Share

I NEED BOYFRIEND

Chapter six

Nilibot ko ang tingin at nakitang iniba na ang kulay ng kurtina. Ang noong maaliwalas na paligid ngayon, parang naging kweba, ang dilim. Humarap ako kay Verna na alam kong nasa likod ko lang at nakasunod.

"Nagustuhan mo ba ang kulay ng kurtina, Amber?" Nakangiting tanong niya. 

Naningkit ang mga mata ko sa nakikitang ngiti kay Verna. Alam na alam ko ang ngiting 'to, eh. Ngiting naghahanap ng gulo. 

Tamad na iniwas ko ang tingin at kinamot ang kilay. 

Tumango-tango ako. "Maganda. Ang ganda." Kasi hindi kita nakikita.

"Talaga?" Kunwaring hindi makapaniwalang tanong niya. "'Yan ang pinili ko para mas bumagay sa ugali mo."

Nilingon ko siya at nakita ko kung paano nag-iba ang itsura niya. Unti-unting nawala ang ngiti niya at napalitan ng invisible na sungay. 

Bumagay sa ugali ko? Natawa ako ng mahina hanggang sa lumakas. Napapalakpak pa'ko dahil sa tuwa. Bumagay talaga sa ugali ko? Paano na lang sakanya? Pati sa mga anak niya?

Naguguluhan siyang tumingin sa'kin. 

"Bumagay sa'kin? Paano ikaw? 'Yang mga anak mo? Sa'kin mo lang talaga binagay, Verna?" Natatawang tanong ko. "Verna, hindi na kita nakikita. Masyadong madilim! Ang dilim na nga ng kulay ng balat niyo, pumili ka pa ng kurtinang madilim din ang kulay! Hindi 'to bagay sa inyo."

Tumatawang iniwan ko siya. Bumagay nga talaga sa ugali ko pero hindi bumagay sa kulay nila. Nakakatawa. 

Iniwan ko siya na parang tangang nakatulala. Sigurado akong mamaya, iibahin na naman 'yan. Nang-iinis siya habang ako, walang pake. Sasakit lang ang ulo niya sa'kin.

Dumiretso ako sa kwarto at naligo. Dali-dali rin akong nagbihis para masagot ang tawag. Agad kong dinampot ang cellphone at pumunta ng veranda.

"Ang tagal naman makasagot!"

Umirap ako nang marinig ang nakakabinging boses ni Farrah. Bumuntong-hininga ako.

"Anong kailangan mo, Farrah?" Tanong ko.

"'Yong sinabi mo! Anong laman ng paper bag?" Excited niyang tanong.

Ngumuso ako at nilibot ang tingin sa baba. 

"Bomba nga ang laman, Farrah. Tinapon ko na." Pagsisinungaling ko. 

Hindi ko pwedeng sabihin sakanya ang totoo dahil alam ko ng masyadong madumi ang utak ng tanginang 'to. Ayokong asar-asarin niya ako at baka makalimutan kong magkaibigan kami, mahagis ko pa siya. Nang makita ko kaninang fries ang laman niyon, kinain at inubos ko na. 

Narinig ko ang pagsinghap niya sa kabilang linya, senyales na naniniwala siya pero nagkamali ako dahil isip-bata siya pero hindi madaling maloko. 

"Tinatarantado mo ba ako, Amber Leondale? Gusto mo, sugurin kita dyan sa inyo? Alam mo naman kung gaano ako kabilis magmaneho, kaya kong pumunta dyan sa loob ng sampung minuto. 'Wag mo 'kong subukan." 

Sa narinig kong pagbabanta niya, alam kong seryoso siya. Alam ko nga kung gaano siya kabilis mag-maneho at alam na alam ko kung anong klaseng panggugulo ang gagawin niya kapag nandito siya sa bahay ko.

Hinilot ko ang batok. 

"Oo na. Pagkain ang laman non. Galing sa kakilala. 'Wag ka na ngang tanong nang tanong!" Sinadya kong magsungit para maiba ang usapan.

Naningkit ang mga mata ko nang may makita na namang kotseng pumarada sa labas ng mansion. May lumabas na lalaki at babae roon na nagpakunot ng noo ko. Si Vicky na naman at ang boypren niya. 

Nakangiwing tumalikod ako.

"Farrah, gusto ko ng boyfriend." Biglang sambit ko.

Natahimik ang kabilang linya sandali.

"Sinasabi mo? Oy, 'di ka ba kuntentong may girl friend ka na? Gusto mo pa talaga ng boy friend?!" Sigaw ni Farrah.

Siguro kung nandito 'to ngayon, hahampasin ko 'to. 

Umirap ako. Kaunti na lang talaga itatapon ko na 'tong cellphone ko, napipikon ako.

"Hindi 'yon ang ibig kong sabihin, Farrah. Ang gusto ko, boyfriend, karelasyon, jowa, shota!" Sigaw ko rin.

Natahimik ulit ang kabilang linya sandali.

"O? Bakit mo sa'kin hinihingi? Ano ako, si Lord?" Sarkastiko niyang tanong na nagpasagad na talaga ng pasensya ko.

"Alam mo, wala kang kwenta kausap. Alagaan mo na lang 'yang aso mo at baka sakaling matuto na siyang magsalita tapos kayo na lang mag-usap." Naiinis na sambit ko at binaba ang tawag. 

Nang gabing 'yon, nauna na akong nag-dinner. Tawang-tawa nga ako nang makitang iba na agad ang kulay ng mga kurtina. Hinanap ko si Verna pero hindi nagpakita. 

Kinabukasan, napangisi ako nang makita na ang mag-iinang nasa hapag. Gulat silang lahat nang makita akong umupo at kumuha ng pagkain. 'Di naman kasi ako kumakain ng breakfast.

"Vicky, papuntahin mo dito si Jax. Gusto ko siyang makita." Sambit ni Verna.

Mukhang alam ko na kung sino ang tinutukoy niya, ang boyfriend ni Vicky. Jax pala, ah.

Tahimik kong nilagyan ng juice ang baso. Ramdam kong nasa akin ang tingin ng lahat kaya nilingon ko sila.

"What? Hindi sanay makakita ng maganda?" Tanong ko at nakangiting nagpatuloy sa pagkain.

Gusto kong inisin si Verna.

"Papuntahin mo siya rito, hija. Okay?" Tanong ni Verna sa anak na tumango lang.

Nanatiling tahimik ang paligid. Dahil minsan lang naman akong kumain ng breakfast sa mansion, halos lahat ng katulong natataranta. Hindi ko na narinig na nag-usap pa ang mag-iina kaya tinapos ko na ang pagkain at tamad na tumayo.

Bago tumalikod, nakangiting humarap muna ako kay Verna na naka-iwas ang tingin.

"Ang kurtina, mas gumanda, Verna. Nakikita ko lahat. Ito ang mas bagay. Bye, everyone." Paalam ko sakanila at tamad pang kumaway.

Nang makarating ako sa school, ang mukha agad ni Farrah ang bumungad sa'kin. Tatalon-talon pa siyang lumapit sa'kin at inangkla ang braso sa braso ko.

"It's Friday! Weekend na bukas! What's your plan?" Tanong niya.

Bumuntong-hininga ako at nag-isip. Sa totoo lang, may plano na'ko. Plano kong magkulong sa kwarto at pagplanuhan kung paano papalayasin ang mag-iinang 'yon. 

"Wala akong plano. Matutulog lang ako buong araw." Walang gana kong sagot.

Sumimangot siya. "Mangangamoy kama ka! Mag mall na lang kaya tayo?"

"Ayoko. Tamad ako."

"'Buti alam mo!"

Inirapan ko na lang siya at tuloy-tuloy lang sa paglalakad. Kanina ko pa napapansin ang tingin sa'kin ng mga estudyante pero wala akong pakealam. 'Di ko na sila pinansin dahil mapapagod lang ako. 

Hindi ako tinigilan ni Farrah sa pangungulit hanggang sa nakarating kami ng room. Hanggang sa pag-upo namin, nangungulit pa rin siya kaya naiinis na lumingon ako.

"Ano ba, Farrah?! Kaiinis ka na, ah!" Sigaw ko.

Ngumuso siya. "Sige. Kung ayaw mo na lang sumama sa mall, ano na lang 'yong laman ng paper bag kahapon?" 

Kumunot ang noo ko at bumuntong-hininga. Malakas ang boses niya kaya alam kong narinig 'yon ng mga kasama namin sa room. Mga chismosang kasama namin.

Nilingon ko sila. "Ano?! Nakikinig kayo?!" Singhal ko sakanila. 

Agad nila kaming tinalikuran at nagkukunwaring may ginagawa. 

"Ano ba, Farrah? 'Di ba sinabi ko na sa'yo kagabi? 'Wag ka ngang makulit. Masakit ang ulo ko!"

"Ayoko. Sabihin mo muna sa'kin kung anong laman ng paper bag!"

Nanggigil na napatayo ako at dinuro siya. Magsasalita na sana ako nang biglang umingay ang paligid. 

"Ang aga-aga, high blood ka."

Napatingin kami lahat sa pinto at sabay-sabay na nagtilian ang mga kaklase namin nang makita ang taong kararating lang. Dire-diretso itong naglakad sa harap ko at binaba ang daliri kong nakaduro kay Farrah.

Kumunot ang noo ko. "Ba't ka nandito?"

"Wala bang hug? O kaya kiss?" Nakangiwing tanong niya.

Nagsitilian ulit ang mga kasama namin sa room. Nakita kong nandito rin ang lalaking nagbigay sa'kin ng paper bag kahapon. Naka-upo siya sa habang nakataas ang mga paa sa mesa. Siya ang nagpapa-tahimik sa mga kaklase namin.

Anong ginagawa nila?! Nanggugulo sila rito!

"O sampal? Gusto mo, sampal?" Tinaas ko pa ang palad at pinakita sa kanya.

Ngumuso siya at namulsa. "'Wag na nga lang." Binaba niya ang mukha ang sa'kin. "Bakit nga pala masakit ang ulo mo?" 

Akmang hahawakan niya ang ulo ko nang umilag ko.

"Hi, Cin!" Pumagitna si Farrah at kumaway sakanya.

Tinanguan lang niya lang si Farrah at tinuro ang kasama na sinimangutan ni Farrah. Anong meron? 

Bumalik ulit sa pagkaka-upo si Farrah at hindi na kami pinansin.

Nanlaki ang mga mata ko nang hinila ako ng gago at pinatong ang kamay niya sa ulo ko. 

"Ano bang ginagawa mo?!" Pasigaw kong bulong.

Nilibot ko ang tingin at ang mga chismosa kong mga kaklase, himalang wala sa amin ang tingin at nagbusy-busyhan. Wala na rin akong narinig na nagtitilian. 

"Bakit nga kasi masakit ang ulo mo? Ayos ka lang?" Tanong niya ulit.

Sumama ang mukha ko at marahas na kinuha ang kamay niya sa ulo ko.

"Wala ka namang pake kung masakit ang ulo ko! Umalis na nga kayo. Mamaya, magsisimula na ang klase namin."

Mas lalo niyang nilapit ang mukha sa'kin kaya iniwas ko ang tingin.

"Sino na namang may sabi sa'yong wala akong pake?" Umayos siya nang tayo at nilingon ang kasama. "Utusan mo si Hans. Magpadala kayo ng gamot dito."

Ang kapal naman ng mukha niyang mang-utos. Ano siya, amo? 

Binalik niya ang tingin sa'kin at ngumisi. Inirapan ko naman siya. 

"Bakit ka nang-uutos? Bakit hindi ikaw ang gumawa?" Masungit kong tanong.

Nawala ang ngisi niya at pinag-krus ang mga braso sa harap ko. 

"Gusto mong ako ang gumawa?" Hindi makapaniwalang tanong niya. 

Alam kong hindi niya gagawin. Sa itsura niya, hindi siya sanay na walang inuutusan. 

Ngumiti ako. "Oo. May mga kamay ka naman."

Pabuntong-hininga niyang iniwas ang tingin at basta na lang akong tinalikuran na nagpa-ngisi sa'kin. Agad namang sumunod ang kasama niya palabas. 

Ngumisi ako. Alam kong hindi niya gagawin dahil masyadong malayo ang clinic dito sa building namin. Kaya nga nang-utos pa siya dahil sigurado akong ayaw niyang pagpawisan at mapagod. Arte!

Bumalik ulit ang ingay sa loob ng room. Marami akong tanong na narinig tungkol sa'kin at sa gagong 'yon pero 'di ko na pinansin. Pati si Farrah na nag-iinarte, 'di ko nililingon. Bakit ko siya susuyuin, ano siya,chicks? 

Sikat nga talaga siya at kilala ng lahat. Ang alam ko lang varsity player siya at wala na. Kung makatili at makasigaw ang mga babae kanina parang may artista pero mukha naman talaga siyang artista. 

Nang pumasok ang professor, napangisi ako dahil hindi na nga talaga nagpakita ang gago. Ang dami niya pang sinasabi kanina. Tsk.

May pake pala, ah.

Mas lalong sumakit ang ulo ko nang nagpa-surprise quiz pa si Miss Aguilar. Mabilis na sinagutan ko lahat ng tanong at hinilot ang ulo. Syete naman. 

Tinusok-tusok ako ni Farrah kaya agad kong binigay sakanya ang papel. Hindi ako sure sa mga sagot ko. Hindi na siya magrereklamo dahil kokopya lang naman siya. Wala na akong pake sa sobrang sakit ng ulo ko.

Tatayo na sana ako sa pagkaka-upo nang biglang may kumatok sa pinto ng room namin. Hindi na'ko nag-abala pang mag-angat nang tingin sa sobrang sakit ng ulo ko.

Kinalabit ako ni Farrah kaya inis na nilingon ko siya. Ano pa bang kailangan niya, eh binigay ko na nga ang papel ko?! 

Tinignan ko siya ng masama. Nginiwian niya ako at tinuro ang pinto. Inis na tinignan ko naman 'yon.

Si Cin at kausap si Miss Aguilar.

Gulat akong makita siya dahil akala ko, hindi niya talaga gagawin.

Nang lumingon siya sa gawi ko, seryoso siyang naglakad papunta sa'kin. Nakasunod naman lahat ng tingin namin sakanya. Hanggang sa mailapag niya sa table ko ang bitbit, hindi ako nakagalaw. 

Tinignan ko siya ng maigi. Puno siya ng pawis. Namumula pa ang balat dahil siguro sa sobrang init. Magulo rin ang buhok niya.

"Here's your medicine. Masakit pa ba? Clinic na kaya tayo?" Nag-aalalang tanong niya.

"Miss Imperial, mas mabuting pumunta ka na lang sa Clinic." Sabat naman ni Miss Aguilar.

Dumikit sa'kin si Farrah. "True. Clinic ka na kaya?"

Pasimple kong nilibot ang tingin. Nasa akin ang tingin ng lahat at sigurado akong may mga namumuo na namang chismis sa mga utak nila. 

Bumuntong-hininga ako at umiling. "I'm okay. Okay lang ako. Hindi na kailangan ng clinic. Thank you." Tanggi ko.

Naiilang na talaga ako! 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status