Share

Chapter One

Tracy

LABAG man sa loob ko ay ginawa ko ito.

Ano na nga lang bang meron ako kundi ang pamilya ko. Patay na ang mga magulang ko kaya ang mga Cysco na lang ang talagang maituturing kong malapit na pamilya sa akin.

Pulis ang Tatay ko at siya Oscario Martinez. Ang nanay ko naman ay si Anastacia Cysco, siya iyong klase ng mayaman na babae na nagkagusto sa isang ordinaryong lalaking gaya ng Tatay ko, parang istorya lang sa isang novella hindi ba? Pero hindi gaya ng ibang kwento na nababasa sa mga novella hindi naging ganun kaganda ang pagsasama nila.

Sabi ni Tatay hindi sanay ang Nanay ko sa klase ng pamumuhay na kaya niyang ibigay hanggang sa isang araw bumalik si Nanay sa mga Cysco, pinili niyang isama ako pero hindi pumayag si Tatay. Mayaman sila Nanay pero nagawa ni Tatay na itakas ako sa isang malayong probinsiya, simula nun lagi na kaming palipat-lipat ng ibang lugar.

Hindi ko masasabi na naging masamang Ama sa akin si Tatay pero alam ko nagkulang siya. Habang lumalaki ako hinahanap ko rin naman ang kalinga ng isang ina hanggang sa nagising na lang ako isang araw na hindi ko na maaring maramdaman yun, sinabi nila na namatay sa isang aksidente si Nanay at ng malaman namin iyon ay sobrang nagsisi si Tatay, nakita ko kung paano siya nagdusa dahil nabulag siya ng galit niya kay Nanay at dun pa lang pinatawad ko na siya, alam ko na hindi niya rin naman ginusto yung nangyari kay Nanay.

Araw-araw nakikita ko yung lungkot sa mukha ni Tatay at dun siya nagdesisyon na hindi na dapat siya maging makasarili, inisip ko na bakit pa? Huli na rin naman ang lahat dahil wala na ang Nanay pero ngayon nalaman ko na. Alam niya kasi na mawawala na rin siya at ayaw niyang mag-isa ako.

Kaya ito ako ngayon, kailangang patunayan ang sarili ko sa pamilyang hindi ko alam kung tatanggapin ba ako, sinisisi nila ang Tatay sa nangyari sa Nanay ko at kahit papano ay nakakaramdam ako ng ilang sa kanila dahil alam kong iniisip nila, na magkadugo kami ng Tatay ko at lumaki ako sa kanya kaya hindi rin nila ako pinagkakatiwalaan masyado. Ang hirap nung makisama ka sa kanila na puno ng tensyon at kaba pero saan ba ako lulugar? Wala naman akong mapagpipilian kundi dito.

Hindi pa ako tapos sa kolehiyo at kaka-eighteen ko pa lang kaya hindi wise na desisyon na magsarili ako sa buhay dahil hindi ko rin naman kakayanin at isa pa baka sabihin lang nila na masyado akong ma-pride kaya ang ginagawa ko na lang, utos nila sunod ko. Bago namatay si Tatay ako na rin naman ang nagpa-paaral sa sarili ko sa paraan ng pagwo-working student.

Mahirap din magworking student dahil minsan talaga kalaban ko ang antok pero kinakaya ko para sa kinabukasan ko. Yung kinikita ni Tatay noon ay tama lang para sa pang araw-araw hanggang nga sa mamatay siya at huminto ako sa pag-aaral.

Naalala ko si Lola Trinidad nung araw na sinundo niya ako pagkalibing kay Tatay. Isa rin siguro sa dahilan kaya naiilang ako sa kanila ay yung pagtanggi ko noon na sumama sa kanila bago ako pumasok sa kolehiyo. Sinabi nila sa akin na sumama na sa kanila pero mas pinili ko si Tatay, parang nasaktan ko rin sila pero hindi ko naman kasi kaya kalimutan si Tatay at iwan para lang sa mas marangyang buhay. Dahil nga sa galit sila kay Tatay ay ganun ang gusto nila noon, na mawalan na ako ng komunikasyon sa kanya.

Isang buwan pa lang ako rito sa mga Cysco at masasabi ko na punong-puno pa rin ako ng pagkailang. Nasa proseso na ako ng pagpapabago ng apelyido, kahit na sabihin ko man na ayokong gawin nila iyon, tingin ko mas masasaling ko lang ang pride nila. Gusto nila na Trinity Anastacia Cysco lang at hindi karugtong ang Martinez. Isinunod ang pangalan ko sa Lola at Mama ko, minsan pakiramdam ko rin na binubuhay nila si Nanay sa akin sa pagtawag nila ng Ana sa akin, yun kasi ang palayaw ni nanay, isa rin pala iyon sa kailangan kong baguhin, dapat Mommy o Mama ang itatawag ko pag patungkol sa Nanay ko. Hindi nila gusto ang tunog ng Nanay at ayaw din nilang may mga nababanggit akong kwento tungkol kay Tatay kaya madalas tahimik na lang ako.

Tracy Martinez. Napangiti ako habang binabasa ang pangalan na nakalagay sa resumé ko, ito naman talaga ang pangalan ko, noon pa man Tracy na ang tawag sa akin.

"Ms. Martinez?" napalingon ako sa tumawag sa akin. "You're next."

Tumango ako at pumasok na sa kwarto kung saan ako hinatid nung babaeng tumawag sa akin kanina. "Anong pangalan?" sigang tanong sa akin ng isang lalaki, teka babae? Masyado kasing maganda para sa isang lalaki ang itsura ng taong nasa harap ko ngayon.

"Miss pangalan?" tinaasan niya ako ng kilay, hanggang ngayon inaalisa ko pa rin ang itsura niya. Ito ba talaga ang nagi-interview kasi kung oo, alam ko na ngayon kung bakit parang kilig na kilig yung mga babaeng lumalabas kanina kahit pa sinabi nilang hindi sila tanggap. "Naga-apply ka ba o isa kang artist na planong i-drawing ang bawat detalye ng mukha ko?"

"Huh?" parang namalignong tanong ko. Napailing siya at tumawa.

"Resumé mo amin na," sabi niya at agad hinablot yung nasa kamay ko sabay tinignan.

"Hmm, Tracy Martinez," binasa niya yung laman nun at tumingin sa akin sabay nagbigay ng makahulugang ngiti. "Tanggap ka na."

"Ha?" Ganun kabilis? Ni hindi pa nga niya ako tinanong ng kahit ano maliban sa pangalan ko.

"Nakikita ko naman na maganda ang records mo at nagtrabaho ka sa Cysco Corporation. Actually rival company namin sila pero alam ko naman na pwede mo kaming matulungan hindi ba?" nagbigay ulit siya nung ngiti at titig na hindi ko mahulaan kung ano bang ibig sabihin.

"Neon!" napalingon ako sa likod ko. "Siraulo ko trabaho ng HR pati ba naman yan kinukuha mong loko-loko ka!"

"Kuya Ivan?" gulat na sabi nung kausap ko kanina lang, magkamukha silang dalawa kaya lang mas matapang ng konti yung kilay nung tinawag na Ivan, dun ko narealize na sila yung kambal na Ivan at Neon Simonne. Hinila siya nito pero bago yun ay nagsalita siya. "Guess what? May secretary na si Kuya Gael," tawa-tawang sabi niya.

Tumingin sa akin yung lalaking tinawag nila na Ivan at bumalik dun sa Neon. "Gago ka talaga! Alam mo bang nagtatrabaho ng matino ang mga tao dito tapos ginugulo mo!"

"Tinanggap ko na siya, hindi niyo pwedeng bawiin yun!" tumawa-tawa ulit ito at nakita ko ng batukan nung kapatid niya. "Puros ka kalokohan!" halos umusok na yung ilong nung isa pero puros ngisi lang naman yung Neon.

Nakita ko na pumasok ang isang lalaking mala-anghel sa pagkamaamo ang mukha, walang iba kundi si Gabriel Simonne. "Anong gulo ito? Anong ginagawa niyong dalawa rito?" mahinahong sita niya sa dalawa.

"Itong si Neon puros kalokohan na naman, tumanggap ng secretary para sayo. Hindi nga natin alam kung na-interview niya ng maayos," kung magsalita itong isa parang wala ako sa harap nila.

Tumingin sa akin yung Gael. "Pasensya na pero okay lang ba kung ako na mismo mag-interview sayo?" tumango ako.

Lumingon siya dun sa dalawa. "Kayong dalawa, underage pa kayo para rito."

"Mage-eighteen na rin naman kami!" sigaw nung Neon.

"Mage-eighteen pero hindi pa," itinulak niya yung dalawa palabas ng pinto. "Magtino kayo, lalo ka na Neon!"

Mas matanda pala ako ng ilang buwan dun sa kambal. Wala naman kasing masyadong impormasyon akong alam sa kanila dahil nga sabi ni Marc, mag-focus ako roon sa tatlo kaya nga ngayon ko lang din nakita yung dalawa. Sabi ni Marc kahit sikat ang mga Simonne ay kokonti lang ang kilala sila sa mukha dahil nga sa nangyari sa mga magulang nung kambal ay masyado na silang naging pribado sa mga buhay nila, marami kang mababasa sa kanila sa mga society pages magazine pero mga pictures nung mga magulang lang nila Gabriel at Jared Yael Simonne ang makikita mo.

Ang alam ko limang taon yung agwat namin nung Jared Simonne at magka-edad si Gabriel Simonne at Caleb na parehas nasa twenty ang edad, kung iisipin ang bata pa nila at dalawang taon lang ang tanda sa akin pero dahil dala nila ang mga apelyidong yun mas mataas na ang antas nila sa lipunan.

"Congratulations Ms. Martinez,"iInilahad niya ang kamay sa akin matapos ang interview, lihim akong napangiti. "Kailangan mong mag-stay-in sa hotel ng Isla Simonne, alam mo naman yun hindi ba?"

Tumango ako, isa ito sa napaliwanag na ni Marc sa akin. "But don't worry hindi gaya rito sa magulong siyudad ng Makati mas tahimik doon at magandang magtrabaho, at hindi naman ganun kabigat ang magiging trabaho mo roon maliban na lang pag maraming tourist, alam mo na naman. Kasama sa pagiging secretary mo pa sa akin meron ding mga benefits at priveleges yun so I hope you do your job well."

"I will Sir," napangiti ako.

"WE should celebrate Ana," napalingon ako kay Marc na nagsasalin ng champagne sa dalawang champagne glass sabay abot sa akin ng isa doon. "I told you, matatanggap ka ng walang kahirap-hirap hindi ba?"

Tumango na lang ako at ngumiti. "One more thing Ana, kailangan din nating linisin ang pangalan ng Mama mo."

Napayuko ako, ayokong marinig at pag-usapan pa ang bagay na ito sa ngayon pero dahil nabanggit na rin niya, tama na lang na ngayon na namin isipin ang susunod na gagawin.

Tama si Marc. Hindi ako papayag sa bagay na ito kung wala din akong makukuha pero higit pa ang pera sa dahilan noon, higit pa ang pagtanggap ng mga Cysco.

"You know your mom is not capable of being a mistress. They got it all twisted, pinalabas nila na naging kabit si Tita Ana ng isang Conrado Simonne," Nilagok niya yung laman nung champagne at nakita ko ang pagtangis ng bagang niya. "We know better Ana, madumi maglaro ang mga Simonne, gagawin nila lahat para magpagtakpan yung mga baho ng pamilya nila kaya nga hindi ako nagtataka na nakidnap dati yung kambal na Ivan at Neon at namatayan ng mga magulang dahil sigurado akong maraming galit sa kanila. Alam kong ginagawa mo rin ito para sa Mama mo, kaya alam ko kung nasaan man siya ngayon, she is proud of you."

Napangiti ako sa sinabi niya. Tama, ito ang dapat kong gawin, ang linisin ang pangalan niya na dinumihan nila. Sinasabi ng iba na nagsimula ang rivalry ng mga Cysco at Simonne dahil ang Cysco ang may kasalanan, sinusubukan daw nilang pantayan kung ano ang meron ang mga Simonne pero hindi nila alam higit pa doon yun.

Nung mga panahon na pinahahanap ako ni Nanay nakilala niya ang isang Conrado Simonne. Ayon sa mga kwento na kumalat ay inakit ng Nanay ko si Conrado at naging dahilan ng pagtatanan ng dalawa na sa huli ay nauwi sa isang car accident pero bilang anak hindi ako naniniwala na ganun yun, sabi nila Lola na ang totoong nangyari ay nagkakilala silang dalawa. Ang sinabi daw ni Conrado sa Nanay ko ay hiwalay na sila ng asawa niya  at tutulungan siya sa pagpapahanap sa akin pero hindi pa rin daw gusto ni Nanay si Conrado dahil kaibigan lang ang tingin niya rito, pero nung tumagal lagi na daw umuuwi si Nanay na may pasa at nalaman nila sa sulat nito bago ito umalis at maaksidente na ginahasa ito ni Conrado at tinakot na sasaktan kami pag hindi sumama si Nanay, mas mayaman ang pamilyang kinabibilangan nito kaya pumayag si Nanay sa kagustuhan nito.

Naiintindihan ko kung bakit sila galit sa mga Simonne at sa Tatay ko dahil pakiramdam nila ito ang mga dahilan kaya nawala sa kanila si Nanay. Hindi ko magawang magalit sa Tatay ko pero kay Conrado at dun sa pinalabas nila tungkol kay Nanay, hindi ko alam, kaya siguro kahit alam kong mali ang ginagawa ko ngayon na pagpayag sa mga plano ni Marc ay ginawa ko pa rin.

"May isang anak si Conrado dun sa asawa niya, sa tingin ko kung mas mapapalapit ka sa kanya mas marami tayong malalaman pero sa ngayon maayos na rin na yan ang posisyon mo. Isipin muna natin ang kumpanya at pag lumago na tayo gaya ng sa kanila o higit pa kaya na natin silang labanan."

Tinapik niya ang balikat ko, "Matagal-tagal na proseso ito Ana pero magagawan natin ng paraan. Makukuha natin ang tamang panahon para sa atin."

Tinignan ko ang larawan ng anak ni Conrado.

"Balang-araw magkakakilala rin tayo... Caleb Simonne."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status