Share

The Truth

Flashback from the past...

Napaigtad ang sampung tong gulang na si Hillary sa bangkong kahoy na kinauupuan nang marinig niya ang lasing na boses ng paparating na ama.

Kumakabog ang dibdib, dali-dali siyang nagpunta sa maliit niyang silid at nagkulong. Sa murang edad ay namahay na ang takot sa kanyang dibdib. Narinig niya ang pabalandrang pagbukas ng pinto ng kanilang maliit na bahay.

"Phagkain! Hik," sabi nito sa lasing at sinisinok na boses. Malakas ang boses nito kaya sigurado siya na umaabot 'yon hanggang sa pandinig ng mga kapitbahay.

"Bhigyan ninyo akho ng phagkain! Phamehla! Nasaan kang put*ng-ina ka! Hhillary!"

Napaigtad si Hillary kasabay ng pagngiwi. Aktong tatayo na siya nang marinig niya ang boses ng kanyang ina na si Pamela. Galing ito sa palengke at nagtitinda ng mga gulay at ilang kakanin.

"Lando, ano ka ba? Nasa kanto pa lang ako, dinig ko na ang boses mo."

"Hano bhang pakialam nila sha akhin! Phagkain. Hainan mo na ako ng pagkhain. Mga wala kayong kuwenta!"

Naging sunod-sunod na ang murang lumalabas sa bibig ng ama ni Hillary. Sinasaway ito ng kanyang ina pero sa pag-aray ng kanyang ina ay mukhang sinaktan na naman ito ng ama niya, inampal o sinapok.

Tumayo si Hillary at tinungo ang nakabukas na bintana. Sumampa siya roon at tumalon. Pagkatapos ay nagpunta siya sa likod-bahay, sa taniman ng kanyang ina, lumayo-layo at sumiksik sa likod ng isang malaking puno.

Tinakpan niya ang magkabilang tainga para hindi marinig ang nagaganap sa kanilang bahay. Naglandas ang maiinit na butil ng luha sa magkabilang pisngi niya. Bukas, siguradong may mga

pasa sa katawan ang kanyang nanay.

End of flashback

Nakalabas na ng silid ang ina ni Hillary. Nilamon na ng kadiliman ang silid, nakahiga na rin siya sa kama at handa na sa pagtulog. Lumilipas ang oras pero nananatiling bukas ang kanyang mga mata, nananatiling aktibo ang isipan.

Ang kanyang ina ang halos bumuhay sa kanilang tatlong magkakapatid. Walang kuwenta ang kanyang ama. Sa pagdaan ng panahon ay lalo itong nalulong sa alak na kung makalaklak ay parang tubig lang iyon.

Kapag lasing ay maingay ito, nagmumura, nagwawala, nananakit. Wala ito ni katiting na kahihiyan sa katawan. Bawat utos na hindi masunod ay mananakit. Walang pasensiya.

Hindi alam ni Hillary kung bakit nagkaganoon ang kanyang ama. Ang alam lang niya ay ang takot at phobia na namahay sa puso niya para sa ama. Hanggang sa ang takot na iyon ay nauwi sa pagkamuhi, sa puntong hinihiling na niya na sana ay bawian na ito ng buhay at hindi na makita pa.

Ang bigat na dinadala niya ang rason kaya siya naging aloof at mapag-isa noong high school. Iyon ang dahilan kung bakit pinili niyang mabuhay sa loob ng sariling mundo. Hindi niya ibinabahagi ang alalahaning iyon sa mga kaibigan.

Itinago niya, ikinandado sa puso. Hindi niya alam kung alam ng mga ito ang sitwasyon niya noon dahil wala namang nagtangkang umusisa sa kanya.

Johanna, Gina, Wendy, and Sienna gave her the

space she needed.

Pagkaraan ng anim na taon, sa mismong araw ng

pagtatapos ni Hillary sa high school ay nangyari ang kanyang hiling. Maitim na hiling.

Nasangkot sa isang gulo ang kanyang ama hanggang sa mapatay ito. Lasing, siyempre. Ni hindi niya sinilip ang labi nito. Walang luha na tumulo mula sa mga mata niya para sa ama. Pakiramdam nga niya ay may tinik na natanggal sa kanyang lalamunan.

At ganoon niya kinamumuhian ang sariling ama. At patuloy niya itong kinamumuhian hanggang ngayon.

Dahil matalino rin, nakakuha si Hillary ng scholarship sa munisipyo. Naipasa niya ang lahat ng exam at naging scholar ng bayan. Sina Sienna ay sa

Maynila na nag-aral, sa malalaking unibersidad.

Balita pa nga niya, sina Wendy at Gina ay sa ibang bansa nag-aral. Hindi siya sigurado.

Nakapagtapos si Hillary ng kursong Accountancy. Life had been so easy since then. Nang makapagtapos ay mabilis siyang natanggap sa trabaho sa Maynila. Napatunayan niya ang kanyang galing sa larangang iyon kaya naman hindi na siya nagulat nang isang araw ay makatanggap ng promotion. Ngayon ay isa na siya sa mga senior accountant ng isang malaking kumpanya.

Ang kanyang ina, kahit na ano pang pangungumbinsi niya na samahan na siya sa Maynila, ay mas gusto pa ring maiwan sa probinsiya. Sa bahay na ipinatayo niya para dito. At kahit na mahal niya ang kanyang ina, minsan ay iniiwasan din niya itong makita.

Paano ay nakikita niya sa katawan nito ang mga peklat na dulot ng pagiging battered wife.

At kung bakit nananatili siyang single? Dahil patuloy siyang hinahabol ng multo ng kanyang ama. Hindi mawala sa isipan niya ang naging buhay ng kanyang ina sa piling ng kanyang ama.

Hindi mawala sa alaala niya ang mga suntok, sampal, at sipa.

Ang malulutong na mura.

Ang mga sigaw.

Ang mga eskandalo.

Ang mga kahihiyang naranasan nila.

Isinumpa niyang hindi siya magkakaroon ng ganoong buhay. Hindi niya dadanasin ang mga iyon. Hindi niya hahayaan ang sino mang lalaki na saktan siya, na gawing miserable ang kanyang buhay.

Hindi niya kailangan ng lalaki para mabuhay. Pero nang nagdaang taon ay pumasok sa isip ni Hillary ang posibilidad na magkaroon ng anak. Isang anak na pagbubuhusan niya ng atensiyon. Isang anak na makakasama niya sa pagtanda. Ang pagnanais na iyon ay lalong tumindi sa bawat paglipas ng araw.

Ibibigay niya sa magiging anak ang lahat ng pagmamahal na hindi niya naramdaman mula sa kanyang ama. Poprotektahan niya ang kanyang anak, kahit kanino. Hindi niya ito hahayaang masaktan, mapapisikal man o emosyonal, whatever it caused her. Hindi niya ito bibigyan ng sugat sa puso, sugat na katulad ng sa kanya.

Iyon na lang ang gusto niya, ang tanging minimithi.

Ang pagkakaroon ng anak.

"Aba'y teka, mabuti at naalala ko." Mula sa hapag-kainan kung saan sabay silang nag-almusal ay tumayo ang kanyang ina. Sinundan ito ng tingin ni Hillary. Nagpunta ang kanyang ina sa isang mataas na estante na nagsisilbing partition ng sala at dining area.

Mula roon ay may kinuha ito. Muling bumalik ang kanyang ina at naupo.

"Ire, nalimutan kong ibigay sa iyo kahapon" Iniabot nito sa kanya ang isang plastic na may tatak ng isang kilalang courier company. Binitiwan niya ang hawak na kubyertos at tinanggap iyon.

"Noong isang araw pa iyan dumating. Nakapangalan sa 'yo. Eh, kako darating ka naman kaya hindi ko na pinangahasang buksan at usisain ang laman."

Inusisa ni Hillary kung kanino iyon galing. "Johanna Cuevas" ang nakalagay na pangalan ng sender.

Tumaas ang kilay niya bago binuksan ang plastic. Isang kulay-pula at halatang ipinasadya pa na wedding invitation.

Napatingin siya sa ina, na nagtatanong din ang mga mata. May stick-it note ang invitation. Iyon muna ang

inusisa niya.

Hi, Hillary. Huwag kang mawawala sa big day ko, ha? I am expecting you.

- Johanna.

Sunod niyang inusisa ang wedding invitation.

"O, anak, ano ba iyan, ano ang sabi?"

Lumunok siya. "Imbitasyon po para sa kasal, Nay."

"Siya nga?" Lumiwanag ang mga mata nito sa excitement. Funny pero parang nabasa rin ni Hillary sa mga matang 'yon ang pag-asam na sana ay maikasal na rin siya.

"Teka, aba'y sino ang ikakasal? Hindi pamilyar sa akin kung sino yang si Johanna Cuevas na nagpadala niyan, eh."

"Kaklase ko po no'ng high school si Johanna. Pero

hindi n'yo po siya nakilala kaya hindi po siya pamilyar sa inyo."

At wala rin namang pagkakataon na nagsama si Hillary ng sino mang kaeskuwela sa kanilang bahay. Dahil sa kanyang ama, siyempre.

"Bale nagkataon po na nagkita kami sa isang mall sa Maynila. Tapos ayon nagkakuwentuhan nang kaunti. Nabanggit nga po niya na ikakasal na daw siya at padadalhan niya ako ng imbitasyon." Nagkibit-balikat siya.

"Ano naman ang sinabi mo?" Inabot ng kanyang

ina ang kamay niya. "Umoo ka?"

"Pinapangako ho niya ako na a-attend ako. Sabi ko, hihintayin ko na lang ang imbitasyon para sa iba

pang detalye." Lihim na napangiwi si Hillary. Sana

pala ay deretsahan na siyang tumanggi.

Ipinakita pa sa kanya ni Johanna ang picture ng lalaking pakakasalan nito. Napakaguwapo ng lalaki, sa totoo lang. Isang foreigner, Amerikano.

"Ganyang nakapangako ka pala, eh, dapat lang na dumalo ka," anito.

Hindi nakaligtas kay Hillary ang pambubuyo ng ina na dumalo sa kasalang iyon dahil baka nga naman mainggit siya at gustuhin ding mag-asawa.

"Bahala na ho, Nay," walang kasiguruhang sagot niya. Dinampot niya ang tasa ng kape at sumimsim doon.

"May sakit ho yata ako sa petsang iyan." Muntikannang mabilaukan ang kanyang nanay.

"Biro lang ho." Lihim na napabuntong-hininga si Hillary. Alam niya na may hinala ang kanyang ina sa intensiyon niya na hindi mag-asawa. Hindi lang niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nito sa sandaling malaman ang totoong plano niya.

Wala siyang planong mag-asawa. Pero plano niyang magkaroon ng anak. At bibigyan niya iyon ng katuparan kahit na anong paraan pa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status