Share

MILITARY LOVE
MILITARY LOVE
Author: Tin Gonzales

Prologue

Maingay at maraming tao ang nakikita niya sa paligid. Aligaga ang mga ito. Mayroon ding nagkikislapang kamera sa di-kalayuan.

Pinakiramdaman niya ang sarili. Masakit ang katawan niya habang pinipilit na tumayo.

“Buhay pa ang isang ito! Dalhin sa ambulansya. Bilis!” sigaw ng isang lalaki na nasa harap niya.

Nagsalubong ang kaniyang mga kilay. Totoo ba ang lahat ng iyon o panaginip niya lang?

Ipinilig niya ang ulo. Wari bang inaalis ang kung anumang agiw na naroon.

Napatigil siya. Parang itinusok sa kinatatayuan ang kaniyang mga paa. Bigla ang pagragasa sa isip niya ng mga nangyari kanina lamang.

Paalis sila ng kaniyang papa at mama. Iyon ang pinakamasayang araw hindi lamang para sa kaniya, kundi pati na rin sa kaniyang mga magulang. It was her oath-taking day as a doctor.

Yes! Sa kabila ng hirap ng buhay ay naitayod siya ng mga magulang sa pag-aaral. Ang mama niya ay nagtrabaho bilang isang clerk sa mall, at ang papa naman niya ay isang security guard ng bangko.

Nag-iisa siyang anak, kaya naman lubos ang pagtingin at pagmamahal sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Suportado rin ng mga ito ang pangarap niyang maging doctor. Kaya walang araw at gabing hindi nagtatrabaho ang kaniyang ama, para lamang makapagtapos siya.

At sa araw na iyon nga dapat ang nakatakda niyang panunumpa bilang alagad ng medisina. They were happy. Hindi matatawaran ang kaligayahang hatid niyon sa puso niya at ng magulang.

Habang sakay sila ng segunda manong sasakyan nila, na alagang-alaga ng kaniyang papa, masaya silang nagkukwentuhan. Nagpaplano kung saang ospital ba siya mag-a-apply. Pero nagulat siya nang biglaang magpreno ang ama.

“May problema ba, ’Pa?” nakakunot ang noong tanong niya rito.

Subalit, hindi na siya nasagot nito. Narinig niyang may kumalabog sa labas ng sasakyan nila. Nakita rin niya ang dalawang sasakyan sa harap ng daan.

“Huwag muna kayong lalabas,” anang kaniyang ama sabay labas ng sasakyan.

At kitang-kita ng mga mata niya nang suntukin ang kaniyang ama ng isang lalaki. Napalabas bigla ang kaniyang ina, na itinulak naman ng isa pang lalaki. Napasigaw siya na sumunod sa mga magulang.

“Tama na po! Ano bang kailangan ninyo!” Armado ang mga lalaki at tipong hindi sila bubuhayin ng mga ito, kaya mas lalong tumindi ang kaba sa dibdib niya.

“Anak, bakit ka lumabas?! Bumalik ka sa loob ng sasakyan!” malakas na utos ng kaniyang ama.

Pero hindi niya ito pinansin bagkus ay nilapitan ang mama niya. Bigla naman siyang hinila sa buhok ng isang lalaki at pinakatitigan.

“Wow! Mukhang jackpot tayo sa isang ito!” Pinaglandas nito ang daliri sa gilid ng mukha niya. Nanindig ang mga balahibo niya sa katawan.

“Tsk! Isakay na ito sa kabila tapos kunin ang sasakyan nila! Magagamit natin iyan para mabilis na makatakas sa mga humahabol sa ating mga parak!” Pabalabag siyang itinulak ng lalaki pasakay sa isa sa mga sasakyan ng mga ito.

“Bilisan niyo at baka maabutan pa tayo! Isama niyo na ang dalawang matandang ito at itapon sa bangin na madadaanan natin at iwan ang magandang dalaga na iyan!” sigaw ng lalaking mukhang pinakalider ng mga ito. May malaki itong tattoo ng ahas sa leeg. Halata rin sa itsura nitong hindi magpapahuli ng buhay.

Walang ano-ano’y bigla nitong pinunit ang damit niya. Napasigaw siya.

“Huwag po! Maawa na po kayo sa akin at sa mga magulang ko,” pagsusumamo niya sa mga ito habang luhaan.

Nagpumiglas ang kaniyang ama sa nakita. “Huwag mong hawakan anak ko! Ibibigay ko ang gusto ninyo huwag niyo lang siyang sasaktan,” sigaw nito. Pero sakit lang ng katawan ang inabot nito sa mga lalaki. Nang makita ng kaniyang ina ang itsura ng ama ay nawalan ito ng malay.

“Mama!” namamaos na sigaw niya.

Mabilis na isinakay ng mga ito ang kaniyang mga magulang sa kotse, nang mula sa di-kalayuan ay isang tunog ng police car ang kaniyang narinig. Napalingon doon ang mga lalaki.

“Mga parak! Abante na bilis!”

Nagmamadaling pinasibad ng mga ito ang sasakyan kasama silang mag-anak. Nakarinig sila ng kaliwa't kanang putukan. Hintakot na hinawakan niya ang ina. Dinama niya ang pulso nito at nasiguro niyang humihinga pa ito.

Pagliko sa kanto ng sinasakyan nila, biglang inagaw ng papa niya ang manibela sa driver. Itinulak nito ang papa niya, pero hindi ito nagpatinag. Nakipag-agawan ito sa manibela.

Maya-maya, umabante ang van. Lumukso doon ang driver ng kotse. Mabilis na kinabig ng kaniyang ama ang manibela pero huli na ang lahat. Bumangga sila sa malaking poste ng kuryente. Bago pa siya mawalan ng malay, nakita niya ang ama na itinulak siya palabas ng sasakyan. Pagkatapos niyon, nagdilim na ang lahat sa kaniya.

“Buhay pa ang isang ito!” muling sigaw ng lalaki sa harap niya. Nakasuot ito ng uniporme ng pulisya. Sa di-kalayuan ay naroon ang medic at ilang sundalo.

“Ang papa at mama ko! Tulungan niyo sila!” namamaos niyang sigaw. Larawan din ang matinding takot sa tinig niya.

“Miss, huwag ka munang magsalita. Baka makasama sa iyo iyan,” anang kaharap. Naramdaman na lamang niyang may bumuhat sa nanghihina niyang katawan.

Inaninaw niya ang pinanggalingan. Nakita niyang parang lata na nayupi ang kanilang sasakyan sa lakas ng pagsalpok niyon sa poste. Ang van naman sa unahan nito ay tadtad ng bala. Sigurado siyang walang nakaligtas sa mga sakay niyon.

Pagtingin niya sa gilid ng kalsada, nakita niya ang ilang mga armadong lalaki na nakahandusay, pero wala roon ang may tattoo sa leeg. Ganoon pa man, mas pinagtuunan niya ng pansin ang paghahanap sa mga magulang. Nagpilit siyang bumangon para hanapin ang mga ito, pero mabilis siyang nahawakan sa kamay nang bumuhat sa kaniya.

“Kailangan ako ng papa at mama ko. Kailangan nila ang tulong ko. Please, kailangan ko silang makita,” pagsumamo niya sa mga ito.

“Miss, hindi makabubuti sa iyo ang gagawin mo. Huwag kang mag-alala, gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para matulungan ang mga magulang mo. Pero sa ngayon, ikaw muna,” sabi ng babaeng naglagay ng dextrose sa kaniya sa loob ng ambulansya.

Magsasalita pa sana siyang muli nang biglang umikot ang paningin niya. Kasunod noon ay nawalan siyang muli ng malay.

****

Tatlong araw siyang naging unconscious sa ospital na pinagdalahan sa kaniya. Paggising niya, isang masamang balita ang sumalubong sa kaniya. Her parents were dead. Wala ni isa ang naka-survive sa mga ito.

“Bakit niyo pa ko binuhay!? Dapat hinayaan niyo lang na lang ako!” sigaw niya sabay alis sa mga aparatong nakakabit sa kaniya.

Hindi naman malaman ng mga doctor ang gagawin. Nang hindi siya mapakalma ng mga ito ay may kung anong itinurok sa kaniya. Mabilis na nanghina ang kaniyang katawan hanggang sa unti-unting pumikit ang kaniyang mga mata.

Isang linggo pa ang matuling lumipas. Doon pa lang siya nakabawi ng lakas. Hindi siya halos kumakain. Ayaw na niyang mabuhay pa. Gusto na rin niyang umalis sa ospital na iyon. Gusto niyang maglaho na lang nang tuluyan. Ano pa bang silbi niya sa mundo kung wala na ang mga magulang niya? Kung wala na siyang pag-aalayan pa ng kaniyang tagumpay? Kung wala ang mga magulang niya, wala na rin siyang lakas para mabuhay pa.

“Miss Katie de Guzman, pwede ka ng ma-discharge ngayon dito sa ospital. Pero ililipat ka sa isang safe house para sa kaligtsan mo,” anang nurse na tumitingin sa kaniya.

Tumulo na naman luha nya. “Para saan pa? Hindi ko na rin naman nais na mabuhay pa! Wala na ang mga magulang ko!” sigaw niya rito.

Nabigla naman si Katie sa ginawa ng nurse. Niyakap siya nito. Kahit papaano, nakaramdam siya na may kakampi.

“Sshhh. . . Huwag mong sabihin iyan. May dahilan pa rin kung bakit ka nabuhay. At kung sa tingin mo nag-iisa ka na, naririto ako. Pwede mo akong maging kaibigan,” bulong nito.

Umiyak siya nang umiyak hanggang mawala ang sakit na kaniyang nadarama. Nanatili lang naman ang nurse na tahimik na humahagod sa likuran niya. At nang siguro'y nasaid na ang luha niya ay hinarap niya ito.

Ngumiti ito sa kaniya. “Ako nga pala si Faith.” Inilahad nito ang kamay.

“K-Katie. . . Salamat nga pala sa ’yo.” Tinanggap noya ang kamay nito at bahagyang ngumiti.

“Nakikiramay ako sa ’yo. Pero tandaan mo, may plano ang Diyos kaya nagyari ito,” malumanay na sambit nito.

Muling tumulo ang mga luhang akala niya ay said na. Habang tumatangis, ipinangako niya sa sarili na hindi siya titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniya mga magulang.

“Magbabayad sila sa batas.” Mahigpit niyang ikinuyom ang kamao.

Mga Comments (4)
goodnovel comment avatar
Julie F.Abenes
Sobrang sakit ang nangyari sayo Katie
goodnovel comment avatar
Julie F.Abenes
simula pa lang Ang ganda na Ng story thank you Miss Tin
goodnovel comment avatar
Jennybe R. M. Reginio
prologue pa lang nakaka excite Ng basahin
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status