Share

Chapter 6

BUMALIK kami sa realidad nang tawagin kami ni Sister Anne. Sabay kaming tumingin sa kanila at lihim na ngumiwi. Sumenyas siya sa amin upang sumunod sa kanila.

Habang naglalakad ay pinilit kong huwag tumingin sa direksyon ni Crimson. Nagtitigan talaga kami? Nakakahiya ngunit wala nang bawian iyon lalo na't kilala niya ako. Akala ko nga baka nakalimutan na niya ako.

Pagkalapit namin sa kanila ay agad kaming sinabihan na pupunta kami sa may likurang bahagi ng kumbento. Naroon ang mini vegetable garden na itinayo namin ilang taon na ang nakalilipas. Noon ay kami pa ang naglilinis at nagtatanim ng mga gulay pero may iilang volunteer na mula sa komunidad ang regular na tumutulong dito.

Masaya sila Sister na naglakad sa maliit na pathway na ginawa sa gitna ng mga plot. Nasa aking likuran si Crimson kaya minsan ay binibilisan ko upang hindi kami magkalapit. Mahinang nag-uusap ang dalawang nakatatanda tungkol sa ampunan. Palihim kong pinagmasdan si Mr. Adam at nagtataka sa kaniyang kinikilos. Ang close naman ng dalawang ito.

Napaigtad ako nang may bumunggo sa aking likuran. Mahina akong napamura. Napabagal pala ang paglalakad ko. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa pumasok kami sa isang shortcut papunta sa kapilya ng ampunan. Doon kami nag-aaral ng religion noong elementary pa lang kami. Doon din nagdadasal ang mga madre.

Tumigil ako sa paglalakad nang maramdaman kong wala nang sumusunod sa aking likuran. Lumingon ako at nakita ko si Crimson na nakatanaw sa bundok. Mas makikita rito ang bundok dahil wala masyadong puno at mga estruktura na nakatayo. Lumapit ako sa kaniya at mahinang tinapik ang kaniyang balikat.

Lumingon siya sa akin at bahagyang nagulat ngunit nawala rin ito. Napalitan ng kung anong emosyon ang kaniyang mukha at maliit na ngumiti.

"Ang ganda nga pala rito." Sabi niya. "You mentioned this place before."

Tahimik akong tumango at tahimik na pinagmasdan ang kaniyang seryosong mukha. Nilipad ng hangin ang iilan sa kaniyang buhok. Mas naging mature ang kaniyang tindig at hindi halata na magtatapos pa lang din siya kagaya ko. May girlfriend ka na kaya? Nagka-girlfriend? Imposible naman kasing wala, Heaven.

Huminga ako nang malalim at pinakiramdaman ang aking kasama. Tumingin ako sa kaniya at kinalabit siya muli.

"Halika na. Baka hinahanap na tayo nina sister Anne . . . “Halos pabulong kong paalam sa kaniya.

Tumalikod ako sa kaniya at nauna nang naglakad. Naramdaman kong sumunod naman siya sa akin kaya hindi na ako lumingon at nagpatuloy sa paglakad. Pagkapasok namin sa kapilya ay biglang nanlaki ang aking mga mata at napasinghap. Nakatuon ako kina sister Anne at Mr. Adam na magkaharap sa isa't isa at nakatayo sa harap ng maliit na altar.

Sister Anne, magkakasala ka sa ginagawa niyo ngayon.

May tumikhim sa aking gilid at nakuha ang atensyon ng dalawa. Nakaramdam ako ng hiya para sa dalawa. Napaiwas ng tingin ang dalawa sa amin na parang mga teenager na nakita ng mga magulang. Bawal iyan, sister.

Pinigilan ko ang aking sarili na matawa at kiligin sa aking naisip. Hindi naman siguro hahantong si sister sa ganoon lalo na't madre siya. Pero hindi ko naman maitatanggi na bagay silang dalawa. Nakakapagtaka lang kung bakit ang close nila ngayon. Magkakilala na ba noon si sister Anne at Mr. Adam?

"B-bumalik na tayo sa kumbento." Bahagyang pinamulahan ng pisngi si sister at tinalikuran kaming tatlo. Umalis ito nang hindi kami hinihintay.

Bumaling ako kay Mr. Adam na nagpipigil na ngumiti. Napansin niya ang aking nagtatakang tingin ngunit nginitian lamang ako nito at madaling sinundan si sister Anne.

Napabuntonghininga ako. Bakit ba kami iniiwang dalawa?

Nauna akong naglakad palabas ng kapilya. Dinig ko ang aming mga yabag sa tahimik at sagradong parte ng kumbento.

"How are you?" Tanong niya.

Naramdaman kong tumabi siya sa akin upang hindi mahuli. Huminga ako nang malalim.

"Okay lang . . . Ikaw?"

"Good. Okay lang din." Tugon niya bago kami bumalik sa tahimik.

Tumapak kami sa loob ng lounge ng kumbento. Ngumiti ako sa ilang mga bata na natapos na siguro sa pagkain. Hinanap ng aking mga sina sister Anne pero wala sila rito.

"Saan na ba sila?" Tanong ko sa sarili at naiinip na umupo sa mahabang sofa sa malapit. Umupo rin si Crimson pero tama lang ang aming distansya at walang kibo.

Kung nasaan ka man ngayon, sister, pakigalaw naman ng baso. Saan na ba kayo?

Tumingin ako kay Crimson na ngayo'y komportableng nakasandal sa sofa. Pinagmasdan nito ang mga litratong nakasabit sa may dingding. May family portrait kami rito sa ampunan at halos kada okasyon ay photographer na pumupunta rito.

"I glad you're doing well here in the orphanage." Nakangiti siyang nakatitig sa malaking litrato at agad may tinuro.

"You look so beautiful there," he complimented.

Marahan kong kinagat ang loob ng aking pisngi. Bahagya akong tumawa uoang gumaan ang tensyong namumuo sa aking dibdib ngunit ngumiwi sa huli.

"Hindi naman pero salamat . . .” Hindi ko alam kung ano aking idudugtong.

"Hindi ka pa rin nagbabago. Mahiyain pa rin." Tumawa siya at bumaling sa akin.

Umangat nang kusa ang aking mga kilay at nahihiyang ngumisi.

Ang kaniyang mga mata ay parang nang-aakit dahil sa ganda ng mga ito. Hindi ko mapigilang hindi siya titigan.

Hindi pa rin ako makapaniwala na ilang taon na talaga ang nagdaan. Ilang taon ko rin siyang sinubukang kalimutan pero ilang beses akong nabigo. At hanggang ngayon ganoon pa rin. Mas lalong magiging mahirap ito sa akin ngayong magkasama kami. Kahit anong libing ko, mauungkat pa rin ang pagtingin ko sa kaniya.

"LJ! Sandali lang!" Sigaw ko habang tumatakbo sa pathway ng eskuwelahan.

Nagmamadali akong habulin siya dahil siya lang din ang kasama ko sa araw na ito. Kami ang pinadala ng aming paaralan para sa 1-week seminar for creative writing and essay. Excited ako noong una dahil dagdag ito para sa extra curricular ko pero hindi ko naman alam na itong si LJ ang kasama ko.

Kilala siya dahil sa pagiging matalino niya pero hindi ko siya ganoong kilala. Lalong hindi kami close dahil hindi naman ito kumakaibigan nang basta-basta. Kaya naman nadismaya ako kaunti dahil hindi ganoon kasaya ang magiging activity na ito.

May iilang estudyante nang nagsidaanan ss pathway kaya napilitan akong maglakad. Napahingal ako at tinanaw siyang naghihintay sa akin kasama ang aming teacher na si Miss Rossi.

Nilakihan ko ang aking mga hakbang nang bigla akong matalisod . Nanlaki ang aking mga mata at napapikit. Pigil-hininga kong hinintay ang aking bagsak sa lupa ngunit naramdaman kong may sumalo sa akin.

Dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata at bumungad sa akin ang isang morenong lalaki. May bahagyang singkit na mata at kulay-kape, matangos na ilong at mapupulang labi. Binawi ko ang aking balanse sa kaniyang tulong at unti-unting nakaramdaman ng pagkahiya.

Lumingon ako sa paligid at buti na lang iilan lang nakapansin. Nasa gilid na bahagi kami ng pathway. Bumalik ang tingin ko sa kaniya at ngumuso.

"Are you okay,"

Hindi ko na siya pinatapos at agad humingi ng tawad.

"P-pasensya na ah... Nagmamadali kasi ako. May naghihintay sa akin." Tinuro ko kung saan sina LJ at Miss Rosi.

Busy ang dalawa sa pagkukwentuhan kaya naka hindi nila nalaman ang nangyari. Mabuti na rin para walang kumalat na tsismis.

"It's okay. Don't mind it." Tumango siya sa akin st biglang kumunot ang noo.

"Are you a new student or a visitor?"

Binaba ko ang tingin sa sarili upang tignan ang aking suot. Naka-plaid skirt ako na color brown at  naka-tuck in na white shirt na may line art design.

Tumingin ako sa kaniya at nakasuot siya ng puting school uniform at itim na slacks. 

"Bisita lang kami. Invited kasi ang school namin para sa isang seminar kaya nandito kami,"  nahihiya kong tugon sa kaniya.

Lumiwanag ang kaniyang mukha at ngumiti sa akin.

"We're same! By the way, I'm Crimson." Pakilala niya sa akin. "I study here at Tessoro."

Inabot niya ang kaniyang kaliwang kamay upang makipagkamay.

"I'm Heaven Avila from Graciano." Hinawakan ko ang kaniyang kamay saglit at agad itong binitawan. 

Bahagya akong ngumiti sa kaniya at nagpaalam na na aalis. Naghiwalay ang aming landas ngunit hindi pa rin nawala sa aking isip ang nakakahiyang pangyayari.

Nag-iwas ako ng tingin at tumingin sa kawalan.

Crimson Genovese, bakit hindi ko man lang nahingi ang buong pangalan mo noon? Pinahirapan mo pa ako.

Napailing na lang ako sa aking isip.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status