Share

Kabanata 5. Cecily's POV

Fresh na fresh ang pakiramdam ko dahil naging mahimbing ang tulog ko. Gusto kong magpasalamat na naisipan ng aking Mama na magbakasyon ako rito. Wala pa akong isang araw dito ay relaxed agad ang utak at katawan ko. Ang dark circles sa ilalim ng mata ko na itinatago ko sa pamamagitan ng concealer ay wala na. Kumikislap din ang aking mata na hindi katulad noong palagi akong binabangungot na nangangalumata at walang kabuhay-buhay. Palagi pa akong inaantok pero dahil natatakot ako na matulog ay pilit kong dinidilat ang aking mata. Ngunit sa tuwina ay hinihila pa rin ako sa kadiliman ng aking panaginip.

Pero ngayon ay hindi ako natakot matulog dahil ito at hindi ako dinalaw ng panaginip ko. Nagtuloy-tuloy ang tulog ko hanggang umaga at kusa akong nagising sa tilaok ng manok. Pakiramdam ko nga ay wala akong napanaginipan dahil wala akong maalala. Kaya naman humihimig pa ako na bumaba ng hagdan at napapangiti. Maliksing tumalon pa ako mula sa huling baitang ng hagdan. Kung may makakakita lamang sa akin na kakilala at kaklase ko ay baka sabihin nilang nababaliw na ako. Pero wala akong pakialam dahil masaya ako. Baka kung sila rin ang nasa sitwasyon ko ay magtatalin sila sa tuwa. Mas nanaisin ko pa ang tumira na lang dito para 'di na muling bumalik ang panaginip ko na tatlong taong gumulo at nangmulto sa akin.

Sa halip na pumunta ako ng komedor para magkape ay dumeretso ako sa labas. Pero pagtapak ko sa labas ay nanginig ako sa lamig na sumalubong sa akin. Hindi pa kasi sumisikat ang araw. Tapos may nagtataasang puno ng prutas kaya kung uminit man ay baka tanghali na saka sikatan ng araw ang bakuran ng bahay ni Lolo. Hindi pa naman ako nakasuot ng jacket. Agad-agad akong bumalik sa loob ng bahay na nangangaligkig sa lamig at yakap ang aking sarili. Eksakto naman na lumabas si Tiya sa kusina at nagulat ng makita ako.

"Galing ka sa labas?" takang tanong niya sa akin.

"Opo, Tiya, ang lamig pala sa labas," I said while shivering.

Tumawa ito at kinuha ang malaking jacket na naka-hung sa tambuli o sungay ng kalabaw na idinikit sa dingding. Matagal na iyong tambuli noon pang nabubuhay si Lolo. Alagang kalabaw daw niya ang may-ari nun pero nang mamatay ay idinikit nito iyon roon para gawing remembrance. Medyo sentiment si Lolo sabi ni Papa, at mahal na mahal nito ang kalabaw kaya ayaw nitong itapon ang tambuli.

Ibinigay niya sa akin ang jacket para isuot.

"Salamat mo," polite na bigkas ko at isinuot. Halos lamunin na ako ng damit pero hindi ko ito alintana. Pagkatapos ay binuksan ko muli ang pinto at nagpaalam dito. "Maglalakad lang po ako sa labas, Tiya, at mamaya na ako magkakape."

"Sige, hija, mag-ingat ka sa daan," paalala nito. "At huwag kang masyadong lalayo."

"Opo, tiya, uuwi rin po ako agad," pagtango ko.

Binalot ko ang sarili ko sa suot kong malaking jacket na halos umabot sa aking tuhod. Tinitignan ko ang paligid na bawat dinadaanan ko. May isang napakaliit na ligaw na bulaklak ang nakita ko sa gilid ng daan. Pinitas ko iyon at napangiti pa ako sa morning dew sa maliliit na petals ng bulaklak.

"Ang ganda!" bulalas ko at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi ko napapansin na napapalayo na ako hanggang sa lumiko ako sa isang mabatong kalsada na halatang hindi na nadadaanan ng mga tao. Matataas na rin ang mga ligaw na damo sa gilid na umaabot hanggang sa baywang ko. Sa una ay hindi ko ito pinansin at nagpalinga-linga pa ako habang namamanghang tinitignan ang mga puno. Pero nasa kalagitnaan na ako ng kalsada nang biglang napahinto ako sa paghakbang at napalingon sa pinangalingan ko. Medyo foggy pa ang daan kaya hindi ko makita ang dulo ng pinangalingan ko. Nagkibit-balikat ako at nagpatuloy sa paglalakad. May nakita muli akong ligaw na rosas na kulay pink kaya tumigil ako at pumitas ng isa.

I hissed when it's thorn prick my finger. May dugo agad na lumabas doon at pumatak iyon sa batong nasa paanan ko. Natulala ako at nag-flash sa balintataw ko ang naging panaginip ko. Katulad na katulad ng pagpatak 'nun sa pawis ko na naging pool ng dugo. Pinagpawisan ako ng malapot at animo naipako ang paa ko at hindi ako makahakbang. Nagsisimula na rin akong maging hysterical at mataranta. Bumibilis na rin ang pagsasal ng aking puso dahil sa takot.

Sa imahinasyon ko ay tumataas na ang dugo sa aking tuhod. Ni hindi ko namalayan na nagsisigaw ako sa takot. Umaalingawngaw sa tahimik na lugar na 'to ang matinis kong pagtili. Namamalisbis na ang luha ko sa mata nang may biglang kumalabit akin.

Sa takot ko ay nahimatay ako at kung hindi maagap ang lalaking lumabas ng kasukalan para mangahoy ay bumulugta na ako sa sahig.

Nang muli akong magmulat ng mata ay nasa ilalim ako ng mayabong na puno at nakahiga. Pagkaalala sa nangyari sa'kin kanina ay nangatog muli ang buo kong katawan. Bumalikwas ako ng bangon pero napadaing ako at ngumiwi nang makaramdam ng kirot sa aking ulo at likod. Siguro ay dahil sa pagkakahiga ko sa matigas na lupa.

"Maayos ba ang iyong pakiramdam, magandang binibini?"

Namutla ako at agad na nagtaas ng ulo nang marinig ang tinig na umagaw sa aking pansin. Ang mas lalo pang nangsindi sa takot ko ay ang pagtawag ng estranghero sa akin. Nakasuot ito ng lumang damit at may hawak pa itong itak. Nakaupo ito may ilang dipa ang layo sa akin at may damo pa sa bibig nito. Nakatitig siya sa akin at kahit halatang mabait ito ay kinain pa rin ako ng takot. Nagsimulang mangatog na naman ang buong kalamnan ko.

"Ako pala si Makisig. Isang tubong taga-rito sa probinsya. Narinig ko ang sigaw mo kaninang papunta ako sa kasukalan para kumuha ng panggatong. Akala ko ay may ligaw na hayop ang umataki sa'yo kaya dali akong tumakbo para sundan ang sigaw mo. Bago ka lang ba rito, binibini?" polite na paliwanag at tanong niya sa'kin.

Nang marinig ko ang tanong niya ay saka nawala ang kaba ko at napatango.

"Apo ako ni Lolo Francois. K-Kahapon lang kami nakarating dito," tugon ko. Nakahinga ako ng malalim na normal na tao ang kaharap ko. Ayaw kong himatayin muli dahil sa takot.

"Ah, iyong may-ari ng bahay na binabantayan ni Tiya Consuelo?" pamilyar na bigkas nito. "Pero anong ginagawa mo rito? Ito ang daan papunta sa mansion ng Nuevas. Gusto mo bang pumasyal sa lumang mansion? Walang nakatira roon labinlimang taon na ang nakakalipas kaya walang mag-eestima sa'yo," mahabang hayag nito.

Umiling ako at malugod na ngumiti rito. "Salamat sa pagtulong mo sa'kin. Hindi rin ako pupunta roon. Naglalakad lang ako at napadpad ako rito."

"Ganun ba? Ihahatid na kita kung babalik ka sa bahay ni Lolo Francois," alok niya kaya tumango ako.

Nauna itong naglakad at sumunod naman ako. Pero hindi ko maiwasang lingunin ang mabatong kalsada. Aminin ko na may kuryusidad na unti-unting lumulukob sa puso ko na puntahan ang lumang mansyon. As if something is dragging me to go there.

Binawi ko na ang tingin ko at hindi na muling sinulyapan ang kalsada hanggang sa makalayo kami roon. Naging tahimik na rin ang binata hanggang sa makabalik kami sa bahay ng Lolo ko.

Ang araw na rin ay nagsimulang sumikat kaya inalis ko na ang suot kong jacket.

"Makisig? Anong ginagawa mo rito? Teka, bakit kasama mo ang alaga ni ate Tacing?" takang tanong ni Tiya Consuelo nang makita kami na papasok sa bakuran.

Nahihiyang ngumiti ako kay Tiya at nagpaliwanag, "naligaw po ako, Tiya, at siya po ang nakakita sa'kin. Inalok po niya ako na ihatid ako rito."

"Hindi po siya nagsisinungaling, Tiya, narinig ko po na su—"

Maagap na pinutol ko ang sinasabi niya dahil ayaw kong mag-alala ito. "Pasok ka muna, Makisig, at magkape ka muna. Pasasalamat ko sa paghatid mo sa'kin."

Sumulyap siya sa akin na parang nauunawaan niya ang punto ko sa pagsabat dito.

"Maraming salamat, pero nagkape na ako sa bahay. Mauuna na po ako, Tiya, at kailangan ko na pong mangahoy para may panggatong kami sa bahay," magalang na pagtanggi nito.

"Ganun ba. Sige mag-ingat ka, hijo," turan ni Tiya.

Tumango ang binata. Nang mawala sa paningin namin si Makisig ay pumasok na rin kami sa loob ng bahay.

"Sa susunod ay sasamahan na kitang pumasyal. Saan mo ba gustong pumunta? Sa ilog ba?"

"Gusto ko pong tignan ang lumang mansyon ng mga Nuevas, Tiya," tugon ko at nilinga siya.

"Anong gagawin mo roon? Ang layo-layo at hindi na kaya ng tuhod ko na maglakad ng matagal," may himig pagtutol sa tonong bigkas nito.

"Kung ganun po ay kahit ako na lang pong mag-isa," wika ko at umakyat sa hagdan.

"Cecily, hija," tawag niya kaya napahinto ako at nilinga siya.

"Ano po 'yon?"

Ilang segundong tinitigan niya ako bago umiling. "Bakit ka pa aakyat sa taas? Bumaba ka na at nang mag-agahan na tayo. Baka nakapagluto na ang Nana mo."

Kumurap muna ako para siguruhin na namalikmata lang ako sa nakitang pag-aatubli sa mukha nito nang tawagin niya ako. Nang makitang nakangiti siya ay ikiniling ko ang ulo. Siguro ay namalikmata lang talaga ako.

Bumaba ako muli at pumunta kami sa komedor para kumain. Tama nga si Tiya dahil nakaluto na si Nana at naihanda na rin nito ang lamesa. Nang makita ako ni Nana ay ngumiti siya.

"Ang aga mong lumabas, anak, nagustuhan mo ba ang mga nadaanan mo?" tanong niya.

Malawak ang ngiting tumango ako. Kung buburahin ko ang takot na naramdaman ko kanina ay nag-enjoy talaga ako sa paglalakad kanina.

"Ang tahimik po rito at wala akong naririnig na tunog ng mga sasakyan. Parang mas gusto ko pong tumira na lang dito," saad ko habang naglalagay ng pagkain sa pinggan.

"Hindi kaya mababato ka lang dito? Nasanay ka sa buhay na meron ka sa syudad," diskumpiyadong bigkas ni Tiya.

Umiling ako at sumubo. Nang manguya at malunok ko ang nasa bibig ko ay sinabi kong, "hindi po. Dito po ay walang gumagambala sa pagtulog ko."

Kumunot ang noo ni Tiya pero ngumiti lamang ako. Hindi ko ipinaliwanag dito ang sinabi ko at nagpatuloy sa pag-kain ng almusal. Saka ko na ikukuwento rito kung tuluyan nang nawala ang bangungot ko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status