Share

CHAPTER 4: Sa Piling ng Iba

GUSTONG IPAGSIGAWAN NI Sunset na wala siyang kasalanan at kailanman ay hindi siya gagawa ng makakasakit sa kapwa niya. Ngunit hindi niya alam kung paano dedepensahan ang sarili sa asawa. Alam niya rin naman na kahit anong paliwanag niya ay hindi siya nito paniniwalaan.

Nakatago pa rin sa likod niya ang mga kamay na nanginginig na dahil sa labis na sakit ng pagkapaso. Kung ikukumpara ang sakit, wala iyon sa kalingkingan ng nadarama niya ngayon.

“Ganoon ka na ba kadesperada kaya naisipan mong patayin ang importanteng tao sa buhay ko?” may pang-uuyam na tanong sa kanya ng asawa. “Kaya mong pumatay dahil sa selos, Gale?”

Napamaang ang labi ni Sunset dahil sa mabigat na paratang ni Lucian.

“Kaya ba kaagad-agad na pumayag ka sa divorce dahil ito ang plano mo?” naiinis pa ring akusa nito. “Hindi ka lang pala makati, mamamatay-tao ka—”

Isang malakas na sampal ang ibinigay niya sa asawa na naging dahilan ng pagkatahimik nito.

Hindi siya makapaniwala na kaya iyong sabihin ng asawa nang harap-harapan. May nararamdaman din siya. Sa tagal ng pagsasama nila, hindi pa rin ba siya nito kilala?

“Ganito pala kababa ang tingin mo sa akin,” may hinanakit niyang sabi sa asawa.

“S-sunset…” bakas sa mukha ni Lucian ang pagkagulat sa nasabi dala ng galit. May gusto itong sabihin ngunit pinili na lamang na manahimik noong huli.

“Limang taon! Nagtiis ako sa ugali mo, Lucian. Ni minsan, wala kang narinig na masakit na salita sa akin. Kung tutuusin, dapat nga’y sinusumbatan kita kase ang unfair mo! Baldado ka pero hindi ko magawang makatakas sa ‘yo dahil ako lang ang nakatitiis diyan sa ugali mo!” 

Puno ng galit ang pagtitig niya rito.

“Ngayong nakakapaglakad ka na, pilit mo pa rin akong isinasali sa magulong buhay mo! Kaya mo talaga sabihin sa akin ang masasakit na paratang na iyan? Ganyan talaga kababa ang tingin mo sa akin?” 

Nang subukan siyang hawakan ni Lucian, kaagad niyang tinabig ang kamay nito.

“Akala mo ikaw lang ang binibigyan ng problema rito sa mundo kaya hindi mo maisip ang nararamdaman ng ibang tao. Nanahimik na ako ‘di ba? Tahimik na ako pero bakit heto ka na naman, nanggugulo!” 

“Ang kamay mo…” bakas ang pag-aalala sa mukha ni Lucian nang makita ang kalagayan ng kamay niyang may paso.

“Huwag!” malakas niyang sambit. “Subukan mo akong hawakan…” may pagbabanta niyang sabi sa asawa.

“K-kailangang magamot ang sugat mo—”

“Hindi na!” sagot niya kaagad dito. “Katiting lang ang sakit na ito kumpara sa lahat ng ibinigay mo sa aking pasakit, Lucian.”

“Hindi pwedeng makita nila abuelo ang sugat mo…”

“Sa tingin mo talaga, kaya kong pumatay, Lucian?” seryoso niyang tanong sa asawa. “Kung may papatayin man ako. Ikaw ang uunahin ko. Ganoon kita kinasusuklaman, Lucian. Total, ginawa mong impyerno ang buhay ko. Magsama-sama na lang tayo.”

“Bawiin mo ‘yan…”

Natawa na lamang si Sunset nang mabakas ang galit sa mukha ng asawa.

“Masakit kapag totoo ano? Demonyo kase ang minahal ko. Bakit ba napakabulag ko?”

Dama niya ang mahigpit na pagkakahawak ng asawa sa kanyang palapulsuhan. Bakas dito ang galit. Nakikita niya iyon sa paraan ng pagkakatitig nito ngunit manhid na si Sunset para matakot.

“Sino sa atin ang mukhang mamatay-tao ngayon, Lucian?” 

Heto na naman ang pagbabago ng timplada ng mukha ng asawa niya. Bakas naman dito ang pagkagulat nang mapagtanto ang ginawang pananakit sa kanya.

“Ano na namang pabor ang hihingin mo ngayon?” blangko ang mukha nang tanungin niya ang asawa. 

“Hihingi ka ng tawad kay Eveth,” mabilis na sagot nito.

Kahit ano pa yatang masasakit na rason ang ibigay niya, hindi pa rin magiging manhid ang puso niya sa lahat ng pasakit na ibinibigay ng asawa. Wala siyang kasalanan. Gusto niya iyong ipagsigawan. Ngunit alam niya, kahit anong irason niya sa asawa, si Eveth pa rin ang paniniwalaan nito. 

Kaya kahit nang mga sandaling iyon ay ang bababa ng tingin niya sa sarili, pumasok pa rin siya sa kwarto ni Eveth. 

Naroon ang mga magulang nito na parehong bakas ang pag-aalala para sa anak. Mukhang may masaya naman itong pamilya ngunit bakit handa nitong wakasan ang buhay para sa isang lalaki?

“Mrs. and Mr. Robles…” untag ni Lucian sa mag-asawa.

“Oh, Lucian!” nakangiting bati ng ginang sabay baling ng atensyon sa kanya.

Naipikit ni Sunset ang mga mata nang masuyong hawakan ng asawa niya ang kamay ni Eveth. Kahit minsan ay hindi iyon nagawa ni Lucian sa kanya. Siya dapat iyon. Hindi ang kabet nito o ang kahit sino…

Sa paraan pa lamang ng paghawak ni Lucian, kinakain na siya ng selos. Tila pinipiga ang dibdib niya sa harap-harapang panloloko nito. Nanliliit na naman siya sa sarili. Gusto niyang sumigaw na narito siya. Na may nararamdaman din siya ngunit iba ang nasambit niya nang mga sandaling iyon.

“Patawad…”

Nabaling sa kanya ang tingin ng lahat. 

“Patawad kung nangyari ito sa anak niyo. Alam ko kung gaano niyo pinakaiingatan ang buhay ng anak niyo para lang mailagay ang siya sa kapahamakan. Humihingi ako ng tawad—”

Pare-parehong nagulantang ang mga naroon nang malakas na sampal ni Mr. Robles ang dumapo sa mukha ni Sunset.

“D-dad!” bulalas ni Eveth.

“Maibabalik mo ba ang buhay ng anak ko kung sakaling hindi lang iyan ang nangyari sa kanya?”

Diretso pa rin ang tingin ni Sunset sa magkahawak na kamay ng dalawa. Hindi na siya maaaring magmaang-maangan pa. Ang asawa niya… nasa piling na ng iba at hindi na babalik sa kanya…

“Ikinukulong dapat iyan!” segunda naman ng ina ni Eveth. 

 “Humihingi na siya ng tawad. Bakit naman sinaktan mo pa, Dad?” 

Heto na naman ang peke niyang ngiti. Ayos lang sa kanya na matapakan ng iba ang kanyang pagkatao ngunit ang makita ang mahal niya na may mahal ng iba? Iyon ang hindi niya kaya.

“Mom!” 

Akmang susugod naman ngayon ang nanay ni Eveth ngunit walang pakialam na tumalikod na si Sunset. Pilit siyang inaabot nito para sabunutan ngunit nakaharang na roon si Lucian.

Blangko ang mga mata. Tuloy-tuloy ang paglalakad niya hanggang makarating sa pasilyo.

Malayo-layo na rin ang nararating niya nang pigilan siya ni Lucian. Hinawakan nito ang kamay niya na pinagmasdan lamang ni Sunset.

“Pumayag si Eveth. Ihatid daw kita…” sabi ng asawa nito matapos na bitawan ang kamay niya na parang napapaso.

Nagmamadaling pumunit ng tseke si Lucian at iniabot sa kanya. Pansamantala niya lamang iyong tinitigan at mabilis na pinunit noong huli. Muli na naman itong nagsulat sa panibagong tseke at ganoon muli ang kanyang ginawa. 

“Kulang pa ba iyan, Gale?” naguguluhang tanong ng asawa niya.

Natawa na lamang si Sunset sa itinuran nito.

“Sa tingin mo ba, maaayos na lang ng lahat ng pera?” manhid na manhid na ang puso niya. Hindi niya na alam kung ano ang totoong nararamdaman.

“Ihuhulog ko sa account mo ang pera—” 

“Gawin mong sampung milyon o kaya lubayan niya na lang ako ng kabit mo. Baka iyong pang-aakusa mong mamatay-tao ako, tutuhanin ko,” may katigasan niyang sabi bago sumakay sa taxi.

Pagkapasok na pagkapasok sa sasakyan, kaagad na bumuhos ang kanyang luha. Hindi niya man kayang gantihan ang pagpapasakit sa kanya ng asawa, marami naman siyang pera. Lulubos-lubusin niya na. Total, ganoon naman ang tingin nito sa kanya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status