Share

GAME

Chapter eight

Masyado akong maagang nagising kinabukasan. Sinubukan ko ulit na bumalik sa pagtulog pero hindi na'ko inaantok. Bumaba ako ng kama at dumiretso sa banyo para maligo. Masyadong mabagal ang kilos ko kaya halos isang oras din akong nasa banyo. Pati sa pagbibihis nagtagal ako. 

Nang makitang maayos na ang itsura, kinuha ko ang cellphone at wallet. Balak kong maglakad-lakad sa labas ng subdivision, baka may mga coffee shops sa malapit. Magandang maglakad-lakad ngayong oras dahil wala pa masyadong tao. Exercise na rin dahil feeling ko, bumibigat na'ko.

Nilingon ko ang orasan at nakitang 5:18 pa lang ng umaga. Ang alam ko, may mga nagbubukas nang mga coffee shops ng mga ganitong oras tsaka maglalakad lang naman ako. 

Naka-shirt lang ako at pinatungan ng jacket, nag-short at naka-purple na slippers. Nang makababa ako ng hagdan, may mga katulong na akong nakakasalubong. Walang nagtangkang magtanong kung saan ako pupunta. 

Dumiretso ako sa labas at tumingala. Medyo madilim pa pero may mga dumadaan ng mga sasakyan. Nagsimula akong maglakad habang lumilinga-linga sa paligid. Dahil sa problema ko kay Verna at sa mga anak niya, hindi na'ko masyadong nakakalabas. Nakukulong ako sa bahay dahil ayokong iwan ang mga alaala ni Mama.

Simula nang mamatay pareho ang mga magulang ko, wala na akong ibang inisip kundi ang maghiganti. Gusto kong ibalik kay Verna 'yong sakit. 'Yong sakit na hanggang ngayon nararamdaman ko pa rin. Tatlong taon na akong nag-iisa, tatlong taon na ring miserable.

Kagabi, hindi ako nakatulog kakaisip kung hanggang kailan ako ganito. Kung hanggang kailan ako babalutin ng lungkot. Siguro hangga't nakikita ko ang taong pumatay kay Mama, wala akong mararamdamang saya.

Kahapon noong makita ko si Cin at Vicky, 'yong kagustuhan kong maghiganti, mas lalong lumala. Ayokong manggamit ng tao pero nang mga oras na 'yon, ginusto ko. Gusto ko. At natatakot na'ko sa sarili ko dahil umaabot na'ko sa puntong 'yon. 

Tinawid ko ang daan at tinignan ang malapit na coffee shop. Mukhang kabubukas pa lang nila at ako ang magiging unang customer. Papasok na sana ako nang may maka-una sa'kin na humawak sa door handle.

Nagkatinginan kami at sabay na nanlaki ang mga mata.

"Hey!" 

Agad akong tumalikod at inayos ang buhok, ang itsura at damit. Medyo nanginginig din ang mga kamay ko at hindi ko alam kung dahil ba 'yon sa lamig o dahil sa gulat ko. Napapikit ako at tumigil sa pag-aayos ng sarili. Bakit nga ba ako natataranta? Ano naman ngayon kung nandito siya? Tsaka, nakaligo at nakapag-ayos na'ko ng sarili bago ako lumabas kanina ng bahay.

Anong problema ko?

Muntik na akong mapatalon nang may kumalabit sa'kin. Napabuga ako ng hangin at sumeryoso. Nilingon ko siya at tipid na ngumiti.

"Hey," bati ko pabalik. 

Hindi ko talaga inaasahang makikita ko siya rito. Masyadong malapit ang lugar na 'to sa bahay ko kaya kumunot ang noo ko.

"Good morning! Talaga mas lalong gumanda ang morning ko dahil nakita kita."

Tinaasan ko siya ng kilay. "Talaga ba?" 

Binuksan niya ang pinto at nilingon ako. Agad ko namang na-gets ang gusto niya at naunang pumasok. Nagpapaka-gentleman siya. 

Ngumuso ako at hindi na inisip pa ang banat niyang masyado ng common. Dapat alam niyang kahit saang sulok ng lugar, may mga taong pumupuri sa ganda ko. Hindi na bago sa'kin ang mga banat na 'yan.

Umupo ako sa pinaka-malapit na upuan at inangat ang tingin sakanya. 

"Ako na ang oorder. Dito ka lang," saad niya at tumalikod.

Wala naman akong pili sa inumin. Lahat ng maiinom, iniinom ko at lahat ng makakain, kinakain ko kaya kahit na anong orderin niya, wala akong pake. Pero mukhang hindi ko feel ang uminom ng kape ngayon. Gusto kong kumain ng cake.

Nilibot ko ang tingin sa buong lugar. First time ko makapunta rito. Tinignan ko ang oras at 6:23 na pala ng umaga. Nilipat ko ang tingin sa lalaking nasa counter ngayon at umu-order. Bakit naman kaya napadpad siya rito? 

Iniisip ko lang siya kanina tapos ngayon, nandito na. May powers ata ang lalaking 'to. Nararamdaman niyang iniisip ko siya.

Nang makabalik siya, dala niya na ang order at nilapag sa harap ko. Umupo na rin siya at binagay sa akin ang cup na may kape at isang velvet cake. Bumaba ang tingin ko roon at nilayo ang cup.

"Ayoko niyan. Ayokong uminom ngayon ng kape." 

Natawa siya ng mahina. "Pumunta ka sa isang coffee shop tapos ayaw mong uminom ng kape?"

Tinaasan ko siya ng kilay at hinila ang cake. "At least, kumakain ng cake."

Dumampot ako ng tinidor at nagsimulang sumubo. Nagtataka ko siyang tinignan nang mapansin kong hindi na siya gumagalaw at nakatitig lang sa'kin. Titig na titig siya kaya napatigil ako sa pagnguya at naiilang na pinunasan ang bibig. 

"May gusto ka ba sa'kin?" Pabirong tanong ko.

"Kung sabihin kong, oo. Hahalikan mo ba ako?" Wala sa sariling sagot niya na nagpakunot ng noo ko.

"High ka ba? Nakahithit ka bago ka pumunta rito, 'no?" Natatawang tanong ko.

Kahit na ang totoo, kinakabahan ako. 

Napailing-iling siya at ngumisi. "Wala ka bang kasama na pumunta rito?"

Iniba niya ang usapan. Hindi siya seryoso sa mga sinabi niya. Sigurado ako roon.

"Wala. Ikaw? Anong ginagawa mo rito? Mukhang malayo ang binyahe mo papunta rito?" Pinaningkitan ko siya ng mata.

Iniwas niya ang tingin. "Bagong lipat ako. Nandoon ang bahay ko sa kabilang subdivision. Katabi ng subdivision niyo."

Bahagyang kumunot ang noo ko. So, kung mas malapit siya, araw-araw at gabi-gabi na silang pwedeng magkita ni Vicky? Lumapit ba siya para kay Vicky?

"Talaga?"

Tumango-tango siya at ngumiti. "Mas madalas kitang makikita."

"'Wag kang sinungaling."

"Hindi ako sinungaling. Gusto kita." Diretsong saad niya na nagpatigas sa'kin.

Nanigas ako sa kinauupuan at hindi makapag-salita. Kumurap-kurap lang ako at masama ang tingin sakanya.

"Inuuto mo'ko." Bulong ko. Sapat na para marinig niya.

"Gusto mo bang patunayan ko?"

Tumango-tango ako. "Oo. Ligawan mo'ko. Patunayan mo sa'kin."

Siya naman ngayon ang natahimik. Naka-awang pa ang labi niya habang nakatitig sa'kin. Para siyang tangang gulat na gulat sa sinabi ko. Ano namang nakakagulat sa sinabi ko? Natural lang naman ang manligaw sa babaeng gusto, hindi ba? 

Naghintay ako ng ilang minuto sakanya at naubos na ang pasensya ko, hindi talaga siya nagsalita. Gulat pa rin siya makalipas ang 20 minutes. Gaano ba siya ka talaga magulat, mga 1 hour?

Inis na naglapag ako ng pera sa mesa at tumayo. Nang makitang wala pa rin siyang reaksyon, sigurado na akong nagbibiro lang siya kanina at seneryoso ko. Seryoso naman talaga ako at hindi ako titigil hangga't hindi niya ako liligawan, handa akong magbayad.

Tumalikod na ako, hinihintay ko pa rin siyang mag-react pero wala na talaga! Padabog akong naglakad at bubuksan na sana ang pinto ng shop nang sa wakas ay narinig ko na siyang magsalita.

"Sandale."

Marahas ko siyang nilingon. "What?!"

Dahan-dahan siyang tumayo at tinitigan ako. "Pera mo." Tinaas niya ang perang nilapag ko sa mesa kanina, pambayad sa inorder namin.

Kinagat ko ang labi sa sobrang inis. 

"Ano ba?! Pambayad ko 'yan! Aalis na'ko!" Sigaw ko.

Akmang bubuksan ko ulit ang pinto nang pigilan niya na naman ako.

"Sandali nga lang."

Napapadyak ako sa pikon. Gusto ko nang umalis! Ayoko sa lahat 'yong nare-reject! Bwesit.

"Ano bang problema? Hindi pa tayo tapos mag-usap, 'di ba?" Tanong niya.

"Aalis na'ko dahil gusto ko nang umalis! Ano pa bang gusto mong sabihin? Sabihin mo na dahil masyadong mahalaga ang oras ko!" 

"Kunin mo 'yong pera mo rito. Binayaran ko na ang order natin." Saad niya na mas nagpakulo ng dugo ko.

Galit na ako nang naglakad papunta sakanya at hinablot ang pera. Para matapos na kami! Masyado nang nakakahiya! 

Nang makuha ko ang pera, siniguro kong hindi ko matitignan ang mukha niya. Agad akong tumalikod at mabilis na naglakad papunta sa pinto.

"Sandali ulit."

Napasabunot ako sa buhok sa sobrang inis.

"Ano na naman?!" Singhal ko at marahas na nilingon siya.

Kapag ito nagsalita ng walang kwenta, lalayas na'ko.

Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa'kin, seryoso ang mukha niya at hindi ko mabasa kung anong iniisip niya ngayon. Mabuti na lang at kami pa lang dalawa ang tao rito, may mga waiters pero nasa malayo. 

Kunot-noong tinitigan ko siya at tinaasan ng kilay.

Ginaya niya ang ginawa ko at mahinang tumawa. "Sungit mo naman. Itatanong ko lang naman kung kailan ako magsisimula sa panliligaw?"

UMUWI ako ng bahay na wala sa sarili. 'Buti na lang at hindi ako nasagasaan sa daan habang naglalakad sa kalutangan ng isip ko. 

Ginusto ko naman ang bagay na 'yon. Ako ang unang nagsabing manligaw siya. Bakit ako kinakabahan? Kasi first time mangyari sa'kin 'to. Dapat nga maging masaya ako dahil gagawin niya ang gusto ko pero nag-aalangan ako. 

Hindi ko na talaga maintindihan ang sarili ko. Mababaliw na ata ako.

Pumasok ako sa loob ng bahay at nadatnan sila Verna at ang mga anak niyang papalabas ng kitchen. Iiwasan ko na sana sila nang tumikhim si Verna.

"Saan ka naman galing?" Tanong niya.

Tumigil ako sa paglalakad. "Ano namang pake mo? Wala nga akong pakealam sa'yo, eh." Saad ko nang hindi sila nililingon.

"Hinahanap ka ni Odette kanina. Nag-alala kami sa'yo. Hindi ka nagpa-alam."

Tamad na nilingon ko siya at ngumisi. "Ikaw, nag-alala? Utuin mo na lahat, 'wag lang ako. Kilala kita."

Wala silang pake sa'kin, sa pera ko, oo. 

Humakbang ako paakyat sa hagdan at hindi na lumingon. Nabusog na rin naman ako sa cake kanina kaya ayoko nang mag-breakfast. May mas mahalaga akong gagawin ngayon, wala na akong oras makipag-ratratan kay Verna. 

Inubos ko ang oras sa pagtulala sa kisame sa kwarto. Nakinig din ako ng music at naghanap ng magandang papanoorin bago pumikit at inalala ang nangyari kanina. Masyadong magulo ang utak ko ngayon at hindi ako makapag-isip ng tama. 

Nagpa-akyat ako kay Odette ng maraming candy at agad na nilantakan 'yon. Ito lang ang pagkaing nakakapag-pakalma sa'kin. 

Habang ngumunguya, napasulyap ako sa litrato ni mama na nasa bed side table. Inabot ko 'yon at tinitigan. Ito ang huling picture niya. Dito, masaya pa kami at wala pang Verna. 

Inalala ko kung paano umiyak si mama tuwing gabi. Ang pag-aaway nila ni Papa parati kahit nasa harapan ko silang pareho. Biglang nawala ang lambing at kulitan. Nabalot ng kalungkutan ang buong pagkatao ko. Unti-unti kong naintindihan ang galit ni Mama, hanggang sa ang nararamdaman niya, nararamdaman ko na rin. 

Noong mamatay si Mama, hindi ako umiyak. Wala akong nilabas na luha kahit isang patak. Pinangako kong magiging matatag ako at walang sino man ang makakakita kung gaano ako kahina. Kailangan kong wasakin at durugin din si Verna, iparamdam sakanya kung gaano kasakit. 

Hindi ko namalayang mahigpit na ang hawak ko sa frame. Binaba ko ang tingin doon at nilagay sa mesa.

Masyado nang matigas ang puso ko. Kahit ang manggamit ng tao, kaya ko nang gawin. Ngumisi ako at pumikit.

Nakikita ko na ang magandang mangyayari sa mga plano ko at hindi ko 'yon magagawa kung wala si Cin. Magsisimula ako sa mas simple. Mas madaling gawin. Magsisimula ako sa mas mababa. Kay Vicky.  

Kapag nasaktan ang anak, mas naaapektuhan ang Ina, hindi ba? Mas magandang kay Vicky na'ko mauna.

Hindi naman ako bulag para hindi makitang may gusto si Vicky kay Cin. Alam kong may pagtingin siya rito pero ano nga bang magagawa niya? Eh, kapatid lang ang turing sakanya?

Itutuloy ko kung ano man ang plano ko. Bukas ko malalaman kung seryoso o hindi ang lalaking 'yon sa'kin. Masyado akong naging mabilis, hindi na'ko nag-isip. Inosente si Cin sa mga nangyayari. Wala siyang alam sa gulo namin pero wala na akong pakealam. Lahat ng gusto ko nakukuha ko at lahat ng plano ko, natutuloy. Kaya ko dahil may pera ako. Gagamitin ko ang kayamanan ko. Kahit ubusin ko pa para lang mawala sa landas ko si Verna. 

Bukas, ang simula ng laro. Good luck sa aming lahat.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status