Share

WOUNDS

Chapter four

Hindi na'ko nagtanong kung bakit kilala ni Farrah si Cin. Halata namang sikat ang lalaking 'yon. Nadumog na nga, eh. Sa itsura pa lang, alam ko nang marami ang naghahabol. 

Kasalukuyan akong nakahilata at nakatulala sa kisame nang biglang may kumatok. Pumasok si Odette na may dalang gatas.

"Inumin mo niyo na po 'to. Gusto niyo po bang kumain ng cookies?" Tanong niya na nagpabangon sa'kin.

Mahilig mag bake noon si mama ng cookies at alam 'yon ng mga dating katulong na matagal na sa mansion, tulad ni Odette. Bumangon ako at tinignan si Odette na inilalapag ang gatas sa mesa. Walang imik akong tumayo at bumaba. Ako na lang kukuha para sa sarili ko.

Paliko na sana ako sa kusina nang may marinig akong nabasag na sa tingin ko ay nanggaling sa sala. Nakita ko ang dali-daling pagbaba ni Odette ng hagdan at ng iba pang mga katulong para tingnan ang nangyari. Ano naman kayang nangyari?

Kalmado akong naglakad para sundan sila.

"Anong nangyayari?" 

Nang marinig ako ng mga katulong, agad silang nagsialisan at naiwan si Odette. Walang sumagot sa'kin kaya nilibot ko ang tingin sa paligid ngunit wala akong makitang mali kaya hinanap ko sa baba. Napatayo ako ng diretso nang makita ang mga bubog na nagkalat sa sahig. 

Ang vase ni Mama. Ang paboritong vase ni Mama.

"Anong ginawa mo?" Wala sa sariling tanong ko habang nasa baba ang tingin.

Mahal na mahal 'to ni Mama. Minsan pa nga akong mapagalitan nang dahil lang dito. Paanong nangyaring nabasag?

"Amber, nabitawan ko kasi. Ilalagay ko sana sa kusina. Alam mo, luma na rin naman ito, kailangan nang palitan."

Unti-unting sumama ang mukha ko dahil sa narinig. Siya pala ang may kasalanan kung bakit nabasag 'to. Binasag niya ang vase ng Mama ko. 

Umiling ako sa sinabi ni Verna. "Anong karapatan mong sabihin 'yan, Verna? Anong karapatan mong hawakan at basagin 'yan?! Wala kang pag-aari rito kaya wala kang karapatan!" Sigaw ko.

Gulat na tinignan ako ni Verna dahil sa biglang pagtaas ng boses ko. Nakita kong napaatras din ni Odette na nasa gilid.

"A-amber.." mahinang usal ni Verna.

Iniingatan ko lahat ng pag-aari ng Mama ko. Tapos babasagin ng isang walang kwenta?

Marahas ko siyang nilingon. "Isa ka lang pagkakamali ng papa ko. Isa kang kabit kaya walang karapatan." 

Nagkagulo ang paligid sa pagdating ng mga anak niyang uling. Agad nilang inalalayan ang ina na ngayon ay naiiyak na. Halos hindi naman ako makahinga dahil sa galit. Ayokong sumabog dito. 'Buti nga ganito lang ang ginagawa ko, eh. Nagtitimpi ako dahil ayoko siyang saktan ng pisikal. 

"Amber, hindi ko sinasadya.."

"'Yan lang naman talaga ang alam mo, eh. Ang mangsira. Pamilya ko nga sinira mo, pati ba naman alaala ng Mama ko, sisirain mo? Walang kwenta." Seryosong sambit ko.

"Amber, sumusobra ka na! Hindi nga sinasadya ng Mommy ko!" Pangengealam naman ng anak niyang si Vicky.

Bumuntong-hininga ako at bago tumalikod inutusan ko muna si Odette na linisin ang kalat. Nanghihina akong umakyat ng hagdan at papasok na sana ako ng kwarto nang makita kong nakabukas ang dating office ni Papa. Binitawan ko ang doorknob ng kwarto ko at wala sa sariling humakbang patungo sa silid na 'yon. 

Naalala kong dito parati sila Mama at Papa nag-aaway. Dito ko nakikita si Mama na umiiyak, nagmamakaawa kay Papa na 'wag umalis. Nakikita ko lahat ng 'yon. Nakita ko, narinig ko kung paano pinili ni Papa na iwan kami para sa babaeng 'yon. Iniwan niya kami para makasama si Verna.

Mabigat ang dibdib na pumasok ako sa silid at nilibot ang tingin. Nilapitan ko ang mesa ni Papa at pinagmasdan ang mga pictures na naka-display doon. Bumilis ang paghinga ko habang inaabot ang picture frame. 

Mukha ni Verna na mukhang tuwang-tuwa. Tuwang-tuwa siya habang kami ng Mama ko, naghihirap! Tuwang-tuwa siya pagkatapos na sirain ang pamilya ko! Hindi ko na napigilan ang sarili at malakas na tinapon 'yon. 

Wala siyang karapatang tumawa dahil mamatay tao siya. 

Lahat nang nadadampot kong picture frames na may mukha niya agad kong hinahagis. Umaasa akong kahit isa may makita akong picture ni Mama na naka-display pero wala. Kahit picture ko, wala!

Galit na pinagbabato ko lahat ng pictures ni Verna. Ang iba, pinunit ko pa. Umiiyak na nagbaba ako nang tingin at napaluhod dahil sa bigat ng dibdib. Si Papa, talagang walang pakealam sa amin. Hindi niya kami minahal. 

Walang pakealam akong napa-upo. Hindi ko na pinansin ang mga bubog na nagkalat sa sahig. Nakikita ko ring dumudugo na ang mga kamay, mga braso at paa ko pero wala akong maramdaman. Iniyak ko ang galit at sakit. 

Nang mahimasmasan, walang gana akong tumayo. Nang buksan ko ang pinto, bumungad saakin si Odette na may nag-aalalang tingin. Gusto ko sanang itago ang mga kamay at brasong may sugat pero nakikita niya naman ang mantsa ng dugo sa damit ko kaya tinignan ko na lang siya ng masama.

"Gusto niyo po ng first aid kit?" Tanong niya.

Bumuntong-hininga ako at nilagpasan siya. "'Wag na."

Dumiretso ako sa kwarto ko at nilock 'yon. Pinunasan ko lang ang mga sugat at nagtataka ako dahil wala akong maramdamang sakit. Hindi pa nga gumagaling 'yong unang sugat, may bago na naman. Pagkatapos kong punasan ang mga sugat, nagbihis ako. Huminga ako ng malalim at nilapitan ang gatas na inilapag ni Odette sa Mesa.

Kailan ba ako magkakaroon ng katahimikan? Gusto ko nang puksain lahat ng piste rito sa bahay. Paano ko ba papahirapan ang mag-iinang 'yon? Gusto kong magmakaawa rin si Verna sa'kin. Gusto kong umiyak siya. Gusto ko ring sirain ang buhay niya.

Naglakad ako papalapit sa bintana. Binuksan ko ito at pinagmasdan ang sasakyang nasa labas ng bahay. Hindi ko makita ng mabuti ang sasakyan pati ang may-ari nito dahil madilim. Maya-maya pa'y nakita kong lumabas mula doon si Vicky at ang boypren niya. 

Bumuntong-hininga ako. May boypren ka nga, wala ka namang dibdib, 'di pa rin liligaya 'yan. Umismid ako at sinara ang bintana pagkatapos ay pabagsak na humiga sa kama.

"Sisirain kita."

-

Kinabukasan, wala akong nakitang basurang nakakakalat sa bahay. Ang sabi ni Odette, umalis daw ang mag-iina. Mabuti dahil nawawalan ako ng gana kapag nakikita ko sila.

Nang makarating ako sa school, halos lahat ng estudyante, napapalingon at napapatitig sa'kin. Walang nagtangkang lumapit o makipag-usap. Siguradong maya-maya kakalat na naman ang balitang saan nanggaling ang mga sugat ko, kung anong suot ko, kung nagmake-up ba 'ko, kung may suot ba akong alahas. 

Nagtataka ako dahil nag break time na pero wala pa ring sumusulpot na Farrah. Saan kaya 'yon? 'Di rin siya tumawag kagabi.

Mag-isa akong naglakad-lakad. Plano kong ubusin ang oras ko sa pag-iisip. Minsan lang mangyari sa'kin 'to dahil wala si Farrah na puro pagbubunganga ang alam. Umupo ako sa malapit na bench at sumandal. 

Walang masyadong tao sa area na 'to ng school pero maraming punong pwedeng silungan. Tumingala ako at pumikit. Ito ang hinahanap kong kapayapaan. Mukhang nahanap ko na ang lugar na pwedeng tambayan kapag nag-sawa akong makinig kay Farrah.

Naalala ko noon na may lugar kaming parating pinupuntahan ni Mama kapag umaalis si Papa. Doon, nakikita kong umiiyak si Mama, sumisigaw. Gusto kong maiyak habang pinagmamasdan siya pero ayokong gawin dahil ayoko rin maging mahina. 

Bata pa'ko pero marami na akong problema. Kaya siguro mabilis akong nag-mature. Halos buong buhay ko dala ko ang galit at sakit. Nabubuhay ako dahil doon. 

"Dumudugo 'yong kamay mo."

Gulat na napadilat ako at napaayos ng upo nang may magsalita.

"I'm sorry pero kanina pa kita hinahanap." Saad niya habang nasa kamay ko pa rin ang tingin.

Inirapan ko siya. "At bakit mo naman ako hinahanap?" Masungit kong tanong.

Bumuntong-hininga siya at nag-iwas nang tingin. "Gamutin natin ang sugat mo."

Agad akong napatayo. "Ayoko. Alis."

"Kung magmamatigas ka, mamatay ka talaga dahil mauubusan ka ng dugo. Halika na." Inabot niya ako kaya mabilis akong napaatras.

"Saan mo naman ako dadalhin? Sa Clinic? Sa nurse mong may malaking kinabukasan?" Nakangiwi kong tanong.

Bumuntong-hininga siya ulit at napatayo. 

"Dito ka lang. May kukunin ako." Tsaka niya ako tinalikuran at patakbong umalis.

Pabagsak akong bumalik sa pagkaka-upo. Ano bang ginagawa ng lalaking 'yon? Dikit siya nang dikit! Pero ang sabi ni Farrah, nagi-guilty daw siya dahil may kasalanan siya sa'kin. Pero pwede namang iwan niya na lang ako. Nakapag-sorry na siya! Kinalimutan ko na nga ang nangyari, eh.

Bumuntong-hininga ako at pumikit nang mariin. 

Nagising ako sa pagkaka-idlip nang may humawak sa kamay ko.

"Kababae mong tao nakikipagsuntukan ka." Sinuri niya ang mga sugat ko sa kamay.

'Di ko 'yon ginamot kanina. 

"Hindi ako nakipagsuntukan." Walang gana kong sambit.

Nilingon niya ako habang hinahaplos ang kamay ko. "Anong nangyari rito?"

Binaba ko ang tingin sa kamay. Nakikita ko ang tuyong dugo roon. 

"Hindi tayo close. Hindi kita kilala."

"I'm Cin. Ilang beses ko ba kailangang magpakilala?" Nakanguso niyang tanong.

Umayos akong ng upo. 'Di ako komportableng may humahawak sa kamay ko. Kapag may ginawa siyang kagaguhan, kahit may sugat ako, susuntukin ko siya.

Tinignan ko siya, sinusuri niya pa rin ang sugat ko habang nasa gilid naman ang dala niyang first aid kit. Bakit niya ba ginagawa 'to? 

"Hindi mo na kailangang gawin 'yan. Aalis na'ko." Hinila ko ang kamay na hawak niya para tumayo pero agad niyang hinablot ang bewang ko para pigilan ako sa paggalaw.

Matalim na tinignan ko siya. 

"I'm sorry. Wala akong ibang pwedeng hawakan. May sugat ang braso mo at kamay. Edi, bewang na lang." Agad niyang paliwanag.

Naiinis na inalis ko ang kamay niya at umayos ng upo. Bwesit.

Dahan-dahan niya na namang inabot ang kamay ko at pinatong sa hita niya na nagpapanic sa'kin. Wala naman siyang pakealam habang nililinis na ang kamay ko. 

"Ako si Cin. Gaya nang sabi ng kaibigan mo, ako ang dahilan kung bakit naaksidente ka noong nakaraan. 'Di ko naman alam na ganoon pala ka-wild ang mga junior na 'yon. Tsk."

Hindi ako umimik habang ginagamot niya pa rin ang sugat ko.

"Naguilty ako sa nangyari sa'yo kaya ayaw kitang iwan."

Kumunot ang noo ko. "Lahat ba ng nasaktan mo noon, ayaw mo ring iwan dahil nagi-guilty ka?"

Bumuntong-hininga siya at tumigil sandali para mag-isip. "'Di naman. Ikaw palang."

Gusto ko sanang magtanong ulit pero pinigilan ko. Ako palang? Ano 'yon? Sa iba, wala siyang pakealam?

Nang matapos niyang gamutin ang sugat ko, dahan-dahan niyang nilapag ang mga kamay ko sa hita ko. Tinignan ko siya habang nag-aayos ng gamit.

"Gusto mong malaman kung bakit ako may sugat?" Hindi ko alam pero bigla na lang lumabas ang tanong na 'yon sa bibig ko.

'Di naman kami close kaya bakit ko sasabihin sakanya? 

Lumingon siya at tumitig sa'kin kaya umiwas ako nang tingin.

"Dahil sa galit kaya ako may sugat."

"Sinasaktan mo ang sarili mo."

Tumango-tango ako. "At least, kumakalma ako."

"Kumalma? Hindi maganda ang ginagawa mo."

Bumuntong-hininga ako. Walang gana akong tumayo at humarap sakanya.

"Ano bang alam mong magandang paraan para kumalma?" Tanong ko at binaba ang tingin sakanya.

Ngumiti siya. "Ang yakapin ka. Magandang paraan 'yon." 

Sumama ang mukha ko at tinulak siya. "Eh, kung iuntog kaya kita?"

"Ang sama!"

Inirapan ko siya at hinablot ang bag ko. Malapit nang matapos ang break time kaya kailangan ko nang umalis. 

"Alis na'ko," mahina ang boses na paalam ko at binaba ang tingin sa mga kamay. "S-salamat sa ginawa mo. Don't worry, malapit na gumaling 'yong sugat ko. 'Di ka na magi-guilty."

Mabilis ko siyang iniwan nang hindi na tinitignan pa ang mukha niya. Nagsisi tuloy ako kung bakit pa ako nakipag-usap sakanya. 'Di naman kami close. Ayoko na siyang makita! 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status