko. Iba talaga ang tapang ng mga ahas.

"How’s your life without Jared and I? Miserable?" Tanong nito habang natatawa pa kaya napamaang ako.

"Perfect and peaceful. Sino ka ba? I'm perfectly fine without you and Jared. Hindi kayo kawalan sa buhay ko at hinding hindi ako magiging miserable dahil lang sa inyong dalawa."

"Well, si Jared ang kawalan sa'yo, hindi iba? Paano na ang business niyo, Taji? Wala na kayo ni Jared.." Mapang-inis na sabi nito kaya ngumisi ako.

"Ano namang kinalaman mo doon? Naapektuhan ka ba? Mind your own f*cking business, Sandra." Natatawang sabi ko at tatalikuran na sana siya pero humabol pa ito.

"Kaya lang naman kayo nagtagal ni Jared dahil para lang sa business ninyong gustong gusto mong maisalba. In short, manggagamit ka lang din!" Isang malakas na sampal ang pinakawalan ko sa pisngi nito dahil nasagad na ang pasensiya ko. I guess, sisirain ko na lang talaga ang araw ko.

"You have no right to talk about that, wala kang alam dahil ang alam mo lang ay mang-sulot at mang-ahas! Hindi mo ko katulad, Sandra. Kaya huwag na huwag kang magsasalita sa harapan ko!"

"Feeling anghel ka pa rin talaga hanggang ngayon—"

"Ako? Feeling anghel? Pagtitimpi ang tawag dito. Baka gusto mong magkamayan kayo ni satanas ngayon? Pakilala na ba kita? Gusto mo?" Walang emosyong turan ko at natigilan naman si Sandra at bahagyang napaurong.

"Sana sa ilang taon mong pagiging plastik sa akin, sana nakilala mo kung paano ako magalit. Tigilan mo ko, Sandra. Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa'yo kapag ibinalik ko lahat ng mga ginawa mo sa akin." Hindi ito nakasagot kaya lihim akong napangisi.

‘Tapang-kuting ka lang pala.’

"And it's Tajiana for you. Don't you f*cking dare call me Taji again. Mas mainam kung hindi mo na babanggitin ang pangalan ko gamit ‘yang napakadumi mong bibig.” Naglakad na ko paalis doon at lihim akong napangisi habang inaalala ang reaksyon niya. Akala mo kung sinong demonyita at matapang sa harapan ko, wala naman palang binatbat. Palibhasa, pag-aligid lang kay Jared ang alam nito at pang-aahas.

"Poor Sandra, hindi niya alam na pati siya, niloloko na rin ng so called ‘f*ck buddy' niya. Saksakan ng landi, hindi naman nabigyan ng label. Bukaka lang nang bukaka kahit wala namang kasiguraduhan.”

"Alam mo ba, kagabi pa ‘ko napapaisip kung anong itsura ng big boss natin...." Naririnig kong sabi ni Khloe. Mukhang nagdadaldalan na naman sila ni Jenniecah kahit oras ng trabaho. Napailing na lamang ako habang pinagpapatuloy ang pag-aayos ng mga papeles.

"Oo nga, ‘no. Bakit kaya big boss ang tawag sa kaniya? Ano kaya yung big sa kaniya?" Tanong ni Jenniecah habang napapahagikgik nang mahina. Si Khloe naman ay pigil ang pagtawa, mukhang naintindihan din ang ipinahihiwatig ni Jenniecah.

"Loko ka talaga, Jenniecah! Hindi naman 'yon ang iniisip ko! Ayan tuloy, naiimagine ko rin ngayon!” At nagtawanan silang dalawa. Hindi ko maiwasang matawa rin kaya napatingin sila sa akin. Napaayos naman ako ng upo at mahinang umubo.

"Ikaw, Taji? Sa tingin mo, anong itsura ni big boss natin?"

"Ngayon pa lang lalabas ‘yon at haharap sa tao dahil wala pa raw nakakakita sa kaniya. Maliban na lang siguro sa mga nakakataas sa atin." Pagbibigay ng impormasyon ni Jenniecah kaya napaisip naman ako.

‘Ano nga bang itsura ni big boss?’

"Sa tingin ko? Hmm..." Nag-iisip na sabi ko at pokus na pokus naman ang dalawa sa akin, naghihintay sa sasabihin ko.

"Siyempre, matandang lalaki na. Yung may panot, poknat o kaya palagas na ang buhok. Maraming wrinkles at kulubot na ang balat— Basta, matanda na yung itsura..." Natawa naman ang dalawa sa sinabi ko. Inaakalang nagbibiro ako. Ano bang naiisip nila doon sa big boss? Bata pa?

"Oo nga, 'no. Paano pala kapag matanda na?" Turan ni Khloe na hindi na maipinta ang mukha.

"Yuck, Khloe, pinagpapantasyahan mo yung gurang na pala nating big boss!" Dagdag ni Jenniecah kaya nagtawanan kami habang lukot ang mukha ni Khloe. Edi naiimagine mo rin ngayon.

"Excited kayong makakita ng gurang!"

Breaktime na at naiwan ako rito sa desk ko dahil sa tambak na trabaho. Kanina pa naunang kumain sina Khloe at Jenniecah habang ako ay patayo pa lang sa kinauupuan ko.

Habang naglalakad ako papunta sa cafeteria sa baba, hinihilot ko ang sentido ko dahil nagsisimula na naman akong mahilo. Nanindig ang balahibo ko sa batok na para bang may nagmamasid sa akin kaya inilibot ko ang aking paningin at dumako iyon sa isang lalaking naka-formal attire.

Saglit ko itong pinakatitigan at nagulat ako nang maalalang siya ang lalaking lumabas sa itim na sasakyan kahapon. Kaagad akong napaatras nang maglakad ito papalapit sa akin.

"Excuse me, ma'am, can I ask you some questions?" Kumalma ako nang magsalita ito. Tumango ako para makaalis na ako at makalayo na rito.

"Are you Tajiana Caprice Fuentes?" Nangunot ang noo ko habang tumatango. Humawak ito sa earpiece niya at parang may kinausap.

‘Hindi naman ako maki-kidnap dito, hindi ba? Nasa loob ako ng building. Marami namang magiging witness, in case.’

"How are you ma'am?" Kahit nalilito, sumagot na lang ako.

"I'm perfectly fine...." Tumango-tango ulit ito saka tumingin sa itaas kaya sinundan ko ang tingin nito. Nakatingin ito sa isang cctv habang tumatango.

"Confirmed, sir, siya nga po." Nagpaalam ito at umalis na sa daraanan ko. Litong-lito ko kaya hindi na ko nakagalaw sa kinatatayuan ko. Wala sa sariling napatingin ulit ako sa cctv at nangilabot ako nang maisip na may kanina pa nakatitig sa akin doon at sinusuri lahat ng galaw ko.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Daisy Oclo
Ganda nmn Ng story
goodnovel comment avatar
Marivic Lapurga
nice story, next episode please
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status