Share

Chapter 2

Erika's POV

Naputol ang pagdaloy ng masakit na alaala sa aking isip nang maramdaman ko ang mainit na likido na bigla na lamang dumaloy sa aking mga mata. Mabilis ko itong pinahid at saka binalikan sa aking isip ang eksena kung saan ay sinabi ni Raven sa akin na buntis ako nang pagbalikan ako ng malay matapos kong mahimatay nang marinig ko ang ini-anunsiyo ni Charles.

Hindi ako nakapagsalita sa ibinalita ng kaibigan ko. Para akong namatanda sa aking narinig. Ako? Buntis? Bakit ngayon pa siya dumating?

"Sigurado ka ba na sinabi ng doktor na buntis ako? Baka nagkamali ka lang ng narinig mo, Raven?" namumuo ang mga luha na tanong sa kanya.

Hindi naman sa ayaw kong magkaroon ng anak kay Charles ngunit sa sitwasyon ko ngayon ay parang hindi ko pa kayang tanggapin na magkakaroon ako ng anak sa lalaking labis na nanakit sa akin.

Umiling si Raven kaya napapikit ako ng aking mga mata. Hinawakan niya ang isa kong kamay at marahang pinisil. "Kailangan mong tanggapin ito, Erika. Magpakatatag ka. Nandito lamang ako para sa'yo."

Tuluyang nalaglag ang mga luha sa aking mga mata. Inalis ko ang kamay niya sa braso ko at pinilit kong tumayo para bumaba sa kama.

"Hindi, Raven. Niloko ako ng ama niya kaya bakit ko siya tatanggapin? Ipapalaglag ko ang batang nasa sinapupunan ko?" Nabubulagan ako ng galit kay Charles kaya hindi ako makapag-isip ng tama. Maging ang walang kamalay-malay na bata na nasa loob ng tiyan ko ay nadadamay sa galit ko sa kanyang ama.

Nang makababa ako sa kama ay nagmamadaling naglakad ako palapit sa pintuan. Nasa hospital ako kaya puwedeng dito ko na ipatanggal ang nasa sinapupunan ko na unti-unti palang nabubuo. Ngunit bago ako makarating sa pintuan ay nahabol na ako ni Raven at sinampal ng malakas para magising ako sa masamang binabalak kong gawin.

"Walang kasalanan ang anak mo sa ginawa ng ama niya, Erika! Kasalanan sa Diyos ang nais mong mangyari." Umiiyak na niyakap niya ako. Alam ko na hindi niya gustong saktan ako ngunit ginawa ito para matauhan ako na siya namang nangyari. Yumakap na lamang ako sa kaibigan ko at umiyak ng umiyak. "Makakaya mong lampasan ang pagsubok na ito, Erika. Matatag ka at malakas."

Hinayaan kong igiya ako ni Raven pabalik sa hospital bed. Tama naman siya. Dapat akong magpakatatag. At higit sa lahat, hindi ko dapat na idamay ang magiging anak ko sa galit ko kay Charles. Inosente siya. Hindi niya kasalanan na nabuo siya. At nabuo siya dahil sa pagmamahal.

Lihim na lamang akong humingi ng sorry sa anak ko na nasa loob pa ng aking sinapupunan. Ipinangako ko rin sa aking sarili na hinding-hindi ko na uulitin ang pagtatangka na ipalaglag siya.

Pagkatapos ng isang araw na pananatili ko sa loob ng hospital ay pinalabas na ako sa hospital. Ngunit pinayuhan ako ng doktor na huwag kong kalimutan ang mga vitamins na inireseta niya sa akin. At higit sa lahat ay pinayuhan niya ako na huwag mag-isip ng kung ano-ano para iwas stress dahil makakasama raw sa bata. Medyo maselan daw kasi ang pagbubuntis ko lalo pa at panganay ko itong anak.

Mahirap man ay pinilit ko ang aking sarili na huwag isipin si Charles lalo na ang sakit na idinulot niya sa akin. Malaki ang pasasalamat ko na palaging nasa tabi ko si Raven at umaalalay sa akin.

Ngunit hindi ko pala patuloy na maiiwasan ang hindi isipin si Charles. Naging laman kasi ng mga pahayagan, balita sa tevision, at halos lahat ng social media platform ang tungkol sa announcement ng nalalapit na pagpapakasal nina Charles at Jane. Imposible naman kasi na hindi ibalita ang tungkol sa dalawa dahil parehong sikat na ang kanilang mga personalidad. Sikat na actress si Jane at sikat din si Charles lalo na sa business world. Si Charles lang naman kasi ang pinakabatang bilyonaryo at CEO ng Evan Industry.

"Bakit mo ba pinapanuod ang balitang iyan, Erika? Hindi mo dapat pinapanuod ng mga balitang alam mong makakasama lamang sa'yo." Nagmamadaling nilapitan ni Raven ang remote at pinatay ang pinapanuod kong balita tungkol sa naganap na engagement party sana namin ni Charles ngunit naging engagement party nina Charles at Jane. Naabutan kasi ako ng kaibigan ko na tumutulo ang mga luha habang nanunuod sa balita.

"Manunuod sana ako ng palabas kasi nabo-bored ako pero paglipat ko sa ibang channel ay nakita ko ang balita tungkol sa kanila," paliwanag ko sa kaibigan ko habang tinutuyo ko ng mga daliri ko ang mga pisngi kong dinaanan ng luha.

"Kaya hindi ka makakapag-move on dahil patuloy mong pinapanuod ang mga walang kuwentang balitang iyan. Alam mo naman na makakasama sa kalusugan mo ang ma-stress. Gusto mo ba talagang malaglag ang dinadala mong bata sa tiyan mo?" patuloy na panenermon sa akin ng kaibigan ko.

Hindi ako nagagalit o nagtatampo sa kanya kapag senesermunan niya ako dahil ilang beses na rin niya akong nahuli na nanunuod ng balita o di kaya ay nagbabasa ng articles sa mga social media tungkol sa aking ex-boyfriend.

"I'm sorry. Hindi ko lang talaga mapigilan ang aking sarili na tingnan at basahan ang mga balitang nakasulat tungkol sa kanila," umiiyak kong sagot. Hanggang ngayon ay sobrang sakit pa rin ng aking dibdib kapag naaalala ko ang gabing iyon. Ni hindi man lang ako pinuntahan ni Charles para magpaliwanag sa akin kung bakit nagawa niya akong lokohin. Para bang hindi ako nag-exist sa kanya.

Niyakap ako ni Raven hanggang sa huminto na ako sa pag-iyak. "Ang mabuti pa para malibang ka ay pumunta tayo sa mall. Mag-shopping tayo."

Hindi ako tumutol sa kanyang suggestion. Mas mabuti nga maglakad-lakad ako sa mall para naman maging exercise na rin ng katawan ko. Ilang araw na kasi akong walang exercise dahil parati lamang akong nakahiga sa kama ko.

Pagdating namin sa mall ay nagtaka kami kung bakit maraming tao sa parking lot na puro taga media. Pero dahil hindi naman kami mahilig makiusyuso kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao ay hindi na namin iyon masyadong pinansin. Nang maiparada ng kaibigan ko ang kotse ko ay sabay na kaming bumaba sa kotse.

Pagbaba ko sa kotse ay napatda ako nang makita kong naglalakad palapit sa akin sina Charles at ang babaeng ipinalit niya sa akin. Kaagad na nag-ulap ang aking mga mata at napadiin ang kamay ko sa salamin ng kotse.

Nauunang maglakad si Charles at nahuhuli naman si Jane na siyang naaabutan ng mga taga-media na nais makuhanan ng interview ang dalawa. Ngunit huminto aa paglalakad si Charles at hinintay ang babae pagkatapos ay pinagsalikop ang kanilang mga palad. Magkahawak ang mga kamay na naglakad sila palapit sa akin.

Akala ko ay ako ang sadya nila ngunit hindi pala. Katabi pala ng kotse ko ang kotse ni Charles na hindi ko napansin kanina. Dinaanan lamang ako ni Charles na para bang hindi niya ako kilala samantalang ang kasama niyang babae ay tinapunan ako ng kakaibang ngiti na para bang kilala niya kung sino ako.

Dahil nagmamadali ang mga taga-media na mahabol sina Charles at Jane ay hindi nila alintana kung may maitulak silang ibang tao. Iyon ang nangyari sa akin. Pagdaan ng mga taga-media ay naitulak nila ako kaya bigla akong napaupo. Hindi ako nakatayo dahil biglang sumakit ang balakang at puson ko. May babaeng lumapit sa akin at nag-abot ng kamay niya para tulungan akong makatayo.

Inabot ko ang kamay ng babae nang hindi ko tinitingnan ang mukha niya. Pag-angat ng paningin ko sa mukha niya ay napakuyom ang isa kong kamao nang makita ko kung sino siya. Ang babaeng ipinalit sa akin ni Charles.

Babawiin ko na sana ang kamay ko ngunit bigla niya akong hinila patayo. Lalong sumakit ang puson ko ngunit tiniis ko ang sakit at hindi ipinahalata sa babaeng kaharap ko.

"Hindi ko na kailangan pang ipakilala sa'yo ang aking sarili dahil alam ko na kilala mo na ako," nakangiting kausap sa akin ng babae.

Nang makita naman ng kaibigan ko kung sino ang kausap ko ay agad niya akong nilapitan. "Anong kailangan sa'yo ng babaeng iyan, Erika?" mariing tanong niya sa akin.

Umiling lamang ako sa kaibigan ko at muling tiningnan ang babaeng artista. "Ano ang kailangan mo sa akin? Bakit mo ako tinulungan?"

"Nothing. I just want to say thank you. Salamat dahil ipinaubaya mo sa akin si Charles. At sana ay huwag mo siyang habulin dahil never na siyang babalik pa sa'yo," nakakaloko ang ngisi na sabi niya sa akin bago tumalikod at naglakad papunta sa kotse kung saan naroon din si Charles. Tinted ang salamin kaya hindi ko alam kung nakatingin ba sa akin siya sa akin o hindi.

"Ang kapal talaga ng mukha ng mang-aagaw na iyon! Sikat na artista nga pero mang-aagaw naman," nagpupuyos ang kalooban na wika ni Raven habang sinusundan ng tingin ang papalayong kotse na sinasakyan ng dalawa. Ang mga taga-media naman ay nasa sulok na ng parking lot at hinaharangan ng mga guwardiya.

Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Muli kasing nanariwa ang sakit ng ginawa sa akin ni Charles sa gabi ng aming engagement party sana. Ngunit bigla akong natigilan at napahawak sa aking puson nang muli kong maramdaman ang pagsakit ng aking puson. Sa pagkakataong ito ay mas matindi na ang sakit.

"Ang sakit ng puson ko, Raven," kandangiwing sabi ko sa kaibigan ko.

"Ha? Bakit masakit ang puson mo?" nag-aalang tanong ng kaibigan ko nang makita niyang hindi na maipinta ang mukha ko dahil sa sakit na nararamdaman ko.

Naramdaman ko ang tila likido na umaagos papunta sa aking hita kaya kinapa ng aking kamay kung ano iyon. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang pulang dugo sa aking kamay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status