Share

Chapter 3

Erika's Pov

Napabuntong-hininga ako ng malalim matapos maputol sa pangalawang pagkakataon ang pagdaloy ng mga alaala sa aking isip. May sumungaw na fondness sa mga mata habang hinahaplos ko ang pisngi ng anak ko.

Nagpapasalamat ako sa Diyos na hindi niya hinayaang mawala sa akin ang anak ko. Six years ago ay muntik na akong makunan matapos akong kausapin ni Jane. Agad akong isinugod ng kaibigan ko sa pinakamalapit na hospital dahil dinudugo na ako. At mabuti na lamang na naisugod agad ako sa hospital kaya naagapan ang pagkakalaglag ng anak ko sa aking sinapupunan.

Pagkatapos ng insidenteng iyon ay nagdesisyon akong magtungo sa Canada upang magbagong buhay. Hindi kasi ako makakapag-move on kung hindi ako lalayo. Ayokong muling malagay sa panganib ang buhay ng anak ko kaya mas mabuting sa Canada na lamang ako tumira.

Tinulungan ako ng pamilya ng ninong ko na naka-base na sa Canada. Sa bahay nila ako tumira at ang bunso nilang anak ang nag-alaga kay Rose habang nagtatrabaho ako.

Hinalikan ko sa noo ang anak ko bago ako tumayo para lumabas sa kuwarto niya. Baka kasi naiinip na si David sa paghihintay sa akin.

Si David Wilson ang CEO ng Wilson Company na itinayo lang last year at aking ka-business partner. Ngunit kahit baguhan pa lamang sa business world ang Wilson Company ay unti-unti na itong nakilala at nagkakaroon ng pangalan.

Malapit na kaibigan kaklase ko noong college si David. Nagkita kami sa Canada sa isang event at inalok niya ako na maging business partner sa kompanya na balak niyang itayo. Alam ko ang kapasidad niya kaya hindi ako nagdalawang-isip na pumayag na maging business partner niya. Pag-uwi namin sa bansa ,one week ago, tinanggap ko ang pagiging Director sa Wilson Company.

Paglabas ko mula sa silid ni Rose ay agad na akong nagtungo sa aking silid para mag-ayos. Maaga pa naman at malapit lamang ang venue ng party na pupuntahan namin kaya may time pa ako para mag-ayos.

Isang backless tube red dress na lagpas sa kalahati ng hita ang ang napili kong isuot. Lalo tuloy lumutang ang kaputian ng balat ko dahil sa kulay ng aking suot. Medyo malalim ang tabas sa bahaging dibdib kaya nakikita ang cleavage ko ngunit hindi naman ito masagwang tingnan kaya hinayaan ko na lamang.

Tenernuhan ko ng red shoes na dalawang pulgada ang taas ng takong kaya lalo akong tumangkad. Ang buhok ko naman ay itinaas ko ng paikot ngunit hinayaan ko na may maninipis na buhok na malaglag sa gilid ng aking mga pisngi.

Pagkatapos kong lagyan ng makeup ang mukha ko ay umikot ako sa harapan ng salamin. Napangiti ako nang ma-satisfied ako sa aking hitsura. Kailangan kong magmukha smart para makahanap kami ng investment para sa gagawin naming bagong proyekto. At sa party na pupuntahan namin ay maraming mga big time businessmen ang a-attend kaya hindi namin dapat palagpasin ang pagkakataong ito.

Biglang napalis ang ngiti sa aking mga labi nang pumasok sa isip ko na posibleng magkita kami ni Charles sa party. Imposible na hindi siya um-attend sa mga ganitong klaseng pagtitipon.

Naikuyom ko ng mahigpit ang aking mga kamao. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya napapatawad sa ginawa niyang panloloko sa akin noon. Habang nasa Canada ako ay may nabasa akong balita sa social media na hindi raw natuloy ang kasal ni Charles at ng babaeng ipinalit niya sa akin. Headlines lamang ang nabasa ko dahil hindi ko ito pinagkaabalahang i-click pa para basahin ang buong articles.

Sa nangyaring paghihiwalay nina Charles at Jane ay napag-isip-isip ko na siguro ay puro laruan lamang kay Charles ang mga babae. Wala siyang sineryoso kahit sino sa amin na mga naging girlfriends niya dahil hindi siya marunong magmahal. Ngunit nakabuti sa akin ang balitang iyon dahil tuluyan na akong nakapag-move on sa kanya at naging maayos ang buhay namin ni Rose sa Canada.

"Wow! Super stunning naman ang beauty ng best friend ko. Tiyak kakabugin mo ang lahat ng mga babaeng dadalo sa party," malawak ang ngiti na puri sa akin ni Raven nang pumasok siya sa silid ko.

Ngumiti ako sa kanya ng matamis bago ko ipinilig ang aking ulo para alisin ang tungkol kay Charles. Hindi ko siya dapat iniisip dahil hindi siya karapat-dapat na isipin. E ano naman ngayon kung magkita kami sa party mamaya? Alam ko naman na muling magku-krus ang landas naming dalawa lalo pa't pareho kaming nasa business world. Kung magkita kami mamaya? So be it.

"Siyempre. Magpapahuli ba naman ako sa ibang mga naggagandahang babae na dadalo sa party?" nakangiting pagsakay ko sa biro ng kaibigan ko na tinawanan lang niya. "O siya. Ikaw na muna ang bahala sa inaanak ko at maghahanapbuhay muna ako."

"Don't worry about your daughter and just enjoy the party," mabilis na sagot ni Raven.

Pagkatapos kong mag-spray ng favorite kong perfume ay lumabas na ako sa aking silid at bumaba sa sala. Napatayo sa kinauupuan niya si David nang makita niya akong pababa sa hagdan.

"Good evening, beautiful lady in red," nakangiting bati niya sa akin.

"Good evening too, handsome man?" ganting papuri ko sa kanya. Hindi na ako naiilang kapag pinupuri niya ako dahil nasanay na akong makarinig ng mga papuri mula sa kanya. Hindi lang niya ako pinupuri sa pisikal kong katangian kundi maging sa dedikasyon ko sa aking trabaho. "I'm sorry kung pinaghintay kita ng matagal. Si Rose kasi naglambing pa sa akin na patulugin ko siya," paumanhin ko sa kanya.

"It's okay. Worth it naman ang pagghihintay ko ng matagal dahil nakakita ako ng diyosa na bumababa mula sa kalangitan."

Natawa na lamang ako sa hirit niya. May pagka-palabiro si David kapag kaming dalawa lamang ang magkasama ngunit pagdating sa trabaho ay napaka-seryoso niya. Kaya nga nagawa niyang unti-unting ipakilala sa mga tao ang Wilson Company dahil sa pagiging seryoso at dedicated niya sa kanyang trabaho.

Hindi ako umiwas nang hinawakan niya ang aking siko at inalalayan niya ako palabas ng bahay. Hindi lang siya magaling sa negosyo kundi gentleman pa. Ipinagbukas niya ako ng pintuan ng kotse bago siya lumibot sa driver's seat.

"Kailangang makahanap tayo ng investors para magawa na natin ang project natin, David. Tiyak na papatok sa mga tao kapag nagtagumpay tayo sa proyektong ito," sabi ko sa kanya habang nagbibiyahe kami papunta sa party.

"You're right. Investors na lang ang kulang para masimulan na natin ang big project na ito," sang-ayon niya sa akin.

Ang big project na tinutukoy namin ay ang tinatawag naming AI Face Reveal. Isa itong app kung saan puwedeng ikabit sa mga computer, cellphone, at CCTV camera na naka-connect sa cellphone. Sa tulong ng AI Face Reveal ay makikita ng mga tao ang mukha ng taong natatakpan ang mukha. Maraming tao ang makikinabang kapag natapos at naging successful ang project naming ito katulad ng mga nagtatrabaho at nagpapatupad sa batas, mga may-ari ng tindahan, maliit man o malaki, at mga bangko. Makakatulong ito para mabawasan ang mga nanloloob, nangho-holdap, at marami pang ibang masasamang gawain na hindi makilala dahil hindi makita ang mukha pagkat nakasuot ng bonnet, sumbrero o kung ano pa man na pantakip sa mukha para lamang hindi makilala.

Pagdating namin sa isang five star hotel kung saan idinaraos ang party ay sinalubong kami ng dalawang staff ng hotel at sinamahan papunta sa function room.

"Kinakabahan ako," mahinang bulong ko kay David nang nasa harapan na kami ng function room.

Marahan niyang pinisil ang kamay kong naka-angkla sa kanyang braso.

"Relax. I'm sure you're the most beautiful girl in the party kaya huwag kang kabahan. Kasama mo ako, remember?" mahina ang boses na sabi niya sa akin.

Tumango at ngumiti lamang ako sa kanya bilang tugon sa sinabi niya.

Nang buksan ng dalawang staff ng hotel ang malaking pintuan ay natutok sa amin ang mata ng lahat ng mga bisitang nasa loob ng function room. Mukhang kami yata ang nahuling dumating kaya nasa amin ang buong atensiyon. Lihim akong napangiti. Mabuti nga ito para may makapansin sa amin. Who knows, isa sa mga magiging investors ng project namin ay nakatingin pala sa amin?

Agad kinausap si David ng mga kakilala nitong businessmen at ipinakilala naman niya ako bilang business partner at Direktor ng kompanya niya. Mayamaya pa ay nakaramdam ako ng pagkainip kaya umalis ako sa grupo ni David. Kumuha ako ng wine sa waiter na dumaan sa harapan ko at inilibot ang aking mga mata para maghanap ng prospect investors sa paligid. Ngunit sa halip na prospect investor ay ang pinakaunang tao sa mundo na hindi ko nais makita ang natagpuan ng aking mga mata at ngayon ay matiim na nakakatitig sa akin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status