Share

PLAN

Chapter seven

"Amber, anong ibig sabihin non? Parte pa rin ba 'yon ng pagiging guilty niya o may something na?"

Wala sa sariling nakasunod lang ako kay Farrah palabas ng school. Ano nga bang ibig sabihin non? Wala naman talagang masama sa ginawa ng bugok na 'yon pero bakit niya nga ba 'yon ginagawa? Tingin ko nga late na siya kanina, eh. 

Pumunta siya sa clinic kahit malayo 'yon sa building namin. Hindi niya inintindi 'yong pawis at pagod. Tarantado ba siya?

"'Wag ka ngang O.A, Farrah. 'Wag kang mag-isip nang kung ano-ano." Irap ko.

Papasok na sana ako sa loob ng kotse nang humarang siya sa pinto. Pinandilatan ko siya ng mata at inambahan ng suntok.

"Ano ba, Farrah?! Tabi ka dyan!" 

Umiling-iling siya. "Ayoko. Kailangan mong sumama sa'kin bukas."

"Farrah, 'wag mong painitin ulo ko. Tumabi ka."

"Sama ka na kasi sa'kin! Mag mall tayo tomorrow! Wala namang pasok bukas, eh!"

Bumuntong-hininga ako at inis na kinamot ang kilay. Sa totoo lang, kaunting-kaunti na lang talaga 'yong pasensya ko rito, eh. Makakatanggap na talagang 'to ng kutos sa'kin.

"Oo na! Alis ka dyan."

Matagumpay na ngumisi siya sa'kin at tumabi. Masama ang tingin ko sakanyang pumasok ng sasakyan at padabog na sinara ang pinto. Bago umandar ang sasakyan, humabol pa siya ng flying kiss na nginiwian ko. 

Wala talaga akong planong lumabas bukas. Pumayag lang ako para manahimik siya. Walang lalabas bukas, magkukulong ako sa kwarto at matutulog buong maghapon.

Nakakapagod din kayang makita ang mukha ni Verna araw-araw.

Tinapos ko lahat ng ginagawa nang gabing 'yon. Kahit nakikita kong marami nang calls at texts si Farrah, hindi ko na pinapansin. Iinisin niya lang ako. 

Kinabukasan, nagising ako sa lakas nang katok. Galit na minulat ko ang mata at inabot ang unan. Hinintay kong bumukas ang pinto bago malakas na binato ang unan sa taong kakapasok lang. 

Tsaka ako tumalikod. Iniistorbo ako!

"Good morning, Sunshine! Ang ganda ng sikat ng araw ngayon!" Sigaw niya.

Kumunot ang noo ko at napa-irap. Ano naman kayang ginagawa niya rito?! 

"Ano ba?! Bangon na!" 

Marahan niya akong sinipa sa binti at niyugyog. Humarap ako at sisikuhin na sana siya nang tumama ang sikat ng araw sa mukha ko. Binuksan niya pala ang kurtina.

"Farrah! Bwesit ka talaga!" Sigaw ko.

"Kung ayaw mong bwesitin ka, bumangon ka na. May tao sa baba at talagang magugulat ka kung sino." 

Nang marinig kong lumabas na si Farrah ng kwarto, tamad akong umupo sa kama at nag-isip kong sino ang nasa baba. Walang naman nakakagulat kay Verna at sa mga anak niya. Sino naman kaya?

Wala sa sariling tumayo ako at pumunta ng banyo. Kahit kaibigan ko si Farrah, maayos naman ang pakikitungo sakanya ni Verna. Dapat lang. Takot lang niyang palayasin ko siya rito sa bahay ko. 

Habang naliligo, iniisip ko pa rin kung sino ang nasa baba. At kung paano ko matatakasan si Farrah sa mga kalokohan niya. Tinatamad talaga akong lumabas ngayon o sa susunod na araw o sa susunod pa. Balak ko kasi talagang maging pinaka-tamad na tao sa buong mundo.

Pagkatapos kong maligo, hindi ko sure kung nakapag-hilod ba 'ko sa sobrang lutang ko. Pero sure naman akong nakapag-shampoo at nakapag-sabon ako.

Lumabas akong naka-high waist na short at croptop. Uulutin ko, wala akong balak na lumabas. 'Di ako mapipilit kahit presidente ng Pilipinas. Kahit mabulok na si Farrah. 

Naririnig ko ang tawanan sa baba kaya kumunot ang noo ko. May boses lalaki, eh. Biglang uminit ang tenga ko. Sinong nagsabi sa kanilang pwede silang magpapasok ng ibang tao rito sa bahay ko?!

Malalaki ang hakbang na bumaba ako ng hagdan. Nakatalikod silang lahat sa'kin kaya hindi ko makita ang mukha ng bisita nila Verna. Pinapalibutan nila ang lalaking 'yon at pansin ko ang todong kapit ni Vicky. Biglang bumalik sa'kin 'yong sinabi ni Verna, iniimbitahan niya ang boyfriend ni Vicky na pumunta rito. At ito 'yon! Nandito 'yong boyfriend ni Vicky!

Maglalakad na sana ako papalapit sa kanila nang biglang may humawak sa braso ko.

"Amber! Mabuti at bumaba ka na!" Sigaw ni Farrah na mukhang sinadya para maagaw ang atensyon ng mga tao. Pasimple niya pang sinulyapan ang mga ito, nang makitang paharap na ang mga ito sa'min, nakangising binalik niya ang tingin sa'kin. 

Naningkit ang mga mata ko sa ginawa niya. 

Kumunot ang noo ko nang makitang todo nguso si Farrah sa harap. Inirapan ko siya at sinundan ng tingin ang nginunguso niya. Mas lalong kumunot ang noo ko sa lalaking nasa harap na katulad ko, gulat din. Ba't nandito siya? Anong nangyayari? Siya ba yong sinasabi ni Farrah?

"H-hey. W-what are you doing here?" Turo niya pa sa'kin.

Nilingon ko si Farrah at binigyan ng naguguluhang tingin. Siya ba ang nagpapunta rito kay Cin? 

Natahimik ang mga taong nakapalibot sa amin. Napansin kong unti-unting bumaba ang kamay ni Vicky sa pagkakahawak sa braso ni Cin. Naningkit ang mga mata ko roon at bumuntong-hininga. 'Di ko maintindihan.

"Dapat ikaw ang tinatanong ko. Ba't ka nandito, sa bahay ko?" Tanong ko.

Bumakas ang lito sa mukha ni Cin. Nagpa-lipat-lipat pa ang tingin niya sa akin at kay Vicky. 

"O, magkakilala kayo, Jax?" Singit ni Verna sa usapan.

Tumango naman si Cin at tumitig sa'kin. 

Jax? Ang alam ko, ang pangalan ng boypren ni Vicky, Jax. Tinawag ni Verna sa pangalang Jax si Cin. So, ang boypren pala ni Vicky, si Cin. Tanginang hayop naman, oh. Nakakalito.

"We're schoolmates." Sagot ni Cin habang nakatitig pa rin sa'kin.

Tinitigan ko rin siya at medyo naninibago ako dahil hindi siya naka-uniform. Para siyang model ngayon sa suot niyang black shirt at jeans. Klarong-klaro ko ang maliit at maitim niyang hikaw sa tenga. 

Bumuntong-hininga ako at umiwas ng tingin.

"Farrah, let's go." Aya ko kay Farrah sabay hatak.

Nauna na kaming tumalikod ni Farrah sa kanila at naglakad papuntang Dining area. Nilagpasan namin silang lahat at wala akong pakealam. 

"Amber, nakita mo 'yon? Si Cin! Paano siya nakapunta rito?!" Bulong ni Farrah.

"Makakapunta siya rito kung may kotse siya at paa. Let's eat breakfast."

Agad kaming umupo sa hapag habang nakasunod naman sa likod sila Cin, Vicky na mukhang toko, Verna na toko rin, saan ba magmamana si Vicky? Edi kay Verna. Wala ang dalawang kapatid ni Vicky.

"Upo ka na, Jax." Inalalayan nila si Cin. Inasikaso agad ni Vicky ang bugok na kanina pa nakatitig sa'kin. 

Mukhang masaya si Verna sa pinaggagagawa ng anak niya. 

Siniko ako ni Farrah at pinandilatan ng mata. Tinaasan ko lang siya ng kilay at tinuro ang pagkain. Ayokong nangealam sakanila ngayon. Iniisip ko pa kung bakit naging boypren ni Vicky si Cin. Nagpatuloy ako sa pagkain at hindi sila pinansin. Pero handang-handa ang tenga ko para makinig.

"Jax, 'di ba ihahatid mo'ko ngayon?" Rinig kong tanong ni Vicky.

Pasimple kong inangat ang tingin at sinulyapan sila. Hindi na kumakain si Vicky, nakahawak lang siya sa braso ni Cin at todo ang pacute. Nakangiwing binaba ko ang tingin at sunod-sunod na sumubo.

Agad kong tinapos ang pagkain at tumayo. Hindi na'ko nakinig sa usapan nila at basta na lang lumabas. Hindi ko kaya ang mga nakikita ko, nakakapanindig balahibo! Paano nagustuhan ng Cin na 'yon si Vicky, eh mukhang uling ang isang 'yon!

Pumunta ako ng garden at umupo sa bench. Napipikon ako at hindi ko alam kung bakit! Pumikit ako ng mariin at padabog na tumayo. Mukhang maiiba ang plano ngayong araw, sasama na lang ako kay Farrah na gumala.

Babalik na sana ako sa loob ng bahay nang biglang sumulpot sa harap ko si Cin. 

"What?" Masungit na tanong ko sakanya.

Tinitigan niya ako at hindi pa nakuntento, binaba niya pa ang mukha at nilapit sa'kin.

"Magkapatid ba kayo ni Vicky?" Kunot-noong tanong niya.

Tumaas ang kilay ko at tinampal ang pisnge niya.

"Bulag ka ba? Balat pa lang namin, magkaiba na. Pangit siya, maganda ako!" 

Lumayo siya at ngumuso. "Grabe naman 'to. May magkapatid kayang magkaiba ang kulay. Pero 'di naman kayo magka-mukha ni Vicky. Magkaano-ano ba kayo? Kanino ba talagang bahay 'to?"

Litong-lito siyang napa-upo. 

Hindi ba sinabi sakanya ni Vicky? Wala talaga siyang alam na kabit ng papa ko si Verna? Na ako ang may-ari ng bahay? Syempre, bakit nga ba 'yon sasabihin ni Vicky, eh nakakahiya ang ginawa ng nanay niya? Nanira sila ng pamilya at sobrang nakakahiya 'yon.

Umupo ako sa tabi niya at bumuntong-hininga.

"Hindi kami magkapatid. Nandito sila dahil sa papa ko," saad ko. Agad siyang napa-ayos ng upo at nilingon ako. "Ako ang may-ari ng bahay at sila, nakikitira lang. Understood?" 

Ayoko nang magsalita ng marami. Mukhang nalilito pa rin siya pero tumango na lang. Boypren siya ni Vicky kaya bahala na ang uling na 'yon na ipaintindi sakanya ang mga nangyayari.

Tatayo na sana ako nang hawakan niya ang kamay ko. Masama kong tinignan ang kamay niyang nakahawak sa kamay ko.

"Sandale." Pigil niya sa'kin. Agad niya namang binawi ang kamay. "Ang sabi sa'kin ni Farrah, may lakad kayo. Hatid ko na kayo."

"Ulol ka ba? Kaya na namin ang mga sarili namin. Hatid mo na lang ang girlpren mo."

Tatayo na sana ulit ako nang pigilian niya na naman ako sa braso. Marahas ko siyang nilingon at pinandilatan. Kaunti na lang, sapak sa'kin 'to.

"Sinong girlfriend? Wala akong girlfriend."

"Inuuto mo'ko?"

"Wala nga akong girlfriend. 'Di ko naman girlfriend si Vicky. Magkababata kami, 'no! Parang kapatid ko na 'yon." Kunot-noong paliwanag niya.

Natigilan ako at napatitig sakanya. Wala pala silang relasyon? Pero bakit ganoon kung makakapit si Vicky? Nakikita kong may malisya. 

Pero bakit ba siya nagpapaliwanag?

"Tsk. Hindi na. Ihatid mo na ang kababata mo." 

Tumayo ako, nakanguso naman siyang sumunod. Hindi ko alam pero parang nakahinga ako ng maluwag nang sinabi niyang magkababata lang pala sila, walang relasyon. Siguro dahil ayokong sumaya si Vicky. Nilingon ko siya na nakanguso pa rin, nang makitang nakatingin ako, agad siyang ngumiti, labas lahat ng ngipin. Ngumiwi ako at naglakad na.

Tsaka, imposibleng magkagusto si Cin sa uling na 'yon. Walang maniniwalang may relasyon sila. Ang pangit kaya ng babaeng 'yon. Nagmana sa bruhang nanay.

Papasok na kami sa loob ng bahay nang makasalubong namin ang naka-kunot-noong si Vicky. Tumigil siya nang makita ako at agad na nilipat ang tingin sa taong nasa likod ko.

"Saan ka ba galing? Kanina pa kita hinahanap!" Singhal niya kay Cin at sinamaan ako ng tingin.

Tingin niya naman matatakot ako.

Ngumisi ako sakanya.

"Aalis na ba tayo?" Tanong naman ni Cin na mukhang ayaw pang umalis. Sa itsura at sa tono niya mukhang gusto niyang magtagal.

Umirap si Vicky. "Oo naman! Late na nga ako, eh."

Lumingon sa'kin si Cin at ngumuso ulit. Ano bang nginunguso-nguso niya? Napa-iwas ako ng tingin at tinaasan na lang ng kilay ang vase na katabi ko.

"Amber, we're going. Pwede naman akong bumalik ulit dito, 'di ba?" 

Napalingon ako sa kanila nang tanungin 'yon ni Cin. Pasimple ko ring sinulyapan si Vicky na kunot na kunot na ang noo at parang hindi na natutuwang nandito ang kababata niya. Ngumiti ako.

"Oo naman, Cin o kaya Jax," sambit ko. "Kung may mga hindi ka pa naintindihan sa mga nangyayari, magagawa naman ni Vicky na magkwento. Siya na lang ang tanungin mo kasi mas may alam siya. Alam na alam niya lahat nang nangyayari." 

Syempre, alam niya. Lahat naman alam niya. Kasi anak siya ni Verna. Kilalang-kilala niya ang sarili niyang ina. 

Nakita kong humawak si Vicky sa braso ni Cin. "Jax, I said, let's go." Naka-iwas na ang tingin niya at mukhang pikon na pikon na. 

"Bye. Alis na kami." Paalam ni Cin.

Ngumiti ako. "Mag-ingat ka, Cin." 

Marahas na lumingon sa gawi ko si Vicky na humahangos. Feeling ko, anytime sasampalin niya na ako. Nakikita ko ring dumidiin ang hawak ni Vicky sa braso ni Cin. 

"I mean, kayo. Mag-ingat kayo." Bawi ko dahil mukhang aatakehin na si Vicky.

Tsaka ako nakangising tumalikod at pumasok na sa loob ng bahay. This is exciting. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status