Share

CHAPTER 1

Sa bawat araw na dumadaan ay hindi na talaga ako mapakali. Hindi ko na alam kung ano ang pumasok sa isip ko at tinanggap ko ang alok sa akin ng babaeng ‘yon. Pero isa lang ang alam kong dahilan: dahil kapos sa pera ay wala na akong nagawa kung ‘di ang tanggapin iyon.

“All you have to do is seduce him until the day before his wedding. At habang ginagawa mo ‘yon ay pasimple ka nang kumuha ng pera niya. I know you can do that. You’re not that dumb, right?” nakangiti sa akin ang babae habang pinapaliwanag ‘yon.

‘Makakaya ko ba ‘yon?’ tanong ko sa aking sarili.

Tumango ako at nag-iwas ng tingin. “Gagawin ko po ang makakaya ko para magawa iyon lahat.” Pangako ko sa babae.

“Dapat lang. Dahil kapag hindi mo nagawa ‘yon, ikaw ang malilintikan sa akin. Tandaan mo ‘yan.” Banta nito sa akin. Tumango muli ako sa kaniya bilang tugon na naiintindihan ko ang sinabi niya.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, tila ineeksamin ang aking pisikal na katangian. “Hindi ka naman mapaghihinalaan na may masamang balak sa kumpanya dahil… maganda at may pinag-aralan din, hindi lang nakatapos. You can even go to everywhere, be it a luxurious party or casual since your feature is nice. You’re half German, right?” anito na tinanguan ko.

Totoo ‘yon, kaya marami ring gustong manligaw sa akin dahil sa hitsura ko, pero ayaw ko ng gano’n. Mas gusto ko ay habol sa akin ang lahat ng katangian ko at tanggap ang sitwasyon ng buhay ko, hindi dahil maganda at may lahing foreigner ako.

Ngayon naman ay tinanggap ako sa trabahong ito dahil sa hitsura ko. Mas maganda raw mag-undercover ang katulad ko. Hindi mapapansin dahil mukhang inosente. Pero makakaya ko ba talaga? Makakaalis ba ako roon nang hindi nahuhuli?

“This job suits her, kasi may experience na rin ‘yan sa pagiging sekretarya sa Munisipyo noon, Berry.” Ani Madame Nina sa gilid. “She’s the only qualified among the girls who applied to do this job.” Dagdag pa niya na parang proud sa sinabi.

Para sa aking ina na nasa hospital at kinakailangan ng matinding medikasyon at gastusin ay gagawin ko ang lahat. Hindi ako p’wedeng makampante rito. Kailangan kong gumawa ng paraan.

“May maipambibili na ako ng mga kailangan mo, ’Nay,” sambit ko habang hawak ang kamay ni Nanay na nakaratay sa hospital bed. Ngayon pa lang siya nakatulog ng ganito katagal kaya ayaw ko na itong istorbohin sa pagtulog. Dahil na rin sa sakit niya kaya halos hindi na siya nakakatulog nang maayos. “Alam kong hindi ka sasang-ayon sa gagawin ko kung gising ka ngayon pero… ’Nay, wala na akong mapagpipilian kung ‘di ang gawin ito at maipagamot kita sa lalong madaling panahon. Alam mo naman na… ikaw na lang at si Venice ang kasama ko sa buhay. Kayo na lang ang sandalan ko, e. Mas mahihirapan kaming dalawa ni Ven kung mawawala ka sa amin. Bata ka pa, marami ka pang gustong gawin kasama namin, ‘di ba? Kaya… sana, tatagan mo ang loob mo. Hintayin mo ‘ko makabalik, ah? Pangako, gagaling ka na dahil ipapagamot kita pagbalik ko.”

Isang linggo pa lang nang malaman namin ang sakit ng nanay namin kaya naman naghanap agad ako ng paraan upang makahanap ng perang maipampapagamot kay Nanay, gusto pa ngang tumulong ni Ven pero dahil ayaw ko na rin siyang pag-alalahanin sa gastusin at sa pag-aaral niya ay ako na ang humanap ng paraan. Kailangan kong malayo ng ilang buwan sa aking pamilya upang pumunta ng Maynila at gawin ang utos sa akin nina Madame Berry.

“Kapalit ng tatlumpung milyon… ang pagkawala ng… dignidad ko. Ito na lang ang makakapagsalba sa atin, ‘Nay. Kailangan kong gawin ito.”

Dalawang araw na lang ay luluwas na ako papunta sa Maynila para gawin ang plano. Ibinigay na sa akin ang lahat ng kakailanganin ko at ang pagluwas na lang ang gagawin ko sa makalawa. Kapag nagigising ang nanay ko ay hindi ko na sinasabi ang tungkol sa trabahong inalok sa akin ni Madame Berry. Madalas itong magising nang biglaan kaya kapag nakakatulog ito ay umuuwi ako para hayaan na itong makapagpahinga.

Hanggang sa pagtulog ay iyon pa rin ang nasa isip ko. At sige pa rin ang tanong sa sarili ko kung kakayanin ko ba ‘yon.

“Hindi ba ‘yan delikado?” tanong ng kaibigan kong si Carley. Nagkita kami kinabukasan nang bumisita siya kay Nanay. Hindi rin kasi kalayuan ang apartment niya sa hospital kung nasaan si Nanay naka-confine.

“Hindi ko rin alam. Pero… bahala na. Kailangan ko lang tapusin ang tatlong buwan at makabalik dito para maipagamot si Nanay. Iyon lang naman ang habol ko.” Ngumiti ako sa kaniya nang pilit.

“Alam mo naman na hindi ka one hundred percent sure na magiging successful ‘yang gagawin mong trabaho pero itutuloy mo pa rin?” anang kaibigan kong si Carley. Nakatitig ako sa kawalan habang pinag-iisipan ang mga dapat kong gawin kapag lumuwas na ako ng Maynila.

Wala naman na akong iba pang pagpipilian para magkaroon ng magandang trabaho na mayroong malaking sahod. Kailangan kong maipagamot si Nanay dahil baka lalong lumala ang sakit niya.

“Pero kailangan kong gawin ‘to dahil sa pagpapagamot ni Nanay. Hindi naman din p’wedeng hayaan ko siyang mawala nang wala akong ginagawa, ‘di ba? Hangga’t kaya ko, Carley, gagawin ko ‘to.” Saad ko habang may maliit na ngiting pilit ko lang ipinapakita sa kaniya.

“Bakit hindi ka na lang magtrabaho rito? Kaysa gawin ‘yan.” Tanong niyang muli sa hindi ko na mabilang na beses simula nang sabihin ko sa kaniya kanina ang gagawin kong trabaho.

I looked at her flatly. “Carley, kapag dito ako magtatrabaho o kahit sa Maynila bilang kasambahay, mananahi, tindera, o ano pa man ay hindi ako kikita ng milyon para maipagamot si Nanay. Ito na lang ang alas ko. At… kilala ko naman si Madame Berry. Naging kasambahay si Nanay sa kanila noon. Kaya alam kong… hindi niya ako lolokohin sa ganitong bagay.” Paliwanag ko na tinaasan lang ng kilay ng aking kaibigan.

“Oo, hindi ka lolokohin kasi kayo ang manloloko sa pagkakataong ito. Ayusin mo lang ‘yang trabaho mo at hindi ka makukulong, Crizzhea!” singhal nito sa akin.

Ngumiti ako at tumango. “Pangako…” dahil gagawin ko ang lahat maging successful lang ang gagawin ko. Ng hindi nahuhuli o mahahalata.

Kinagabihan ay inayos ko na ang mga damit at kakailanganin ko sa isang malaking maleta. Nakatingin sa akin ang aking kapatid na nasa hamba ng aming pintuan. Tinapos ko ang pag-aayos at tiningnan ang kapatid na kanina pa nag-aabang sa akin. Naabutan ko pa itong pinupunasan ang luha at nakaiwas ang tingin mula sa akin na tila ba ayaw nitong ipakita sa akin na nahihirapan din siya sa sitwasyon namin ngayon.

“Babalik din naman ako, Ven. H’wag ka na malungkot. Magtatrabaho lang ako roon tapos… uuwi na rito.” Saad ko upang mapanatag ang kapatid.

“Paano kung… mapahamak ka sa trabaho mo, Ate? Bakit ba ayaw mong sabihin sa akin kung ano ang magiging trabaho mo ro’n?”

Huminga ako nang malalim. “Sige na nga. Sasabihin ko na. Magiging sekretarya lang ako roon. Sa isang malaking kumpanya… sa isang kilalang bilyonaryo. Hindi ako mapapahamak, okay?” may pagsusumamo sa boses ko habang nakatingin sa kapatid na umiiyak pa rin ngayon. “Kailangan ko lang itong gawin para may panggastos tayo sa hospital bills ni Nanay at para na rin maipagamot natin siya.” Tumulo ang luha ko nang hindi ko namamalayan. “Wala na akong choice dahil baka mas lalong lumala si Nanay, Venice. Kailangan niyang maipagamot sa lalong madaling panahon. Hindi ko kayang maghintay ng ilang taon para makaipon kung dito ako magtatrabaho at hindi sa syudad. Alam mong malaki ang sasahurin ko ro’n kaysa rito.”

Mas lalong humagulgol ang aking kapatid kaya agad ko itong nilapitan upang yakapin.

Huminga ako nang malalim. “Tatawag ako sa ‘yo palagi. Alagaan mo si Nanay habang wala ako, ah? Sabi ni Carley ay tutulong siya sa ‘yo sa pagbabantay at pag-asikaso kay Nanay.”

Kinabukasan ay hinatid ako ni Carley at Ven sa terminal ng bus. Umiiyak pa rin si Ven habang may simpatya naman sa mga mata ni Carley habang nakatingin sa akin. Ngumiti ako sa kaniya kahit na ang hirap. Malalayo ako sa kanila, sa lugar kung saan ako lumaki at nagkamalay. Malalayo ako sa lugar kung saan ako malaya at kumportable mamuhay. Pero walang mangyayari sa amin kung hindi ko ito gagawin; kung hindi ko susubukang lumayo upang magkapera.

“Mag-iingat ka ro’n, Ate. H’wag mong pababayaan ang kalusugan mo kapag naroon ka na sa Manila. H’wag ka nang mag-alala sa akin dito dahil kakayanin ko naman siguro ito at tatawagan na lang kita kapag may mga tanong ako.”

“Mag-iingat ka rin dito. Mauna na ako. H’wag mong pababayaan ang sarili mo at si Nanay, ah?” Tumango lamang siya habang pinupunasan ang kaniyang luha.

Matapos kong magpaalam ay agad na akong sumakay sa bus. Malungkot kong pinagmamasdan ang aking kapatid mula sa bintana na pinupunasan ang luha at aking aking kaibigan na sa tingin ko’y umiiyak na rin. Kahit anong pikit at iwas ko ng pag-iisip no’n ay hindi ko maiwasan, pero kailangan kong magpakatatag para sa aking kapatid at inang nakaratay sa ospital ngayon.

Sana lang ay matagumpay ang magiging trabaho ko.

Pagkatungtong ko ng Maynila ay agad akong nanibago. Malakas at malamig ang simoy ng hangin pero hindi gano’n kasarap damhin gaya ng sa probinsya. Iba pa rin kapag hangin ng probinsya ang pag-uusapan, lalo at malayo kami sa bayan.

Nasabi na sa akin noong nakaraan na diretso pasok na ako sa opisina bukas, nakapasa na ako kahit pa nga hindi pa naman ako nakakapunta roon nang personal at hindi pa ako naiinterview.  Siguro ay gano’n talaga kalakas ang kapit ni Madame Berry o si Madame Nina. Sumakay ako ng taxi at nagpahatid sa address ng apartment na tutuluyan ko.

Nang dumating ako roon ay sinalubong ako ng Landlord na naggiya rin sa akin sa aking apartment.

“Dito ang kusina mo,” turo ng Landlord sa akin sa isang maliit na kusina na para lang sa isang taong titira sa apartment na ‘yon. “Ito naman ay ang iyong banyo, ito may washing machine nang libre sa paggamit. Kung may sira ay sabihan mo lamang ako at ipapaayos ko. Ito naman ay ang iyong kuwarto. Single bed lang ‘yan kaya kung magkakaroon ka ng bisita at dito makikitulog ay sa lapag mo na patulugin dahil baka mahulog kayo kung magtatabi kayo sa kama. Ikaw na ang magpapaayos ng kama kapag nangyari iyon.” Binuksan nito ang dalawang pinto na patungo sa isang veranda. At dahil nasa ikatlong palapag ako ay mayroon ako noon, hindi gaya sa mga nasa unang palapag. “Ito naman ang veranda na p’wede mong pagsampayan ng mga damit na nilabhan mo. Pakiusap, pakidiligan ang mga halamang nakalagay rito.” Anito sa akin habang matiim akong tinitingnan.

Tumango ako bilang sagot. “Wala pong problema.” Nag-iwas ako ng tingin.

“Walang ibang appliances gaya ng T.V. o ref dahil hindi naman na ‘yon covered sa renta mo. Bukod ang bayad ng tubig at kuryente sa renta, ah? Baka hindi tayo nagkakaintindihan dito.”

“Hindi po ba… bayad na ang tatlong buwan kong renta?”

Tumango ito. “Oo, pero ang kuryente at tubig ay hindi kasama sa bayad mo.”

“Sige po. Maraming salamat.”

Umalis na ang Landlord kaya naman naiwan akong mag-isa sa loob niyon. Huminga ako nang malalim bago umupo sa sofa at tumingin sa kisame.

“Bukas ay simula na ang kalbaryo ko rito,” bulong ko sa sarili habang iniisip ang mga posibleng mangyari sa akin dito sa Maynila sa loob ng tatlong buwan o higit pa. “Mabait kaya siya?” tukoy ko sa taong magiging misyon ko. Dahil hindi ako mapagkakatiwalaan sa kumpanya kung… hindi ko magagawa ang unang misyon: ang akitin ang CEO na si Evander Damon Silvano.

I will be a secretary of a known tycoon–one of the most-sought-after bachelors in the business world. I don’t even know him personally. I don’t even have any idea about this person’s personality and attitude.

Pero bahala na, gagawin ko ang lahat basta makuha ko ang loob niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status