Share

The Shoemaker
The Shoemaker
Author: Achyxia

Prologo

"Fajardo, ipapaalala ko lang sa iyo, ha. Gusto kong akin ka lang. Kailan mo ba hihiwalayan ang bruhang si Ruanne? Matagal na akong naghihintay!"

"Alam mo namang hindi pa pwede, di ba? Basta hangga't hindi kami kasal, wala kang dapat ipag-alala. At hindi mangyayari iyon, Jacoma."

Ang palitan ng mga salitang iyon ay tila mga patalim na tumarak sa puso ni Ruanne at nagpasakit ng dibdib nito. Huli na nga siyang nakarating sa pinagtatrabahuhan ng nobyo kung kaya't hindi siya umasang maaabutan pa niya ito. Ngunit, pinagpala yata siya ng langit at naabutan niya pa ito sa mismong tapat ng gusali nila. Ngunit kasama niya si Jacoma, ang mortal niyang kaaway na dati ay kaibigan niya.

Hindi maipaliwanag ni Ruanne ang nadarama. Halu-halong kaba, gulat, kalungkutan, at galit. Sobrang gulo ng kanyang puso't isipan na hindi niya malaman kung ano ang uunahin. Nanigas na lamang siya sa kanyang kinatatayuan.

"Babe, alam mo namang wala akong balak pakasalan si Ru-RUANNE!"

Para bang nakakita ng multo so Fajardo nang makita ang pigura ng kanyang nobya na nakatayo at pinagmamasdan lamang ang kataksilang ginagawa niya. Naitulak pa niya ang kalandiang si Jacoma na halatang nagulat din sa pagtulak nito at sa pagpapakita ni Ruanne. Ngunit kalaunan ay napalitan din ng ngisi ang iritadong hilatsa ng mukha nito. Alam niyang naisahan niya si Ruanne. Alam niyang nasaktan niya ito.

"Oh Ruanne! Nandito ka pala! Hindi mo naman sinabing darating ka. Eh di sana hindi ako pumunta rito. Oh, well. Okay na rin siguro ito. Nang matapos na ang lahat," nakangising sabi ni Jacoma.

Nangngingitngit sa galit ang mga ngipin ni Ruanne. Ngunit ayaw niyang magmukhang kaawa-awa. Huminga siya nang malalim at tumayo nang tuwid. Inilagay niya ang kanyang mga braso sa likod na hawak ang kanyang bag na naglalaman sana ng singsing para sa nobyo. Siya na nga ang unang humakbang at bumili ng singsing para hingin ang kamay ng nobyo. Tapos malalaman niya lang na kinakalantara nito ang kaaway niya. Alam naman ni Fajardo na ginamit lang siya noon ni Jacoma at magkaaway sila nito. Hindi siya makapaniwala.

"Fajardo, bakit hindi mo sabihin sa kanya na---"

"Pwede bang tumigil ka muna, Jacoma?"

Ikinagulat ni Jacoma ang naging tugon ni Fajardo ngunit hinayaan niya lamang ito. Ibinalik ni Fajardo ang tingin kay Ruanne, naghahanap ng mga salitang makakapagpagaan ng loob niya. Pero ika nga nila, action speaks louder than words. Wala nang makakapagpagaan pa ng loob ni Ruanne.

"Mahal, si Jacoma ay---"

"Mukhang pinagpapala nga ako ng Diyos," ani Ruanne. "Hinayaan niyang makita ko ang kataksilang ginagawa mo. Mabuti na rin."

Wala siyang balak banggitin na kaya siya nandoon ay nais niyang hingin ang kamay ng nobyo. Hinding-hindi. Hinding-hindi niya hahayaan na mapahiya ang sarili.

"Ruanne, hindi ganoon iyon. Kaibigan ko lang si Jacoma. Wala siyang halaga sa akin!"

Nangunot na lamang ang noo ni Ruanne sa sinabi nito. Kalaunan ay napangiti siya. Nakakatawa ang nobyo niya.

"Sinasabi mo lang iyan dahil nahuli ko kayo. Pero hindi mo na ako mauuto. Hiwalay na tayo," may diin niyang sabi.

Eleganteng tumalikod si Ruanne at naglakad nang mahinahon. Binalak siyang habulin ni Fajardo ngunit pinigilan siya ni Jacoma. Nag-away ang dalawang taksil at hindi na tumingin pa si Ruanne pabalik.

Hindi alam ni Ruanne kung ilang kilometro na ba ang nalakad niya. Anong oras na rin. Gabing-gabi na. Bihira na ang mga taxi na dumadaan. Nagpapahinga na rin siguro ang mga kabayo kaya't wala ng mga kalesa. Ang magagawa niya na lamang ay maglakad.

Tumigil siya sa paglalakad at dahan-dahang umupo sa isang malaking parisukat na paso, kung saan nakatayo ang isang puno ng bayabas. Kagat-labi niyang tinanggal ang itim na pumps na suot at kinapa ang balat. Nagpaltos na nga ang kanyang paa sa sobrang sikip ng sapatos. Naiyak na lamang si Ruanne sa kanyang sitwasyon.

Nangaliwa ang nobyo niya. Ngayon naman, nag-iisa siya na mukhang kaawa-awa. Ang tigas ng itsurang pinakita niya ngunit kabaligtaran ang nararamdaman niya. Buti na lamang at walang taong nakakakita sa kalagayan niya.

Pinahid ni Ruanne ang mga luha at ipinasok muli ang paa sa kanyang sapatos. Ngunit, bago pa man iyon mangyari ay nagulat na lamang siya nang biglang may lalaking lumuhod sa harapan niya at hinubad ito.

Marahang hinawakan ng lalaki ang kanyang paa at pinagmasdan. Sobra ang kabang naramdaman ni Ruanne. Medyo natakot siya ngunit nangingibabaw pa rin ang lungkot sa kanyang puso. Hindi man lang siya pumalag nang bayolente.

"Ahh, sandali lang---"

Marahang sinilid ng lalaki sa kanyang mga paa ang isang pares ng tsinelas na slip-ons. Napakalambot ng tsinelas at makapal din. Hindi kataasan kung kaya't tama lang sa kanya. Hindi nga lang niya makita ang disenyo nito dahil sobrang dilim at napakalabo ng streetlight sa kanyang pwesto.

Tumayo na ang lalaki habang si Ruanne ay natulala lamang sa lupa. Hindi niya namalayan na nakaalis na ang lalaki. Hindi man niya nakita ang itsura nito, gumaan naman kahit papaano ang kanyang loob.

Tumingin siya sa direksyon na dinaanan niti at nanghinayang. Wala na siyang makita.

"Sana makita ko ulit siya. Nang makapagpasalamat man lang."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status