Share

Chapter 15

PINARADA NI EVIE ang kotse at nasa harap nun ay kotseng ginagamit niya. Pagkapatay niya ng makina ng kotse, hinarap niya si Silver na hindi malaman ang reaksyon nilang dalawa.

"Kapag umokay ka na, umuwi ka na ah? Baka machismis ako dito na naguuwi na ko ng lalaki sa bahay." saad lang nito sabay labas na ng kotse.

Hindi naman napigilan ni Silver hindi mangiti ng bahagya dahil inuwi nga siya ni Evie sa bahay nito.

"Tara na!" pagbukas pa ni Evie ng pinto ng passenger's seat. Inalalayan niyang makababa si Silver sa kotse. Kahit pa nanghihina pa rin, tila nabubuhayan naman sa tuwa si Silver dahil patutuluyin siya ni Evie sa bahay nito.

Nakaakbay si Silver kay Evie na nakaalalay sa kanya habang naglalakad sila papaakyat ng second floor ng compound.

"Maganda rin pala dito sa loob noh. May up and down unit ba o isang tenant bawat unit lang?" usisa pa ni Silver.

"Yung doon sa may tapat, up and down yun. Pang malalaking pamilya. Etong dito banda, either sa baba o dito sa taas lang. Hindi kalakihan ang unit ko, isa lang ang kwarto."

Nang makarating silang second floor ay naglakad pa sila dahil nasa dulo ng palapag ang unit ni Evie.

Bahagyang binitiwan ni Evie si Silver upang masusian ang pinto ng bahay niya at kaagad rin naman itong bumukas.

"Take your shoes off." utos naman nito at yun ang ginawa ni Silver.

Naunang pumasok si Evie at iniwang bukas lamang ang pinto, papasok na sana si Silver ng bigla siyang dinamba ng aso ni Evie na si Steve.

Arf!

Nanahol sa pagkasabik ang aso at dahil isa itong large size Belgian Malinois, napaupo si Silver sa sahig dahil sa bigat ng pagkakadagan nito at nanghihina pa rin siya.

"Steve no! Don't jump on him!" bulyaw naman ni Evie at inalis ang nagliligalig na aso sa harapan ni Silver.

Hindi naman na nakagalaw si Silver sa pagkabigla at takot sa laki ng aso. Natakot rin siya na baka lapain siya nito kapag pumalag siya kaya hinayaan na lamang din niya kahit pa napaupo na siya sa sahig ng pintuan ni Evie.

"Sorry, pero mabait yang baby ko. Maharot lang." pagalalay pa ni Evie kay Silver na makatayo. Tinatahulan ng aso si Silver ngunit gusto rin nitong makalapit rito. "Ngayon lang kasi nakakita yan ng ibang tao dito sa loob ng bahay. Kapag nga yung mga guards ang kumakatok, halos nagwawala pa siya. Buti nga sayo, hindi masyado."

"Grabe! Akala ko may alaga kang kabayo rito sa unit mo." napasapo pa ni Silver ang dibdib dahil sa nerbyos. Napaupo na rin naman siya sa sofa malapit roon.

Natawa naman si Evie sa reaksyon ni Silver, mukhang natakot talaga ito.

"Di ba may malalaki ka rin namang aso? Bakit parang takot ka?"

"Oo, pero alaga ko sila. Eh yan hindi naman. Baka kagatin ako."

"Hindi ka niyan kakagatin noh. Malambing kaya yan." saad pa ni Evie na dumiretsong kusina upang maikuha ng iinumin si Silver. Kasunod naman niya ang alagang aso.

Minasdan ni Silver ang kabuuan ng bahay ni Evie, tila napakaganda nito at linis. Kahit pa simple lang ang ayos, halatang maayos sa bahay ang nakatira rito. Kompleto rin ito sa gamit na naroon. Pagkapasok kasi ng bahay ay bungad na ang salas niya na may isang malaking sofa at isang solo chair, may ottoman rin doon at coffee table sa gitna. Carpeted ang bandang iyon. Sa gawing kanan ay ang dining na at kusina. Four-seater ang dining table ni Evie, malawak naman ang kilusan sa lutuan na ang dulo ng sink ay two-doors refrigerator niya. May table top oven din siya at maliit na mixer. Nangiti naman siya sa wine cellar na nakatayo sa gilid ng ref.

"Anything to drink?" tanong naman ni Evie rito.

"Coffee na lang."

Nag-prepare si Evie sa coffee maker niya at nagaasikaso ng mga gagamiting cups. Nakatalikod siya kay Silver na hindi naman inaalis ang tingin sa dalaga. Ganitong-ganito sana ang gusto niyang eksena nila noon ni Evie kung natuloy ang pagsasama nila sa bahay.

Napansin ni Silver na papalapit muli sa kanya ang aso ni Evie ngunit kumakawag na ang buntot kaya hindi na siya natakot.

"Come here!" pagtawag niya sa aso at lumapit naman ito sa kanya. Nahawakan niya ito sa ulo at katawan na tila maamo na sa kanya.

Halos makipaglaro na siya sa aso habang iniintay si Evie. Alam niyang mahilig talaga si Evie sa aso kaya nga nahilig na rin siya noon magalaga dahil rito.

"Binabantayan mo bang mabuti ang ang mommy mo ha? Huwag kang papayag na may ibang lalapit sa kanya ah? Ako lang!" bulong niya pa sa aso na para bang naiintindihan siya nito.

"Aba? Close agad kayo?" paglapit ni Evie na may dalang dalawang cup ng kape, inilapag naman din niya ang isa sa tapat na mesa ni Silver.

"Syempre, daddy niya daw ako eh." natutuwang saad pa ni Silver habang hinahawak-hawakan ang mukha ng aso.

Halos gustong maibuga ni Evie ang nahigop na mainit na kape sa narinig. Hindi niya ito inaasahan.

"Anak ko lang siya."

"Pwes, anak ko na rin siya." humarap pa si Silver sa aso. "Di ba ako na ang daddy mo?"

"Feelingero." komento pa ni Evie sabay irap kay Silver. Natawa lang naman sa kanya ang binata.

"Ilang taon na toh?"

"One palang."

"Talaga? Ang laki ah?"

"Large type eh."

"Galing kay Evette?" tanong pa ni Silver na hindi inaasahan ni Evie.

"Ahm.. Oo. Binili ko sa kanya."

"Kamusta na nga pala yung kapatid mong yun? May pamangkin ka na sa kanya di ba?"

Tumungo-tungo naman si Evie sabay higop sa kape niya.

"So, hindi mo rin sila nakikita?"

"Nagkita kami last month noong nagawi sila sa MOA."

"Ahh.." habang hinahawakan ni Silver ang aso ay nakita niya ang pinaka-pendant nito sa collar na suot, naka-engrave doon ang pangalan at binasa niya ito. "Bakit Steve?"

Na-ilang naman si Evie sa tanong ni Silver sa kanya.

"Hmm.. Wala lang. Parang bagay lang sa kanya." tila pagpapalusot na lamang nito.

Nangingiti naman si Silver at hinihimas pa rin ang aso na para bang matagal na niya itong alaga.  Sa isip-isip niya, tila sunod sa pangalan niya ang pangalan ng aso. Ayaw man niya mag-assume ngunit ayaw na din niyang usisain pa.

Ilang sandali lang ay tumayo muli si Evie sa kinauupuan at nagtungo ng kusina habang hawak pa rin ang mug niya ng kape. Dumiretso siyang ref niya at tila sinilip iyon.

"Gutom ka na ba?" tanong pa ni Evie na kinabigla rin ni Silver.

"Ha -- ha?"

"Sabi ko kung gutom ka na ba?"

"Ipagluluto mo ko?"

"Bakit? Kumakain ka ba ng dog food? Syempre magluluto ako, magtatanghalian na eh." nagtataray man ngunit halos abot tainga ang ngiti ni Silver rito habang umiinom ng kape.

"Medyo. Anong lulutuin mo?"

"Eh di kung anong pwede lang sayo. Ako na lang mag-a adjust. Palagi naman eh." pasaring pa ni Evie habang kumukuha ng ingredients sa ref niya. "May tilapia ako dito, may pechay at carrots pa. I-escupado ko na lang ito ah? Para makakain ka ng gulay."

"Sure."

Hindi naman makubli ni Silver ang tuwa ngayon. Parang ito na ang best day ever sa kanya. Bukod sa nakasama niya si Evie ng ilang araw, inuwi pa siya nito at ngayon ay ipagluluto pa. Tila kung dati ay sa imahinasyon niya lamang ito nangyayari, ngayon ay sa totoong buhay na.

Habang abala si Evie sa paghahanda ng sangkap na gagamitin, napansin niya ang ilang regalong nakakalat pa sa tabi niya. Mukhang mga regalong natanggap ni Evie ito ngunit hindi pa nabubuksan.

Pinagbuksan siya ni Evie ng tv ngunit hindi naman siya nanonood, si Evie lang ang minamasdan niya at kapag gumagawi ito ng tingin sa kanya ay doon lamang siya lilihis ng tingin na kunwari'y nanonood.

Unti-unti naman nakaramdam si Silver ng pagkapagod kahit pa hindi siya nagkikikilos, inilipat niya ang mga nagkalat na regalo sa solo chair at humiga na roon sa sofa. Hindi na niya namalayang makatulog na doon.

Napansin ni Evie ang ginawa ni Silver at hinayaan na lamang ito. Patuloy siya sa pagluluto at nang pinapakuluan na niya ang niluluto, kumuha siya ng extra kumot at sinapin kay Silver. Napatayo siya sa gilid nito natutulog ito at gayun din ang aso niyang si Steve na natutulog sa sahig katabi ng sofa.

Hindi niya rin akalain na hahantong sila sa ganito. Parang kailan lang noon una nilang pagkikita at ngayon ay nasa bahay na niya ang lalaking ito. Parang kahit anong iwas niya ay pilit silang pinagtatagpo na ni Silver.

Marahil tama ang sinabi nito na baka ngayon ang perfect timing na gusto ng panginoon para sa kanilang dalawa kung kaya't kahit anong pilit nila noon magkita ay hindi nagaganap. Ngayon naman ay kahit anong pilit na pagiwas, lalo silang pinagsasama.

Napapailing na lamang si Evie dahil kahit siya ay naguguluhan sa nangyayari. Hindi na sana niya gustong mapalapit kay Silver ngunit ito naman ang lumalapit sa kanya. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman na galit siya rito at nasasaktan ngunit may kirot na tuwa sa loob niya kapag nakakasama ito. Hindi niya alam kung ano ang dapat pairalin kapag nandyan na si Silver. Sobra siyang naguguluhan.

NAKAPAGHANDA na si Evie ng pananghalian nila at balak ng gisingin si Silver ng tumunog ang phone niyang nasa coffee table kaya dinampot na muna niya ito.

Nakita niyang si Benjamin ang tumatawag kaya sinagot niya rin kaagad.

"Hello, Benj?"

(Hi Evz! Kamusta?)

Bahagyang lumayo si Evie upang hindi magising si Silver. Nagtungo siya malapit sa kusina.

"Okay naman, ikaw ba?"

(Discharge na si dad ngayon eh, I'm so happy he's fine. At least hindi kami sa ospital magpapasko. Ikaw ba kamusta dyan? Umuwi ka ba sa inyo?)

Natigilan naman si Evie sa tanong ni Benjamin.

"Ahm.. Hindi eh. Hindi ko alam kung -- uuwi ba ko." naiilang naman niyang sagot rito.

(Ganun ba? Well, do you have other plans this Christmas eve? Gusto mo video calls na lang tayo?)

"Ah hindi na, mag-enjoy ka dyan sa family mo. Ngayon na lang yata kayo ulit makakapagpasko dyan di ba?"

(Oo nga eh. It's good to be at home.)

"I'll see you in the office."

(I'll see you soon Evz.)

Yun lamang ang munting kamustahan nila at kinatuwa naman iyon ni Evie lalo na ang balitang makakalabas na ng ospital si chairman.

Saktong paharap sana siyang muli kay Silver nang makita niyang gising na pala ito at nakaupo ng bangon.

Nagising naman si Silver sa ingay ng tumutunog na phone. Akala niya sa kanya ngunit nagsalita si Evie na tila may kinakausap ito.

Bahagya itong lumayo sa kanya at doon na siya namulat. Nakita niyang nakatalikod ito sa kanya habang kinakausap ang boss niya.

Minasdan niya si Evie na nasusulyapan niyang nakangiti sa kausap. Hindi niya malaman kung bakit may kaunting selos siyang nadarama sa paguusap ng dalawa. Batid niya ang closeness ng mga ito ngunit hindi niya maiwasan.

Bumangon na si Silver at saktong harap sa kanya ni Evie na nakangiti, ilang sandali naman sila nagkatinginan.

"Ha -- handa na ang tanghalian, kain na tayo?" paglapit pa ni Evie kay Silver at inaalalayan ito sa pagtayo at paglalakad.

Pinaupo siya ni Evie at pinagsandukan ng kanin at ulam. Naupo naman din si Evie sa tabi niya at gayun din ang ginawa sa plato nito.

"Kumain kang maraming gulay ah? Para makabawi ka kaagad ng lakas mo."

Hindi naman nagsalita si Silver at kumain na rin ng nakahain sa kanya. Naamoy niyang mukhang masarap ito at hindi nga siya nagkamali. Kahit pa nanghihina siya ay ginanahan siyang kumain.

Inaasikaso naman siya ni Evie na para bang hindi alintana nito ang galit sa kanya. Naniniwala na tuloy siya na baka may nararamdaman pa rin ito para sa kanya.

"Kamusta pakiramdam mo? Nanghihina ka pa rin?" tanong ni Evie sa kalagitnaan ng pagkain nila.

"Ga -- ganun pa rin. Feeling ko pagod na pagod ako kanina pang umaga. Sobrang sakit ng batok ko at -- nilalamig yung paa."

Napaisip si Evie sa kalagayan ni Silver. Alam niyang kasama talaga sa sintomas ng sakit nito ang fatigue kaya laging nanghihina at nahihilo, gayun din ang sakit ng batok at panlalamig.

"Pagkatapos kumain, uminom ka na kaagad ng gamot mo, tapos ipahinga mo muna yan."

Matapos nilang kumain ay bumalik si Silver sa pagkakahiga sa sofa ni Evie. Dahil sa nilalamig, nakasuot siya ng medyas at sweater na pinahiram ni Evie. Nakabalot rin siya ng comforter na pinagamit sa kanya ni Evie sa ospital.

"Eto oh, 3x a day daw ito sabi ng doktor di ba?" pagkaabot ni Evie ng gamot ni Silver at ininom naman kaagad niya ito sabay abot rin ng baso ng tubig na ininuman rin ni Silver.

"Thank you."

"Pahinga ka muna dyan, magliligpit lang ako." at dumiretso na si Evie sa kusina upang magligpit.

Minasdan naman siya ni Silver habang nakapaangat na higa sa sofa kahit halos lagpas na ang mga paa niya rito. Hindi niya akalaing gagawin sa kanya ni Evie ito, buong akala niya kanina ay pababayaan na talaga siya nito doon sa parking ng ospital. Tila ngiting tagumpay naman siya dahil naganap ang nais niya, ang iuwi at alagaan siya ni Evie.

Lumapit muli ang aso ni Evie kay Silver at nahiga sa sahig katabi niya na tila binabantayan siya.

"Ang bait talaga ng mommy mo noh? Kailan kaya niya ako mapapatawad na?"

Hindi sa ayaw alagaan ni Evie si Silver ngunit naiilang siya sa kalagayan nila ngayon. Dapat ay iniiwasan na niya ito ngunit ngayon ay inuwi pa niya sa bahay niya at inaalagaan.

Hinahayaan naman niyang makapagpahinga si Silver sa sofa niya, ginagawa na lamang niyang busy ang sarili para hindi ito mapansin. Nang makatulog si Silver, lumabas siya at naghanap ng dahon ng malunggay sa labas pa ng compound. Wala kasi siyang ganoong tanim sa veranda niya.

Nang makabalik ay kaagad niya itong nilaga upang mainom ni Silver paggising nito. Tulog pa rin kasi ito sa sofa niya at tila naawa naman siya rito dahil kung inuwi nga siguro niya ito sa condo unit nito, hindi niya talaga ito maalagaan.

Habang nilalaga ang malunggay ay nagpalit naman na siya ng damit pang bahay na shirt at shorts na hindi naman ganoon kaiksi, naghanda na rin siya ng tuna sandwich para sa meryenda nila. Hindi niya alam kung bakit ganito siya sinisipag, hindi naman din niya intensyong magpa-impress pa kay Silver dahil hindi na nga niya gustong mapalapit sila ngunit tila wala naman din siyang ibang pagpipilian pa.

Sakto ng magising si Silver ay patapos na siya sa ginagawa. Napansin niyang gising na ito dahil dinampot ang phone na parang may tiningnan sabay lapag ulit sa coffee table.

"Eto oh. Habang mainit pa." paglapit ni Evie rito dala ang tasa ng pinakuluang dahon ng malunggay. Inabot naman din ni Silver ang tasa at hindi inaasahan ang ibinigay sa kanyang inumin.

"Ma -- malunggay ba toh?" pagtingin pa niya kay Evie.

"Yeap. Mayroon pa dun para mamaya kung gusto mo pa." pagturo naman ni Evie sa may kusina. "May -- tuna sandwich din akong ginawa, baka kako gutom ka." kaagad tumalikod naman na ito at nagtungong kusina.

Gusto naman na tumalon ni Silver sa tuwa kung hindi lamang masama ang pakiramdam niya. Kahit pa hindi niya gusto ang pinakuluang dahon ng malunggay, remedy ito sa pagtaas ng blood sugar niya. Alam ito ni Evie dahil halos parehas silang umaalam noon ng mga natural remedies sa sakit-sakit. Hindi pa rin talaga ito nakakalimot.

Naghain si Evie ng ginawa niyang tuna sandwich, at dahil nakatambak sa solo chair niya ang mga regalong natanggap kagabi, ipinasok na muna niya ito sa kwarto niya.

"Ang daming natanggap ah." pasubali naman ni Silver habang kumakain ng sandwich na gawa sa whole wheat dahil ito lamang ang ideal sa kanya.

"Ah, galing lang din sa mga katrabaho ko."

"Mamaya mo pa ba bubuksan?"

Nagkibit balikat naman si Evie. "Siguro. Kapag sinipag ako." at kumagat din siya ng sandwich niya.

Nagaalangan man ay nagipon pa rin ng lakas ng loob si Silver sa gagawin. Huminga naman na muna siya ng malalim.

"A -- anong handa natin?" pagbabakasakali naman niya at napatingin si Evie sa kanya.

"Anong handa?" pagkagat pa nito sa sandwich.

"Handa -- yung pang noche buena mamaya."

At napagtanto naman ni Evie ito.

"Wala akong handa eh. Sa iba ka na lang makipasko." at balik ng tingin nito sa tv.

"A -- ayaw mo bang maghanda?"

"Ayoko eh. Nakakapagod. Saka hindi naman na ako nagsi-celebrate na nga ng pasko di ba? Last year lang ako naimbitahan nila chairman at Benjamin, nahiya naman akong tanggihan kaya sa kanila ako nagpasko." seryosong paliwanag pa nito na hindi inaalis ang tingin sa tv at patuloy lang sa pagkain.

"Sana all may pinagpapaskuhan."

"Kung gusto mong may handa, makipasko ka na lang sa iba."

"Ayoko nga. Hindi na rin naman ako nagsi-celebrate ng pasko at bagong taon."

"Gaya-gaya.."

"Pero sana ngayong taon mabago ulit yun tutal -- kasama na kita." saad pa ni Silver na nagpanginig ng kalamnan ni Evie. Tila napasinghap siya sa sinabi ni Silver ngunit hindi niya pa rin ito magawang lingunin.

"Mu -- mukhang ayos naman na yata ang pakiramdam mo? Hindi ka pa ba aalis?" tila sumeryoso na naman ang mood ni Evie nang harapin si Silver.

"Pinapaalis mo na ba ako?"

"Oo."

"Grabe ah? Wala man lang preno?" sinusubukan ni Silver mabago ang tensyon nila kahit pa nasasaktan siya sa tuwing pinagtatabuyan o iniiwasan siya ni Evie.

"Hindi kasi talaga ako maghahanda sa noche buena. Ni hindi ako nakapag-grocery kaya wala rin akong lulutuin pang iba."

"Eh di mag-grocery tayo."

"Ayoko, maraming tao ngayon. Ayokong makigulo." walang buhay naman ding saad lang nito at bumalik ng tingin sa tv.

"Eh di huwag."

Dinampot ni Silver ang phone at tila may kinakalikot. Hindi naman na nagusisa pa si Evie at hinayaan na lamang ito. Nanood na lamang muli siya ng palabas sa tv.

Ilang sandali pa ay tumayo na si Evie at niligpit ang mga pinagkainan nila. Wala naman ding imik si Silver pa at minamasdan lamang niya itong kumikilos.

"Matutulog lang ako. Kung aalis ka na, paki-lock na lang yung pinto paglabas mo, huwag mong palalabasin si Steve ah, ikaw paghahabulin ko dyan." bilin naman ni Evie at diretsong pasok na nito sa kwarto niya. Pabagsak niya pa itong sinara at ni-lock.

Napapabagsak balikat na lamang si Silver dahil sa trato ni Evie sa kanya. Maswerte pa siya kung tutuusin dahil inalagaan at asikaso pa rin siya nito sa kabila ng galit nito sa kanya. Alam niyang hindi niya deserve ang kapatawaran ni Evie pero laking pasasalamat pa rin niya't hindi siya pinapabayaan nito lalo sa sitwasyon niya ngayon.

PAGKAPASOK ni Evie sa silid niya ay kaagad niyang ibinagsak ang sarili ng nakadapa sa kama niya. Hindi niya akalaing makakapagmatigas siya sa harap ni Silver ng ganoon. Kahit pa anong gawin ni Silver ay dapat niyang tatagan ang sarili. Galit siya rito, galit na galit. Lalo kapag naalala niya ang hirap na dinanas noong sila pa at noong nagkahiwalay sila. Halos isumpa niya ang araw na nakilala at minahal pa niya ito.

Naalala niya ang mga hindi rin ganoong kagandang trato sa kanya ni Silver. Masyado itong selfish noon at hindi nagsasabi ng buong katotohanan. Kahit pa alam niyang faithful naman itong tao, hindi niya maiwasan maghinala noon sa mga lihim nitong kilos. Labis niya lang itong mahal noon kaya pinalalagpas niya ang pagbabalewala sa kanya. Ni hindi nito kayang pahalagahan ang mga sakripisyo niya kahit maliit na bagay. Na kahit pa sinasabi nito, iba naman ang pinapakita at ginagawa ni Silver sa kanya. Tapos ngayon ay siya pa itong nagaalaga at asikaso sa taong tila kinasusuklaman na niya.

Hindi niya alam kung mapapatawad pa ba niya talaga ito. Labis niyang minahal at labis din siyang nasaktan nito na hindi niya alam kung kailan ba matatapos.

Ayos naman na sana ako eh. Tatlong taon kong tiniis ang sakit. Akala ko okay na ko, akala ko talaga ayos na ako. Pero narito pa rin pa pala yung sakit. Sobrang sakit. Gusto ko lang naman ng maghilom. Pagod na pagod na ko.

Hindi na naman napigilan ni Evie na maiyak kaya tinakpan niyang mabuti ang mukha ng unan niya upang hindi makalikha ng ingay mula sa mga hikbi niya. Nakatulog na lamang siya ng hindi ito namamalayan.

MAKALIPAS ng ilang oras, namulat si Evie na tila may ingay sa labas ng kwarto niya. Tila may kumikilos sa kusina niya at hindi niya alam kung bakit.

Dahan-dahan siyang bumangon at inayos ang sarili. Binuksan niya ang pintuan ng kwarto at halos hindi siya makapaniwalang naririto pa rin si Silver. Nasa kusina ito na tila may ginagawang preparasyon.

"I'm surprised you're still here." bungad ni Evie na pumupungas pa. Lumapit ito roon at naupo sa dining table. Napapalingon naman si Silver sa kanya na tila naghihiwa ng ingredients.

Nakita niyang maraming nakakalat na kung anu-anong pagkain at mga plastic bags na puno ng grocery items.

"Don't tell me nag-grocery ka talaga?!" hindi naman makapaniwala si Evie.

"Oo -- I mean, nagpa-grocery ako sa grab food." sagot naman din ni Silver na tila abala.

"Bakit mo naman ginawa yun? Kaya ko naman bumili ng groceries ko."

"Sinabi ko bang para sayo? Nagpa-grocery ako ng ihahanda ko. Gusto kong maghanda mamaya sa noche buena eh."

"Oh eh bakit hindi ka umuwi sa condo mo at doon maghanda?! Nagkalat ka pa dito sa bahay ko." tila pagtataray na naman ni Evie.

"Hindi ko pa nga kaya mag-drive di ba? Nanghihina pa ko, gusto mo bang mabangga ako?"

"Bakit? Sinabi ko bang maglasing ka para manghina at maospital ka?"

Tila nagbabangayan na naman silang dalawa.

"Buti nga tinulungan pa kita dyan, tapos ngayon manggugulo ka pa sa bahay ko dahil lang sa gusto mong maghanda?!"

"Ako rin naman ang magliligpit niyan kung yun ang inaalala mo."

"I doubt."

Pag-irap irap pa ni Evie rito na tila naiinis.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status