Share

Chapter 3

Nagpalitan sila ng tingin ng kanyang ama habang tinatanaw nila ang mama niya na aligaga sa paggawa ng brownies. Aksidente kasi nitong narinig ang pag-uusap nilang mag-ama tungkol sa nangyari kahapon sa presinto. Nalingunan na lang nila ito kanina na buka ang bibig at hindi makapaniwala sa kanyang pagkakamaling nagawa doon sa babae. Hindi na niya magawang magpalusot dahil mukhang kanina pa ito nakikinig at hindi lang nila namalayan.

"Finn, halika dito. Tulungan mo ako."

Tinapik siya ng ama sa balikat nang patayo na siya para tunguhin ang gawi ng ina. Napakamot na lang tuloy siya sa ulo dahil sa nakitang pang-aalaskang tingin ng papa niya.

"Ma, kailangan pa ba talaga nating gawin 'to? Ni hindi ko nga kilala ang babaeng 'yon. Saka wala lang naman iyong nangyari kahapon. Normal lang na tanungin siya tungkol sa mga detalye kasi nandoon siya sa lugar na pinangyarihan," paliwanag niya sa ina.

Sinamaan siya nito ng tingin. Kung hindi lang siguro nito dala ngayon ang brownies na kakalabas lang galing sa oven, baka inulan na siya nito ng hampas.

"Matatawag lang na questioning 'yon kung walang halong bias ang pagtatanong. Sa kinalabasan ng nangyari kahapon, paniguradong interrogation ang ginawa mo do'n sa babae. Hindi normal ang ginawa mong pamamahiya. Mabuti nga at hindi ka kinasuhan no'n."

Itinaas niya ang mga kamay bilang pagsuko. Inabutan siya ng ina ng apron. Dinig na dinig niya ang pagtawa ng kanyang papa sa sala kaya nilingon niya ito. Kunwari pang natatawa ito sa pinapanood e' alam na alam niya na siya ang inaasar nito. Ang lakas talaga mang-asar pero tiklop pagdating sa Mrs. Alcantara nito.

"Ako na nga ang maglagay ng apron sa'yo. Kita mo na nga kung anong oras na tapos nag-aaksaya ka pang tumayo lang diyan."

Hindi na siya nagreklamo nang isinuot na nito sa kaniya ang apron. Bahagya pa itong ngumiti matapos sipatin ang ayos niya.

"Kahit ano talagang isuot sa iyo, babagay talaga." Pinisil pa nito ang pisngi niya pero natawa na lang siya. Sanay na siya sa gesture ng ina. Siya lang kasi ang nag-iisang anak nito mula no'ng nagkaproblema sa matres nito at nagresulta sa hindi na nito pwedeng magkaanak ulit. Kaya hanggang ngayon, baby pa rin daw siya nito. Kahit maging balbas-sarado pa siya, wala pa rin daw magbabago sa trato nito sa kanya. He will still be her little boy.

May kinuha ang mama niya sa may cabinet at nang bumalik ay may dala na itong peanut butter chips saka inabot sa kanya. Nagtaka siya kung ano ang gagawin niya do'n pero naunahan na siya ng ina bago pa siya makapagtanong dito.

"Ilagay mo 'yan sa ibabaw ng cookies saka pagkatapos, kita mo ba 'yang chopped nuts na inihanda ko? I-mix mo rin 'yan.  Gawin mo na. May tatawagan na muna ako sandali."

Hindi naman bago sa kanya ang maglagay ng ganito pero bakit tila kinakabahan siya na baka hindi maging maayos ang pagkakalagay niya? Nasundan niya ng tingin ang ina. May tinawagan nga ito sa phone. Hindi niya masyadong marinig ang sinasabi nito pero ilang beses niya itong nakita na tumango-tango saka may isinusulat sa sticky note bago ibinaba ang phone. Nalingunan siya nito. Akala niya ay iirapan siya ng ina pero malaki ang pagkakangiti nito habang papunta pabalik sa kanyang pwesto. Ano man ang naging pag-uusap ng mama niya at ng kausap nito sa phone, paniguradong magandang balita 'yon kung pagbabasehan ang lawak ng pagkakangiti ng kanyang ina.

"Sino po ba 'yon, Ma?" tanong niya habang pinagkakaabalahang lagyan ng peanut butterchips at chopped nuts ang ibabaw ng brownies.

"Here."

Tiningnan niya ang inilapag na sticky note na sinulatan nito. Napamaang siya nang makita at mabasa ang nakalagay doon. Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang ina na ngayon ay abala na sa paglalagay ng frosting.

"Ma, naman e'. Hindi mo naman kailangang gaw—"

"Tama ka d'yan, Finn. Mama mo ako kaya kinakailangan kong gawin ito." Pinagdiinan nito ang pagbanggit ng salitang kong. Nagpakawala na lamang siya ng malalim na buntong-hininga bilang pagsuko. "Puntahan mo ang address na 'yan at humingi ka ng tawad. Magbihis ka na roon dahil patapos na rin ako dito."

"Oo nga naman, Anak. Magbihis ka na roon para mapuntahan mo na 'yong babae at nang makahingi ka na ng tawad." Seryoso ang tono ng boses ng ama pero nang tingnan niya ang gawi nito, hindi pa rin maampat ang malaki nitong ngisi. Alaskador talaga kahit kailan.

"Sige po, Ma. Bibilisan ko na rin kasi may iba akong lalakarin ngayon."

Nagmamadaling tinungo niya ang kwarto. Nang makapasok ay basta na lamang hinubad ang damit at saka naghablot ng panibagong masusuot mula sa wardrobe. Kadalasan, 'pag nagmamadali siya ay damit pambahay lang talaga ang dinidiretso ng kanyang kamay pero sa pagkakataong ito ay tila nagdesisyong mag-isa ang kamay niya. Hinablot nito ang plain shirt na gray ang kulay. Tiningnan niya ang sariling repleksyon sa salamin. Dinaanan pa niya ng kamay ang buhok bago nagdesisyong kunin ang perfume para magpabango. Huli na nang ma-realize niya na para siyang teenager na aakyat ng ligaw. Ginulo niya ang buhok saka lumabas na sa kwarto. Naabutan niya ang ina na inilalagay na sa loob ng trasparent tupperware na may foil ang brownies. Pagkatakip ay tinalian ito ng ginang ng red na ribbon bilang dekorasyon. 

"Tapos ka na ba? Heto oh. Ibigay mo 'yan sa kaniya ha? Siguraduhin mong matatanggap niya iyan at pati na rin ang paghingi mo ng tawad." 

Hindi na niya sinalungat ang ina kahit pa against siya sa gusto nitong mangyari. Kinuha na lang niya ang tupperware ng brownies na inabot nito saka niya ito hinalikan sa pisngi. Tinapik nito ang kanyang balikat bago siya dumistansya rito.

"Aalis na po ako. Ma. Pa..." Nilingon niya ang ang ama na ngayon ay seryoso na sa pinapanood na palabas sa telebisyon. Lumingon ito nang marinig ang kanyang pagtawag. "Alis na po ako."

"Sige mag-iingat ka sa daan."

Pagkalabas na pagkalabas niya sa pinto ay inilabas niya mula sa bulsa ng pantalon ang papel na isinilid kanina. Ngayon lang niya napansin na may nakasulat din palang pangalan doon kalakip ng address na nakasulat sa itaas. Siguro ay hindi niya agad iyon namataan kanina kasi ang pagkakasulat ng pangalan ay halos marka nalang ng bolpen na hindi klaro ang tinta.

"So Angielyn pala ang pangalan ng bungangerang babaeng 'yon." Hindi niya napigilang matawa dahil sa naisip. Hindi lang kasi siya makapaniwala na sa pagiging palengkera ng bibig ng babaeng iyon ay taliwas ang dating ng pangalan nito. Kung pagbabasehan kasi ang pangalan nito, para itong isang mahinhin na dilag na hindi halos makabasag pinggan. Pero kung ugali ang pag-uusapan, naku! Paniguradong mag-uunahan ang mga pinggan na mabasag ng kusa at bukal sa kanilang loob.

Natigil siya sa aktong pagbukas ng kotse nang tumunog ang cellphone niya. Si Emerson Aeschylus ang nasa kabilang linya. Sandali siyang nag-alangan kung sasagutin ba ang tawag o hindi pero sa huli, binuksan niya ang kotse saka lumulan. Inilagay na muna niya ang tupperware na bitbit sa katabing upuan bago tinahak ng kanyang kamay ang glove compartment kung saan nakalagay ang bluetooth earphone saka inilapat iyon sa tainga nang maikonekta na niya ang tawag. He decided to take his seat at the front of the steering wheel.

Binuhay na niya ang makina ng sasakyan saka iniliko ang kotse para tahakin ang daan patungo sa address ng babae.

"Nasaan ka na ba ngayon? Akala ko ba gusto mong malaman kung sino iyong babaeng nakasama mo sa hotel at s'yang kumuha ng USB? May lead na kami."

Natapakan n'ya ng wala sa oras ang break ng sasakyan sa pagkagulat ng mga tutuli niya sa tainga. Buti na lang talaga at wala pa siya sa main road. Kung nagkataon ay baka nayupi na ng kasunod na sasakyang nasa likuran ang kotse niya. Madalian niyang tinanggal ang suot na earphone pagka-park niya sa gilid.

"Bwesit ka talaga kahit kailan. Bibingihin mo ba ako? Ang aga mo naman yatang nagsisisigaw!"

Malutong na tawa lang ang isinagot ng nasa kabilang linya. Gustuhin man niya na mainis pero wala din namang kwenta dahil mas lalo lang siya nitong aasarin. Ewan ba n'ya at sa dami ng taong pwede ibigay ng nasa Taas ay ito pang ugok na 'to ang napadpad sa kanya.

Bahagyang kumunot ang kanyang noo nang makita sa screen na nakipag-video call pa ang bruho sa kanya. Ngali-ngaling iignorahin niya sana ang tawag pero sa huli ay sinagot niya rin ang video call request nito. Bumungad sa kanya ang malawak nitong ngisi. Halatang bago lang ito nagising dahil sabog pa ang buhok nito.

"Sabi na nga ba't nagpang-abot na naman ang kilay mo eh. Ang aga mong na badtrip, darling a'." 

Umalpas ang tawa sa labi niya dahil sa nakikitang itsura ng kaibigan. Mukha kasi itong nakakain ng tira ng daga. Paulit-ulit nitong ibinubuka-sara ang mata para magpa-cute kahit hindi naman bagay dito. Dagdagan pa na nag boses-babae ito sa pagsasalita.

"Ewan ko sa'yo."

Nagdesisyon siya na ilagay na muna sa stand ang cellphone at muli nang nag-earphone para buhayin na ulit ang makina ng sasakyan.  Kinakabig na niya ang manibela papunta sa main road para tunguhin na ang address na pupuntahan nang mapansin niya na masyadong tahimik ang kaibigan. Akala niya ay pinatay na nito ang video call pero nang sulyapan niya ang gawi ng cellphone ay nakita niyang prente itong nakaupo ngayon sa terrace nito at nagkakape pero ang mas kumuha sa interes niya ay ang mapanukso nitong ngiti. Sinundan niya ang direksyong tinitingnan nito. Tumikhim siya nang ma-realize kung ano ang umagaw ng atensyon ng kaibigan.

"Mukha yatang may maswerte nang babae na pag-aalayan ni Mr. Attorney ng specially baked brownies ni Tita ah. Sino kaya si Ms. Lucky girl na 'yan?" 

"Alam ba ng girlfriend mo na ganyan ka ka-childish?" Sinubukan niyang tumawa para pagtakpan ang tila biglaang pag-init ng pisngi niya dahil sa sinabi ng kaibigan. Awtomatiko kasing naglaro ang imahe ng babaeng bungangerang iyon sa kanyang balintataw nang asarin siya ni Emerson.

Nabungaran niyang tila nag-iisip pa ang kanyang kausap bago nito ibinuka ang bibig para magsalita. "Girlfriend? Sino sa kanilang lima ang tinutukoy mo?"

Napailing siya sa kakulitan ng kaibigan. Magsasalita na sana siya para barahin ito pero naiwan sa ere ang mga salitang nais niyang sabihan at tila nawala rin ang mga 'yon. Naisabay ng hangin sa paglipad. Nakita niya kasi mula sa di kalayuan ang babaeng sadya. Likod pa lang nito ay kilala na niya kung sino ang may-ari. Ewan pero tila nakabisado na niya agad ang postura nito kahit isang beses pa lang naman sila nagkaharap ng personal.

Itinabi niya ang sasakyan sa may gilid. He's unaware that fondness is written all over his face while watching the woman loading bouquets of different types of flowers in the back of the car. May delivery yata ang babae ngayong araw.

"Oh mag-ingat ka!" Awtomatikong nailahad niya ang magkabilang kamay sa posisyong sasaluhin niya ang babae nang makitang medyo natikluhod ito. Mabuti na lang at naka-balance ito bago pa man nito na meet and greet ang sahig. He heaved a sigh of relief. Hindi naman siya galing sa pagtakbo pero todo ang biglaang pagrigudon ng puso niya dahil sa kamuntikang pagkatumba ng tinatanaw na babae.

Madalian siyang yumuko nang magpalinga-linga sa paligid ang babae. Medyo natawa siya dahil parang alam na niya ang iniisip nito. Nakumpirma niya ang hinala nang tingalain na niya ang gawi nito at nakitang nakapaskil ang ngiti sa manipis nitong labi. 

Kung alam lang siguro nito na may nakakita sa kamuntikan na nitong pagkatumba sa sahig at sa kamalas-malasan ay siya pa na ang lalaking nag-akusa rito na nagnakaw sa USB, paniguradong nakayuko na siguro ito sa pagkapahiya sa mga oras na 'to.

"Hoy! Hinay-hinay sa pagngiti. Baka mapunit na 'yang labi mo." Napahawak si Finn sa dibdib dahil sa pagkagulat sa biglaang pagsasalita ng sinumang Poncio Pilato sa earphone na kanyang suot. Kung nandito lang siguro ang damuhong Emerson ngayon sa tabi niya ay baka nakutusan na niya ito. Gulatin ba naman siya eh nagtatago nga siya para di siya makita ng babaeng sadya niya rito. Inulan siya nito ng tawa. Sa inis ay walang babalang pinatayan niya ito ng tawag.

Nga pala! Bakit nga pala ako magtatago eh siya nga ang sinadya ko dito? 

Natampal niya ang noo habang binabalingan ng sulyap ang tupperware ng brownies na ginawa ng ina.

"Bahala na!" nai-usal niya sa sarili bago inabot ang dalang regalo saka umibis sa kotse. Inayos pa niya ng kaunti ang buhok bago marahang tinungo ang pwesto ni Angielyn.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Emerson Aeschylus
Hehehehe...
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status