Share

Chapter 6: Ang simulang pagbilis ng tibok ng puso ni Maiden para kay Zack.

Excited si Maiden habang nakasakay sa kotse ni Zack. Papunta sila ngayon sa probinsya kung saan nakatira ang ina at kapatid niya. Hindi niya tuloy maiwasan na ngumiti habang nasa byahe.

"Maraming salamat talaga, Sir Zack."

"I already told you, Maiden, just call me Zack. Wala tayo sa opisina."

Ngumiti siya dito. "Thank you, Zack. Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya ngayong birthday ko. As in, ito talaga ang birthday wish ko, ang makasama ang pamilya ko sa araw ng birthday ko."

Bumaling ito sa kanya at ngumiti pero agad ding binalik sa daan ang tingin nito. "Sabi ko naman sa 'yo, eh. Matutuwa ka sa surprisa ko."

"Paano mo pala nalaman na ito ang gusto ko?"

Napatingin siya sa kamay niya nang hawakan ito ni Zack. Nasa daan pa din ang tingin nito. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang tumibok ng mabilis ang puso niya. Siguro ay dahil sa galak o excitement na nararamdaman niya ngayon.

"I know you, Maiden, kaya alam ko kung ano ang mga gusto mo at hindi. Isa pa, matagal-tagal na din simula nang hindi ka umuwi sa inyo kaya alam kong kating-kati ka ng umuwi sa inyo para makita ang pamilya mo."

Bahagya siyang natawa. "Iniisip ko pa lang kanina na gusto kong umuwi pero ito na ngayon, papauwi na ako." Napahinga siya ng malalim. "At saka hindi mo naman ako kailangan samahan, Zack. Kaya ko naman umuwi ng mag-isa. Pwede naman akong sumakay lang ng bus."

"Ayaw ko nga. Baka mamaya kapag ikaw lang ang pinauwi ko ay hindi ka na bumalik. Baka mamaya ay iwan mo na talaga ako." Binawi niya ang kamay dito at mahina itong hinampas sa balikat.

Natawa lang ito sa ginawa niya. "Baliw ka."

"Di, biro lang." Biglang sumeryoso ang mukha nito. "Gusto talaga kitang ihatid sa probinsya niyo para makasiguro ako na maayos kang makakarating. You know that I always wanted you to be safe. Gusto ko din dalawin ang pamilya mo lalo na ang nanay mo."

"Pero paano naman ang pamilya mo? Baka mag-alala sila sa 'yo kapah hindi ka umuwi sa inyo."

"Maiden, Baby, I'm not a kid anymore. And besides, tinawagan ko na si mommy and she agree. Sinabihan pa nga ako na ingatan ka." Napangiti na lang siya dahil ang sweet ng mommy nito. "Buti na lang pala at wala kayong plano ng kumag mong boyfriend."

Napailing na lang siya sa tawag nito sa boyfriend niya. Kailan kaya magbabago ang tawag nito sa boyfriend niya? "Meron sana kaso hindi natuloy kasi may emergency sa trabaho niya, pero babawi naman siya kapag naging maayos na sa opisina nila."

"Emergency sa opisina o emergency sa babae?"

"Anong sabi mo?" Bulong kasi ang pagkakasabi ni Zack no'n kaya hindi niya narinig. Parang sarili lang nito ang kausap.

"What I said is you only birthday once a year. Dapat inuuna ka niya kaysa sa trabaho niya."

"Naiintindihan ko naman siya, Zack. Kailangan ko siyang intindihin dahil iniintindi niya din ako pagdating sa trabaho ko. Wala nga siyang nasasabi sa tuwing hindi natutuloy ang date namin dahil may over time ako sa trabaho."

Napaismid ito. "Kung ako ang boyfriend mo ay una ka palagi sa priority ko. Hindi ko hahayaan na hindi matupad ang mga lakad natin."

Natawa naman siya. "Una naman talaga palagi sa priority mo ang mga babae mo. Kaya kahit may trabaho ka ay tumatakas ka pa rin para lang puntahan ang babae mo." Natawa na lang ito. "Pero seryoso, Zack, thank you talaga sa ginawa mo ngayon. Hinding-hindi ko ito makakalimutan. You really make my birthday a happy one."

Ngumiti ito sa kanya. "Sinabi ko naman sa 'yo, lahat gagawin ko para sa 'yo, para maging masaya ka lang."

Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman sa sinabi nito pero aaminin niya, natuwa siya sa sinabi nito. Pakiramdam niya ay special siya para dito. Hindi lang siya special sa salita nito kung hindi pati na din sa ginagawa nito para sa kanya.

Dumaan pa ang ilang oras ay nakarating na din sila. Wala ng araw nang makarating sila sa bahay nila. Excited na bumaba si Maiden sa sasakyan. Napatingin siya kay Zack na may ka-text ngayon. Siguro ay babae na naman itong ka-text niya.

"Zack, tara na. Pumasok na tayo."

Napatingin ito sa kanya at ngumiti. "Sige na, mauna ka na. Susunod ako."

Napakunot noo siya at napatingin nang maigi dito. May ka-text pa din ito. Napailing na lang siya. Masyado talaga itong busy sa babae nito. Bahala na nga siya. Basta ang mahalaga sa kanya ngayon ay nakauwi siya, makikita, at makakasama niya ang pamilya sa araw ng birthday niya.

Kumatok siya sa pinto pero wala namang sumasagot. Doon niya lang din napansin na patay ang ilaw sa loob ng bahay. Tanging ang ilaw lang sa labas ang nakailaw. Teka, umalis ba sila? Sabagay, hindi pala alam ng pamilya niya na uuwi siya ngayon dahil hindi niya sinabi. Gusto niya din kasi sana na surprisahin ang mga ito pero mukhang hindi na niya magagawa dahil wala din ang mga ito sa bahay.

Sinubukan niyang pihitin ang doorknob at napakunot noo nang bukas ito at hindi man lang naka-lock. Napailing siya. Bakit hindi siniguro ng mga ito na naka-lock ang bahay nila bago umalis? Baka mamaya ay pasukin ng magnanakaw ang bahay nila. Mamaya na lang niya pagsasabihan ang mga ito.

Madilim ang buong bahay ng makapasok siya. Kinapa niya sa gilid ang switch ng ilaw nila. Hindi nga nagtagal ay nakapa niya ito kaya naman in-on na niya ito.

"Surprise!" Nagulat siya dahil sa biglang pagsigaw ng ina at kapatid niya nang tuluyan nang lumiwanag ang buong bahay. "Happy birthday to you. Happy birthday to you," nagsimula na ding kumanta ang mga ito habang may hawak na cake ang kapatid niya.

Napatakip siya sa bibig at parang gusto niyang maiyak dahil sa sobrang tuwa. Hindi niya inaasahan na siya ang masu-surprise ng dalawa.

Lumapit ang dalawa sa kanya. Natapos na din ito sa pagkanta. "Happy birthday, Anak," bati sa kanya ng ina at niyakap siya.

"Happy birthday, Ate," bati din naman sa kanya ni Mark, ang nag-iisa niyang kapatid. Hindi na ito nakayakap sa kanya dahil sa hawak nitong cake.

"Salamat, Ma, Mark." Tumingin siya sa dalawa. Napakunot noo naman siya nang makita na may handa sa mesa nila. Hindi man gano'n karami pero tama na para sa kanila. "Naghanda kayo?"

"Oo naman. Birthday mo, eh."

"Pero paano niyo naman nalaman na dadating ako? Alam niyo naman na hindi ako nakakauwi kahit sa birthday ko dahil busy ako sa trabaho."

Mas lalo siyang napakunot noo dahil nagkatinginan ang dalawa habang may malaking ngiti sa labi. Mukhang may ginawa ang mga ito na hindi niya alam.

Napamewang siya habang taas ang isang kilay na nakatingin sa dalawa. "Sino ba sa inyong dalawa ang may pakana nito?" Sa hula niya ay isa sa mga ito ang nakiusap kay Zack para pauwiin siya ngayong birthday niya.

"Wala sa amin ni mama ang may pakana nito, Ate," sabi ni Mark habang hindi pa din maialis sa labi ang ngiti. "Siya." Tinuro nito ang bandang likuran niya gamit ang nguso nito. Napalingon naman siya at nakita si Zack na nasa may pinto na. Ngumiti ito sa kanya nang magtama ang mga mata nila. "Siya ang may pakana nitong lahat. Siya ang nagsabi sa amin na uuwi ka ngayon. Siya din ng nagsabi na maghanda kami sa pag-uwi mo."

Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng kapatid. Ngumiti naman sa kanya si Zack dahilan para kumabog ng mabilis ang puso niya. Hindi niya alam kung bakit. Siguro ay masaya lang siya sa ginawa nito para sa kanya ngayong araw.

Kumain na din sila sa maliit nilang salo-salo. Ang kanyang ina ang nagluto ng lahat lalo na ang paborito niyang pancit. Masaya silang kumain habang nagkukwentuhan. Kinumusta niya ang pag-aaral ng kapatid. Isa si Zack ang dahilan kaya nakakapag-aral pa ito dahil binigyan ito ni Zack ng scholarship. Madami pangbinigay sa kanya si Zack dahilan para hindi niya alam kung papaano pa ito pasasalamat. Kaya nga hindi niya ito maiwan kahit pa minsan ay masakit ito sa ulo.

Tinulungan niya ang ina na magligpit sa mesa. "Alam mo, Anak, napakabait talaga ng boss mo." Napatingin siya dito. "Hindi ko nakakalimutan ang mga kabaitan niya sa atin. Ang pagtulong niya sa akin ng ma-hospital ako, ang pagtulong niya sa pag-aaral ni Mark. Alam mo bang binigyan niya din kami ng pera para makapaghanda tayo ngayong birthday mo?"

Hindi siya makapaniwalang napatingin dito. "Binigyan ka niya po ng pera?"

Tumango naman ito. "Oo, ayaw ko nga sanang tanggapin pero nagpumilit siya at napadala na niya kaya hindi na namin maisuli." Hinawakan nito ang kamay niya at ngumiti. "Mabait na bata si Zack. Sa katunayan ay gusto ko nga siya para sa 'yo."

Natawa naman siya sa sinabi ng ina. "Ma naman, alam mo naman na boss ko 'yon. Babaero ang lalaking 'yon kaya imposible na magkagusto ako sa kanya." Lalo na't ang pagiging babaero din ng ama niya ang dahilan kaya sila iniwan nito. "Isa pa, may boyfriend na ako. Alam niyo naman 'yon, 'di ba?"

"Alam ko naman. Mabait din naman si Ryan pero ni minsan ay hindi ko pa siya nakikita sa personal kaya hindi ko masabi kung ano ba talaga ang totoo niyang ugali."

"Busy lang po si Ryan kaya hindi siya makapunta dito sa atin," pagdadahilan niya na totoo naman.

Ilang beses na niyang sinabihan si Ryan na pumunta sa probinsya nila para makilala nito ang pamilya niya. Pumapayag naman ito pero sa tuwing aalis na sila sa araw na 'yon ay siya namang nagkakaroon ng emergency. Hindi man sa opisina ay sa bahay naman nito. Kaya hindi sila nakakapunta.

"Alam ko naman 'yon, pero si Zack, Anak, sa tingin ko ay gusto ka niya."

Mas lalo siyang natawa. "Hay naku, Ma. Inaantok na kayo kaya kahit ano na lang ang sinasabi niyo."

"Alam ko kung ano ang sinasabi ko." Natigilan siya dahil biglang naging seryoso ang mukha nito. "Nakikita kong gusto ka niya, Maiden."

Napayuko siya at napangiti ng maliit. "Imposible 'yang sinasabi mo, Ma. Hindi ako gusto ni Zack."

"Hindi pa ba pagkakagusto ang mga ginagawa niya para sa 'yo? Walang boss ang gagawa nito para sa empleyado niya, Anak."

"Sadyang mabait lang talaga siya, Ma." Gusto niyang iwasan ang ganitong usapin dahil ayaw niyang mag-isip ng kung ano.

"Alam kong mabait si Zack, Anak, at gagawa din siya ng kabutihan sa ibang empleyado niya, pero iba ka." Napatigil siya sa pagpunas sa mesa. "Walang boss na sasamahan ang empleyado niya pauwi ng probinsya para lang makasama ang pamilya niya sa birthday niya." Mas lalo siyang hindi nakaimik. Napabuntong hininga na lang ang ina niya. "Alam kong nakikita mo din ang mga ginagawa niya para sa 'yo, Anak. Ang gusto ko lang sabihin sa 'yo ay pumili ka ng tama." Muli itong napabuntong hininga. "Mauuna na ako sa kwarto dahil inaatok na ako."

Tumingin siya dito. "Sige, Ma. Kami na ni Mark ang bahala dito."

Niyakap siya nito. "Happy birthday ulit, Anak."

"Thank you, Ma." Tuluyan nang pumasok sa kwarto ang ina niya.

Pumili ng tama? Sa tingin naman niya ay nasa tamang tao na siya, kay Ryan. Tama ba na si Zack ang pillin niya? Isang womanizer? Napailing na lang siya. Kung anu-ano na lang itong pinagsasabi ng ina niya na nakapagpagulo ng isip niya.

Inilagay na niya sa kusina ang natitirang hugasin nang matapos siya sa paglinis sa mesa. Si Mark naman ang naghuhugas ng mga pinagkainan nila.

"Tulungan na kita diyan, Mark."

"Hindi na, Ate. Ako na dito." Napangiti siya sa kabaitan ng kapatid niya. Kahit lalaki ito ay tumutulong ito sa mga gawaing bahay. Kaya nga bilib siya sa kapatid niya, eh. "Puntahan mo na lang si Kuya Zack."

Ngayon niya lang napansin na hindi niya pala nakikita si Zack simula kanina nang matapos sila sa pagkain. "Nasaan pala si Zack?"

"Nakita ko siya sa labas kanina may kausap sa cellphone niya."

Napatango-tango naman sita at tinapik ang kapatid sa balikat. "Puntahan ko na muna siya. Ikaw na ang bahala diyan. Pagkatapos mo diyan ay magpahinga ka na din." Tumango naman ito.

Lumabas na siya ng bahay at nakita si Zack sa maliit nilang kubo na tambayan nila ng pamilya nila noon pa man. May kausap ito sa cellphone.

"I'll be okay, Mom. Kasama ko naman ang pamilya ni Maiden and they are so good to me." Napangiti ito. "I know..." Napatingin ito sa kanya nang makita siyang papalapit siya dito. "I'll call you tomorrow, Mom. Okay, I love you, too." Pinatay na nito ang tawag nang tuluyan na siyang makalapit dito. "Anong ginagawa mo dito? Gabi na, ah. Dapat nagpapahinga ka na ngayon."

"Hinanap kasi kita. Nandito ka lang pala." Bigla itong natigilan sa sinabi niya pero ngumiti din ito kalaunan. "Sinong kausap mo? Babae mo na naman ba? Hinahanap ka ba niya ngayon?" biro niya dito.

Napailing na lang ito. "Lahat na lang ba talaga ng makakausap ko sa cellphone ay paghihinalaan mong babae ko? Kahit mommy o kapatid ko ang kausap ko ay paghihinalaan mo na ding babae ko?"

Naupo siya at bahagyang natawa. "Womanizer ka kasi kaya hindi na nakapagtataka kung 'yon ang iisipin ko."

Napailing ulit ito at naupo na din sa tabi niya. "Si mommy ang kausap ko. Tinatanong kung kailan tayo uuwi ng Maynila."

"Sinabi mo bang bukas tayo uuwi?"

Napakunot noo ito. "Sino naman ang nagsabi sa 'yo na bukas tayo uuwi?"

"Eh, kailan pala?"

Ngumiti ito sa kanya. "Sa linggo na. Total wala naman tayong pasok bukas." Napatingin siya sa kamay niya nang hawakan ito ni Zack. "Just enjoy your day being with your family, Maiden. This is my gift for you, your happiness." Ngumiti ito sa kanya.

Ito na naman ang puso niya na kumakabog ng mabilis sa hindi niya alam na kadahilanan. Napatitig siya kay Zack. Totoo kaya talagang may gusto ito sa kanya?

Napailing na lang siya. Ano ba itong iniisip niya? Kahit na may gusto sa kanya ang binata ay hindi niya pwedeng tanggapin. Maliban sa may boyfriend na siya ay ayaw niyang magmahal ng isang womanizer.

Ayaw niyang magaya sa ina niya na iniwan din ng ama niya para lang sa ibang babae. Kahit pa sabihin na mahal nito ang ina niya ay hindi pa din ito nagbago. Once a womanizer, always a womanizer. Kaya kahit na anong mangyari ay hindi niya hahayaan ang puso na umibig kay Zack na isang womanizer.

Mga Comments (4)
goodnovel comment avatar
Claudia Rico
kahit Naman womanizer may chance na magbago kung mahal ka
goodnovel comment avatar
virgiezapanta55
khit nmn womanizer ay my chance p rin magbago lalo n kung mahal n mahal k ng lalaki
goodnovel comment avatar
Mec Brazil Oplejeda Florendo
yown my update na thank you po...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status