Share

/LDR-10/

IDRIS

I woke up again. Same day. Same place. Same time. What should I expect? I'm no longer surprised anymore that everytime I die in the end of the day, I'm still alive and it sucks.

It's like I'm already dead inside but I have to keep living because that's what I have to do. I still have to find out how to escape in this fucking time loop.

I feel dizzy and at the same time parang bumigat ang ulo ko. Napahawak ako roon pero nagulat na lang ako ng makapa ko ito. Dali-dali akong nagtungo sa harap ng salamin at tiningnan ang sarili.

"What the fuck?" naibulong ko pagkatapos makita ang buhok ko na tayo-tayo na parang hinangin ito ng malakas. Para itong nasunog at nakuryente dahil sa itsura.

Doon ko lang naalala na kidlat nga pala ang dahilan ng pagkamatay ko kagabi kaya siguro ganito ang itsura ko.

Sinubukan ko pang ibaba ang buhok ko pero sabog pa rin ito kahit nakababa na kaya dali-dali kong kinuha ang plantsa para sa buhok pero muntik ko na itong mabitawan dahil sa sigaw ni Naya.

Right, how could I forget her screaming each day every day I wake up? Dapat hindi na ako magulat kapag gano'n.

"Idris, gumising ka na! Aba, tulog mantika ka talaga kahit kailan!"

Napairap na lang ako sa dahil sa araw-araw ba naman na 'yan ang bubungad sa'kin tuwing umaga.

Dahil tinatamad ako, mentally, physically, spiritually at iba pang salita na may ally sa huli, magpapanggap na lang siguro muna ako na masama ang pakiramdam.

Peke akong napaubo at sinadya ko pa itong nilakasan para marinig niya mula sa kabila.

"Naya... hindi muna ako papasok. Masama... pakiramdam ko." nauubo-ubong sabi ko 'saka nagkunwaring umungot para malaman niya na may sakit talaga ako.

"Huh? Ganun ba? O, sige. 'Wag ka munang pumasok. Kami na lang ang bahala sa booth. Magpahinga ka na lang diyan, okay?" nag-aalalang tugon niya dahilan para mapangiti ako ng malawak.

Hindi ko alam na uto-uto rin pala 'tong si Naya. Napatawa ako dahil nasabi sa isip.

Ngayon ko lang naman gagawin 'to eh dahil hindi ko talaga feel ang lumabas ngayon at magliwaliw. Gusto ko munang manatili sa kwarto ng buong araw ng tahimik.

"Salamat, Naya... ingat ka na lang doon!" saad ko pabalik at kunwaring umubo ulit.

"Sige, mag-iiwan na lang ako ng umagahan mo roon sa baba 'saka ng gamot mo. Paalis na rin ako mamaya." Napangiti naman ako dahil doon.

Hays, kahit madaldal at mabunganga si Naya masasabi kong isa siyang tunay na kaibigan.

"Okay."

Nang masiguro kong nakaalis na siya ay saka ko pinagpatuloy ang ginagawa.

Plinantsa ko muna ang gulo-gulo kong buhok at pagkatapos ay nag-ayos 'saka bumaba para kumain.

Hinugasan ko na rin ang pinagkainan at bumalik sa kwarto at doon nagpahinga.

Bigla ko naman naisip ang bata na nakita ko no'ng isang gabi. Iyon kasi ang pangalawang beses na nakita ko siya at hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin no'n.

Nagtataka rin ako kung para saan ang mga portal na pinapasukan at nilalabasan niya sa tuwing naabutan ko siya. Saan naman siya galing at saan siya nagpupunta 'pag nawawala siya?

Naalala ko rin na humingi pa siya ng tawad sa'kin noong nasa black room kami. Sinabi niya rin na wala na siyang oras nung gabing 'yon at parang nagmamadali siya base sa kinikilos niya.

Sino kaya ang batang 'yun? Why do I keep on seeing him? May kinalaman kaya siya sa nangyayari sa'kin? Kung gano'n ay kailangan ko siyang makita at makausap pero papaano ko naman gagawin 'yon?

Tutal sa oras ng kamatayan ko lang siya nakikita, naisip ko na baka mamayang gabi ay makikita ko rin siguro siya.

Sana.

Napatingin naman ako sa kabuuan ng kwarto. Bakit nga ba ako nagpaiwan at nagpanggap na may sakit? Eh wala pang isang oras, nangangati na ang paa ko na maglakad.

Hindi ako sanay na nasa loob kang ng bahay at walang ginagawa pero ano namang gagawin ko ngayon?

Nag-isip ako ng pagkakaabalahan ng sumulpot sa isip ko si Mama. Mahigit tatlong buwan ko na siyang hindi nabibisita sa probinsiya kaya uuwi na lang muna ako sa bahay at bisitahin siya.

Ahh, miss ko na si Mama.

Kaagad naman akong nag-empake ng mga gamit at pagkatapos ay naghanda na para umalis.

-----

Napangiti ako ng malayo pa lang ay tanaw ko na ang aming bahay. Pagkababa ko sa tricycle ay kaagad kong binayaran si Manong.

Naglakad ako patungo sa pinto at kakatok na sana pero bigla na lang itong bumukas at bumungad sa'kin ang gulat na mukha ni Mama.

"Surprise!" bati ko kaya kaagad itong napangiti ng malawak at saka ako dinamba ng yakap. Niyakap ko siya pabalik.

"Idris, anak. Salamat naman at naisipan mong umuwi." wika niya sabay kalas mula sa pagkakayakap.

"Oo nga, Ma. sorry at ngayon lang ako nakauwi. Medyo busy din kasi ako sa school kaya wala akong time." Hinging paumanhin ko pero ngumiti lang siya at hinaplos ang buhok ko tulad ng lagi niyang ginagawa noong bata pa ako.

"Ano ka ba, ayos lang yo'n. ang importante nandito ka na." masaya niyang saad saka niya ako niyakap muli.

"Pasok na tayo nang makapagluto na ko ng paborito mong pagkain." aya niya kapagkuwan kaya sabay kaming pumasok sa loob ng bahay.

Inabot kami ng tanghali ni Mama dahil sa maha-haba naming kwentuhan. Naputol lang iyon ng biglang may nag-doorbell kaya ako na ang nagpresinta na magbukas dahil kasalukuyang naghuhugas si Mama ng pinggan.

Pagkabukas ko ng pinto ay nabigla pa ko sa bumungad sa'kin dahil hindi ko inaasahan na makikita ko siyang muli.

"Matteo..."

"Idris?"

Hindi ko alam ang mararamdaman pagkakita ko sa kaniya. Hindi ako makapaniwala na sa paglipas ng taon ay nakita ko siya ulit. Malaki ang pinagbago ng hitsura nito kumpara dati noong high school pa kami.

Nagkalaman at lumaki ang pangangatawan nito. Humaba ang buhok niya dahilan para nakatali ito sa kaniyang likod. Samantalang ang kulay ng kaniyang balat ay gano'n pa rin tulad ng dati-moreno. Nagkaroon din siya ng bigote na lalong nagpalakas sa kaniyang appeal dahilan para gumwapo siya ng tuluyan.

Natameme ako saglit dahil hindi ako sanay sa hitsura niya at mistulang gano'n din siya dahil mariin din siyang nakatitig sa'kin.

'Saka lang kami natauhan parehas nang biglang tumikhim si Mama mula sa aking likuran (na pinagpasalamat ko) at sinalubong si Matteo na nakatayo pa rin doon.

"O, Matteo, nandito ka na pala. Nakalimutan ko na ngayong oras ka pala dadating para ipa-deliver ang mga halaman. Eto kasing si Idris, biglang umuwi kaya nawaglit ka sa isipan ko." tuwang pahayag ni Mama kaya napakamot nalang sa batok ang huli na mistulang nahihiya.

"Okay lang ho yo'n, Tita. Mukhang tama lang kasi ang timing ko. Nandito rin kasi si Idris." nakangiting sagot niya 'saka tumingin muli sa'kin.

Namula naman ako sa ginawa niya. Na-i-intimidate ako sa kaniya!

Sa tingin niyang 'yon ay bumalik sa isipan ko ang pinagsamahan namin noon. Ang panliligaw niya at ang pagsagot ko sa kaniya dahilan para maging kami. Malaki rin ang naging parte ni Matteo sa puso ko kahit papaano dahil siya rin ang lagi kong kasama kapag malungkot ako at may problema bukod kay Owen.

"Ay sus, alam kong nakalipas na ang panahon na naghiwalay na kayo pero hindi ko pa rin mapigilang kiligin ngayong nagkita kayo uli." parang baliw na sabat ni Mama nang mapansing nakatingin kami ni Matteo sa isa't-isa.

Tanging ngiti lang ang nagawa ko gayon din si Matteo na bahagyang pumula pa ang pisngi sa tinuran ni Mama.

Mahina ko namang siniko si Mama para magtigil na ito sa sinasabi. Mukhang nakuha naman niya ang ibig kong sabihin kaya siya na ang nag-imbita kay Matteo na doon na mag-merienda para daw magkamustahan kaming tatlo.

Puno ng tawanan at kwentuhan ang naganap buong maghapon dahil na rin sa kakulitan ni Mama kaya parang nawala ang awkward na sitwasyon na namamagitan sa'min ni Matteo.

Nalaman ko na dito sa probinsiya pa rin nakatira si Matteo kasama ang kaniyang pamilya. Hindi siya nagtangkang mag-aral sa Maynila ng mag-college dahil lahat ng kapatid niya ay dito rin nakapagtapos ng pag-aaral. Ang papa niya naman ay nakabili ng lupa sa pamamagitan ng pagtrabaho sa Maynila kaya nakapagpagawa sila ng bahay dito sa probinsiya at ngayon dito na sila nakatira.

Laking pasalamat ko lang na walang nabanggit patungkol sa nangyari noon kaya naman naging masaya ang kuwentuhan.

Pagdating ng gabi ay doon na rin sa bahay kumain si Matteo dahil pinilit siya ni Mama. Ilang beses tumanggi si Matteo pero dahil makulit si Mama ay sa huli pumayag na rin ito.

Palagi raw kasi siya ang nagde-deliver ng mga halaman at bulaklak kay Mama simula noong umalis ang tatay nito papuntang Maynila.

Mahilig kasi si Mama sa mga 'yon, may maliit pa nga siyang hardin sa likod-bahay na ipinakita niya sa'kin kanina at doon sari-saring mga uri ng bulaklak at halaman ang makikita.

Tinanong din ako ni Mama kung uuwi ba ako pero sinabi ko na bukas ng madaling-araw na lang ako uuwi. Pero siyempre hindi 'yon totoo dahil alam ko namang pagkagising ko bukas ay nasa dorm na ako kaagad.

Pagkatapos naming maghapunan ay nagpaalam na rin si Matteo na paalis na siya. "Pst, ihatid mo." bulong ni Mama sa'kin habang pinupunasan ang mesa.

Kunot-noo ko lang tiningnan si Mama sabay sulyap kay Matteo na kasalukuyang nagsusuot ng jacket.

"Ihatid mo." bulong niya ulit gamit ang nanlalaki niyang mga mata kaya napakamot na lang ako sa noo dahil sa inis. Wala naman akong magawa kundi gawin 'yon.

Bubuksan na sana ni Matteo ang pinto pero nagsalita ako.

"Uhm, hatid na kita sa labas?" nakangiting aya ko.

Tumango lang siya bilang tugon at ngumiti. Sabay kaming lumabas at naglakad papunta sa kaniyang motor na nakaparada sa labas ng bahay.

"I'm so glad that I've seen you again, Idris." ngiting sabi niya habang sinusuot ang helmet.

Nginitian ko naman siya pabalik at bahagyang nakaramdam ng pagkailang dahil sa ngiti at tingin na pinupukol niya sa'kin.

Hindi ko alam kung bakit parang may mga lumilipad na paru-paro sa tiyan ko at feeling ko ay nag-iinit ang pisngi ko.

Naguguluhan ako sa nararamdaman ko dahil alam kong mahal ako ni Owen at mahal ko rin siya pero bakit gayong nakita kong muli si Matteo ay parang bumalik ang nararamdaman ko noon.

Siguro matinding paghanga lang ito at wala naman sigurong malisya kung gano'n nga. Samantalang ang nararamdaman ko kay Owen ay mas matindi sa paghanga kundi pagmamahal na.

Napailing na lang ako dahil sa naiisip kaya bago pa ako makapag-isip ng kung ano-ano ay nagsalita ako.

"Me too, Matteo." sagot ko pabalik.

Ngiti lang ang sinukli niya 'saka niya pinaandar ang sasakyan at umalis na.

'Saka lang ako nakahinga ng maluwag ng nakaalis na siya. Hindi ko namalayan na pinipigilan ko palang huminga habang kausap ko siya.

Binatukan ko na lang ang sarili dahil sa kahihiyan. Mukha siguro akong tanga kanina. Aish.

Pabalik na sana ako sa bahay nang biglang kumirot ang binti ko. Pagtingin ko sa paanan ko ay nanlaki ang mata ko nang may makita akong ahas doon. Hindi lang ito ahas dahil isa itong cobra.

"Holy shit." usal ko saka agad na kumaripas ng takbo palayo rito.

Agad din akong nanghina ng maramdaman ko ang matinding kirot mula sa binti ko at doon may nakita akong dalawalang maliit na kagat.

Sa tingin ko ay naapakan ko siguro ito kaya nakagat ako. Ang pagkakaalam ko pa naman ay may dalang lason ang ahas.

Kapag kinagat ka ng ordinaryong ahas ay aabot ng dalawa o tatlong araw bago ka mamatay pero dahil cobra ang nakakagat sa'kin, mayroon na lang akong tatlompung minuto bago mamatay.

Napasabunot na lang ako dahil sa matinding inis. Kung minamalas ka nga naman, nakagat pa ako ng ahas. Hindi pa ko nakaranas ng ganito kaya kinakabahan ako kung anong pwedeng mangyari sa'kin.

Hindi ko rin naman ito pwedeng sabihin kay Mama dahil panigurado ay magre-react 'yon ng husto at baka mahimatay pa ng 'di-oras.

Palilipasin ko na lang siguro ang nalalabi kong oras tutal mawawala rin naman ito pagsapot ng araw.

Iika-ika akong naglakad pabalik sa bahay at kaagad na dumiretso sa kwarto ko sa taas. Nadaanan ko pa si Mama roon na nagbabasa ng diyaryo. Napangiti na lang ako dahil sa nakita. Kapag naayos na ang lahat, bibisitahin ko siya ulit.

"Matutulog ka na?" bigla niyang tanong nang mapansin ako.

"Oo, Ma. Maaga pa kasi ako bukas, e." sagot ko.

Hindi ko pinahalata na masakit ang binti. Tumitindi rin ang nararamdaman kong hilo pero pilit ko itong 'wag pansinin.

"O, sige. Goodnight, anak." tugon niya sabay binalik ang tingin sa binabasa.

"Goodnight din, Ma."

Nagpatuloy ako sa pag-akyat. Mahihigpit ang kapit ko sa kahoy dahil para akong matutumba pero pinilit ko hanggang sa makarating ako sa kwarto at sinarado na ang pinto.

Nanghihina akong napahiga sa kama na hingal na hingal. Sa tingin ko ay unti-unti nang kumakalat ang lason mula sa binti ko paakyat sa katawan ko.

Nanatili akong nakahiga roon ng ilang minuto hanggang sa maramdaman ko na lang na hindi na ako makagalaw. Buong katawan ko ay hindi ko maigalaw kaya saglit akong kinabahan pero kaagad din akong kumalma.

Sanay na ako sa ganitong sitwasyon, 'yung pakiramdam na malapit ka ng mamatay. Bakit pa ko matatakot mamatay kung mabubuhay din naman ako 'di ba?

Imbes na magpumilit na gumalaw ay ipinikit ko na lang ang mata ko at hinintay na mawalan ako ng buhay.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status