Share

Kabanata 6. Cecily's POV

'Hindi ako makahinga!' Sigaw ng utak ko nang lalo pa akong hinila ng malakas na daloy ng tubig. May mga tubig na ang pumasok sa ilong at taynga ko kaya lalo akong nataranta. Hindi ko alam kung bakit bigla akong narito sa ilog gayong natutulog lang ako sa kuwarto ko. Pagmulat ko nalang ng mata ko ay nasa gitna na ako ng ilog. Sinubukan kong kumawag pero kahit anong gawin ko ay lalo akong nahihila pailalim.

Parang may kamay na nakahawak sa aking paa dahil hindi ko ito maigalaw ng maayos. Pakiramdam ko rin ay namamanhid ang mga kamay ko.

Bakit biglang ganito ang panaginip ko? Hindi man ito katulad ng dati na nasa isang lumang bahay ako. Pero parang pinapatay naman ako dahil sa nilulunod ako ng panaginip ko sa tubig. Alam kong binabangungot ako pero bakit kahit anong gawin ko ay hindi ako magising? Parang isang mundo na ang subconscious mind ko sa tuwing nananaginip ako. Animo may sarili akong mundo rito dahil parang realidad lahat ang nangyayari sa akin. Pati na ang takot ko ay tinutupok hanggang sa aking mga buto.

'Ayaw ko pa ang mamatay!' umiiyak na tili ng utak ko. At feeling ko ay kahit panaginip ito ay nawawalan na ako ng ulirat. Pinikit ko ang aking mata at hinayaan nang tangayin ako ng tubig.

Nang akala ko ay mawawalan na ako ng pag-asa. May dalawang braso ang agad na pumaikot sa aking baywang at hilahin ako pataas. Pagkaahon ng ulo ko sa tubig ay humugot agad ako ng napakalalim na hininga. Para akong namatay na nabuhay muli. Naibsan na rin ang takot at kaba ko kaninang hindi ako makaahon.

Ngunit tumindig yata lahat ng balahibo ko sa katawan nang bumulong sa aking taynga ang pamilyar na tinig. Ang boses na palagi kong naririnig sa aking bangungot.

"Huwag kang pumunta sa ilog!"

Humahangos na bumalikwas ako at napahawak sa aking dibdib. Ibang-iba ang panaginip ko ngayon kaysa sa mga nakaraan na halos mamatay na ako sa takot. Bigla kong naisip ang sinabi ng lalaki sa panaginip ko bago ako gumising.

Pero anong ibig niyang sabihin na hindi ako pupunta sa ilog? Ngayon lang siya dumalaw sa panaginip ko na parang binibigyan ako ng babala.

Mabilis na umiling-iling ako para iwaksi iyon sa utak ko. Wala naman akong planong pumunta sa ilog. Isa pa ay baka parte lang na naman iyon ng bangungot ko.

Pero bigla kong naalala ang sinabi ni tiya kahapon. Pinanlamigan ako dahil bakit alam nito ang tungkol doon? Isa ba talaga siyang ligaw na kaluluwa at ako ang nagustuhan niyang sundan?

Mahinang sinampal ko ang sarili ko. "Panaginip lang iyon!" bulong ko at huminga ng malalim para kalmahin ang sarili ko.

Bumaba na ako ng kama at inilihis ang kurtina. Maliwanag na sa labas at sumisikat na ang araw. Ngayon ay medyo late na akong gumising pero wala akong balak na i-postpone ang plano kong pagpunta sa lumang mansyon. Mas lumakas yata ang kuryusidad ko tungkol sa mansion na iyon. At hindi ko alam kung bakit.

Kinuha ko ang tuwalya at pamalit ko bago bumaba. Lumabas ako ng bahay at pumunta sa banyo sa labas. Agad akong naghubad at sumalok ng tubig gamit ang maliit na tabo. Nang ibuhos ko ang tubig sa ulo ko ay napasigaw ako sa lamig. Animo nagising lahat ng himaymay ko sa katawan dahil sa malamig na tubig.

"Nana, nakalimutan kong sabihin na ipag-init mo ako ng tubig!!" sigaw ko pero itinuloy ko pa rin ang pagliligo. 'Pag ibinubuhos ko ang malamig na tubig sa katawan ko ay napapasigaw ako. Dahil nanginginig na ako sa lamig ay hindi ako nagtagal. Mabilisan aking naligo at agad nagpalit ng damit. Hindi ko na talaga kaya pa ang lamig dahil pati yata pisngi ng puwet ko ay namamanhid na sa lamig.

Nang lumabas ako ng banyo ay namataan ko si Tiya na tumatawa habang nagpapakain ng alaga nitong manok. Sumimangot ako at nagmartsa palapit sa kaniya. Kahit bata pa ako nang huli kaming nagkita ni tiya ay hindi ko nakakalimutan na mapagbiro rin ito.

"Tiya, naman! Bakit 'di niyo po ako tinawag kanina nang pumasok ako ng banyo?" nakalabing hayag ko nang makalapit ako sa kaniya. Bumahin ako ng tatlong beses nang biglang umihip ang hangin. "Ang lamig!" bulalas ko pa.

Naluluha na ito dahil sa kakatawa. "Aba'y noong lumabas na ako, eh, narinig ko na ang pagsigaw mo sa banyo. Kaya alangan naman na tatawagin pa kita."

Lumabi ako at pumasok na sa loob. Nakita ko rin si Nana na tumatawa habang nagtitimpla ng kape ko.

"Sino ba ang nagsabi na dumeretso ka sa banyo, anak? May isang kalderong tubig akong pinakulo diyan na dapat sana ay pampaligo mo," paninisi niya sa'kin.

Ngumuso lang ako at naupo. "Nakalimutan ko po!"

Agad akong humigop sa kape at napahugot ng malalim na hininga nang pumasok sa lalamunan ko ang ang mainit na kape. Nedyo uminit na rin ang aking pakiramdam at nawala ang pangangatal ng aking labi.

"Saan ka ba papasyal ngayong araw? Ang sabi ni Consuelo ay gusto mo raw pumunta sa ilog?" usisa ni Nana sa akin.

"Hindi po, Nana, maglalakad na lang ulit ako riyan sa kalsada," pagsisinungaling ko. Ayaw kong ipaalam sa kanila na ang totoong pupuntahan ko ay ang mansyon sa dulo ng mabatong kalsada. Ang sabi nila ay luma na iyon. Magaganda ang istilo ng mga bahay noon at gusto ko iyong tignan.

"Mag-iingat ka kung ganun. Dalhin mo ito at para 'pag nauhaw at nagutom ka ay may kakainin ka." Inilapag nito ang maliit na basket sa mesa. May bote ng tubig at lunchbox doon.

"Salamat po, Nana," malambing na wika ko at inubos na ang kape ko. Humalik pa ako sa kan'yang pisngi bago binitbit ang basket at lumabas ng bahay. "Tiya, papasyal na muna uli ako!" malakas na paalam ko kay Tiya na kumaway sa akin.

Maliksi akong naglalakad habang sinusuri ang bawat puno sa dinadaanan kong kalsada. Ang iba ay nagsisimula nang mamunga at ang iba ay namumulaklak pa lang. Pero ang natural na bangong hatid ng mga 'yon ay nagbibigay ng kapanatagan sa buong kaluluwa ko. Hindi katulad sa syudad na mapapaubo pa ako dahil sa mga usok ng sasakyan kapag gusto kong maglakad sa sidewalk.

Nakakaaliw pa na tignan ang mga nagliliparan ibon sa taas. Ang mga huni ng ibang insekto ay mas nakaka-engganyong pakinggan kaysa ang sigaw at tsismis ng mga tao.

"This place is heaven!" may kalakasang bulalas ko.

Nang nasa may mabatong daan na ako papunta sa lumang mansyon ay hindi ko na sinubukan na pumitas ng bulaklak ng rosas. Dere-deretso lang akong naglakad. Hindi ko alam kung may isang oras na akong naglalakad nang mamataan ko ang isang luma at kinakalawang na arko. Wala iyong gate na parang welcome na talaga ang mga taong gustong pumasok sa lupain ng mga Nuevas.

Nang malapitan ko 'yon ay tininingala ko at binasa ang nakasulat. Ang iba ay 'di ko na maintindihan tanging ang Nuevas Villa na lamang. Ang mga ibon ay nagsiliparan dahil sa pagsulpot ko.

"Malayo pa kaya ako sa mansyon?" napapaisip na tanong ko sa sarili ko. Nagpatuloy ako sa paglalakad at humihinto ng ilang minuto para magpahinga bago magpatuloy. Napsngalahati ko na rin ang baon kong tubig at nag-aalala ako na baka ubos na ito ay hindi pa ako nakakarating sa mansion.

Siguro ay may tatlumpong minuto pa akong naglalakad nang makita ko ang kinakawalang na bakal na gate. May kadena man iyon ay matagal na nasira kaya puwede pa rin akong makapasok.

Nakahinga ako ng maluwag dahil nakarating na rin ako sa wakas. Bago ko itulak ang mataas na gate ay muling uminom muna ako ng tubig.

Lumangitngit ang lumang gate at lumikha ito ng malakas na ingay. Natakot ako na makakuha ito ng atensyon.

Kaya inilibot ko muna ang tingin ko sa paligid at baka may taong makakakita sa akin. Nang masigurong wala akong maramdaman na presensya ng ibang tao ay lakas loob na itinulak ko ang gate. Pumasok ako at excited na tinignan ang mansion.

Napatda ako at naitulos sa aking kinatatayuan. Ang hawak kong basket ay nahulog at naitapon ang mga laman. Lahat ng excitement na meron ako ay lumipad na yata sa kalawakan. Nanginig ako at parang natuka ako ng ahas dahil sa pagkaputla.

Ang front door ng mansyon ay kaparehong-kapareho ng mansyon sa panaginip ko. Ang istilo ng bahay, ang patay na puno sa kanang bahagi ng bahay. Ganun din ang katahimikan ng paligid na parang binabalot ng mysterio. Ang lumang binatana na gawa sa smoke glass at ang lumang chimney na tinubuan na ng mga lumot.

Hindi ako makagalaw at kahit tinig ay walang lumalabas sa aking bibig. Nakatayo lamang ako rito at nagigitlang nakatingin sa mansyon. Hindi ako makahinga at sumisikip ang dibdib ko.

No! Hindi totoo ang nakikita ko ngayon! Isang kabaliwan na ang mansyon sa panaginip ko ay ito at nasa harapan ko ngayon. Hindi totoo ang nakikita ko! Imahinasyon ko lang ang lahat ng ito, di ba?

Biglang umihip ng malakas na hangin at tumili ako nang lumikha ng ingay ang pagsara ng gate. Namumutla akong napalingon doon at akmang bubuksan muli nang mag-freeze ang kamay ko sa ere. Nanlambot ang tuhod ko at muntik na mapaupo pero tinatagan ko pa rin.

Naulit kasi ang nasa bangungot ko. At iyon ay ang isang malalim na buntong-hininga na parang nasa likod ko lang iyon.

Katulad sa aking panaginip ay nakakapanindig balahibo iyon. At hindi ko alam kung nasa realidad pa ba ako o sa bangungot ko. Hindi ko na matukoy kung alin ang totoo.

Unti-unti akong humarap sa front door ng mansyon at gayon na lamang ang sindak ko nang makita ang unti-unting pagbukas ng pinto. Bago ko pa makita kung sino ang nagbukas ng pinto ay nahimatay na ako sa takot.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status