Share

Chapter 6

MIA POV

GUSTONG mapahagalpak ng tawa ni Mia habang pinagmamasdan niya ang tila paglalaban ng isip ni Matthew. Tila hindi nito alam kung seseryosuhin ang mga sinasabi niya o hindi. Kaya naman nang titigan siya nito ay ni hindi siya ngumiti. Pinanatili niyang seryoso ang ekspresyon ma mukha niya kahit pa ang totoo ay gustung- gusto na niyang matawa. Makaganti man lang siya kahit sa simpleng paraang iyon. Kung anu- ano ang kalolokohan na sinasabi at itinatanong niya rito at wala naman itong mapagpipilian kundi sumagot sa mga tanong niya.

Masarap din palang paglaruan ang mokong na ito, eh. sa loob- loob niya.

"Naku, ito lang naman pala ang tinutukoy sa menu, eh," aniya na ang tinutukoy ay ang pagkaing inihain ng waiter sa kanila. " Hindi ko makilala ang mga tawag dito sa menu, iyon pala beef lang din na nilagyan ng kung anu- anong dekorasyon. Tapos ang mahal mahal pa. Naku, wala rin itong ipinagkaiba sa tapa na niluluto sa tapsilogan namin. Baka mas mainam pa iyon kasi may libreng toyo, kalamansi, at sili. May libre ding soup, ha. Minsan, punta ka para matikman mo ang pinakamasarap na tapsilog sa buong mundo," aniya rito. Nakatingin lang ito sa kanya na tila kay lalim ng iniisip nito.

"Oops, sorry,hindi ka nga pala kumakain sa mga kainan na nasa tabi- tabi lang. Pero huwag ka, malinis ang tapsilogan namin. Iyong ang number one rule ko. Dapat hindi lang masarap ang pagkain, kundi presentable at malinis din ang lugar. Puwede mo na rin iyong pagtiyagaan. Iyon, eh kung mapapadaan ka roon minsan," patuloy pa niya.

"Let's see," maikling sagot nito.

" Pero hindi kita pinipilit, ha? Alam ko naman ang kalidad mo ,eh. Hinding hindi ka mapapadaan sa mga ganoong lugar. Lalo na kung peak hours katulad ng breakfast, lunch, dinner. Marami kasing mga estudyante at empleyadong kumakain doon."

"One day, maybe I could visit," sabi nito

Alam niyang sinabi lamang nito iyon upang hindi siya mapahiya. Pero alam niyang kailanman ay hindi nito gugustuhing maligaw sa tapsilogan nila.

Pinagmamasdan niya ito habang kumakain. Daig pa nito ang isang sundalo, de- numero ang kilos. Aral na aral, ayos na ayos. Pati sa pagkain, parang isang task iyon na kailangan nitong e perfect. Tila hindi nito magagawang mag relax para ma- enjoy nito ang kinakain.

Gusto tuloy niyang makita at makilala ang dati nitong nobya na si Jenny. Para masabunutan at makurot niya nang pinung- pino sa singit amg babaeng iyon. Nang sa ganoon ay maiganti man lang niya ang kaapihang dinanas ni Matthew sa mga kamay ng babae. Ito ang dahilan kung bakit ganoon ngayon ang binata parang robot na walang damdamin.

Kahit naiinis siya rito, nakaramdam din naman siya ng awa sa binata. Subsob ito sa trabaho. Sinisigurado nitong maayos ang kompanyang itinayo ng abuelo nito at pati na rin ang buhay ng dalawang babaeng mahalaga rito na sina Lola Lina at Merna. Pero napapabayaan naman nito ang sarili. Tila nakalimutan na nitong maging masaya. Nakakaawa talaga ang mga taong may kinikimkimna galit sa dibdib at tila punung- puno ng lungkot ang mga mata.

At dahil sa mataman niyang pag- aaral dito, hindi niya namalayang nag- angat pala ito ng tingin sa kanya kaya huling- huli siyang nakatitig rito.

"May problema ba?" tanong nito, nakakunot naman ang noo.

"H-ha? W-wala," agad niyang tugon.

"May problema ba sa pagkain mo? Hindi mo ba nagustuhan?" tanong pa nito.

"Hindi, hindi," biglang natarantang sagot niya.

"Actually, masarap nga, eh. Mahal nga lang masyado pero masarap talaga."

"Then why aren't you eating?" tanong nito.

"Ha?"

"Why were you staring at me?"

"Ahm... well, I just wondering kung... kung ganyan ka ba talaga."

Lalong nagsalubong ang mga kilay nito.

"I mean, ganyan... kumakain na nga't lahat, para ka pa ring tensed. Parang iyong problema ng mundo, nandiyan lahat sa mga balikat mo. Dapat, kapag kaumakain tayo, ine- enjoy natin ang pagkain. Para mare- relax tayo at nababawasan ang pagod natin. Kasi ako, kaming buong pamilya, pinaka- relaxation na namin ang pagkain. Kapag nasa harap kami ng hapag, doon kami nagkukuwentuhan, nagtatawanan, nagbibiruan. Kumbaga nag- e enjoy talaga kami."

Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya mapigilang sabihin kung ano ang nasa isip niya kahit alam niyang hindi nito nagustuhan ang pag- oobserba niya rito habang kumakain ito.

"Hindi lang talaga ako madaldal," masungit na sabi nito.

"At ako madaldal, ganoon ba?" sabi niya. "Well inaamin ko naman. Way ko na rin iyon ng pagtatanggal ng stress at tensiyon sa katawan ko. The more I talk, the more na ang ibig sabihin n'on ay tensiyonado......" Napahinto siya nang ma realize kung ano ang nasabi niya. Para na rin niyang ibinuko ang sarili na tahasang sinabi rito na tensed siya nang mga sandaling iyon dahil kaharap niya ito.

Unti- unting sumilay ang makahulugang ngiti sa mga labi nito. "Meaning, tensiyonado ka right now? Is it because of me?" tanong nito. Iniisip marahil nito na nakapuntos na ito sa kanya sa wakas.

Napatuwid siya ng upo. Pero hindi siya magpapaisa rito, lalo na ang magpapatalo.

"Matagal na akong nate- tense kapag nasa paligid ka, eh," diretsang wika niya. Bakit pa niya itatanggi ang bagay na iyon?" Di ako makakilos nang matino. Palagi kong iniisip na baka mamaya, may nakikita ka na namang mali sa kilos o sa sinasabi ko. Kung makatingin ka kasi, parang palaging nang- uuri. Parang kapag nasa bahay ninyo ako, kailangan mo akong bantayan at baka kung ano ang gawin ko. Iniisip ko pa nga dati na baka iniisip mo na may iuuwi akong pigurin o anumang mamahaling bagay mula sa bahay ninyo. "

Nagulat ito sa sinabi niya, " Ganoon ang iniisip mo tungkol sa akin?" tila hindi makapaniwalang tanong nito.

"Malay ko ba," nagkibit- balikat na sagot niya.

"You think the worst about me. Iyon ang pakiramdam ko, ha. Kaya nga ingat na ingat ako kapag nasa bahay ninyo ako at nalaman kong naroon ka."

Nanatiling nakatitig ito sa mukha niya.

"Huwag na nga nating pag- usapan iyon," sabi niya. " Pareho naman nating alam na hindi natin gusto ang isat-isa. I mean, you hate my guts. You hate the way I speak; pati pagkilos ko. At ganoon din naman ako, eh. I hate the way you treat me. Well, given na iyon. At least kaya naman nating maging civil sa isat-isa. Okay na iyon. Kain na nga tayo." Muli niyang binalikan ang kanyang pagkain.

Nang makita niyang hindi pa rin ito kumikilos ay muli siyang nag- angat ng tingin. Nanatili lang itong nakatitig sa pagkain na nasa harap nito.

Hey, bakit nakatitig ka lang diyan sa pagkain mo? kumain ka na, at nang makauwi na tayo, sabi niya rito.

Saka lang ito na tila natauhan. Muli itong kumain.

"So, kailan natin sasabihin kay Lola Lina?" tanong niya rito nang tapos na silang kumain at hinihintay na lamang ang bill nila. Dalawang linggo na ang nakalipas buhat nang i- discharge si Lola Lina mula sa hospital.

"Sa isang araw na," sagot nito.

" Okay," aniya. "Wala ka na bang ibibilin o sasabihing rules bago tayo maghiwalay?"

"Wala na."

"Okay." Nauna na siyang tumayo pagkatapos nitong bayaran ang kinain nila. Magkasunod silang lumabas ng restaurant. Dumiretso na siya sa kinaroroonan ng motorsiklo niya. Akmang isusuot na niya ang helmet nang magsalita ito.

"Are you sure okay ka lang diyan sa motor na yan?" tanong nito.

"Okay na okay ako rito. Huwag kang mag- alala honey," pabirong sabi niya.

Agad na namula nag mukha nito.

Natawa siya. "Dapat masanay ka na. Ang sagwa naman kung laging mamumula ang mukha mo tuwing tatawagin kitang "honey," tudyo niya ulit. "Sige, una na ako. Ingat ka."

"Okay." Binuksan na nito ang pinto ng kotse nito.

Naisuot na niya ang helmet niya nang may maalala siya. Muli niyang hinubad iyon. "Matthew!" tawag niya rito.

Napahinto ito sa pagtangkang pagsakay sa kotse nito. "Yes?"

"Ako pala ang may nakalimutang rule na dapat sabihin sa iyo. Actually, ito ang number one rule ko para sa'yo," sabi niya. Pinilit niyang huwag matawa o mapangiti hangga't hindi p siya nakakalayo rito.

"What is it?"

"Number one rule, huwag kang mai -inlove sa akin. Nagkaintindihan ba tayo?" Rumehistro ang pagkabigla sa mukha nito.

"It's for your own sake," pilyang dugtong niya.

"Mahihirapan ka lang. Hindi kita type. Bye!" Dali- dali na niyang isinuot ang helmet at agad na pinaharurot palayo ang motorsiklo. Napangiti siya nang makita ang sa side mirror ng motor na hindi pa rin ito kumikilos sa kinatatayuan nito. Habol pa nga siya nito ng tingin. "Gotcha! Eh, di nagulat kita ng hustong mokong ka!"

Kung kanina'y namula ito, tila tinakasan naman ito ng dugo ang mukha nito nang sabihin niyang hindi dapat ito ma- inlove sa kanya. Nakapuntos siya sa lalaki. Na siya naman talaga niyang intensiyon!

Ngayon pa lang, ay parang nag e enjoy na siya sa mga pinanggagawa tila hindi niya ma- imagineang sarili at si Matthew Delos Reyes bilang magnobyo, parang ang sagwa!

Ngunit ipinapangako niya sa sarili na habang nagpapanggap silang magnobyo, pasasakitin niya ang ulo nito sa mga kung anu- anong bagay na hihilingin niya rito. "Makaganti man lang ba," nakalabing bulong niya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
chalk83
hahaha... nakakakilig ka Mia. baka Ikaw pa ang main love ha, may pababala ka pang nalalaman...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status