Share

CHAPTER FOUR: THE ANNOUNCEMENT

PAGKALIPAS ng dalawang buwan, nagtitipa ako ngayon sa keyboard ng aking gamit na desktop nang bigla kong nakaramdam ng hilo. Napahinto ako sa ‘king pagtatrabaho at saka sinapo ang aking ulo. Kanina pang umaga ko nararamdaman ang sakit ng aking ulo at nakalimutan ko namang uminom ng gamot.

‘Sh*t kang ulo ka, kapag hindi ka pa umayos ay tatanggalin kita, char!’

Sumandal ako sa ‘king upuan at ipinahinga ko muna ang sarili ko. Para kasing tumitibok ang sentido ko habang umiikot ang paningin ko. Wala pang ilang minuto ay kinalabit na ‘ko ng aking katrabaho at kaibigan kong si Khloe.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Khloe sa ‘kin at bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

Tumango naman ako."Oo, medyo nahihilo lang ako."

Nag-aalalang lumapit ito sa ‘kin at saka sinalat ang aking noo para tignan kung may lagnat o mainit ba ako. "Dapat nag-absent ka na muna ngayon."

Umiling naman ako. "Kaya ko naman at sayang din ang isang araw na bayad sa ‘kin, Khloe."

Napabuntong hininga naman ito sa itinuran. ko. "Alam mo, Taji, 'yang sipag mo ang papatay sa ‘yo. Nanghihinayang ka sa isang araw na para sa ‘yo naman pero hindi ka ba mas manghihinayang kapag na-ospital ka dahil sa ginagawa mo?"

Napairap naman ako dahil sa pagiging overacting nito. "Grabe ka naman, hindi naman aabot sa gano’n ‘to. Overthinker ka talaga eh ‘no.”

"May announcement daw mamaya. Mag-out ka na lang nang maaga kaysa makita kitang parang lantang gulay diyaan."

Tumango na lamang ako para matapos na ang usapan dahil hindi naman ito titigil kung kokontra pa ‘ko. "Titignan ko."

Bumalik na si Khloe sa pagtatrabaho kaya naman umayos na ‘ko ng upo. Napabuntong hininga muna ‘ko bago simulan ulit ang trabahong ginagawa ko dahil kinakailangan ko itong tapusin. Makalipas ang ilang oras ay nawala na rin naman ang sakit ng ulo ko. Malapit na rin kaming mag-out nang biglang dumating ang head namin.

"Listen, everyone." Istriktong pagkasabi ng head namin at kaagad na natigil ang tunog ng pagtitipa. Sobrang tahimik ng buong lugar dahil nakatutok ang mga atensyon namin dito.

"This is an important announcement. Two days from now, maaaring pumunta rito si Big Boss. Please, make your area clean and neat. Be formal and professional. That's all for today, you may go home early tonight."

Nagtanguan naman kaming lahat at nang nakaalis na ito’y naghiyawan naman ang mga kasamahan ko dahil maaga kaming mag-o-out sa trabaho. Nagsimula na rin akong mag-ayos ng aking mga gamit para maghanda sa ‘king pag-uwi.

"The Big Boss?" bulong ni Khloe.

Nagchichismisan na naman sila Jenniecah kaya napailing na lang ako habang nakikinig.

"Sa tingin mo, masungit kaya 'yon?"

"T*nga ka, Jenniecah? Kung ako ang tinatawag na 'Big Boss' ay malamang makapangyarihan ako edi ibig sabihin, istrikto rin ako!"

"Maka-t*nga ka naman diyaan! Hindi naman lahat gano’n e!"

"Tungaks, sa head pa nga lang natin, kita mo na!" At nagtawanan na naman ito.

Isinukbit ko sa ‘king balikat ang aking bag at kinuha ang pansin ng dalawa. "Mag-da-daldalan pa rin ba kayo diyaan o uuwi na tayo?"

"Ay, oo nga pala, tara na." Tumayo na ang mga ito at sabay-sabay na kaming bumaba sa parking lot. Marami pa kaming napag-usapan bago kami maghiwa-hiwalay. Ito palagi ang hilig naming tatlo, ang magkuwentuhan.

"Bye, bukas na lang ulit. Taji, magpahinga ka ha."

"Oo, see you ulit bukas."

"Good bye and good night!”

Pagkatapos naming magpaalam sa isa’t-isa ay pumasok na rin ako sa loob ng aking kotse at gano’n din sila. Pinauna ko na ang dalawa at saka ko lang pinaandar ang sasakyan ko nang makaalis na ang mga ito.

Isusulong ko na sana ang aking kotse nang napansin ko ang katapat kong kotse. Tinted ang salamin nito at kulay black ang sasakyan ngunit panay ang pag-ilaw ng blink lights ng sasakyan nito na ikinasisilaw ko at nakaramdam naman ako ng inis.

‘Gabing gabi na malakas pa rin mang-inis. Naghahanap ba ng away ito?’

"Anong trip ng kumag na ‘to?" usal ko at saka sumulong na rin. Ikinanan ko na rin ang aking kotse kaya nawala na sa paningin ko ang sasakyan. Sumilip ako mula sa rear view mirror at nagtaasan ang balahibo ko nang nakita kong lumabas ang lalaking naka-suit sa sasakyan. Nakatitig ito sa kotse ko. Tinitigan ko nang maiigi ang daan kaysa isipin ang lalaking ‘yon. Hindi ito pamilyar pero nakaramdam ako ng kaba.

‘Ano ba namang pakiramdam 'yan.’

Sa kalagitnaan nang pagmamaneho ko’y tumawag si Mama. Sinagot ko ito dahil baka importante at ni-loudspeaker ko na lang kaysa ilagay sa aking tenga dahil baka maaksidente pa ‘ko.

"Hello, nak? Nasaan ka na?" tanong ni Mama mula sa kabilang linya.

"Biyahe pa lang po ‘ko pauwi, Mama. Malapit na po ‘ko," sagot ko.

“Ah, pauwi ka na pala. Mag-ingat ka sa biyahe at dumiretso ka na rito dahil malapit nang ihanda ang dinner. Sabay-sabay na.tayong kumain."

"Opo, Ma." Nagpaalam na ito at kusang namatay ang tawag nang patayin ito ni Mama. Ilang minuto pang pagmamaneho ay inihinto ko na ang aking sasakyan sa tapat ng bahay namin. Sinigurado ko munang nakasarado na ang pintuan ng sasakyan ko bago pumasok sa gate ng bahay. Pagkapasok ko sa bahay ay narinig ko na ang tawanan mula sa kusina. Kaagad akong nagtaka dahil karaniwa’y tahimik lamang sa aming bahay.

‘Anong mayro’n at mukhang nagkakasiyahan?’

"Oh, Taji! Nandiyaan ka na pala.” bulalas ni Papa at saka sinalubong ako ng yakap. Gano’n din sina Mama at ate Lhayzel. Ngunit nanlaki ang mga mata ko at hindi ako makapaniwala na nandito na pala ang nakatatandang kapatid ko sa Pilipinas.

"Kumpleto na tayo, let's eat." anyaya ni Mama na ikinangiti ko. Kumapit naman sa ‘kin si ate Lhayzel at ang lawak ng ngiti nito habang nakatingin sa akin.

"Kaya pala tuwang-tuwa si Mama, nakauwi ka na pala." sambit ko at umupo na kaming dalawa sa katapat na upuan nina Mama at Papa. Bumitaw na ‘to sa ‘kin pero hindi nawala sa maliit nitong mukha ang saya habang nakatingin sa aming tatlo.

"Kakarating ko lang din. Hindi na ‘ko nagsabi at nagpasundo dahil gusto kong sopresahin kayo nina Mama’t Papa." nakangiting turan ni ate Lhayzel. Inabot nito sa akin ang sandok para sa kanin at nagsimula na kaming kumain.

Habang masayang kumakain ay biglang nagtanong si Mama. "Kumusta ka naman sa Thailand, Anak? Ayos naman ba ang buhay roon?" Marahang ibinaba ni ate Lhayzel ang kaniyang kutsara’t tinidor at saka tumugon sa tanong ni mama. "Sobrang ganda po sa Thailand kaya naman doon ko na pong gustong manirahan. Maayos naman po ang buhay doon at kayang-kaya ko pong makipagsabayan."

Marami pang ikinuwento si ate Lhayzel at magiliw ito habang ipinapaliwanag ang tungkol sa mga tanawin at pasyalan sa Thailand na gusto niya ring mapuntahan namin. Tahimik lang akong nakikinig dahil naisip ko na naman ang sasakyang itim kanina.

‘Hindi kaya siya ang nasa kotse na ‘yon? Pero bakit naman siya mapupunta sa building ng pinagtatrabahuhan ko?’

Inalog ako ni ate Lhayzel kaya naibalik ko ang atensyon sa kaniya at kina mama.

"P-po?" Nagtatakang tanong ko dahil nakakunot na ang noo nilang tatlo. Mukhang kanina pa nila ko tinatawag.

"Bakit ba ang putla mo? Palagi ka pang tulala." tanong ni Mama sa akin na may halong pagsusungit. Napakunot naman ang aking noo at napahawak ako sa ‘king pisngi.

"May masakit ba sa ‘yo, Tajiana?" nag-aaalalang tanong ni Papa sa ‘kin kaya nginitian ko ‘to. "Okay lang po ‘ko, pagod lang po sa trabaho." nakangiting sagot ko.

"Ikaw pala, Taji? Kumusta ka naman?" tanong ni Mama sa ‘kin kaya’t natigilan ako. Medyo nakaramdam ako ng kaba mula sa dibdib ko. Ngayon lamang ako kinumusta ni mama pero tila ba’y hindi ko nagugustuhan.

"A-ayos naman po ‘ko sa trabaho—" Naputol ang sagot nang nagsalita ulit si Mama.

"Nasaan na nga pala ang nobyo mong si Jared? Hindi na siya nagpupunta rito, ah?"

Napatingin ako kay ate Lhayzel na siya lang ang tanging nakakaalam na naghiwalay na kaming dalawa ni Jared. Humawak siya sa ‘king kamay at palihim na pinalalakas ang aking kalooban.

"A-ano po kasi, Mama… W-wala na po kami ni Jared matagal na."

Panandaliang natahimik sina Mama at Papa. Pabagsak na ibinaba ni Mama ang kaniyang kubyertos at saka pinagsiklop ang mga kamay. Mariin at matalas ang tingin ng mga mata nito sa akin na para bang isang maling galaw ko lamang ay aatake siya.

"Matagal na? Bakit hindi mo sinabi sa akin?”

“Humahanap lang po ako ng tamang tiyempo, mama…”

“Bakit naman kayo naghiwalay? Dahil sa ‘yo na naman, ano? Taji naman!" asik ni Mama sa ‘kin. Napalunok naman ako ng aking laway at hindi agad nakasagot.

"Mama..." Pag-aawat ni ate Lhayzel pero inirapan lang ito ni Mama at nagpatuloy sa pagsasalita.

"Kaya malakas ang loob niyang kapatid mo, pareho kayong kunsintidor ng ama mo!" sigaw ni Mama na agad namang pinigilan ni Papa. Napayuko na lamang ako sa kahihiyan. "Ayusin mo ‘yan, Taji. Kung kinakailangang ikaw ang manuyo para magbalikan kayo ni Jared ay gawin mo—"

"Mama, niloko niya ‘ko. Hindi ako magmamakaawa sa kaniya at lalong hinding-hindi ako makikipagbalikan sa kaniya." Naiiyak na sabi ko at biglang dumilim ang awra ni Papa. Naiyukom nito ang mga kamao niya bago magsalita.

"Ang kapal ng mukha ng Jared na ‘yan para lokohin ka—"

"Huwag mong pagsasalitaan ng masama si Jared, Wane!" pagpipigil ni Mama kay Papa kaya natigilan kaming tatlo.

‘Bakit parang sobra naman ang galit niya sa ‘kin? Bakit parang ako pa ang lumalabas na masama at mali rito?’

"Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang batang 'yon dahil ang anak mo ang may kasalanan kaya siya niloko!" Napaawang ang labi ko sa sinabi ni Mama.

‘Bakit niya ba pinagtatanggol si Jared?!’

"A-ano bang sinasabi mo, Mama?" Naguguluhan at nasasaktan kong turan.

"Tiyak kong ikaw rin ang may kasalanan kung bakit naging gano’n sa ‘yo si Jared!" Naghihisterikal na sigaw ni Mama na ikinaluha ko. Hindi ako makapaniwala na sa sarili ko pang ina manggagaling ang mga salitang ‘yon. Sarili kong ina at kadugo ay ipinagtatanggol ang ibang taong may ginawang mali kaysa sa ‘kin na sarili niyang anak.

"Quincy, ano ba 'yang sinasabi mo?!" asik ni Papa kay Mama.

Parang may bumara sa lalamunan ko at hindi na ‘ko makapagsalita. Hindi ko kayang ipagtanggol ang sarili ko. Napipilan na lamang ako sa isang tabi habang inaalo ako ng aking nakatatandang kapatid.

"Paano ang negosyo natin, Taji? Bakit mo siya hiniwalayan? Paano na ang arrange marriage ninyong dalawa? Hindi na natin mababawi pa ang negosyong ipinundar pa ng lolo mo para sa atin!" Napaiwas ako ng tingin kay Mama. Sobra na ‘kong nasasaktan sa mga sinabi niya. Iniisip niya ang kapakanan ng negosyo naming palubog na pero ang nararamdaman ng sarili niyang anak ay hindi niya man lang kayang bigyan ng atensyon.

"Mama, tama na po." Pagpipigil ni ate Lhayzel habang pinapatahan ako.

"Mabuti pa po ang business naaalala niyo, ako po kaya, kailan niyo ko maaalala? Anak niyo po ako pero parang kasangkapan na lang ang tingin niyo sa ‘kin." Tumayo na ‘ko at tumakbo paakyat ng aking kuwarto. Umupo ako sa isang sulok at doon ibinuhos ang kanina ko pang pinipigil na mga luha. Kumatok nang kumatok sa pintuan ko si ate Lhayzel pero minabuti kong hindi na lamang siya pagbuksan.

Naka-arrange marriage lang kami ni Jared pero hindi naman ako nahirapang mahalin siya pero ngayong sinaktan ako nito at hindi ko na ito mahal ay ayaw kong ipinipilit pa ito sa ‘kin. Palagi na lang kapakanan ng palubog na business ang inaatupag ni Mama. Hindi niya nga naitanong man lang kung anong naramdaman ko sa panloloko ng g*gong 'yon. Pero naiintindihan ko rin naman si Mama dahil alam kong ang pamilya na lang ni Jared ang iniisip niyang makakatulong sa ‘min pero nasasaktan na ‘ko bilang anak niya na kaya niya ‘kong ipagkanulo para lang maisalba ang negosyong ‘yon. Patunay na mas pinapahalagahan niya ‘yon kaysa sa sarili niyang anak.

‘Ganoon ba ko kawalang halaga sa kaniya?’

Kapag gano’n ang mga lumalabas na mga salita sa bibig ni Mama ay hindi ko maiwasang masaktan dahil mas naiisip kong mahalaga ang business kaysa sa ‘kin, na para bang wala na ‘kong ambag sa pamilyang ito kapag hindi ko naisalba ang negosyong pinapahalagahan ng pamilya namin dahil galing pa ito sa grandfather ko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status