Share

Chapter 2.1

PAGKAPASOK NA PAGKAPASOK pa lang ni Bethany sa kanilang pintuan ay natanaw na niya agad ang kanyang Tita. Nang mahagip ng mga mata nito ang pagdating niya ay mabilis itong napatayo sa sofa. Kapansin-pansin ang pamumula ng mata. Halatang galing lang sa bago at matinding pag-iyak. Lumibot sa paligid ang mga mata ni Bethany na mayroong hinahanap.

“Anong nangyari po ba, Tita? Saka nasaan po ngayon si Papa?”

Tita ang tawag niya sa babae dahil ito ang pangalawang asawa ng ama. Hindi naman sa ayaw niya dito kung kaya di matawag na Mama, nasanay kasi siya sa salitang ito.

“Napakawalang-hiya talaga niyang ex-boyfriend mo, Bethany!” bungad ng Ginang na hindi sinagot ang tanong niya, “Napakaitim ng budhi!”

Napanganga si Bethany. Hindi niya ma-gets kung bakit ipinasok iyon sa usapan nila ng madrasta. Kung tutuusin ay ang layo nito sa tanong niya.

“Noong mga panahong nasa laylayan sila ng pamilya niya, pinili mo ang manatili sa tabi niya. Tapos ngayon na nakabangon na sila at nakaangat na, hindi ka lang niya basta itinapong parang basura, gusto pa niyang ipakulong ang ama mo! Napakawalang utang na loob niya!”

Nawindang na sa nalaman si Bethany. Hindi niya iyon ma-proseso. Ligaw na ligaw na s’ya.

“Anong ibig mong sabihin, Tita?” usal niyang parang tatakasan ng ulirat, baha na ang tanong.

“Bakit hindi mo tanungin iyang h*******k at magaling mong ex-boyfriend na hindi pa rin tumitigil? Nasa detention center lang naman ngayon ang ama mo nang dahil sa kanya!”

Parang naputulan na ng dila si Bethany, kilala niya si Albert na bagama't nagkasira sila ay may mabuti pa rin naman itong kalooban.

“Tita—”

“Matagal na kitang sinabihan na hindi siya ang tamang lalake na para sa’yo, anong ginawa mo? Pinairal mo ang katigasan ng ulo mo! Hindi ka nakinig sa amin ng Papa mo!”

“Tita, huwag po kayong mag-alala. Susubukan kong kausapin si Albert. Kilala ko po siya. Baka maaari naman po siyang pakiusapan.” nangangatal na doon ang boses ni Bethany.

Kung tutuusin ay hindi naman sadyang kasalanan iyon ng ama. Subalit dahil bahagi ito ng pamilya niya, parang naging responsibilidad na niya ang gumawa pa ng paraan. Pilit niyang kinukumbinsi na hindi siya bibiguin ni Albert nang dahil sa pinagsamahan nila sa nakaraan. Iyong tipong kahit na hindi sila ang magkakatuluyan, tatanaw ang lalake ng utang na loob kahit paano. Humakbang si Bethany palayo mula sa kinaroroonan ng madrasta. Inilabas ang cellphone at nag-dial na ng numero ni Albert.

“Albert, alam kong wala na tayo pero sana naman ay huwag mo ng idamay pa ang Papa ko. Maawa ka naman sa kanya. Matanda na siya.” mababa ang tonong pakiusap ni Bethany, dinig na dinig niya ang hingal sa boses niya. “Nakikiusap—”

“Bethany, alam mong hindi pwede ang gusto mo! Ang laki ng nawala, kailangan na may managot!”

Ganunpaman ang sagot nito ay gusto pa rin niyang magmakaawa. Nagbabakasakali pa.

“Pero mayroon namang paraan para makuha mo ang gusto mo, Bethany. Iyon nga lang ay kung willing kang gawin ang lahat ng gusto ko. Limang taon lang naman, limang taon kang magiging alipin ko. Ibig sabihin ay ako lang ang may karapatan sa’yo, lalo na sa katawan mo. Kung pumapayag ka, agad-agad ay papakawalan ko ang ama mo at hindi ko na siya idadawit pa sa anumang gulong kinasasangkutan.”

Napapalatak na doon si Bethany. Hindi siya bingi o may sira ang tainga niya para hindi malinaw na marinig ang gustong hingin nitong kapalit. Nahihibang na ba ang lalake? Kahit mahal niya pa ito, nungkang papayag siya sa mga gustong mangyari. Hindi pwede!

“Naririnig mo ba ang sinabi mo? Anong gusto mong mangyari? Limang taon akong magiging alila mo at hindi lang ‘yun, pati ang…” 

Hindi magawa pang banggitin ni Bethany ang mga sasabihin dahil tumataas na sa ulo niya ang galit at hinanakit na kinikimkim para sa dating kasintahan.

“Nasa mga kamay mo ang desisyon at magiging kapalaran ng ama mo, Bethany. Ikaw na lang ang pumili.”

“Gago ka pala eh! Gusto mo akong maging kabit? Eh kung binabali ko ang leeg mo sa lima? Nakita mo ang hinahanap mo sa akin!” hinihingal na sigaw ni Bethany na tila ba kapag ginawa niya ‘yun, maiibsan ang sama ng loob na nararamdaman n’ya. “Hindi ako papayag, Albert! Hindi ako papayag na maging kabit mo, magpa-angkin ng katawan kung kailan mo gusto. Narinig mo?”

Nakakabuwisit sa pandinig ni Bethany ang naging halakhak ng lalake sa kabilang linya na tuwang-tuwa sa reaksyon niya. 

“Okay, madali naman akong kausap. Maghanda ka na ng lawyer para sa ama mo dahil hindi ko iaatras ang kasong nakasampa sa kanya. Huwag na huwag mo akong masisisi na hindi kita binigyan ng choice. Binigyan kita ng pagkakataong mamili dahil sa pinagsamahan natin, pero iba ang gusto mo. Sa pagkakaalam ko pa naman, kapag bumaba na ang hatol ay maaaring makulong ang Papa mo ng mga isang dekada. Limang taon lang ang hiningi ko sa’yo kapalit ng sampung taong pagdurusa ng Papa mo sa kulungan, choosy ka pa. E di pagdusahan ng Papa mo ‘yun.”

Bumakat na ang matinding galit sa mukha ni Bethany. Grabe na talaga ang pagbabago ng ugali ng lalakeng minsan pang sobrang minahal niya.

“Oo, hintayin mo! Kukunin ko ang pinakamagaling na lawyer sa bansa upang ilampaso ang kasong inihahain mo sa Papa ko, Albert!”

Akmang ibababa na niya ang tawag nang mapigilan niya ito nang banggitin ni Albert ang pamilyar na pangalan na hindi naman sumilid ni minsan sa magulo niyang isipan.

“Ibig mo bang sabihin ay gusto mong kunin si Attorney Gavin Dankworth?”

Lumakas pa ang halakhak nito sa kabilang linya, mas nakakainsulto.

“Nakalimutan mo yatang magiging bayaw ko na siya? Sa tingin mo ba ay tutulungan ka noon? Isang sabi ko lang sa kanya, paniguradong ako ang kakampihan niya at hindi ikaw!”

Nanlamig na ang buong katawan ni Bethany. Sa sinabi nito ay parang wala na siyang takas at lusot pa rito.

“Bakit natahimik ka, Bethany? Pinag-iisipan mo na ba ang offer ko? Huwag kang mag-alala, nakahanda naman akong maghintay sa’yo na lumuhod at magmakaawa sa akin.”

Nahigit na ni Bethany ang hininga. Ngayon pa lang ay nauubusan na siya ng pag-asa. Ngunit agad na nabuhayan ng maisip na hindi lang naman ang lalakeng iyon ang magaling na lawyer, marami din sila.

“Hindi ka magtatagumpay, Albert. Lalabanan kita ng patas!”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status