Share

Chapter 3

"Halika, Celle, tingnan mo oh, personal na inihatid ng pinsan mo ang imbitasyon para sa'tin sa nalalapit niyang kasal," masiglang salubong sa'kin ni Mama.

Pinigil kong huwag umikot ang sariling mga mata dahil sa pinakitang excitement ni Mama na para bang sarili niyang anak iyong ikakasal.

Ganito naman palagi siya, pumapapel sa pamilya ni Trish sa bawat oportunidad. 

Isang matamis na ngiti ang ibinigay ko kay Trish. Halatang inaabangan nito ang magiging reaksiyon ko.

Minsan talaga ay napatanong na lang ako sa'king sarili kung ano ang nagawa ko sa babaeng ito at bakit napaghalataan kong malaki ang inggit nito sa'kin.

"Congratulations," magaan kong bati kay Trish at pasimple kong tinapunan nang sulyap ang katabi nitong si James.

"Pasensya ka na, Ate, huh at hindi ka nailista sa entourage," mahinhing paumanhin ni Trish.

Lihim na nagtagis ang mga ngipin ko dahil sa pagiging plastikada nito. Ganito talaga ito... bait-baitan sa harapan ng ibang tao pero kapag kaming dalawa na lang ay lumalabas ang sanga-sangang sungay!

"Okay lang iyon... naiintindihan ko naman," mahinahon kong tugon kabaliktaran nang nararamdamn ko sa loob.

Kalbo na siya sa isip ko dahil kanina ko pa binunot isa-isa ang buhok niya!

"Isa ka sana sa mga bride's maid pero mga eighteen years old kasi mga kasamahan mo... thirty ka na 'di ba?"

Muntik nang bumuway ang nakapaskil na ngiti sa mga labi ko dahil sa pagbanggit nito sa edad ko.

Sa isip ko ay pinugutan ko na siya ng ulo! 

Hindi nakaligtas sa'kin ang nakakainis na pagtaas ng sulok ng mga labi niya na wari'y hinahamon akong mag-react.

"Naiintindihan ko..." kunwari ay hindi apektado kong tugon. "Justified namang mga bata pa iyong kukunin mong bride's maids dahil bata rin ang bride, twenty-two ka pa lang 'di ba?"

Hindi kumukurap kong sinalubong ang tingin niya at alam kong may nasaling ako sa loob niya dahil saglit na tumalim ang pagkakatitig niya sa'kin.

"Pero congrats talaga ha, kasi kahit bata ka pa ay magiging mommy ka na." Pinagdiinan ko ang salitang 'bata' dahil pansin kong naiinis ito dahil doon.

Sa ugali ng babaeng ito ay duda akong magiging mabuting ina ito. Laman ito ng bawat party kaya wala sa karakas nito ang mananatili sa bahay upang alagaan ang anak. 

Wala pa man ay naaawa na ako sa magiging anak nito kung hindi pa rin ito magbabago pagkapanganak.

Pasimple akong nagbaba ng tingin sa mataas na takong ng suot nitong sapatos bago ako tumingin sa maliit na umbok ng tiyan nito.

Nabasa ko sa kung saan na bawal sa buntis ang magsusuot ng high heels pero mukhang hindi yata nito alam iyon o baka mas binibiggyan nito nang pansin ang pagiging fashionista kaysa kasalukuyang kalagayan.

"Salamat, Ate," walang buhay nitong tugon sa pagbati ko.

Nginitian ko lang ito. Hindi ko inaasahang makapagsalita pa ito dahil nakikita kong pagpipigil nito ng galit.

Kaya lagi itong gigil sa'kin dahil hindi ito manalo-nalo laban sa'kin. Paano ba naman kasi, sa aming dalawa ay ito iyong mapagpanggap na mabait kaya ayan hindi makaganti dahil pinaninindigan ang bait-baitan.

"Aasahan ko kayo sa kasal, Tita," masaya nitong baling kay Mama.

"Of course, iha. Hinding-hindi kami mawawala!" excited na sagot ni Mama. "Dito na kayo maghapunan."

"Hindi na po, Tita," malumanay na tanggi ni James. "May dadaluhan po kaming dinner, part of the wedding preparation." 

Nag-iwas ako ng tingin nang sumulyap ito sa kinatatayuan ko.

"Anong titingin-tingin ng gagong iyan?" mahinang tanong ni Dianne na kanina pa tahimik sa likuran ko.

Pasimple ko itong siniko upang hindi na magkomento pa.

"Ay gano'n ba? Next time na lang," wika ni Mama.

"Kung magkakaoras po, Tita," sagot ni James.

"Mauna na kami, Tita, Tito," paalam ni Trish. "Ate Celle, see you sa wedding... pwede kang magdala ng kaibigan."

"Ingat kayo," matamis ang pagkakangiti kong saad.

Sa sobrang tamis ng ngiti ko ay sana magka-diabetes ang mga ito!

Nakahalukipkip kong pinanoood ang pag-alalay ni James kay Trish na makatayo... na sinuklian naman ng malambing na ngiti ng huli.

Sige lang, maglandian sila sa harapan ko! Hindi naman masakit sa puso... nakakairita lang sa mata pero nakakaya ko namang tiisin.

Dahil sa nangyari sa'kin no'ng nakaraang gabi ay parang himalang biglang naglaho ang nararamdaman ko kay James.

Mas gumugulo  pa nga sa isip ko ang nangyari sa'kin kasama ang hindi ko kilalang lalaking iyon kaysa ginawang panloloko sa'kin ng dalawang ito!

"Salamat sa pagdaan," magiliw na pahayag ni Mama. "Balik ulit kayo at kung may maitutulong kami para sa kasal ay huwag kayong mag-aatubiling magsabi."

Ako iyong naririndi sa nanay ko! Masyadong itong napaghahalataan.

"Maraming salamat po, Tita." Makahulugang tumuon sa'kin ang tingin ni Trish matapos pasalamatan si Mama. "Kung may kakailanganin pa po kami ay si Ate Celle po ang tatawagan namin."

Napahigpit ang pasimpleng  pagkapit sa braso ko ni Dianne mula sa likuran... ramdam ko ang gigil niya dahil iyon din naman ang nararamdaman ko.

"Mas maigi pa nga! Pwede namang lumiban sa trabaho ang Ate Celle mo kapag kinakailangan."

Paladesisyon talaga ang nanay ko! Kahit konting konsiderasyon lang sana talaga!

Nakalimutan na ba niyang iyang lalaking pakakasalan ng pinsan ko ay una niyang nakilala bilang boyfriend ko?

At mabuti sana kung maganda ng paghihiwalay namin pero ang problema ay hindi pa nga kami hiwalay ay nabuntis na nito ang pinsan ko!

"Sige po, Tita, Tito... mauuna na kami," paalam ni James.

"Ingat kayo," habilin ni Mama sa mga ito. "Lyndon, ihatid mo sila sa labas," utos pa nito kay Papa.

Sa pamilyang ito ay utusan lang ni Mama si Papa. Wala talaga itong boses at ang laging nasusunod ay si Mama.

Walang emosyon kong inihatid nang tanaw ang papalayo nilang mga bulto habang nagrerebelde ang kalooban ko sa lahat ng mga nangyayari.

Hindi ko alam kung kanino ako mas magagalit, sa pinsan ko at ex na nanloko sa'kin o sa mga magulang kong walang pakialam sa nararamdamn ko ngayon.

"Mabuti naman, Celle, at tuluyan mo nang natanggap na iyong pinsan mo ang pakakasalan ng dati mong nobyo," komento ni Mama.

"Bagay naman po sila, 'Ma," walang pakialam kong sagot.

"Talagang bagay sila! Mayaman si James at gano'n din ang pamilya ng pinsan mo...kung sana ay ginamit mo iyang uyak mo, ikaw dapat ang nasa katayuan ngayon ng pinsan mo!" mahabang litaniya ni Mama.

"Ma, hayaan mo na si Ate," pakikisali ng bunso kong kapatid. "Mauunahan ko pa iyan sa pag-aasawa, eh." Masaya pa itong humagikhik.

Minsan talaga ay naghihinala akong ito at si Trish ang tunay na magkapatid dahil hindi talaga kami magkakaintindihan.

"Baka kung sino lang iyang pinili mo,malilintikan ka talaga sa'kin!" sikmat dito ni Mama.

Mas concern pa ito sa katayuan ng lalaking pipilin ng kapatid ko sa halip napagsabihan ito dahil sa edad 19 ay pumasok an ang pag-aasawa sa isip nito.

"Libre mo ko sa labas, kain tayo," bigla ay yaya sa'kin ni Dianne.

Ito lang ang malakas ang loob na magyaya pero magpapalibre.

"Baka lang naman gusto mo munang lumanghap ng sariwang hangin sa labas," pahabol pa nito.

Pabuntong-hininga kong tinapunan ng tingin ang ina at kapatid na abala na sa kung anong pinag-uusapan nila tungkol sa lalaking pwedeng pakasalan ng huli.

Kawawa kong kapatid nahawaan ng pagiging social climber ni Mama kaya prospect ang makapag-asawa ng mayaman.

Iyan din noon ang iginigiit sa'kin ni Mama habang lumalaki ako kaya nga tuwang-tuwa ito nang ipakilala ko si James.

Labis itong nanghinayang nang malamang nabuntis ng lalaki ang pinsan ko kaya sermon ang inabot ko mula rito sa halip na i-comfort ako.

Ewan ko na lang talaga sa nanay na meron ako!

"Halika na... naaalibadbaran na ako rito sa bahay." Ako na mismo ang humila kay Dianne paalis at hindi na nagpaalam pa kay Mama dahil busy na sila ng kapatid ko.

Iyong isusuot sa kasal na naman ang paksa ng usapan nila. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status