Share

The Cold Billionaire's Secret Wife
The Cold Billionaire's Secret Wife
Author: Rhod Selda

Chapter 1

UNANG beses na nakaapak sa siyudad sa Maynila si Liza. Naninibago siya dahil sa modernong mga gusali, malalaki, maraming sasakyan sa kalsada na halos wala nang espasyo. Kamuntik pa siyang masagasaan sa pagtawid ng kalsada. Ang mas malala, naligaw siya sa napakalaking mall kung saan siya dinala ng kaniyang lolo.

Birthday kasi niya kaya siya ipinasayal ng kaniyang lolo. Nineteen years old na siya ngunit second year high school pa lamang ang kaniyang natapos. Namatay kasi sa engkuwentro kontra rebelde ang mga magulang niya. Kinupkop siya ng katutubong kaibigan ng kaniyang ina sa Digos City.

Lumaki siya sa kabundukan ng Digos, salat sa salapi. Tanging ikinabubuhay nila ay pagsasaka ng kamote at saging. Kaya nasasapat lamang pambili ng bigas ang kanilang kinikita. Laking pasasalamat niya at nahanap siya ng kaniyang lolo, ama ng yumao niyang ina.

“Ayos ka lang ba, apo?” tanong ng kaniyang lolo.

Lulan na sila ng kotseng inupahan ng lolo niya upang hindi sila mahirapang bumiyahe. Abala siya sa pagpapak ng napakasarap na pizza pie. First time niyang nakatikim nito. Noon kasi’y nakikita lamang niya ito sa picture ng isang restaurant sa siyudad ng Digos.

Tumango siya bilang tugon sa tanong ni Lolo Patricio. Kahit sa pagsasalita ng Tagalog ay hirap siya noong una. Nakaiintindi naman siya at kayang magsalita kaso ang tono ay Bisaya. Tatlong buwan pa lamang ang nakalipas magmula noong kunin siya ng kaniyang lolo mula sa Digos.

May malawak na lupain ang lolo niya sa Pagbilao Batangas. Mayroong manukan ang lolo niya, nagbebenta ng mga itlog, at meron ding ibang hayop na alaga katulad ng kambing at mga baka. Marami rin itong pananim na gulay at mga prutas na inaangkat sa merkado.

Napakalayo ng buhay sa Maynila o kahit sa ibang parte ng Luzon kumpara sa lugar na kinalakihan niya. Nasanay siya sa buhay sa bundok. Uhaw siya sa materyal na bagay, salapi, lalo na sa masasarap na pagkain.

Kahit halos hindi na makagalaw sa kabusugan ay ayaw tumigil ng bibig niya sa pagsubo ng pagkain. Pagdating nila sa bahay ay kaagad siya nagtungong kuwarto upang tingnan ang kanilang pinamiling gamit.

“Wow! Ang ganda nga mga ito!” manghang wika niya. Inilabas niya sa paper bag ang mga damit. Inilatag niya ang mga ito sa kama.

Napaluha siya sa saya. Kahit sapin sa mga paa kasi noo’y hindi mabili ng nanay-nanayan niya. Minsa’y naghihiraman lamang sila ng damit o sapin sa mga paa. May limang anak ang magulang na kinalakihan niya. Siya ang tumatayong panganay, kaya kumayod siya nang husto upang makatulong sa gastusin sa bahay. Ang nangyari ay hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral.

Salat siya sa kaalaman, pero kahit papano’y marunong siyang magbasa at magsulat. Mayroon lamang mga bagay na hindi niya natuunan ng pansin, katulad na lamang ng mga nauusong gawain ng kaedaran niya, ng mga dalaga. At sa buong buhay niya, hindi siya nagkaroon ng cellphone, ni hindi niya alam kung paano ito gamitin.

Binilhan siya ng kaniyang lolo ng cellphone. Regalo umano nito sa kaniya iyon. Walang pagsidlan ang kaniyang tuwa. Mababaw lamang ang kaniyang kaligayahan, ang maranasan ang mga bagay na ni minsan ay hindi niya nakamit.

Hindi na nakatulog si Liza dahil sa cellphone. Inabot siya ng madaling araw sa pagkalikot nito. Dahil bago ito sa kaniya, halos ayaw niya itong bitawan. Kahit sa pagbabanyo ay dala niya ito.

Buhat sa kaniyang silid ay naririnig niya ang nakataas na tinig ng kaniyang lolo. Napasilip siya sa bintana na nakatapat sa garahe. Namataan niya ang kaniyang lolo na may kausap na ginang. May suot na salamin sa mga mata ang ginang, makapal ang makeup, may ga-balikat ang aalon-alon na buhok na kinulayan ng brown. Puno ng alahas ang katawan nito, malalaki, maging ang bilog nitong hikaw.

“Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo na hindi ko ibebenta ang lupain ko, Lucy? Huwag kang makulit!” singhal ng kaniyang lolo sa ginang na tinawag nitong Lucy.

“Para ano pa’t maiiwan itong lupain mo, Patricio? Walang mamahala nito. Mas mainam na ibenta mo na lamang sa apo ko nang hindi pag-agawan ng mga ganid na tauhan mo!” palaban ding wika ng ginang.

Napailing ang kaniyang lolo. Napapansin ni Liza na tila matagal nang magkakilala ang mga ito.

“May apo ako, Lucy. Bago ako papanaw ay ililipat ko na sa kaniya ang titulo ng lupain ko,” mahinahon nang sabi ni Patricio.

“Aba! Nakuha mo na pala ang apo mo na itinago ng suwail mong anak? Malamang ay sa bundok din nanirahan ang apo mo. Ano’ng alam niya sa negosyo?”

“Kontrolin mo ang matabil mong dila, Lucy!” Dinuro ni Patricio ang ginang. “Salat man sa kaalaman ang apo ko, naniniwala ako na mamahalin niya ang negosyo ko. Makapag-aaral din siya.”

“Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo, Patricio. May taning na ang buhay mo. Dapat ay magkasundo na tayo. Kalimutan na natin ang nakaraan.”

“Ikaw ang dapat lumimot, Lucy! At huwag mo na akong abalahin pa. Sabihin mo sa apo mo na hindi niya makukuha ang lupain ko,” nanindigang sabi ni Patricio.

“Fine! Alam ko magbabago rin ang isip mo, Patricio. Babalik ako kasama ang apo ko nang magkaintindihan tayo.” Tumalikod na ang ginang at rumampa papasok ng magara nitong sasakyan.

Napagtanto ni Liza na ilang sandali na lamang niya makakasama ng kaniyang lolo. Kamakailan ay nabanggit nito sa kaniya na may taning na ang buhay nito. Malala na umano ang kidney failure nito, at hirap na sa pag-ihi.

Gumagamit ng tungkod ang lolo niya sa tuwing gustong tumayo. Kadalasan ay nakaupo lang ito sa wheelchair. Mayroong caregiver na nag-aasikaso sa lolo niya, nagpapainom ng gamot. At sa tuwing iihi ito, mayroong ikinakabit sa ari nito.

Kinabukasan ay maagang nagising si Liza. Nagtungo siya sa manukan at nanguha ng itlog ng native na manok. Nagpakatay rin siya ng manok para sa tinola. Sa murang edad ay natuto siyang magluto, mga karaniwang putahe lamang.

Pagbalik ng bahay ay bitbit na niya ang bilao na merong dose pirasong itlog at nakatay na manok, wala nang bakalibo. Napahinto siya sa bukana ng pintuan nang maabutan ang mga bisita sa sala. Bumalik ang ginang na kausap ng lolo niya noong isang araw. May kasama itong lalaki.

Napako na ang mga paa niya sa sahig, malimit ang kurap ng mga mata dahil sa nakamamanghang nakikita. Ang lalaking katabi ng ginang sa sofa ay wari artista. Ang puti nito, makinis ang balat, nakahabi ang mga buhok palikod na tila bagong ligo. Katamtaman ang kapal ng mga kilay nito, bumagay sa almond shape nitong mga mata. Matangos din ang ilong nito na makitid, mga labing katamtaman ang nipis na sadyang mamula-mula.

Kumislot siya nang mahagip siya ng paningin ng lalaki. Ang titig nito ay tila isang gutom na lion na nakakita ng pagkain. Pakiramdam niya’y nagtataglay ng apoy ang titig nito na unti-unting tumutupok sa kaniyang katawan. Ramdam niya ang init, ngunit kaagad din siyang nahimasmasan. Bigla kasing tumalim ang titig sa kaniya ng lalaki.

Madilim ang aura nito dahil sa suot na itim na kamesita. Hapit sa katawan nito ang damit, bumakat ang maskulado nitong dibdib at mga balikat. Masasabi niya na halos perpekto ang pisikal na katangian ng lalaki. Ngunit pansin niya ang masungit nitong mukha, tila hindi nagustuhan ang kaniyang presensiya.

“Apo, halika!” mamaya ay tawag ng kaniyang lolo.

Napapiksi siya sa pagkagulat. Hindi pa kasi bumabalik ang kaniyang wisyo dahil sa presensiya ng lalaki. Awtomatikong naghuramentado ang kaniyang puso, lalo nang muli siyang tapunan ng tingin ng guwapong lalaki.

“Ah, sandali lang, Lo! Ipapasok ko lang sa kusina ang dala ko!” sabi niya. Tumakbo siya papasok ng kusina at inilapag sa lamesa ang bilao.

Inayos niya ang ga-baywang niyang buhok na aalon-alon, itim na itim. Amoy tanglad siya dahil nanguha siya ng dahon niyon para sa tinola. Wala siyang makuhang puwedeng pabango. Inayos na lamang niya ang kaniyang blusang dilaw at saya na hanggang binti ang laylayan.

“Liza!” tawag ng kaniyang lolo.

Napatakbo na siya palabas at lumapit sa kaniyang lolo. Umupo siya sa tabi nito. Kaharap naman nila ang mga bisita. Wala siyang ideya kung ano ang pag-uusapan nila kaya nakinig lamang siya.

Nakayuko siya dahil sa pagkailang. Ramdam din niya ang titig sa kaniya ng lalaki. Hindi siya mapakali sa kaniyang upuan.

“Talaga bang gusto mong bilhin ang lupain ko, Midnight?” tanong ni Patricio sa binata.

Nag-angat ng mukha si Liza at napatingin sa lalaki. Midnight pala ang pangalan nito. Kakaibang pangalan.

“Yes, sir,” magalang na tugon ng binata. “I like this place for my new business. It’s perfect. Kahit magkano, bibilhin ko.”

“Hindi ganoon kadali ‘yon, iho. Kung bibilhin mo ang lupain ko, paano na ang apo ko? Wala na siyang mga magulang. Ayaw kong bumalik siya sa bundok,” ani Patricio.

“She can use the money to buy new properties or start a new business,” anang lalaki.

Umapela naman ang ginang. “Kaso nga, apo, walang alam sa negosyo ang apo ni Patricio. Hindi siya nakapagtapos ng high school, at lumaki siya sa remote place where people are not civilized. She’s naive.”

Muling napatingin ang lalaki kay Liza. “So, what is your plan, sir?” pagkuwan ay tanong nito kay Patricio.

Kabado si Liza sa magiging pasya ng lolo niya. Natatakot din siyang maiwang mag-isa, baka abusuhin siya ng mga tauhan ng kaniyang lolo.

“Papayag lang akong ibenta ang lupain sa ‘yo kung pakakasalan mo ang apo ko. Iyon ang pasya ko, Midnight,” mamaya’y wika ni Patricio.

“What?” bulalas ni Lucy. Napatayo ito.

Nawindang si Liza sa sinabi ng kaniyang lolo. Napako ang tingin niya kay Midnight na kalmado lang, nakatuon din ang titig sa kaniya. Pakiramdam niya’y luluwa ang puso niya mula sa dibdib. Abot-abot ang kaniyang kaba.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Nan
Nice story
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
maganda umpisa palang
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status