Share

Chapter 2

"Celle, ikakasal na iyong pinsan mo at iyong—"

"Huwag mo nang ituloy!" mabilis kong sansala sa pagsasalita ng kaibigan kong si Dianne. "Nag-iinit ang ulo ko tuwing naaalala ang hayop na iyon!"

"So, hindi ka pupunta sa kasal nila?" nakataas ang kilay nitong tanong sa'kin. 

"Kung pwede lang sana!" dismayado kong hinaing. "Pero king hjndi ako dadalo ay tiyak ako iyong magiging masama sa paningin ng buong pamilya namin. Ako na naman iyong masama! Ni hindi man lang sasagi sa makikitid nilang utak na ako iyong inagawan!"

"Hindi pa kasal... pwede mo pang mabawi," kunsitifir na payo nito sa'kin.

Sinamaan ko ito ng tingin bago inirapan. 

"Never!" matigas kong tugon. "Over my dead ovary! Tang-ina nilang dalawa!" puno nang gigil kong dugtong.

"Dead ovary na talaga iyan dahil isang buwan na lang at lagpas ka na sa kalendaryo," paalala nito sa'kin.

"Dianne, may 31 pa iyong ibang mga buwan," umiikot ang mga matang pagtatama ko.

"February iyong basehan ngayon... tandaan mo na 29 iyong pinakamataas," pang-aasar pa nito.

"Huwag mo na ngang ipaalala sa'kin ang edad ko," nayayamot kong reklamo.

Ever since na tumuntong ako sa edad na twenty-eight ay naging sensitibo na ako sa usaping edad.

Nataon pa talaga na kung kailan ako magt-thirty ay tsaka pa ako walang jowa dahil ayon binuntis iyong pinsang kong twenty-two years old!

Sampal talaga sa'kin iyon dahil parang lumabas na pinagpalit ako sa mas bata! 

Minahal ko naman talaga si James. Sa pitong taong pagsasama namin ay buo na ang desisyon kong siya ang pakakasalan pero ang lintik na lalaki ay kinakalantari pala ang malandi kong pinsan at binuntis pa!

Kaya pala mapagmataas kung umasta sa'kin si Trish ay dahil may ginagawa pala sila ng boyfriend ko sa likod ko. 

Matagal na pala nila akong ginagawang tanga! Ang yabang pa ni Trish no'ng aminin niya sa'kin ang bagay ba iyon!

Tuwing naalala ko ang ginawa nila sa'kin ay agad din namang bumabalik ang malabong alaala no'ng nalasing ako.

Lihim kong ipinilig ang ulo upang alisin ang naglalarong imahe ng isang lalaki sa isipan ko.

"Pero tapatin mo nga ako, Celle." Napatingin ako sa seryosong mukha ni Dianne.

"Wala ka na ba talagang nararamdaman para doon sa ex mo? Nakapagtataka kasi eh, parang ang bilis naman yata... seven years din kayo, 'no!"

"Sa tingin mo ba patuloy pa rin akong magpapakatanga sa kabila nang ginawa niya sa'kin?" sarkastiko kong tanong. "Kung may nararamdaman man ako ngayon ay panghihinayang iyon sa sinayang kong oras kasama siya... at kasama na roon ang matinding galit dahil pinaasa niya ako! At umasa rin ako! Ang hirap, Dianne... tingnan mo ako ngayon, nalipasan na ng panahon dahil sa pagtitiwala sa isang manloloko."

"Ano bang nalipasan?" Magaang haplos sa likod ko ang isang kamay ni Dianne para ipadama ang suporta sa'kin. "Bata pa ang thirty... makakahanap ka pa ng lalaking karapat-dapat sa'yo."

Lalong bumigat ang pakiramdam ko dahil naalala kong wala na pala akong maipagmamalaki kung sakaling mahanap ko man ang tinutukoy na lalaki ni Dianne.

"Hindi na ako umaasa, Dianne," malungkot kong usal.

"Ang nega mo talaga!" pangangaral niya sa'kin na may kasama pang hampas sa balikat. "Natandaan mo iyong Tiyang Amor ko? Fifty iyon no'ng makapag-asawa."

"Senior citizen na may apat na anak at maraming apo na iyong naging asawa nito," nakasimangot kong wika.

"At least nakapag-asawa!" tugon niya. "Dapat lang talaga ay hindi ka choosy."

"Magpapaka-laon na lang ako," desidido kong pahayag.

"Hindi ka makakatikim ng langit dito sa lupa niyan," kantiyaw sa'kin ni Dianne.

Mabilis na nag-iinit ang pisngi ko dahil muling sumagi sa isip ko ang ilang mga eksena na nangyari no'ng gabing nagpakalasing ako.

"Bakit ka namumula?" eksaheradang tanong ni Dianne sa'kin na nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan. "Huwag mong sabihing sinuko mo ang bandila kay James?"

"Hindi ah!" mabilis kong sagot. 

Totoo namang hindi ko sinuko kay James dahil aksidente ko itong naibigay sa hindi ko kilalang lalaki.

"Dapat lang! Ang swerte naman masyado ng ulupong na iyon kung nagpatuhog kayong magpinsan."

Wala na sa pagtatalak ni Dianne ang atensiyon ko dahil natuon na ito sa sasakyang huminto sa harapan ng gate namin.

Nag-uusap kasi kami ngayon dito sa terrace ng bahay namin na nakadungaw sa gate namin kaya agad na matatanaw kung sino ang mga darating.

Sa pagkakataong ito ay kilalang-kilala ko ang kotseng huminto at pinagbuksan ng kapatid ko.

"Grabeng kakapalan talaga ng mukha ang taglay ng ex mo!" nayayamot na wika ni Dianne.

Pareho na kaming nakatingin kay James na pababa ng sasakyan nito na mabilis ding sinundan agad ni Trish.

"Isa pa 'tong mga magulang mo eh! Wala man lang konsiderasyon sa feelings mo," puno anng gigil na pagpapatuloy niya.

Hindi gumagalaw sa kinauupuang pinapanood ko lang ang magiliw na pagsalubong ng mga magulang ko sa bisita.

Ano pa nga ba ang aasahan ko mula sa'king pamilya na mas tinatanaw pa ang malaking utang na loob sa pamilya ni Trish kaysa pinagdadaanan ko dahil sa kataksilan nito at ng ex ko?

Magkapatid ang mga ama namin ni Trish at ang pamilya nila ang masasabi kong mayaman talaga at pangit mang pakinggan pero nakikisakay lang ang mga magulang ko at pilit na pinagsisiksikan ang sarili sa mga ito.

Kaya sa nangyaring ito sa pagitan namin ni Trish ay wala akong aasahang simpatiya mula sa mga ito dahil mas mahalaga sa kanila ang mga sarili nila.

"Celle, bumaba ka riyan... may bisita tayo!" malakas na tawag ni Mama mula sa baba.

Hindi makapaniwalang napatingin sa'kin ni Dianne.

"Ang lala ng nanay mo!" mahina pero mariin niyang komento.

"Wala nang nakakagulat pa riyan, sanay na ako," mapakla kong tugon.

Kahit ayaw ko ay napilitan akong tumayo upang dungawin ang mga ito.

Naabutan kong papasok na ang mga magulang ko sa front door habang kausap si Trish ay nakasunod sa mga ito si James.

Napahigpit ang kapit ko sa railings ng terrace nang biglang huminto si James at mag-angat ng tingin.

Saglit na nagkasalubong ang mga mata namin bago ako umatras. 

"Huwag mong sabihin sa'kin na bumalik ang feelings mo dahil kukutusan kita!" mahina pero may pagbabantang wika ni Dianne.

Batay sa reaksiyon niya ay halatang nasaksihan niya ang saglit na pagtatama ng paningin namin ni James.

"Huwag kang mag-alala... hinding-hindi mangyayari iyon!" may pinalidad kong pahayag.

"Siguraduhin mo lang," pahabol niya sa'kin nang magpasiuna na akong humakbang upang harapin ang mga bisita.

Kailangan kong gawin ito dahil tiyak na walang katapusang sermon ang aabutin ko kay Mama kung hindi ko ito susundin.

At isa pa...ayokong magmukhang bitter sa paningin ng dalawang taong niloko ako.

Oo nasaktan ako pero hindi nila ako makikitang malulugmok dahil doon!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status