Share

XXVI. Troy Capistrano

"Demi, bakit mo sinabi 'yon?" tanong ni Brix. Itinigil ko ang pag dampi ng bulak sa sugat niya sa mukha at diretsong tumingin sa kaniya.

"Hindi naman talaga ako sasali. Sinabi ko lang 'yon para mas mapalapit sa killer," sabi ko sa kaniya. Sinabi ko sa kaniya kanina ang napag-usapan namin ni Troy at ngayon ay nagagalit siya dahil sa naging desisyon ko.

Napapikit siya at napahawak sa sentido niya. "Gusto mo ba talagang mamatay, Demi? Sa pakikipag-usap mo pa lang sa killer na 'yan, delikado na ang buhay mo. Tapos ang gusto mo pa ay sumugod sa lungga niya?"

"Ayun na nga eh! Ako lang ang tinatawagan no'ng killer kaya ako ang mas may kakayahan na---"

Nagulat ako nang biglang hampasin ni Brix ang mesang nasa tabi namin. "Ikaw na ang nagsabi na walang sasali sa gang na 'yan para lang malaman natin kung sino talaga ang killer. At isa pa, hindi mo kailangan gawin ang lahat ng 'to!"

Oo sinabi ko nga iyon pero wala na akong maisip pa na paraan. At may kutob ako kay Troy. Para malaman ko kung totoo nga ba ang kutob ko, kailangan kong panindigan ang desisyon ko.

"Mabuti pa sabihin na lang natin sa pulis ang lahat ng nalalaman natin," aniya na ikinagulat ko.

"Hindi sila maniniwala sa atin, Brix! Kung ayaw mo na akong tulungan dito, pwes gagawin ko 'tong mag-isa," sabi ko sa kaniya at naglakad na papasok ng bahay namin.

Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko. Hindi ako titigil lalo na't ngayon ay alam ko ng malapit ko ng malaman kung sino talaga ang killer.

***

"Hindi ako magdadalawang-isip na sumugod kapag may ginawang masama sa 'yo ang lalaking 'yon," sabi ni Brix at tinignan ako.

"Don't worry, Brix. Mag-iingat ako kaya kailangan mo rin mag-ingat. Walang masasaktan sa ating dalawa, okay?" Hinawakan ko ang kamay niya at ngumiti.

Tatlong araw na ang lumipas matapos ang pag sugod nila Troy. Noong araw din na 'yon ay sinabi ko kay Brix ang plano ko. Sa una ay nagalit siya dahil sa pagsali ko sa gang nila Troy, pero buti na lang ngayon ay ayos na kami.

Tumunog ang cellphone ko dahil sa isang text mula kay Troy.

From: Troy

Magkita tayo sa lumang playground.

"Sa lumang playground daw kami magkikita," sabi ko kay Brix. Tumango siya at agad na binuhay ang makina ng sasakyan niya.

Ngayong araw, dadalhin daw ako ni Troy sa hide-out nila at ipapakilala ako sa ibang miyembro ng gang nila. Hindi ko alam kung anong mangyayari mamaya kaya nagpumilit si Brix na patago niya kaming susundan ni Troy.

"Ibaba mo ako sa ilang kanto mula sa playground para hindi ka makita ni Troy," wika ko. Hindi ko alam kung nandoon na si Troy pero mabuti ng sigurado at baka makita niya pa si Brix.

Nang makarating kami malapit sa playground ay itinigil na ni Brix ang sasakyan niya.

"Demi," banggit niya sa pangalan ko at tumingin sa akin. "Mag-iingat ka," aniya, lumapit siya sa akin para halikan ako sa noo at yakapin ako.

Pagkatapos namin mag-usap saglit ay bumaba na ako sa sasakyan niya. Dumiretso ako sa playground, doon mismo sa pwesto kung saan nagpakita 'yong killer.

Nag text na rin ako kay Troy para sabibin na nandito na ako. Ilang minuto lang ay may nakikita na akong itim na sasakyan na papalapit dito sa playground. Bumaba roon si Troy.

Nakangisi siya papalapit sa akin habang nilalaro sa kaniyang kamay ang isang kahon ng sigarilyo.

"Let's go?" tanong niya. Tumango na lang ako at pilit na ngumiti.

Sumunod ako sa kaniya papalapit sa kotse niya. Napalunok na lang ako at pinipigilan ang sarili na hindi kabahan.

Inalalayan niya pa akong pumasok sa kotse niya. Bago siya pumasok ay napansin ko pa ang pagtingin-tingin niya sa paligid. Sana lang ay hindi niya nakita si Brix.

***

Tahimik lang ang naging biyahe namin. Palihim kaming nagte-text ni Brix para malaman kung nakasunod pa siya sa amin.

"Malapit na tayo," sabi ni Troy habang diretso pa ring nakatingin sa kalsada. Huminga ako nang malalim at umayos ng upo.

Tumingin ako sa bintana. Konti na lang ang bahay na nadadaanan namin pero alam ko nandito pa rin kami sa loob ng Greenville. Sadyang wala lang talagang masyadong nakatira sa parteng ito. Tama nga lang ang lugar na ito para pagtaguan nila.

Ilang sandali lang ay itinigil na ni Troy ang sasakyan sa tapat ng isang bahay. Ang inaasahan kong hide-out nila ay isang abandonadong bahay o gusali, pero iba 'to. Simpleng bahay lang 'to na may itim na gate. Kung iisipin ay parang isang pamilya ang nakatira rito.

Ngunit, pagpasok namin, namayani agad ang isang malakas na rock music at mga kwentuhan. Nagkalat sa loob ng bahay nila ang mga gamit nila. Karamihan pa sa gamit nila ay kulay itim. Kulto ata 'tong pinasok ko.

Puno rin ng bandalismo ang mga pader – sungay ng demonyo, mga pangalan, at kung ano-ano pa.

Naubo ako nang maamoy ko ang usok ng sigarilyo na nanggaling sa isang babaeng nakatayo malapit sa akin. Sa tingin ko ay sampu lahat ang nandito, magkahalong babae at lalaki. Pero noong sumugod sila kila Brix n'on ay mas marami sila. Mukhang wala rito ang iba pa nilang kasamahan.

Nanlaki ang mata ko nang mahagip sa isang sulok ang limang kalalakihan na may binabalot na pake-paketeng pulbura, at hindi lang 'yon basta-basta na pulbura. Mukhang mga droga 'yon.

Kaya naman pala mga mukha silang adik dahil adik talaga sila. Hindi ako makapaniwala na ganito na ginagawa ni Troy ngayon. Dati naman ay matino siya.

Napatingin ako kay Troy nang pumalakpak siya. Dali-dali rin lumapit ang mga tao rito.

"Boss," tawag ng isang lalaki na may mahaba at kulot na buhok. Malaki ang katawan nito, maraming tattoo, at may mahaba pang peklat sa mukha. Nakakatakot ang itsura niya.

"Siya na ba 'yon?" tanong n'ong babae kanina na naninigarilyo.

"Oo, siya ang bagong miyembro ng gang natin," seryosong sagot ni Troy. Napalunok ako nang tumingin silang lahat sa akin.

Sampu sila dito at malaking bilang na iyon kumpara sa akin na nag-iisa lang. Nasa labas lang si Brix pero hindi ata namin kakayanin kung itutuloy ko ang plano ko.

"Siya si Demi. Tratuhin niyo siya katulad ng pagtrato niyo sa isa't-isa, pero 'wag na 'wag niyo siyang sasaktan," ma-otoridad na sabi ni Troy.

Leader na leader ang dating niya at mukhang ginagalang talaga siya rito. Paano pa kayo sa totoong leader nila, ang killer? At paano kung si Troy nga talaga 'yon?

Tinitigan ko si Troy. Kinapa ko ang bulsa sa likod ng pants ko kung saan nakatago ang isang bahay na hindi ko alam kung kaya ko bang gamitin.

Nandito ako para malaman ang tunay na pagkatao ni Troy. Kung siya nga ba talaga ang killer. Masyadong delikado ang pinasok kong ito, anumang oras ay pwede ko itong ikapahamak, pati na rin ni Brix na nasa labas lang.

Dahan-dahan kong kinuha mula sa bulsa ko ang isang maliit na kutsilyo...ang kutsilyong sa killer mismo nanggaling.

Akala ko ay mananatili lang itong nakatago sa drawer ko, hindi ko inakala na darating ang araw na kakailanganin ko rin pala ito.

"Demi." Nagulat ako sa pagtawag sa akin ni Troy kaya muli kong ibinalik sa bulsa ang kutsilyo.

"B-bakit?" nauutal na tanong ko dahil sa sobrang kaba.

Kumunot ang noo ni Troy at napatingin sa kamay kong nasa bulsa ng pants ko. Pero agad niya rin namang binalik ang tingin sa akin.

"Sumunod ka sa 'kin," aniya at tumalikod.

Sumunod ako sa kaniya gaya ng inutos niya. Habang naglalakad ay dahan-dahan ko ulit nilabas ang kutsilyo mula sa bulsa ko.

Walang ano-ano'y tinulak ko siya sa pinakamalapit na pader at itinapat sa leeg niya ang kutsilyo.

Narinig ko ang pagbagsak ng ilang upuan dahil sa paglapit ng mga tao ni Troy. Tumingin ako sa kanila. Ang ilan ay nakaamba na ng suntok, naglabas ng kutsilyo ang iba, at may dalawang nagtutok ng baril sa akin.

"Anong ginagawa mo? Ibaba mo 'yan!" sigaw ng isa na may hawak na baril.

"Ibaba niyo ang mga hawak niyo at lumayo kayo dito sa amin!" Binalik ko ang tingin ko kay Troy nang sumigaw siya.

Tumingin din siya sa akin at ngumisi. Doon na ako nainis kaya naman diniinan ko ang pagsakal sa kaniya.

"Troy Capistrano, sino ka ba talaga?"

---

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status