Share

Chapter 5

 

“Tara na, pare.”

Napalingon ako kay Aldrin at Terrence na nasa labas ng room namin, mukhang hinintay ako. Kinuha ko ang cellphone ko.

“Hindi ako sasabay.”

Tiningnan ako nang masama ni Terrence.

“‘Tang ina, hindi sinabi!”

Tumawa lang nang tumawa si Aldrin bago ako pabirong sinakal gamit ang braso niya habang kinukutusan ang ulo ko.

“‘Tang ina mo talaga!”

Nagtatawanan silang dalawa bago umalis sa building. Tinawagan ko na si Savannah na mabilis niyang sinagot.

“Tapos na ang klase mo?” tanong ko habang bumababa sa hagdan.

Tumawa siya at nagpaalam sa mga kaklase, base sa narinig ko sa kabilang linya, bago siya sumagot sa akin.

“Oo, katatapos lang.”

“O, sige. Papunta na ako,” sabi ko at nagmadaling bumaba ng hagdanan.

“Huwag na! Sa parking lot na lang, magsasayang ka pa ng oras, one hour lang ang lunch break ko.” Bahagya siyang tumawa. “Sige na, papunta na ako.”

“Hmm, sige.”

Pinatay na niya ang tawag. 

Lakad-takbo ang ginawa ko nang sa gano’n, mauna ako sa kan’ya sa parking lot. Pagkarating ko sa sasakyan ko, wala pa siya. Ilang minuto lang akong naghintay dahil nakita ko siyang naglalakad papunta sa akin, nakangiti, bahagyang sumasayaw ang buhok sa hangin.

Parang kumirot pa ang puso ko sa ganda ng mukha niya ngayong sikat na ng araw ang nagbibigay ng liwanag sa aming dalawa. Sobrang ganda niya . . . sobrang ganda ng mga ngiti niya. 

She’s like an angel, walking to me, convincing me to come with her to her paradise.

“Saan tayo kakain?” tanong niya nang nakangiti.

Ngumiti ako at pinatunog ang car alarm bago siya pinagbuksan sa shotgun seat.

“D’yan lang.”

Nagpasalamat siya sa pagbubukas ko ng pintuan bago pumasok doon at naupo. Nang maisarado ko na ang pintuan, mabilis akong umikot at sumakay sa driver’s seat. Nang makasakay, nakita ko ang ngiti niya sa akin.

“Bakit lalabas pa tayo?” tanong niya nang i-start ko ang engine.

Nagsimula na akong magmaneho palayo. “Gusto ko lang.”

Tumawa siya. “Sana pala binigay ko sa ‘yo ang schedule ko, para alam mo kung kailan mahaba ang oras ko.”

Lumingon ako sa kan’ya. “P’wede rin naman. Pero p’wede naman kitang ihatid pauwi sa unit mo mamaya kung mabitin ako ngayon.”

Bahagya siyang tumawa. “Naku, huwag na. I have my car with me.”

“Eh ‘di bukas.” She laughed. “At sa susunod pang mga bukas.”

“Hmm . . . mukhang makakatipid ako ng gasolina, ah?” sumulyap ako sa kan’ya habang nagmamaneho. Ngumiti siya. “Sa ‘yo na ba ako palagi sasabay?”

“Susunduin at ihahatid pa kita.”

“Talaga?” She laughed.

Bahagya akong tumawa at tumango sa kan’ya.

Nang makarating kami sa malapit na restaurant kung saan ako nagpa-reserve kanina, nag-park na kaagad ako sa parking lot at mabilis siyang pinagbuksan. Muli siyang nagpasalamat sa akin tsaka sabay na pumasok sa loob. Inihatid kami ng receptionist sa reserved table na para sa aming dalawa. Pagkatapos, dinaluhan kami ng waiter para kuhanin ang order.

“Anong sa ‘yo, Savannah?” tanong ko habang ini-scan ang menu.

Lumingon ako sa kan’ya. Nakita kong sumulyap siya sa akin, bago uminom ng tubig. “Salad lang sa akin,” sabi niya matapos ibaba ang baso sa lamesa.

“Bakit? Hindi ka naman mabubusog d’yan.”

Bahagya siyang ngumiti. “Nakakahiya. Ang mahal dito . . .” sabi niya bago tumingin sa paligid.

Bahagya akong tumawa. “Huwag ka nang mahiya. Ako lang naman ‘to.”

Tumawa siya. “Ikaw na lang bahala. Kahit na ano.”

Um-order ako ng dalawang beef steak para sa aming dalawa. Itinanong ng waiter kung may request ba kami para sa luto ng beef namin.

“Medium rare lang sa akin.”

Tumango ako sa waiter. “Ako rin.”

Matapos no’n, umalis na ang waiter kaya naiwan kaming dalawa.

Ngayong nakasuot siya ng damit na hindi gaanong kita ang balat niya, mas nagustuhan ko siyang tingnan ngayon. Sarado sa telang malambot na puti ang leeg niya, diretso hanggang sa dulong braso—kamay niya lang ang nakikita. Naka-tuck in ang top niya sa suot niyang maong skirt.

She’s simply pretty. I swear. Damn.

“Which is the better me? The bar girl or this one in front of you now?” nakangising tanong niya.

Napaawang ang bibig ko nang banggitin niya ang bar girl. ’Tang ina, ano bang trip ni Jin, bakit pati ‘yon sinabi niya pa?

“Bar . . . girl?” nag-aalangang tanong ko bago tumawa nang bahagya.

Tumawa siya at humalukipkip. “Sabi sa akin ng kaibigan mo, hinahanap mo raw si bar girl na nakasama mo noong nawalan ka ng malay.” Tumawa ulit siya bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Na-offend pa nga ako, pero nalaman ko na siya lang ang tumawag sa akin n’on talaga. Akala ko talaga, ikaw.”

Napasinghap ako at nakaramdam ng kaba noong sinabi niyang na-offend siya.

“Pagpasensiyahan mo na ‘yon. Mahilig lang talagang mang-asar. Hindi naman talaga kita pinapahanap. Ayaw ko nga na abalahin ka. Sorry.”

Tumawa siya. “Okay lang! Ano ka ba? Pinaliwanag naman niya na sa bar kasi ako nakilala kaya itinawag niya sa akin ‘yon. Pinaliwanag ko naman sa kan’yang hindi ako mahilig sa pagpunta do’n. Nagpupunta lang ako kung may nag-aaya.” Nagkibit-balikat siya bago muling ngumiti. “Kung hindi ako hinanap ng kaibigan mo . . . hindi mo rin ako hahanapin?”

Sa tono ng tanong niyang ‘yon, parang seryoso na siya.

Noong una, wala naman talaga akong intens’yong hanapin siya. Nakakahiya naman na iistorbohin ko siya para makausap tungkol sa mga bagay na wala naman na siyang kinalaman.

Pero alam ko naman sa sarili ko na hindi siya nawala sa isip ko.

“Nahihiya akong lumapit at istorbohin ka para lang sabihin sa ‘yo yung pinagdadaanan ko noon. Siyempre, hindi naman na importante ‘yon at labas ka na, ‘di ba?” Napalunok ako nang makita ko ulit ang labi niyang magkadikit. “Pero hindi ka naman nawala sa isip ko simula no’n.”

Umayos siya ng upo sa sinabi ko. “Bakit?”

Nagkibit-balikat ako. “Hindi ko alam.”

Tumawa siya. “Ako alam ko.”

Bahagya akong natawa sa sinabi niya. “Ano ‘yon?”

“Crush mo ako.”

Tumawa kaming pareho sa sinabi niya. “P’wede naman.”

Ngumiti siya sa akin. “Bakit mo ako crush? Kasi maganda ako?”

Nagtawanan kaming dalawa. Ang ganda niyang tingnan ngayon na nagbibiruan na kami at hindi puro conspiracy theory ang pinag-uusapan namin. Ang gaan sa pakiramdam.

“Isa sa mga dahilan . . .”

Ngumuso siya na parang dismayado. “Sabi mo, hindi lahat ng maganda, kagusto-gusto.”

“Hindi lahat. Pero isa ka sa mga magagandang kagusto-gusto.”

“At bakit?” nagtaas siya ng kanang kilay habang pinipigilan ang pagngisi.

“Kasi hindi ako komportableng kasama ka.”

Tuluyan na siyang nangiti sa sinabi ko.

“Ako, tanungin mo ako.”

Napakunot-noo ako. “Anong itatanong ko?”

“Tanungin mo kung bakit sinabi kong bawal ako sa sigarilyo kahit na hindi naman.”

Kumabog ang dibdib ko sa sinabi niyang ‘yon. Nakaramdam ng kaonting saya, kaonting pagtataka... at kaonting kaba. Halo-halo . . . hindi ko na maintindihan.

“Bakit?”

Ngumiti siya. “Kasi crush kita.”

Nag-init ang tainga ko sa narinig. Hindi ko na napigilan ang pagngiti at sobrang kaba nang ngumiti  ulit siya, na para bang seryoso siya noong sinabi ‘yon.

“Crush . . . mo ako?” hindi makapaniwalang tanong ko.

Tumango siya. “Hindi naman ‘yon ang unang beses na nagkita tayo, Connor.” Napalunok ako. “Nagkita na tayo. Nagkausap. Nagngitian. Nag . . . tawanan.”

Napakunot-noo ako. Hindi ko maalala. Kailan ‘yon?

“Pero matagal na . . .” dagdag niya nang may ngiti sa labi bago nag-iwas ng tingin. “May girlfriend ka pa no’n.”

Girlfriend? Si Riza kaya ‘yon?

“Mga kailan naman ‘yon?”

Nagkibit-balikat siya. “Basta.”

Si Riza nga siguro. Siya lang naman ang naging girlfriend ko simula noong mag-college ako. Magtatanong pa sana ako kung kailan ang saktong araw o kung saang lugar at anong ginagawa ko noong mga oras na ‘yon, pero dumating na ang order naming dalawa. Nagsimula na kaming kumain.

“I’ll take your schedule,” sabi ko habang kumakain.

Narinig ko siyang tumawa. “Are you serious about this?”

Tumingin ako sa kan’ya. Nakangiti siya habang nginunguya ang steak. Ngumiti ako sa kan’ya at tumango nang bahagya.

“I’m serious about everything, Greene.”

Nakita ko kung paano nawala ang ngiti niya bago iniwas ang tingin.

“Don’t call me that.”

Napaawang ang bibig ko. Nakaramdam ng kaba nang marinig ang kakaibang tono ng boses niya ngayon. Alam ko, sa puntong ‘yon, nagkamali ako.

“Uhm, sorry.”

Nag-angat siya ng tingin sa akin bago isinubo ang karne na nasa fork niya. She smiled. “It’s okay. I just don’t like that.”

Tumango ako at ngumiti. “I’ll take note of that.”

Itinuloy na namin ang pagkain hanggang sa matapos. Ilang sandali pa, binayaran ko na ang bill dahil baka ma-late siya. Pagkatapos no’n, lumabas na kami ng restaurant at sumakay ng sasakyan. Nakita ko siyang nagtitipa sa cellphone niya habang nagdi-drive ako. 

Nakaramdam ako ng irita dahil doon.

Bakit siya magsi-cellphone habang kasama ako?

Magsasalita na sana ako nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko. Lumingon ulit ako sa kan’ya at nakita kong ibinabalik na niya sa bag niya ang cellphone.

“Did you text me?” tanong ko.

Tumingin siya sa akin at ngumiti. “Oo. I sent you my schedule.”

Nakahinga ako nang maluwag nang dahil doon at natawa na lang. Narinig ko pa siyang natawa.

“Hmmm, I know what you’re thinking.” Bahagya siyang tumawa. “I don’t text anyone, don’t worry.”

Nakaramdam ako ng hiya dahil doon pero hindi na lang ako nagsalita. Nang makarating kami sa parking lot, may 10 minutes pa bago magsimula ang klase niya.

“Salamat sa masarap na tanghalian,” sabi niya gamit ang malambing na boses.

Parang nabaliw sa pagtibok ang puso ko nang dahil doon. Sabay kaming lumabas ng sasakyan. Sinamahan ko siyang maglakad papunta sa building nila.

“Bukas, magco-commute na lang ako papasok . . .”

Napalingon ako sa kan’ya nang dahil doon. “Bakit?”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi mo alam kung saan ang bahay ko,” tumawa siya nang bahagya. “Paano mo ako masusundo?”

“I-text mo na lang sa akin ang address mo. Hahanapin ko.”

Tumawa siya tsaka tumango. “Okay.”

Ngumiti ako sa kan’ya nang makarating kami sa harap ng department building nila. Kumaway na siya sa akin at aalis na sana. Hindi ko maintindihan kung ano ang nagtulak sa akin para hawakan ang kamay niya para pigilan siya sa pag-alis.

Nabibilad na kami pareho . . . pero hindi niya ‘yon pinansin.

Napalunok ako nang tumingin siya sa akin nang nagtatanong, hindi man lang inaalis ang kamay niya sa pagkakahawak ko.

Huminga ako nang malalim bago itinapat ang kamay niyang hawak ko sa dibdib ko. I made her feel the insane beating of my heart now that I am with her, holding her hand on my left chest, while she’s standing in front of me. Her mouth parted before she bit her lower lip.

I gulped. She . . . bit her lower lip.

Damn . . . bakit niya ginagawa ‘yon ngayon?

Ilang sandali pa, tumingin ulit siya sa akin. Mas nakita ko ang pagka-blue ng mga mata niya ngayong nasisinagan ito ng araw.

Napalunok ako bago magsalita, nakatitig sa mga mata niyang nagtatanong . . . nagtataka.

“Normal ba ‘to?” napalunok akong muli. “Ikaw lang ang gumawa niyan . . .”

Dahan-dahan niyang inialis ang kamay niya sa dibdib ko bago ngumiti. “Hindi normal ‘yan...”

Napalunok ako nang maging mas seryoso siya ngayon . . . parang kinakabahan din . . . tulad ko.

Kinakabahan . . .

Kinakabahan ka rin ba sa akin?

Bahagya siyang ngumiti.

“Hindi rin ako normal . . .”

Matapos niyang sabihin ‘yon, tuluyan na siyang umalis sa harap ko at pumasok sa loob ng building nila.

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status