Share

Unang Kabanata

"Nababaliw ka na," nasabi na lamang ni Catalina sa kaibigan nang makita niya ang singsing na hawak-hawak nito at ipinagmamalaki pa.

"Magkano naman iyan?"

Nagsalubong ang mga kilay ni Ruanne at napaatras ang ulo sa sunod na sinabi ni Catalina.

"Bakit mo naman natanong? May reregaluhan ka ba? O pakakasalan?" tanong ni Ruanne.

Napairap naman ang kaibigan at hinablot ang kahon ng singsing mula rito.

"Hoy!"

Sinubukang bawiin ni Ruanne ang singsing ngunit inilayo ni Catalina ang mga bisig niya kaya hindi niya maabot. Hindi naman niya mahabol ito dahil nakakahiya sa dami ng tao sa paligid.

"Tinatanong ko kasi baka sobrang mahal nito tapos nasayang lang. Ikaw naman kasi. Bakit mo naman naisipang mag-propose? ," sabi ng kaibigan habang kinikilatis ang singsing.

Simple lang naman ang singsing na binili niya. Wala namang kahit anong bato na nakalagay roon. Masyado kasing feminine ang style ng mga ganoon. Makapal lamang ang singsing na gawa sa ginto. May nakaukit lamang na infinity sign dito at iyon na iyon.

"Duh! Alam mo naman ang history ng nobyo mo. Babaero iyon! Alam mo, gusto kitang suportahan sa lahat ng mga gawain mo pero, hindi sa pagkakataong ito. Alam mo, kung maghimala man ang Maykapal at pumayag siyang pakasalan ka, aattend ako sa kasal mo. Pero ano? Oh di ba, tama ang hinala ko. Hindi na magbabago iyon!" komento ni Catalina.

Binawi na ni Ruanne ang singsing mula sa kamay ng kaibigan. Isinara niya ito at itinago sa loob ng bag niya.

Nasa loob sila ngayon ng isang kainan. Nag-order lamang sila ng pansit at lumpiang gulay. Nabanggit niya na sa kanya ang nangyari. At wala itong ibang sinabi kundi tama siya at dapat nakinig si Ruanne sa kanya. Nasa harap na nga raw niya ang mga red flags, hindi pa niya nakita.

"Ano bang walking red flag ang pinagsasasabi mo riyan?" tanong ni Ruanne.

Dahan-dahan namang ipinaikot-ikot ni Catalina ang pansit sa kanyang tinidor. Bulag na nga talaga ang kaibigan niya.

"You know what, let me point things out for you." Umayos nang upo si Catalina na para bang isang estudyanteng nakikinig sa klase. "Ni hindi nga siya humahanap ng paraan para makausap ka. Kung tutuusin, sa kabilang kalye lang naman ng bahay niyo nagtatrabaho iyon, hindi ka pa rin mabisita! At ikaw na lang lagi ang unang tumatawag sa kanya. Hindi ba red flags iyon sa isang man? "

Pinahaba pa niya ang salitang 'man'.

Napahinga naman nang malalim si Ruanne at uminom ng tubig.

" That's not true. He visits me! "

" Kaya hindi ka naghinala. Eh bumibisita lang naman iyon sa iyo kapag sinabi mo. Hindi siya nagkukusa. "

" Mahal niya ako. "

" Oh eh ano yung nakita mo? "

Hindi na sumagot pa si Ruanne at sinubo na ang natitirang pansit sa plato niya. Ganoon din si Catalina. Hindi naman maganda kung mag-aaway pa sila sa harap ng pagkain.

Nang matapos kumain, naghiwalay na muna ng landas si Catalina at Ruanne. Agad naghanap si Ruanne ng kalesang masasakyan pabalik sa Fabs, ang mumunti niyang fashion house at botique sa Kalye Coron. Nang makarating ay nagmamadali niyang binuksan ang pinto. Walang tao ngayon dahil day-off ng mga tauhan niya. Sakto dahil nais niyang walang makaistorbo sa kanya.

Hindi siya makapaniwalang gagawin niya ito ngunit gusto niyang magpakalasing muna sa isang bar. Malapit na ring sumapit ang ikaanim ng gabi kung kaya't magbubukas na ang mga club at bar sa lugar. Sinabihan siya ni Catalina na hindi magandang ideya dahil baka umuwi pa siyang buntis at maghanap na lang daw ng ibang paglilibangan ngunit hindi siya papapigil.

Hindi niya nais na magmukhang bruha sa pagpunta sa bar.

Dumiretso siya sa ikalawang palapag ng gusali at agad na nagbihis.

Kinalkal ni Ruanne ang lahat ng mga damit niyang hindi pa niya ibinebenta. Karamihan sa mga iyon ay maiiksing bistida dahil nga tag-araw na rin. Paulit-ulit niyang pinag-uusod ang mga hanger sa mga rack hanggang sa matagpuan niya ang nais na damit.

Tumingin si Ruanne sa salamin habang hawak-hawak sa tapat ng katawan niya ang bistidang itim. Napangiti na lamang siya. Na-iimagine niya na ang magiging itsura niya sa bistidang iyon.

Nagmamadaling nagbihis si Ruanne. Ang itim na bistidang walang disenyo ngunit elegante ay pinaresan niya ng itim na heels. Naglagay siya ng polbo sa kanyang mukha at nilagyan ng kulay rosas na tinta ang kanyang labi.

Nang matapos ay agad na bumaba ang dalaga at nagmamadaling lumabas ng establishimento. Ngunit, napatigil na lamang siya nang biglang magdilim ang daraanan nang dahil sa isang malaking bagay. Napatingin siya sa truck na unti-unting umaatras sa katapat niyang tindahan--- ang The Shoemaker.

Labis na nangunot ang noo ni Ruanne at tila ba nawala sa isip niya ang plano para sa nobyo. Mas pinili pa niyang makiusyoso sa kung ano ang nangyayari.

"Okay na ba ito, boss? Dito na lang namin ibababa ang mga gamit," sabi ng isang kargador na may hawak na limpak ng materyales.

Kahit nakabalot ng plastic ay nasasabi ni Ruanne na mga materyales iyon sa paggawa ng sapatos. At napakarami niyon para magkasya sa maliit na tindahan sa tapat niya. Ano naman kayang binabalak ng may-ari ng katapat niya?

"Diyan na lang ho manong, maraming salamat. Matutuwa si Mr. Ciprus nito."

Nabaling ang pokus ni Ruanne sa lalaking nagsalita. Nakatayo ito sa tapat ng truck sa likod, kausap ang kargador. Nakakurba ang kanyang labi na halata mong hindi peke ang galak na kanyang ipinapakita. Hawak-hawak nito ang sombrero sa tapat na kanyang dibdib na animo'y nagbibigay-galang. Napakapino ng kanyang mga galaw. Nagniningning ang kanyang mga mata at sa kabila ng init at pawis, hindi mo ito kakikitaan ng pagod.

"Sino ho ba talaga ang Ciprus na iyon? Naku maging ang anak ko ay gustong-gustong malaman kung sino iyon!" komento ng kargador.

Natawa naman ang binata.

"Hindi ko rin ho alam. Pasensya na at wala kaming maiaalok sa inyo dahil hamak na mga trabahador lang din kami. Mabuti ho sigurong mauna na kayo para makapagpahinga. Ako na ho ang bahala rito," komento ng lalaki.

Hindi alam ni Ruanne kung bakit ngunit napako na lamang ang tingin niya sa lalaki. Tila ba nakakita siya ng isang obra; isang makinang na diyamante sa gitna ng mga nagkikiskisang mga bato. Totoo naman iyon dahil hindi araw-araw ay nakakakita ka nang ganoong ka-maginoo at ka-galang na lalaki.

Ang lalaki ay magara ang suot. Para itong magtatrabaho sa opisina kung manamit. Bilugan ang mga tsokolateng mata at matangos ang ilong. May lumalabas na dimples sa kanyang pisngi sa tuwing ngumingiti siya

May maliliit na tumutubong balbas at bigote sa mukha niya na siyang nagpalakas ng kanyang dating bilang isang lalaki.

Hindi namalayan ni Ruanne na napatagal na ang pagtitig niya sa lalaki. Bigla na lamang siyang napaatras at nabalik si ulirat nang bumusina ang isang humaharurot na kotse sa tapat niya. Hindi naman siya nakagitna sa kalsada ngunit nagmamadali ang kotse kung kaya't halos mahagip na siya nito.

"Huwag kang gumitna! Gusto mo yatang mamatay eh!" sigaw ng nasa kotse.

Hindi makapaniwalang napanganga si Ruanne at binato ng bato ang kotse. Maliit lamang ang batong naibato niya ngunit kung malaki iyon, tiyak na titigil ang bastardong nagmamaneho niyon para harapin siya at hindi niya iyon aatrasan.

" Walang modo," bulong ni Ruanne sa sarili.

Sa wakas ay bumalik na sa kanyang sarili ang dalaga. Huminga ito nang malalim na may malalayong agwat upang ibalik sa normal ang bilis ng tibok ng kanyang puso. Ipinikit pa niya ang kanyang mga mata upang mapabilis iyon. Pagmulat ng kanyang mga mata ay pares rin ng mga mata ang sumalubong sa kanya. Natameme na lamang siya at hindi nakapagsalita, hindi sigurado sa kung ano ang gagawin.

Hindi nagdalawang-isip ang lalaki at kumurba ang labi nito sa isang marahang ngiti, sapat lamang upang hindi maging masama ang tingin sa kanya ng isang estrangherong nakasalubong lamang niya. Ngunit ang simpleng galaw na iyon ay nagpamula sa mga pisngi ni Ruanne. Agad itong napahawak sa pisngi at naglakad papaalis. Hindi niya alam kung bakit, ngunit ang simpleng galaw na iyon ay tila ba nagpapakaba sa kanyang dibdib.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status