Share

Kabanata 2

“Ano?!” Bulalas ko sabay ang pagtayo.

Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral, pero ‘yong sinabi ni Onse; intinding-intindi ko kahit english pa ‘yon. Hindi pwedeng hindi ko maintindihan ang simpleng salitang ‘yon.

“Ano po bang kalokohan ‘to?!” naguguluhan kong tanong. Medyo tumaas din ang boses ko.

Ayoko kasi ng ganito. Oo, mahirap nga ako, pero hindi ako ‘yong tao na payag lang na paglaruan. Lalong ayaw kong inaapakan ang pagkatao ko, at magmukhang tanga sa harap ng mga lalaking ‘to. Kahit mayaman pa sila, hindi ako papayag na gawin nila akong katawa-tawa.

“Don’t raise your voice on us!” Dinuro ako ni Danreve.

Sa unang pagkakataon, nasilayan ko ang pagmumukha niya. Nagsusumigaw rin ang kagandahang lalaki, pero umalingasaw naman ang masamang ugali.

“Wala kang karapatan!” dagdag pa nito, at akmang lalapitan pa ako.

Hinawakan naman siya ni Onse sa balikat, sabay sabi, “Bro, kalma.” Nasa akin na rin ang tingin niya. Tingin na parang naguguluhan at hindi na naman mapakali.

“Alam ko po na wala akong karapatang magsungit, lalo’t nandito ako sa opisina n’yo.” Mahinahon kong sabi sabay lingon sa desk name plate na pangalan ni Onse ang nakatatak.

“Pero po, hindi nga nakatutuwa ‘yong narinig ko. Gusto ko po ng matinong paliwanag,” sabi ko.

Kaya lang mas naguguluhan naman ako sa nakikita ko. Bakas din kasi ang pagkalito sa mga mukha nila dahil sa tanong ko; dahil sa inaasta ko, lalo na si Onse na ngayon ay hindi makapagsalita at napanganga pa.

“Don’t pretend that you don’t know anything!” sikmat naman ni Danreve, matapos ang sandaling pananahimik.

Si Onse naman ay parang nabulunan at paulit-ulit na lumunok.

“Saan mo ba napulot ‘to, bro?” tanong naman nito kay Onse na ang tingin ay nasa akin pa rin at duro-duro pa ako.

Napasabunot na lang ako sa buhok ko. Ano ba ‘tong napasukan ko? Trabaho ang ipinunta ko rito; hindi ang mag-asawa.

Ang bata-bata ko pa. At saka, kung mag-aasawa man ako, do’n sa ka edad ko, hindi dito sa masungit na lalaking halos Tito ko na!

“Mga sir, pwede po ba, ‘wag n’yo naman po ako ginu-good time ng ganito. Oo, kailangan ko ng pera. Pero matinong tao ako na nagpunta rito para mag-apply ng trabaho. Tratuhin n’yo naman po ako ng tama,” matino kong pakiusap.

“Unbelievable!” bulalas ni Danreve na may kasabay pang palakpak. “Iba ‘tong nakuha mo, bro! Ang bata-bata pa, pero ang galing um-acting? Saan mo ba ‘to nahanap?” nangungutyang tanong naman nito na nagpatiim na lang ng labi ko.

Halos hindi ko na kasi masikmura ang mga sinasabi niya. Sakit na sa ulo, sakit pa sa puso.

Si Sir Onse naman ay hindi pa rin sumagot. Bakas pa rin ang pagtataka sa mukha nito. Parang umiiwas pa na mapatingin sa akin. Maya maya ay dinukot nito ang cellphone sa bulsa at nag-dial.

Pambihira, siya ang naghatak sa akin papasok sa opisina niya, pero ngayon, wala man lang siyang masabi. Hindi man lang niya magawang sitahin ang kaibigan niyang hindi makain ng aso ang ugali.

“Iba talaga kapag professional gold-digger!” madiing sabi ni Danreve na may ngiting nanghahamak pa rin.

“Gold-digger?!” ulit ko sa sinabi nito. English na naman ‘yon, pero naiintindihan ko. Ang sakit nga e! Kahit hindi totoo, tumarak pa rin sa puso ko ang talim ng salitang ‘yon.

Mapait akong ngumiti. Ang dali naman nitong humusga, hindi pa nga niya ako kilala. Hindi pa nga namin alam kung bakit naging ganito ang sitwasyon.

Marami na akong nakaharap na mayaman dahil sa business namin ng Nanay ko noon, at lahat sila ay mabait. Itong lang talagang matandang ‘to ang magaspang ang ugali.

“Tama ka po, bata pa nga po ako. Pero hindi ako um-acting at lalong hindi ako gold-digger!” madiin ang bawat bigkas ko sa mga salitang ‘yon, pero ang tingin ko naman ay na Kay Sir Onse na ngayon ay nagmamadaling lumabas ng opisina.

“Sir Onse! ‘Wag mo po akong iwan dito!” sigaw ko, at agad siyang sinundan. Kaya lang ang bilis niyang narating ang elevator.

“Sir Onse! Akin na ‘yang pinirmahan ko! Ayaw ko nang magtrabaho sa mga gaya n’yo na mata pobre!” talak ko habang hinabol siya.

Wala na akong pakialam kung pagtinginan pa ako ng mga tao. Ang gusto ko ay mabawi ang pinirmahan ko.

Ang malas! Leteral na pera naging bato pa ang nangyari ngayon, pero ayokong matali sa isang taong walang modo.

“Sir Onse, hintayin mo po ako!” sigaw ko na sumabay sa pagpasok ni Sir Onse sa elevator.

“Ano ba?!” Halos maiiyak ako habang paulit-ulit na pinipindot ang elevator botton. Hinampas-hampas ko pa iyon sakaling magbukas uli.

“Stop it!” Pabulong na sikmat ni Danreve, sabay hawak sa kamay ko at patulak akong binitiwan.

Sa lakas ng pagbitiw niya ay tumilapon ako. Natamaan ko pa ang water despenser na muntikang matumba.

Dahil sa gulat at takot ay napalakas ang paghikbi ko. Ayaw kong umiyak. Lalo’t sa harap pa ng taong mapanghamak, pero ang sakit nga ng balakang ko. Idagdag pa ang nakakatakot na hitsura ni Danreve.

“Don’t make a scene here!” gigil pa nitong sabi. “Hindi ang gaya mo ang sisira sa pangalan ng kaibigan ko!”

Ang layo ng agwat namin kanina, pero ngayon nasa malapit ko na siya at duro-duro na naman ako. Tiim ang bagang nito at nagbabaga ang mga tingin sa akin.

Napatingala at napatitig na lang ako sa kanya. Gusto kong lumayo, pero dahil sa despenser na nasa likuran ko, hindi ko magawa. Hindi ako makagalaw.

Ang tapang-tapang kong babae, pero ngayon parang naduduwag ako. Para akong nanliit sa kinatatayuan ko. Gusto ko na lang mawalan ng malay para hindi ko na makita ang pagmumukha nitong matandang ‘to.

“Come with me!” Mahigpit niyang hinawakan ang braso ko, at marahas akong hinila.

“B-bitawan mo ako! M-masakit!” reklamo ko. Pinilit kong ‘wag humakbang. Ayokong sumama sa kanya. Natatakot ako.

“Masakit, huh?!” sabi niya, at hinatak ako ng sobrang lakas. Sa lakas ay bumangga ang mukha ko sa matigas niyang dibdib.

Gusto ko siyang itulak. Gusto kong lumayo. Gusto kong ipagtanggol ang sarili ko, pero nanghihina na nga ako dahil sa takot.

Bukod sa ang laking tao nga niya, mayaman pa siya. Lahat magagawa niya gamit ang pera. At ako, kahit anong tapang ko, madali lang sa kanya na e-dispatsa ako.

Sumabay naman ang pagpatak ng luha ko sa muling paghatak niya sa akin pabalik sa office ng kaibigan niya, at saka ay itinulak na naman ako paupo sa sofa.

Tuluyan na akong hindi nakapagsalita. Puro iyak na lang ako. Kahit kasi anong gawin ko, wala akong laban. Nasa teretoryo niya ako.

Umupo siya sa harap ko. Bakas ang pagpipigil sa galit habang tinititigan ako. “Cut the act, damn it! Kahit anong gawin mo; kahit lumuha ka pa ng dugo, I won’t fall to your drama; I won’t fall to a gold-digger like you!”

Awtomatikong lumipad ang nanginginig kong kamay sa pisngi niya. “Sira-ulo ka! Paulit-ulit ka! Sabing hindi ako gold-digger!” Marahas kong pinahid ang mga luha ko.

Siya naman ay napahawak sa pisnging sumalo ng sampal ko. Pinaikot-ikot niya pa ang dila sa loob ng bibig niya.

“Oo, mahirap lang ako. Kailangan ko ng pera para sa Nanay ko, pero never ko ipagpapalit ang dangal ko para lang sa pera!” matapang kong sabi na nagpaangat ng sulok ng labi niya.

“Lalong hindi ko pangarap na makasal sa lalaking halos doble na sa edad ko!”

Kung kanina ay umangat ang sulok ng labi niya, ngayon ay tumiim naman. Nagsalubong pa ang makapal nitong mga kilay. “Ayaw mo, then why showed up? Why did you sign the contract?!”

“Sinabi ko na nga po kanina pa. Pero hindi kayo naniniwala!” Bumuga ako ng hangin, at tumayo na. “Nandito ako para mag-apply ng trabaho. Trabaho bilang pet nanny, at hindi ang magpakasal sa matanda at mata-pobreng gaya mo!”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status