Share

A Stolen Night of Seduction
A Stolen Night of Seduction
Author: BabyblueAye

PROLOGUE

“Kai! Anong ginawa mo? Anong nangyari?!” Humahangos na lumapit sa akin ang kaibigan kong si Carley habang ako naman ay patuloy lang sa pag-iyak.

Madaling araw na nang makarating ako sa probinsya at kumatok ako sa apartment ng kaibigan ko. Hindi ko man ginustong makaabala, wala naman na akong ibang pagpipilian pa. Ayaw kong harapin ang kapatid ko ng ganito ang hitsura ko. Mas mabuti pang kay Carley ako dumiretso dahil maiintindihan niya ako, dahil walang alam ang kapatid ko sa nangyayari sa akin, dahil na rin sa pagsisinungaling ko sa kaniya tungkol sa totoo kong trabaho sa Maynila.

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko inaasahan ‘to. Hindi ko naman alam na mangyayari ito sa akin at sa trabaho ko. I failed my job—my mission. Na-scam pa ako. Hindi ko na alam kung paano pa ako makakaahon. Kailangan pa ako ng nanay at kapatid ko. Bakit ngayon pa ito nangyari sa akin?

“Carley…” umiiyak kong tawag sa kaibigan ko. Awang-awa siya sa akin habang pinagmamasdan ako.

“Anong nangyari? Bakit… Bakit ganiyan ang hitsura mo?” nag-aalalang tanong niya sa akin.

Ineksamin niya ang katawan ko, naghahanap ng kung anong sugat sa akin. Umiling ako, hindi pa rin makapagsalita nang maayos.

“Pumasok ka nga rito,” aniya at inalalayan ako sa pagpasok sa loob ng kaniyang apartment.

Pinaupo niya ako sa mahabang upuang naroon. Napapailing siya habang nakatingin sa akin. Pumunta siya sa kusina at kumuha ng isang basong tubig at inabot sa akin. Sa nanginginig na kamay at kinuha ko ‘yon at ininuman. Napangalahatian ko ‘yon bago inalapag sa center table na naroon sa harap ko.

“Ano bang nangyari, Kaia? Bakit nanginginig ka? At saka, madaling-araw na, hindi ka pa dumiretso sa bahay n’yo? O baka dahil… may nangyaring hindi maganda sa trabaho mo kaya hindi ka dumiretso sa inyo?”

Tiningnan ko sa mga mata habang nanunubig na naman ang mga mata. Sapat na siguro ‘yon para malaman niya o kahit magkaideya lang siya sa nangyayari ngayon. Dahan-dahan niyang natanto iyon dahilan ng pagpikit niya nang mariin at pagmumura ng mahina.

“Kaia! Anong ginawa mo?! Sabi mo kaya mo? Sabi mo hindi ka papalpak dahil may backup ka? Dahil may aalalay naman sa ‘yo sa loob ng kumpanyang ‘yon? Anong nangyari at naging ganito? Tang ina naman, Kaia! Sinuportahan na lang kita dahil nagtiwala ako sa mga sinabi mo kahit na ayaw kitang pasukin ang gano’ng trabaho! Kilala mo naman si Madame Berry at Madame Nina!” sunod-sunod niyang sermon sa akin. Nagsimula akong maiyak muli dahil sa mga sinabi niya.

“T-Tinawagan k-ko naman na sila k-kanina bago ako u-umalis ng Maynila…” nanghihina at humihikbing sagot ko sa kaniya.

“Kahit pa tinawagan mo ang kung sino sa kanila, pumalpak ka pa rin at baka pa… Baka pa makulong ka sa ginawa mo!”

Alam ko ‘yon pero dahil sinabi niya ay mas lalong dumagan sa akin ang masakit na reyalidad na hindi ko na maipapagamot si Nanay dahil hinayaan ako ni Madame Berry, makukulong pa ako dahil sa ginawa ko.

Mas lalong bumuhos ang luha ko.

“H-Hindi ko talaga inasahan i-ito…” humihikbing sagot ko sa kaniya.

Grabe na ang stress niya habang nakatingin sa akin. Nang magtama ang paningin namin ay bumuntong hininga siya bago ako nilapitan para yakapin.

“Sinabi ko naman sa ‘yo na mag-iingat ka! Kahit mukha namang mabait ang boss mo, hindi mo pa rin alam ang takbo ng utak niyan! Kahit sabihin mong nagkakamabutihan na kayo, hindi no’n mababago ang katotohanang may anumalya kang ginawa sa kumpanya niya.” Sermon muli nito sa akin.

“I’m sorry…” niyakap ko siya nang mahigpit bago umiyak nang mas malakas sa kaniyang bisig.

“Tahan na, sige na dumito ka muna kung ayaw mo pang magpakita sa kapatid mo. Babalitaan na lang kung sakaling mapunta ako sa inyo tungkol sa lagay ng nanay mo.” Alu nito sa akin na tinanguan ko habang hindi pa rin natitigil sa pag-iyak.

“Salamat, Carley…” untag ko.

“Paano kung hanapin ka ng boss mo dahil… sa ginawa mo?” Umiling ako habang iniisip na posible nga iyong mangyari, pero ayaw ko pa rin ‘yon. Mas lalo kong hindi maipagpapatuloy ang pagpapagamot ni Nanay.

“P-Paano na si Nanay kung i-ipakulong ako ni Damon?” kabadong sambit ko.

Habang inisip ‘yon ay bigla akong nakaramdam ng pagkahilo at pagkaduwal. Mariin akong pumikit upang hindi matuloy ang pagduduwal ko pero hindi ko pa rin iyon napigilan. Mabilis akong tumayo at tumakbo papunta sa banyo ng apartment at doon sa bowl ay napaduwal na.

“Ayos ka lang, Kai?” Tanong ni Carley mula sa pintuan habang patuloy naman ako sa pagsuka.

Ilang sandali pa akong nagptuloy sa pagsusuka hanggang sa maramdaman kong medyo umayos na ang pakiramdam ko. Nagmumog ako at ininom ang tubig na inabot sa akin ni Carley. Nang tiningnan ko siya ay may nanunuring mga mata ang iginawad niya sa akin.

“Kahapon pa ako ganito nang umuwi ako sa apartment para kumuha ng gamit. Siguro dahil sa stress, tapos nag-bus pa ako. Baka rin sa biyahe.” Saad ko pero hindi niya inalis ang tingin sa akin.

“May nangyari na ba sa inyo ng boss mo, Kaia?” mataman niyang tanong sa akin.

Doon ay bigla akong may napagtanto: isang buwan na akong delayed. At… may nangyari na nga sa amin ni Damon. Hindi lang isang bese ‘yon.

“Buntis ka ba, Kaia?” natutop ko ang bibig sa tanong na ‘yon.

“H-Hindi ako sigurado, Carley.” Tanging nasambit ko.

“Pero may nangyari sa inyo ng boss mo?”

“Me-Meron,”

“Mag-PT ka bukas o magpa-check up. Sasamahan kita.”

Wala na akong nagawa roon hanggang sa magtabi kami sa kama ni Carley upang matulog ay nasa isip ko pa rin ang mga nangyari kaninang umaga, at dumagdag pa ang kani-kanina ko lang natuklasan: na buntis ako.

‘Buntis ba ako? Pero paano na ‘to? Paniguradong hindi rin naman ito pananagutan ni Damon dahil sa kasalanang nagawa ko.’

Kinabukasan ay sinamahan nga ako ni Carley sa kilala niyang OB.

“Congratulations, Miss! You are three week’s pregnant. I will give you some prescription about the vitamins…” hindi na rumehistro sa akin ang mga sumunod na sinabi ng doktor dahil naiwan sa pangalawang sinabi ng doktor ang isipan ko: na buntis ako at three weeks na yon.

Napahawak ako sa aking tiyan at dinama iyon.

Buntis ako…

Magkakaanak na ako.

Pero sa kaisipang hindi ito tatanggapin ni Damon ay parang may kumurot sa dibdib ko. Sobrang sakit isipin na hindi niya tatanggapin kahit ang bata na lang dahil galit siya sa akin.

Pagkalabas na pagkalabas namin sa clinic na ‘yon ay may mga pulis na humarang sa amin.

“Ikaw po ba si Miss Kaia Yllana Formario?”

Mabilis na pumintig ang puso ko sa tanong ng isang pulis.

“P-Po?”

May ipinakita siyang papel sa akin bago ako pinosasan, “may warrant of arrest po kayo. May karapatang  manahimik—” hindi ko na narinig ang iba pa niyang sinabi nang magdilim ang paningin ko at maramdaman ko na parang lumulutang ang katawan ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status