Share

Kabanata 4. Cecily's POV

Isang linggo pagkatapos ng exam namin at inanunsiyo ng guro na bakasyon na namin ay agad ipinaayos ni Mama ang mga gamit ko. Hindi naman labag sa aking kalooban ang pagpunta ko sa probinsya ni Lolo. Masaya pa nga ako dahil doon ay makaka-relax ako. Iniisip ko rin na baka 'pag pumunta ako run ay tigilan na ako ng bangungot ko. Kung malayo siguro ako sa kabihasnan at tumira sa mas tahimik na lugar ay hindi na ako masusundan pa ng boses. Kaya naman may ngiti sa labing inilagay ko sa may kalakihang maleta ang mga personal kong gamit. Pati na rin ang laptop ko ay dinala ko. Marami na akong na-d******d na series kaya may pagkakaabalahan din ako roon. Kung tatamarin akong lumabas ay magkukulong ako sa kuwarto at manonood.

Ang sabi ni Mama doon muna ako hanggang sa magsisimula na muli ang klase. Meaning, dalawang buwan ako sa probinsya. Siguro naman ay mapapasyalan ko ang buong probinsya hindi katulad noong dumalaw kami na apat na araw lang kami roon.

May matandang katiwala ang bahay ni Lolo kaya may sasalubong daw sa amin noon sabi ni Mama. Nagbilin din siya na huwag daw akong gumawa ng mga bagay na ikakapahamak ko dahil wala silang oras na puntahan ako roon. Dapat daw na alam ko rin kung ano ang makakabuting kilos ko para hindi ko raw distorbohin at bigyan ng problema si Nana Tacing at ang katiwala. Lahat ng 'to ay pumasok sa kaliwang taynga ko at lumabas naman sa kabila. Simula noon ay hindi ko naman binigyan ng sakit ng ulo si Nana kaya hindi ko sineryoso ang bilin ni Mama. Palagi pa ngang sinasabi ni Nana na ako raw ang pinakamabait na naging alaga niya. Palagay pa raw ang loob niya sa'kin at hindi binibigyan ng konsumisyon. Kaya para sa kaniya ay isang tunay na anak ang turing niya sa'kin. Blessed ako na siya ang naging Nana Tacing ko. Kung puwede lang na siya ang totoong Ina ko ay baka hiniling ko na. Pero alam ko na malayong mangyari 'yon.

Ngayong araw ang biyahe namin papunta sa probinsya ni Lolo at sa kaibuturan ng puso ko ay excited ako. Ako, si Nana at ang driver lang ang kasama ko sa pagpunta roon. Ni hindi nga kami pinanood ng magulang ko nang palabas na kami ng driveway. Basta nagbilin lamang sila kay Nana na kailangan naming uuwi pagkaraan ng two months. Pero inignora ko ang malamig na trato nila dahil nasanay naman ako. Nagsuot na lamang ako ng headphone sa aking ulo at nakinig ng music. Gusto kong umidlip pero hindi kampante ang utak ko dahil hindi pa nakakalayo ang sinakyan namin sa aming lugar. Sumabay ako sa chorus ng kanta at iginalaw-galaw ko pa ang aking ulo para sabayan ang togtog.

Pero napahinto ako nang alisin ni Nana ang headphone.

"Bakit po, Nana?" takang usisa ko.

"Masisira ang taynga mo sa kakasuot mo ng mga ganito, anak. Aba'y naririnig ko pa ang togtog kahit na hindi ko ilapit ang taynga ko," sita niya sa'kin.

Nangingiting napakamot ako sa aking ilong bago kinuha muli sa kaniya ang headphone. "Hihinaan ko na lang po, Nana."

Hininaan ko nga ang volume ng togtog at sumandal sa upuan. Pumikit pa ako dahil isang slow rock na kanta ang nagpe-play. Isa sa mga paborito ko noon pa man dahil ito ang palagi kong pinapakinggan sa tuwing gusto kong matulog. Pero dahil gising na gising ang aking diwa ay hindi ako dinadalaw ng antok. Humihimig pa ako at pumipilantik ang aking daliri na nakadantay sa aking binti.

Ngunit ang akala ko na hindi ako makakatulog ay hindi nangyari. Dahil nang matapos na ang apat na kanta ay pantay na aking paghinga. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog dahil pagmulat ko ay isang bako-bakong kalsada na ang tinatahak ng sinakyan namin.

"Ang himbing ng tulog mo, anak, kaya hindi na kita ginising na kumain ng tanghalian. Alas kuwatro na ng hapon," narinig kong bigkas ni Nana.

Biglang nanlaki ang aking mata at bumulalas, "Nana, hindi ako nagkaroon ng bangungot!" Alas otso kami nagbiyahe kanina at kung naalala ko ay mga nine ako nakatulog. Ibig-sabihin ay halos maghapon na akong natulog na hindi dinadalaw ng mysteryosong lalaki sa aking panaginip.

Kakaibang kaligayahan ang lumukob sa aking kaluluwa nang matanto ang bagay na 'to. Ito ang unang pagkakataon na nakatulog ako na hindi dinalaw ng bangungot ko after three years. At kulang ang salitang masaya para i-describe ko ang nararamdaman ko ngayon. Mukhang tama nga ang hula ko na hindi ako masusundan ng bangungot ko sa lugar na 'to.

Ngumiti si Nana at kinurot ang aking pisngi. "Masaya ako para sa'yo, 'nak. Sana ay tuluyan nang mawala iyan sa pagpunta natin dito. Tahimik dito sa lugar ng Lolo mo at malinis ang simoy ng hangin. Siguro ay stressed ka lang sa eskwelahan kaya nagkaroon ka ng mga bangungot. At baka dahil hindi maganda ang relasyon ninyo ng mga magulang mo kaya kung anu-ano na ang mga negatibong bagay na pumapasok sa utak mo. Mabuti na lang naisipan ng Mama mo na magbakasyon ka rito. Malayo sa magulo at maingay na syudad."

"Sana nga po, Nana! Hindi po talaga magiging normal ang buhay ko kung hindi ko ito malalampasan," bulalas ko at binuksan ang bintana. Tumingin ako sa labas at nilanghap ang hangin para punuhin ang aking baga. "Nana, malapit na tayo 'di po ba?"

Naalala ko na may lilikuan lang yata kami at at may sampung metro bago namin marating ang bahay ni Lolo. Kahit hindi madalas ang pagdalaw namin noon dito ay naaalala ko pa rin ang daan. Kung hindi ako nagkakamali ay may isang mansion ng Nuevas ang nakatirik sa pinakadulo ng probinsyang 'to. Sila raw ang pinakamayamang pamilya sa probinsyang 'to noon. Iyon lang ang alam ko tungkol sa kanila dahil hindi ako interesadong makinig kay Lolo nang ikuwento niya. Bata pa kasi ako noon kaya ang paglalaro ang nasa isip ko.

"Oo, anak," tugon ni Nana sa aking tanong.

"Naalala ko na may nabanggit si Lolo tungkol sa pinakamayamang pamilya rito. Hanggang ngayon kaya ay dito pa rin sila nakatira?" curious na tanong ko.

Natigilan si Nana at napatitig sa akin. Atubli akong ngumiti sa kaniya.

"Bakit po? May nasabi po ba akong mali?" Napakahina ng aking tinig nang sabihin ito.

Biglang ngumiti si Nana at umiling. "Wala naman, anak. Hindi ko lang akalain na nabanggit pala sa'yo ng Lolo mo ang tungkol sa mga Nuevas. Pero ang sagot sa tanong mo ay hindi rin ako sigurado. Matagal na panahon na noong bumalik ako rito para bisitahin ang lumang bahay namin."

"Ay! Nakalimutan ko, Nana, na taga-rito nga pala ang buong pamilya mo," nahihiyang wika ko.

Nakakaunawang ngumiti si Nana at pinasandig sa balikat nito. Basta talaga kasama ko siya ay palagay ang loob ko at pakiramdam ko ay safe ako. Hindi katulad 'pag ang magulang ko ang kasama ko.

Nang huminto ang sasakyan sa harap ng isang two story na lumang bahay ay agaran akong bumaba. May isang matandang babae nga ang sumalubong sa amin na nakangiti pa. Nang titigan kong mabuti ang katiwala ay nanlaki ang aking mata.

"Tiya Consuelo!" bulalas ko at patakbong sinalubong siya sabay yakap ng mahigpit. Hindi ko nakakalimutan ang katiwalang 'to dahil ito ang huling katulong ni Lolo noon.

Tumawa ang matanda at gumanti ng yakap sa akin. "Ang ganda-ganda mo na, Cecily! Hiyang ka talaga sa lugar na mas mainit ang klema," puri niya sa'kin.

Humagikgik ako at bumitaw sa yakap niya. "Sa dati po ba ang kuwarto ko, Tiya?" very eager na tanong ko.

Tumango siya kaya mabilis na tumakbo ako papasok sa loob ng bahay. Medyo binagalan ko lang ang takbo ko nang nasa may hagdan ako. Pero nang makarating ako ng second floor ay halos liparin ko na ang pinto ng magiging kuwarto ko. Pagpihit ko ng seradura at buksan iyon ay lalong lumawak ang akin ngiti. Ganoon pa rin ang ayos ng kuwarto. Lumang cabinet at kama na gawa sa kahoy. May lumang mesa at lampshade na ginagamit niya noon pa mang bumibisita siya rito. Ang bago lamang ay ang kutson at ang kubre kama.

Inihagis ko ang aking katawan sa malambot na kutson at nagpagulong-gulong. Hindi lang ang pagpunta ko rito ang dahilan kung bakit napakasaya ko. Ang matinding rason ay ang hindi ko pagkakaroon ng bangungot after kong makatulog sa sasakyan.

Nakahiga pa rin ako sa kama nang pumasok ang driver dala ang maleta ko. Agad akong umayos ng higa dahil pinanlakihan ako ng mata ni Nana na nakasunod sa lalaki. Hindi rin naman ako sinulyapan ng driver at agad ding lumabas ng kuwarto.

"Aayusin ko ang mga gamit mo sa cabinet, anak. Kung gusto mong ituloy ang pagtulog mo ay matulig ka pero kung gusto mong lumabas ay sasamahan ka ng Tiya Consuelo mo," wika nito.

Umiling ako at hinila ang kumot. "Matutulog po ako. Babawi ako ng maraming maraming tulog dahil feeling ko ay hindi ako babangungutin dito. Gisingin mo na lang po ako mamaya kung kakain tayo ng hapunan."

Umiiling na hinarap na nito ang pag-aayos ng gamit ko habang ako ay pumikit na may ngiting nakapaskil sa aking labi. May pumapasok na malamig na simoy ng hangin sa nakabukas na bintana kaya lalong mas gusto kong umidlip.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status