Share

CHAPTER 6-FAKE IT

Hindi ugali ni Roxanne na magsinungaling sa mga tao kaya nag-isip siya ng magandang isasagot. "Naghahanap po muna ako ng trabaho ngayon kaya hindi pa ako ready na magbuntis." Paliwanag ni Roxanne at naramdaman niya ang pagbaon ng kuko ni Jameson sa kanyang balat ngunit hindi siya nagpahalatang nasasaktan.

Kinakabahan din siya sa sasabihin ng mga nakakatanda pero nasanay na siya sa mga pagmamaliit nila sa katulad niyang laking probinsya.

"At bakit mo pa kailangang magtrabaho? Isang CEO ang asawa mo at kaya kang buhayin pati pamilya mo sa bukid." Dikta ni Grandpa Gerald.

Sinenyasan ni Jameson si Roxanne na manahimik ngunit hindi ito nakinig, "Pasensiya na po pero hindi ako laging umaasa sa tulong ng ibang tao. Kaya ko naman buhayin ang sarili ko kahit hindi ko napangasawa ang apo niyo." Giit ni Roxanne at pinagtawanan siya ng mga ito.

"Excuse me? Sinasabi mo bang hindi mo kailangan ang asawa mo? Baka nakakalimutan mong si Jameson ang nagtakas sayo sa kahirapan. At siya rin ang nagligtas sa buhay ng ama mo." Sarkastikong sabi ni Auntie Diana habang naghihiwa ng pagkain sa plato.

Tahimik lang si Devon sa kanyang kinauupuan pero nakatitig siya sa namumulang mukha ni Roxanne. Alam niyang mayroong ginagawa ang kanyang kapatid pero ayaw niyang makialam sa buhay nilang mag-asawa.

"Ija, trabaho niyong mga babae na paramihin ang angkan naming mga Delgado kaya hindi mo iyon dapat ipagdamot sa asawa mo" Dikta pa ng matanda. Atat itong magkaroon ng mga apo sa tuhod.

Sumingit naman si Madame Julie na hindi nagustuhan ang pananalita ng ama sa kanyang manugang, "Papa, may mahaba pa silang panahon at kailangan muna nilang magplano ng mabuti dahil hindi isang madaling bagay ang pagbubuntis."

"Alam ko, Juliette, huwag mo akong pagsabihan. Ang gusto ko lang ay masiguro ang mga magiging tagapagmana natin kapag isa-isa na tayong lumisan sa mundo." Mabuting tumigil na sila sa pang-uusisa sa buhay ng mag-asawa, at hinila ni Jameson si Roxanne papalabas sa dining area papunta sa hardin.

"Gusto mo talaga akong ipahiya sa harapan ng pamilya ko, ha?!" Nasasaktan si Roxanne sa panghihila niya sa kanyang braso.

"Kung puwede ko lang sabihin ang totoo, gagawin ko!"

"At tingin mo may magbabago? Roxanne, wala silang magagawa dahil ako ang may karapatan sa buhay ko. Walang tutulong sayo."

"Jameson, you cheated on me. Nagkasala ka and you expect me to forgive you that easily? Kahit siguro mapatawad kita, hindi ko pa rin makakalimutan ang ginawa mo. Nakabaon na ang sakit dito sa puso ko." Turo ni Roxanne sa dibdib.

"Maghihintay ako na mapatawad mo pero pinapangako kong hindi ko na ulit iyon gagawin. At tatangalin ko na si Savannah sa kompanya kaya wala ka ng dapat na ipag-alala." Patuloy nitong panunuyo.

"Ayaw ko ng magpakatanga, Jameson. Sinira mo ang lahat at kahit ayusin mo man ang nagpira-pirasong puso ko, hindi na ulit ito titibok tulad ng dati." Ani ni Roxanne.

Nalulungkot si Jameson na marinig ito, "Honey, tao lang din ako na nagkakamali pero handa akong magbago dahil mahal kita. Papatunayan ko basta huwag mo lang akong iwan."

Bakas sa mukha ni Roxanne na hindi siya kumbinsido, wala rin siyang balak na magbigay pa ng isa pang pagkakataon dahil parang binigyan niya lang ito ng permiso na saktan siya ulit.

"Jameson, hindi iyon isang pagkakamali. Alam mong masasaktan ako pero ginawa mo pa rin. At papatunayan mong mahal mo ako matapos mo akong durugin?"

Nagbabadya na namang tumulo ang mga luha sa mata ni Roxanne. At nagsasayang lang siya ng laway, wala kasing silbi kung makikipagtalo siya sa taong makitid ang utak.

Hindi makapagsalita si Jameson, may namumuo ring luha sa kanyang mga mata. Ngunit ramdam niyang mayroon pang natitirang pagmamahal si Roxanne sa kanya, tingin niya na lilipas lang ang lahat at hindi sila maghihiwalay.

"Honey, gusto kong magsimula ulit tayo pero hindi kita pipilitin na magka-anak. Kailangan muna nating maghanda. Tsaka gusto mo ng trabaho? Ako na ang bahalang magbigay sayo ng posisyon sa kompanya. Be my new secretary." Pang-eenganyo ni Jameson.

"Seryoso ka? Gagawin mo akong tuta ng kompanya mo? Tapos ipapalit mo ako sa posisyon ng kabit mo? Anong kagaguhan to, Jameson?!" Punong-puno na si Roxanne sa mga kabaliwan ng lalaki. Hindi niya tuloy mapigilan na matawa.

Kinukurot ang puso ni Jameson na marinig ang kanyang halakhak, "Roxanne, tinutulungan lang kita. Gusto mo ng trabaho, bukas ang kompanya ko, kahit anong posisyon pa ang gusto mo. Sinusubukan kong maging mabuting asawa kaya anong nakakatawa?" Binabaliktad siya ngayon ni Jameson upang siya ang ipalabas na masama.

"Tama na, Jameson. Divorce lang ang kahahantungan natin kaya bakit mo pa ba ito patatagalin? Kasi kung isa kang mabuting asawa, hindi mo gagawin sa'kin 'to." Itinaas ni Roxanne ang kanyang mga kamay na may mga sugat.

"At kung mabuti kang tao hindi ka makikiapid sa hindi mo asawa."

Walang emosyon ang mukha ni Jameson na humahakbang papalapit sa kanya, "Roxanne, kahit sinong abogado ang lalapitan mo, walang maniniwala sa sasabihin mo dahil wala kang ebidensiya."

"Oo alam kong gagamitin mo ang pera mo para baluktutin ang batas. Alam kong mahirap pero gusto kong linawin sayo na tapos na tayo. Na kahit anong pilit mo wala na akong nararamdamang pagmamahal sayo." Gusto ni Roxanne na marinig niya iyon para matauhan.

Nangilabot siya ng makita ulit ang mata nitong nag-aapoy sa galit. Nasampal siya nito kanina at ramdam niya pa rin ang bakas nito sa kanyang pisnge.

"Sasaktan mo na naman ba ako? Sige, ipakita mo kung gaano ka kasamang tao." Panghahamon ni Roxanne. Ngunit biglang nanlambot ang mga mata ni Jameson at hinahaplos ang pisnge niya.

"Nagiging masama akong tao dahil sa ipinaparamdam mo. Sabihin mo ulit iyon, higit pa sa sampal ang aabutin mo."

Itinanggal ni Roxanne ang kanyang pagkakahawak, "Wala ka ba talagang konsensiya? Hindi mo matanggap ang totoo-"

Hindi siya pinatapos ni Jameson dahil bigla siya nitong hinalikan sa labi. Nagkalat na ang lipstick ni Roxanne at pilit niya mang kumawala ngunit mahigpit na hinawakan ni Jameson ang kanyang baba.

Naging marahas si Jameson at itinaas ang suot niyang dress kaya nanlaki ang mga mata ni Roxanne. "Jameson, nasisiraan ka na ba ng ulo?"

"Tuturuan lang kita ng leksyon." Tugon ni Jameson.

May lalaki namang nakatayo sa hindi kalayuan na kanina pa sila naririnig na nag-aalitan. Napangisi itong naglakad papunta sa kanilang direksiyon.

"May nadistorbo ba ako?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status