Share

Chapter 4

“Special talent mo ba yang katukin ang dingding gamit ulo mo?” nakakunot ang noo na tanong ni Sir Erwin habang bahagya pang nakaturo sa akin.

Naabutan kasi ako nito na bahagyang inuuntog ang ulo sa dingding.

“Sir, iyon talaga si Sir Ben? Iyong CEO?” nakangusong tanong ko.

Umaasa ako na namamalikmata lang ako o hindi kaya panaginip lahat ng ito. Para mo ng awa. Panaginip na lang sana ‘to.

“Oo. Bakit?” takang tanong nito.

Tuluyan akong nanghina at nawalan ng pag-asa dahil sa sagot niya. Muli kong iniuntog ang ulo sa dingding.

“Tigilan mo nga ‘yan.” tila stress na wika ni sir. “Bumalik ka na sa lamesa mo. Marami pa tayong tatapusin”

“No, she’ll stay.” boses pa lang ng lalaking iyon parang naiiyak na ako. Nakatingin ito kay Sir Erwin bago ako tapunan ng tingin. “Follow me.” wika nito.

Tiningnan ko si Sir Erwin at tanging ‘go’ lang ang narinig ko mula rito kahit may bahid ng pagtataka sa mukha niya.

Mabibigat ang bawat hakbang na ginagawa ko. Masama ang tinigin na itinatapon ko sa lalaking ito na nasa harapan ko.

Sumunod ako sa kanya papasok sa elevator. Pinundot niya iyon papunta sa 20th floor. Iyon na ang panghuling floor sa building na ito dahil ang susunod doon ay rooftop na kung saan may swimming pool na ang CEO lang ang may access.

Bumukas ang elevator, ‘Office of the CEO’, iyan ang unang bumungad sa akin. Nagpalinga-linga ako sa paligid. Bukod sa isang malaking pinto sa right side at isang maliit na pinto sa left side, ay wala na akong nakita pa sa building na ito. Bakit walang katao-tao sa floor na to? Wala bang secretary ‘to?

“Wala ka po bang secretary?” usisa ko rito. Nilingon niya naman ako na nakakunot ang noo.

“May nakikita ka ba?” supladong tanong nito.

Tanging peace sign lang ang isinagot ko. Ang sungit kung hindi lang pala ito ang CEO namin baka nasagot ko na rin ‘to ulit. Tumalikod naman ito bago muling maglakad at magsalita.

“Just kidding. Nasa 19th floor sila” muling wika nito at tuluyang pumasok sa malaking pinto.

Napapanganga ako sa sinabi niya. Joke ba ‘yon? Ilang taon na ba ‘to? Ang corny magbiro ha. Tapos hindi pa bagay sa kanya.

Mangha akong napatingin sa paligid. Ang laki ng lugar. Office lang ba ‘to? Pwede na ‘to maging bahay ha. Mas malaki pa nga ‘to sa apartment ko eh. Sinampal na naman ako ng kahirapan.

Napako ako malapit sa pinto habang manghang pinagmamasdan ang paligid. Si Sir Ben naman ay nakita ko na nagtatanggal na ng tuxedo. Nakatayo siya sa tabi ng isang sofa at doon niya ipinatong ang suot niya.

Muling kong inilinga ang tingin sa paligid at bigla akong napaisip kung ano pa ang ginagawa ko rito? Dapat na ba kong umalis? Ibinalik ko ang tingin kay Sir Ben na ngayon ay nakatingin na sa akin habang nagtatanggal ng necktie.

“Uhm, Sir Ben-” panimulang wika ko.

“Call me Samuel” putol nito sa sasabihin ko “have a seat” wika niya at isinenyas ang sofa.

Awkward akong naglakad papalapit roon. Lalo na at alam kong ang dami kong kasalanan sa taong ito. Umalis na lang kaya ako sa company na ito at kalimutan ang pangarap ko? No, Althea! Itong kumpanya na ito ang pangarap mo. Walang makakapagpaalis sa akin rito! Hindi kahit ang lalaking ito!

Binalingan ko ng tingin ang lalaking kasama ko. Hindi ko namalayang nakalapit na pala ito at nakatingin sa akin.

Napalunok ako dahil sa biglaang pagtulak nito sa akin na ikinahiga ko sa sofa. Pagkatapos ay nanlaki ang mga mata ko nang unti-unti itong lumapit sa akin habang ang isang kamay ay nasa uluhan ko sa arm rest nitong sofa at ang isa naman ay nasa sandalan.

“Sir Ben? I mean, Sir Samuel” kabadong wika ko habang nakatingin sa kalayuan.

Hindi ko ata kaya salubungin ang mga tingin nito. Hinding-hindi sa ganitong pwesto.

Naramdaman ko ang palad niya sa chin ko. Sinundan ko iyon ng tingin at nalipat sa mga mata niya ang atensyon ko ng iharap niya ang mukha ko sa kanya.

“I hope it’s clear na wala ka ng kawala sa akin kahit ano pang iwas mo sa mga tawag ko” wika nito at bahagya pa akong pinitik sa noo pagkatapos ay tumayo.

Masama ang tingin na itinapon ko rito habang hinihimas ang noo ko.

“Ang sama talaga ng ugali” mahinang bulong ko.

“You can leave” walang paki na wika nito pagkaupo sa office chair niya.

“Talagang aalis ako kahit hindi mo sabihin” reklamo ko sa hangin.

“I can hear you” wika nito habang ang chin ay nakapahinga sa magkahawak na palad.

Isang plastic na ngiti ang ibinigay ko sa kanya. Ikalma mo Althea. Palagi ka na lang napapahamak dahil sa pasensya mo kaya narito ka rin sa sitwasyon na ‘to ngayon.

“Bye, sir. Aalis na po ako.” wika ko rito at pinilit na ngumiti.

Ano kaya ang irarason ko kay Sir Erwin kapag nagtanong ‘yon kung bakit ako pinatawag ni Sir Samuel? Irarason ko na lang kaya na nangamusta siya? Paano naman maniniwala si Sir Erwin don eh as if naman may paki yung CEO sa akin. Baka galit mas meron pa.

Tiningnan ko kung nasa pang-ilang floor na ako. Nasampal ko ang noo ng 1st floor pala ang napindot ko imbes na 10th floor. Biglang itong bumukas at bumungad sa harapan ko ang isang babae na nakasuot ng shades. Ang kumikinang na balat nito ay agaw pansin. Tila wala rin itong suot na makapal make up kaya nangingibabaw ang natural nitong ganda. Ang kulay naman ng labi nito ay mapula dahil sa lipstick na suot nito. Pansin ko rin ang earrings nito na mukhang may diamond pa dahil sa kinang. Sa unang tingin pa lang malalaman mo na ang estado nito sa buhay.

Tuluyan akong lumabas ng elevator at bahagyang yumuko sa harap nito para magbigay galang.

“Good day, miss” magalang na bati ko rin pagkatapos ay inihakbang na ang mga paa paalis.

“Excuse me” wika nito na nagpatigil at lingon sa akin.

Parehong may mababakas na pagtataka sa mga mukha namin.

“What are you doing here?” tanong nito at bahagyang pang itinuro ang elevator habang hawak ang shades na tinanggal niya na.

“Po?” takang tanong ko. Ano bang ibig niyang sabihin? Isasagot ko ba na rito ako nagtatrabaho? “I’m sorry, but what do you mean, miss?” tanong ko rito.

“This elevator is exclusively for the CEO only” wika nito.

In fairness, hindi mo mahihimigan na galit siya. Talagang halata na nagtataka lang siya. Dahil naman sa sinabi niya ay napaisip ako. Tama, dalawa nga pala iyong elevator kanina. Isa para sa secretary and mga manager and other executives na need makita si Sir Samuel. Habang ‘tong ginamit ko ay para sa CEO lang.

Sino ba itong babaeng ito? Parang pamilyar ang itsura. Inalala ko kung saan ko ito nakita at tila nanlaki pa ang mata ko ng maalala. Siya nga iyong sinabi ni Sir Erwin noon na fiance ng CEO. So fiance to ni Sir Samuel? mas nanlaki ang mata ko at biglang napayuko. Namumukhaan kaya ako nito? Sana naman hindi na kasi ilang buwan na rin nakalipas at saka mas gumanda kaya ako ngayon!

Muli ko itong tinapunan ng tingin at tila naghihintay pa rin siya sa magiging sagot ko.

“Uhm, kasi po” panimulang wika ko habang nag-iisip sa susunod na pwedeng sabihin “puno po yung isang elevator kanina. Kaya pinagamit na lang sa akin ni Sir Samuel, I mean, ni Sir Ben yung isang elevator” pagsisinungaling ko. Tiningnan ko ang ekpresyon nito at mukhang mas nagtaka pa ito dahil sa pagsabi ko ng Sir Samuel. Bakit ba kasi Sir Samuel ako ng Sir Samuel! “kasi po may meeting pa po ako. Opo, Tama. May meeting pa po ako na need habulin kaya excuse me po. Thank you” pagrarason ko at muling itong yinukuan bago nagmamadaling umalis.

Grabe namang kamalasan to.

Pagdating ko sa office ay busy sila sa chismisan.

“Ay oo, Ang ganda. Sobra!” manghang wika ng isa sa mga kasama ko na tila kinikilig pa.

“Swerte ni Sir Ben no? Ang ganda ng fiance niya” wika rin ng isa pa sa kanila.

tama nga ako na iyong fiance nga ni Sir Samuel ang pinag-uusapan nila.

“Thea, nakita mo ba yung fiance ni Sir Ben?” usisa ng isa sa kanila nang mapansin ang presensya ko.

‘Oo nga, Thea. Nakita mo ba? Hindi ba galing ka sa office ng CEO? muling tanong nila.

“Kumusta nga pala? Bakit ka pinatawag?” tanong ni Lyka.

“Ang OA niyo naman. Pwede isa-isa lang magtanong?” reklamo ko dahil hindi ko na rin alam anong uunahin sagutin sa mga tanong nila. Tinawanan lang nila ako. “Oo nakita ko. Second, nangamusta lang si Sir Ben kung kumusta iyong intern department” pagsisinungaling ko sa huling sinabi.

“Bakit sa’yo? Hindi ba dapat kay Sir Erwin?” nagtatakang usisa pa nila.

“Malay ko” kunwaring inosenteng wika ko at nagkibit-balikat na lang.

Pinagpatuloy ko ang trabaho noong araw na iyon na pilit inaalis sa isip na iyong lalaking napagkamalan ko na nakabuntis sa pinsan ko, na mukhang nasira ko iyong wedding engagement, ay boss ko pala at siyang CEO ng dream company ko. Napakamot na lang ako sa ulo. Teka nga, mukhang okay naman silang dalawa ha? Anong help ko pa ba need niya. Niloloko talaga ako ng lalaking iyon. Gusto lang ata talaga niya maghiganti eh.

Tiningnan ko ang orasan na nasa lamesa ko at nakita na ilang minuto na lang 5 PM na. Inunti-unti ko ng ayusin ang mga gamit ko para agad akong makalabas kasi nagugutom na rin ako. Tapos kailangan ko pa mag-grocery muna bago pumasok sa cafe. 8 PM pa naman ang duty ko roon.

Paglabas ko ng building ay naglakad muna ako papunta sa gilid at hinanap ang phone ko. Bakit kasi hindi ko ‘yon nilabas kanina! Nang makita ko ito ay agad akong nag-book ng grab. Buti na lang talaga pinayagan na nila makapasok iyong mga taxi rito.

“Why don’t we have dinner tonight?” kay Sir Samuel yung boses na iyon ha.

Tumingin ako sa gilid ko at sa ‘di kalayuan ay nakita ko si Sir Samuel na nakahawak sa braso ng isang babae. Tila pinipigilan niya ‘yon na makapasok sa sasakyang nasa harap nito.

Bahagya siyang hinaharap ng babaeng iyon at tama nga ako. Yun yung fiance niya.

“Samuel” malumanay ngunit tila nauubusan na agad ng pasensya na wika nito at tinanggal ang kamay ng isa sa braso niya. “How many times do I have to remind you that the only reason I am here is to discuss business?” wika nito.

“Madeline” may himig ng pagmamakaawa sa boses ni Samuel.

Naalala ko na, Miss Madeline nga iyong tinawag sa kanya ni Sir Erwin noon.

“I’m not here for you.” wika ni Miss Madeline at akmang papasok na sa sasakyan.

“Hindi mo pa rin ba ako napapatawad?” tanong ni Sir Samuel na muling nagpatigil at lingon kay Miss Madeline. “Halos pitong buwan na ang lumipas, Madeline. Hindi mo pa rin ba nakakalimutan yung nangyari? Sinabi ko naman na ‘di ba na napagkamalan lang ako noong araw na ‘yon” wika nito na ngayon ay napapahawak na sa ulo dahil sa frustration.

Napatakip naman ako sa bibig dahil parang alam ko na ang pinag-uusapan nila. Nasira ko nga talaga ata ang relasyon nila. Althea naman!

“Kahit pitong taon pa yan, Samuel. Hindi ako basta-basta makakalimot. Lalo na at nasira ang tiwala ko. Hindi man totoo na ikaw ang nakabuntis sa tinutukoy ng babaeng iyon pero alam ko kung gaano karaming babae sa buhay mo” mahihimigan ang sakit sa boses ni Miss Madeline. “Ubos na ang tiwala ko, Samuel. Pagod na rin ako” muling wika nito at tuluyang umalis.

Naiwan si Sir Samuel na ngayon ay ginugulo ang buhok habang nagbubuga ng madilim na awra. Bigla naman tumunog ang phone ko dahilan para mapatingin siya sa direksyon ko. Mababakas pa rin ang galit sa mga mata nito. Agad kong sinagot ang tawag, iyong grab driver ko, tumigil ito sa mismong harapan ko at agad akong sumakay. Sa pang-ilang pagkakataon, mukhang wala kasi akong mukhang ihaharap kay Sir Samuel.

Tanging buntong-hininga na lang ang nagawa ko.

Ako ang nagsimula ng gulong ‘to, ako lang rin ba makakaayos nito?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status